Pambansa-demokratikong rebolusyon
Ang pambansa-demokratikong rebolusyon ay partikular na tipo ng rebolusyon sa mga malakolonyal at malapyudal na bayan ayon sa teoryang Marxista-Leninista. Layunin ng rebolusyong ito na magtatag ng estado sa balangkas ng pambansang demokrasya na kalaunan ay matatransporma bilang sosyalistang estado.
Teoretikong kasaysayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ayon sa akademiko na si Irina Filatova, ang konsepto ng pambansang demokrasya ay batay sa paniniwala na kayang laktawan ng mga bagong layang bayan ang yugto ng kapitalismo at tuloy-tuloy na itayo ang sosyalismo sa dalawang-yugtong proseso. Ang unang yugto ay ang pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya (o ang pambansa-demokratikong rebolusyon) at ang pangalawang yugto ay ang sosyalistang konstruksyon. Kinilala ng mga teoritistang Sobyet na hindi gaanong kaunlad ang materyal na base sa mga bayang kolonya, ngunit kaya namang magkaroon ng abanteng superistruktura sa pamamagitan ng pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon doon. Maitatransporma nila ang kanilang bayan upang maging sosyalistang estado sa tulong ng blokeng komunista at ng pandaigdigang pwersa ng proletaryado. Pauunlarin nito ang materyal na base upang kagyat na maitayo ang sosyalismo sa kanilang pambansa-demokratikong estado.[2]
May partikular na katangian ang pambansa-demokratikong rebolusyon ayon kay Karen Brutents. Para sa kanya, may tendensyang anti-kapitalista ang rebolusyong ito na magwawakas sa lahat ng kolonyal at malakolonyal na pang-aapi. Pahihinain niyon ang istruktura ng imperyalistang paghahari sa iba't ibang sulok ng daigdig.
Noong una, naniniwala si Brutents na may posibilidad na maibaling sa sosyalistang rebolusyon ang pambansa-demokratikong rebolusyon kung ito ay pamumunuan ng mga grupo sa pulitika na nagdadala ng interes ng uring manggagawa. Ngunit kung sakali namang hindi makaproletaryado o mismong proletaryado ang namumuno sa rebolusyon, pahihinain pa rin nito ang imperyalismo at pyudalismo sa pagsusulong ng mga pagbabagong anti-kapitalista, na makakatulong sa pagpihit sa sosyalistang konstruksyon. Sa teorya niya, kayang maagaw ng progresibo at komunistang tendensya sa pambansa-demokratikong rebolusyon ang kapangyarihan sa panloob na balanse ng rebolusyonaryong pwersa sa una o ikalawang yugto ng rebolusyonaryong proseso.[3]
Naniniwala rin si Brutents na kayang mapihit ng mga pambansang kilusang mapagpalaya ang balanse ng pwersa sa pagitan ng blokeng kapitalista at komunista tungo sa huli, at ang Ikatlong Daigdig ang pangunahing larangan sa tunggalian ng dalawa. Ayon sa kanya, dahil sa pag-unlad ng pandaigdigang rebolusyonaryong proseso, kailangang baguhin ang pananaw hinggil sa mga bayang malakolonya at pambansang kilusang mapagpalaya.[4] Makabuluhan ang pagpihit ng patakaran na ito ng pandaigdigang kilusang komunista. Noon, ang tungkulin ng mga komunista sa ibang bayan ay ipagtanggol ang Unyong Sobyet, ang unang sosyalistang bayan. Noong dekada 1970, binigyan ng diin ang aktibong pagbaka sa imperyalismo at pandaigdigang kapitalismo para kapwa itong maibagsak.[5]
Pinuna ni Nodari Simoniya, isang teoritistang Sobyet na oryentalista mula sa Georgia ang paradigma ng dalawang-yugtong rebolusyonaryong proseso sa kanyang libro na Countries of the East: Roads of Development noong 1975. Itinanggi niya rito na may ispesyal na katangian ang pambansa-demokratikong rebolusyon. Para sa kanya, ito ay simpleng burges na rebolusyon lang na walang potensyal na direktang magtuloy sa sosyalismo.[6]
Kahit pinuna sa mga pahayagan at sa mga organo ng Partido, nagbunga ang debateng ito ng panibagong pag-unawa sa papel ng pambansa-demokratikong estado at rebolusyonaryong demokrasya.[7] Noong 1978, may inilabas na artikulo sina Semyon Agayev at Inna Tatarovskaya sa dyurnal pang-akademikong Sobyet na Asia and Africa na kung saan tinanggap nila ang karamihan ng puna ni Simoniya, liban sa usapin ng sosyalistang potensyal ng di kapitalistang landas ng pambansa-demokratikong rebolusyon at estado.[8] Sa kanilang artikulo, sinubukan nilang pagkasunduin ang kampo ng mga nagtuturing sa pambansang demokrasya bilang isang penomenong burges at ang kampo ng mga naghihinuha na kasangkapan ang pambansa-demokratikong estado para maitayo ang sosyalismo. Ang kanilang pangunahing argumento ay pag-ibahin ang pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya sa pambansa-demokratikong rebolusyon. Naglatag sila ng tatlong yugto: ang unang yugto ay ang pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya, ang pangalawang yugto ay ang pambansa-demokratikong rebolusyon at ang huling yugto ay ang sosyalistang rebolusyon.[9] Mapapansing hawig ito sa pag-iiba ni Jose Maria Sison sa lumang-tipong pambansa-demokratikong rebolusyon, bagong-tipong pambansa-demokratikong rebolusyon (o demokratikong rebolusyong bayan) at sa sosyalistang rebolusyon.
Ang saligang tungkulin ng pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya ayon kina Agayev at Tatarovskaya ay ang pagbabagsak sa kolonyalismo at ang pagtatatag ng isang malayang estado. Ang yugtong ito ay susundan ng isang pambansa-demokratikong rebolusyon na may dalawang subyugto. Ang unang subyugto ay ang paglulunsad ng panlahatang demokratikong pagbabago sa lipunan. Maihahambing ito sa mababang yugto ng pambansa-demokratikong estado na nabanggit sa una. Ang ikalawang subyugto, katulad ng rebolusyonaryong demokrasya, ay ang pagpapatupad ng mga pwersang komunista ng mga patakaran sa paglilikha ng materyal na batayan sa pagtatayo ng sosyalismo. Ang ikatlo at huling yugto, ang sosyalistang rebolusyon, ay ang ganap na pagtatayo ng sosyalismo. Sa iskemang ito, naging independyenteng yugto ang pambansa-demokratikong rebolusyon, at ang pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya ay ginawang hiwalay mula rito. Para sa mga estado na may sosyalistang oryentasyon, pansamantalang yugto iyon habang itinatayo ang sosyalismo.[10]
Pambansa-demokratikong prente
[baguhin | baguhin ang wikitext]
Nanawagan ang Internasyunal na Pulong ng mga Partido Komunista at Paggawa sa Moscow noong 1960 sa mga komunista sa "mayorya ng mga bayan" na magtatag ng mga pambansa-demokratikong prente upang pagbuklurin ang lahat ng progresibong pwersa sa iisang koalisyon. Naisip nila na katulad ng papel ng mga prente popular at nagkakaisang prente sa mga demokrasyang bayan noong mga dekada 1930 at 1940, gaganap din ng mahalagang papel ang pambansa-demokratikong prente sa pagtatatag ng pambansa-demokratikong estado. Ang pangunahing layunin ng pambansa-demokratikong prente ay pagbuklurin "ang pambansang burgesya, ang petiburgesyang lunsod at mga demokratikong intelektwal" kasama ng proletaryado sa nagkakaisang progresibong pakikibaka. Ang pangunahing layunin ng estratehiya ay upang gamitin ang nasyunalismo para isulong ang komunismo. Sa pagpapalapad ng kanilang baseng masa dahil sa pambansang nagkakaisang prente, naniniwala ang mga partido komunista na magagamit nila ito para maging salalayan ng pag-agaw nila ng kapangyarihan. Habang hindi pa hinog ang kundisyon para rito, dapat kabigin ng mga partido komunista ang mga pambansa-demokrata sa direksyong makakomunista at magsulong ng mga patakarang komunista.[11]
Bagamat mailalapat ito sa mga estadong walang partido komunista, karaniwang itinatalaga ng mga Sobyet ang pinakamalaking partido sosyalista bilang isang "pambansa-demokratikong partido." Maayos ang pakikitungo ng mga Sobyet sa mga partidong ito at inanyayahan silang dumalo sa mga kongreso ng PKUS at iba pang mga pagtitipon. Nagtatag din ng direktang ugnayan ang Partido sa kanila, halimbawa na lang sa Sudanese Union – African Democratic Rally ng Mali noong Setyembre 19, 1962.[12]
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mga libro
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Golan, Galia (1988). The Soviet Union and National Liberation Movements in the Third World. Allen & Unwin. ISBN 0044451113.
- Jeffrey, Anthea (2019). People's War: New Light for the Struggle for South Africa. Jonathan Ball Publishers. ISBN 9781868429967.
Mga artikulo sa dyurnal
[baguhin | baguhin ang wikitext]
- Filatova, Irina (2012). "The Lasting Legacy: The Soviet Theory of the National-Democratic Revolution and South Africa". South African Historical Journal. 64 (3): 507–537. doi:10.1080/02582473.2012.665077.
- Mosely, Philip E. (1964). "Soviet Policy in the Developing Countries". Foreign Affairs. 43 (1): 87–98. doi:10.2307/20039080. JSTOR 20039080.
- Shinn, Jr., William T. (1963). "The "National Democratic State": A Communist Program for Less-Developed Areas". World Politics. 15 (3): 377–389. doi:10.2307/2009468. JSTOR 2009468.
Tesis
[baguhin | baguhin ang wikitext]
- Poelzer, Greg (1989). An Analysis of Grenada as a Socialist-Oriented State (Tesis). Carleton University.
Mga talababa
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Filatova 2012, p. 508.
- ↑ Filatova 2012, pp. 515–516.
- ↑ Filatova 2012, p. 516.
- ↑ Poelzer 1989, p. 15.
- ↑ Poelzer 1989, p. 16.
- ↑ Golan 1988, p. 123.
- ↑ Golan 1988, pp. 123–125.
- ↑ Golan 1988, p. 125.
- ↑ Golan 1988, pp. 125–126.
- ↑ Golan 1988, p. 126.
- ↑ Shinn, Jr. 1963, pp. 385.
- ↑ Shinn, Jr. 1963, pp. 386.