Pambansang demokrasya (Marxismo–Leninismo)
Ang pambansang demokrasya ay isang konsepto sa Marxismo–Leninismo na sumasaklaw sa proseso ng pakikibaka ng sambayanan sa mga malakolonyal at malapyudal na bayan para sa pambansang pagpapalaya, pambansa-demokratikong rebolusyon at sa pambansa-demokratikong estado. Ang unang yugto ay tumutukoy sa pakikibaka para sa pambansang kalayaan mula sa kolonyalismo. Ang ikalawa naman ay tumutukoy sa anti-imperyalista at antipyudal na demokratikong rebolusyong bayan at ang pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika ng nagkakaisang prente sa ilalim ng absolutong pamumuno ng Partido; at ang huling proseso ay tumutukoy sa pagpapaabante mula sa pre-kapitalista o sa kapitalistang moda ng produksyon tungo sa sosyalistang moda ng produksyon sa pamamagitan ng sosyalistang konstruksyon.
Sa ngayon, bahagi ng pangkalahatang linyang pampulitika ng iba't ibang partido ang teorya ng pambansang demokrasya. Ang ideolohiya ng mga Marxista-Leninistang partido sa Pilipinas kagaya ng PKP-1930, PKP (MLM) at MLPP ay ang pambansang demokrasya na may sosyalistang perspektiba. Dala rin ng African National Congress sa Timog Aprika ang ideolohiya ng pambansa-demokratikong rebolusyon.
Batayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]
Nang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nahati ang Kanluranin sa dalawang kampo: una ay ang blokeng kapitalista na pinamumunuan ng United States at ang huli ay ang blokeng komunista na pinamumunuan ng Unyong Sobyet. Bilang tugon sa dekolonisasyon ng Ikatlong Daigdig at sa pag-usbong ng mga pambansang kilusang mapagpalaya sa panahong iyon, sinubukang magbalangkas ng mga teoritistang Sobyet ng patakaran upang sabayan ang nangyayaring pag-unlad. Noong ika-19 Kongreso ng Partido Komunista ng Unyong Sobyet (PKUS) noong 1952, ipinakilala ang mga paunang ideya na bubuo sa teorya ng pambansang demokrasya. Sa kongresong ito, tinukoy ng pamunuan ng Partido na ang mundo ay nahahati sa tatlong bloke: isang blokeng komunista, isang blokeng kapitalista at isang pangatlong bloke ng estadong nyutral. Para magtagumpay ang pandaigdigang rebolusyon, kailangan ng blokeng komunista na kabigin sa kanilang panig ang mga estadong nyutral.[1] Makalipas ang apat na taon, nang ginanap ang ika-20 Kongreso ng PKUS noong 1956, dineklara ni Nikita Khrushchev, dating unang kalihim ng Komite Sentral ng PKUS na nakikipagkaisa ang blokeng komunista sa mga bayang walang kinikilingan para lumikha ng isang "sona ng kapayapaan."
Dahil sa pagpihit sa patakaran, nagpokus ang Unyong Sobyet sa pagpapanday ng mabuting ugnayan sa mga estadong nakikita nila bilang anti-imperyalista at burges-nasyunalista. Maihahanay dito ang Ehipto sa ilalim ni Gamal Abdel Nasser at India sa ilalim ni Jawaharlal Nehru. Sa kabila ng tendensyang anti-komunista ng mga ito, inuna pa rin ng Unyong Sobyet ang relasyong diplomatiko sa kanila kaysa sa pagtulong sa lokal na partido komunista sa mga bayang iyon sa kanilang pagsisikap sa pag-agaw ng kapangyarihan. Kahit pinuna ni Khrushchev sa ika-21 Kongreso ang mga estadong ito sa panunupil sa pagkilos ng mga komunista, sinabi niya na magpapatuloy pa rin ang pagtulong ng Unyong Sobyet sa mga estadong iyon.[2]
Nang magtatapos na ang dekada 1950, nagtatag ang Komite Sentral ng PKUS ng isang ispesyal na grupo sa pamumuno ni Karen Brutents, upisyal sa Kagawarang Internasyunal ng Komite Sentral. Nagbalangkas ang grupong ito ng mga patakaran at talumpati para sa mga pamunuan ukol sa pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya sa Ikatlong Daigdig at pambansang demokrasya. Isinumite nila ang mga burador sa Kalihiman na pinakamataas na organong tagapagpaganap ng Komite Sentral para mapaaprubahan. Kapag naaprubahan, magiging upisyal na itong linya ng Partido.[3] Nito lamang 1960 sa Internasyunal na Pulong ng mga Partido Komunista at Paggawa sa Moscow naging upisyal ang paggamit ng pandaigdigang kilusang komunista sa salitang "pambansang demokrasya".[4] Umunlad ito at noong 1970 ay naging ganap na sistemang teoretiko. Ayon sa iskolar na si Irina Filatova, ilang institusyon ng pang-akademikong pananaliksik na ang nag-aral ng teorya at praktika ng pambansang pagpapalaya ng Sobyet at gumawa ng daan-daang libro, libu-libong tesis at maraming artikulo ukol sa iba't ibang aspeto nito.[3]
Kaugnay ng pambansang demokrasya ang mga konsepto ng rebolusyonaryong demokrasya at sosyalistang oryentasyon o "di kapitalistang landas ng pag-unlad".[5] Ayon sa dyurnal pang-akademikong Sobyet na Africa: Problems of Socialist Orientation, ang rebolusyonaryong demokrasya ay isang grupo sa lipunan na kumakatawan sa anti-imperyalista, antipyudal, demokratiko at sosyalistang mga tunguhin ng iba't ibang pwersa ng paggawa sa mga bayang nasa pre-kapitalista at maagang kapitalistang mga yugto ng pag-unlad.[6] Ang sosyalistang oryentasyon na idinagdag noong 1960 sa Moscow ay tumutukoy naman sa isang landas ng pag-unlad na hindi nakabatay sa kapitalismo. Yugto ang mga konseptong ito papunta sa sosyalismo para sa mga bayang tinanggihan ang kapitalismo ngunit hindi pa hinog ang kanilang materyal na kalagayan para sa sosyalistang rebolusyon.[7]
Krisis at mga grupo sa lipunang kolonyal o malakolonyal
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nakikita ng mga teoritistang Sobyet na sumasalamin sa materyal na base o ang pundasyong pang-ekonomya na umiiral sa lipunan ang mga pambansang kilusang mapagpalaya, salig sa materyalistang pananaw sa kasaysayan. Ayon sa kanila, maraming bayan sa Ikatlong Daigdig ang nasa unang yugto ng pagtatatag ng lipunang makauri na may abanteng ekonomiya, na para kay Rostislav Ulyanovsky, pangalawang pinuno ng Kagawarang Internasyunal ng PKUS hanggang 1986, ay pre-kapitalista at mayoryang prepyudal ang katangian ng istrukturang panlipunan. Bahagyang naikinukubli ito ng kapitalistang relasyon sa kalunsuran, na kinakatawanan ng produksyon ng kalakal at sirkulasyon ng salapi.
Sinang-ayunan naman ni Brutents si Ulyanovsky at sinabi na ang tipo ng mga lipunang ito ay hindi nakabatay sa relasyon sa uri kundi sa mga angkan, tribo at relihiyon. Problematiko ito dahil nakatali ang mga indibidwal sa ganitong lipunan sa mga napaglipasang konsepto tulad ng angkan o tribo, sa halip na gagapin ang tunay at materyal na kalagayan na nararanasan nila at ng kanilang kapwa.[8] Kahit batid nila na hindi sasapat ang mga tradisyunal na kategoryang makauri sa konteksto ng kanilang pinag-aaralan, malinaw na pinapaburan pa rin ng mga teoritistang Sobyet ang mga klasikong katawagang Marxista—gaya ng pambansang burgesya, petiburgesya, intelihensya, magsasaka at proletaryado—sa pagsusuri sa materyal na base ng lipunang kolonyal o malakolonyal.[9]
Ang pambansang burgesya
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ipinalagay ng mga teoritistang Sobyet na may partikular na katangian ang pambansang burgesya sa Ikatlong Daigdig na natatangi kumpara sa burgesya na makikita sa Kanluranin. Kung uunawain ang mga pagkakaiba ng dalawa, ika nila, maaari itong maging susi sa paggagap sa materyal na base ng lipunang kolonal o malakolonyal. Dagdag pa nila, ang kaibahan ng pambansang burgesya sa burgesyang Kanluranin ay hindi sila nagmamay-ari ng malalaking empresa kung kayat hindi sila kabahagi ng uring nagsasamantala.
Malimit na makita ang pambansang burgesya sa sektor ng kalakalan, serbisyo, palitan ng pera at pagpapautang; kumbaga sa karaniwang katawagang Marxista–Leninista, sila ang mga petiburges na mangangalakal. Ang pag-iral ng uring ito ay dahil sa salik ng mababang antas ng istorikong pag-unlad na pumipigil sa pagbuo ng isang uring burgesyang katulad sa abanteng mga kapitalistang bayan. Dahil dito, at dahil pagmamay-ari ng mga dayuhang monopolyo ang mga salik ng produksyon, nabansot ang pag-unlad ng pambansang burgesya bilang uri.
Sa pagsasamantala ng dayuhang kapital, nagiging mainit ang pagtanggap ng mga pambansang burges sa ideya ng pambansang pagpapalaya. Nanindigan ang mga teoritistang Sobyet na dahil dito, mas pipiliin ng pambansang burgesya na maging aktibong kalahok sa pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya sa halip na itaguyod ang umiiral na kaayusan.[10]
Mayroon pa ring di pagkakaunawaan sa loob ng Kagawarang Internasyunal kung papaano ang suri sa makauring interes ng pambansang burgesya. Halimbawa na lang, ang konserbatibong pananaw nina Vadim Zagladin at Fyodor Ryzhenko ay kaya lumalahok sila sa pambansang kilusang mapagpalaya dahil ayaw nilang makinabang ang mga dayuhang imperyalista sa kanilang tubo.[11] Naniniwala naman si Ulyanovsky na may kontradiksyon sa makauring interes ng pambansang burgesya: pabor sa kanila ang pagwawakas sa paghahari sa pulitika at ekonomya ng mga imperyalista, pero bukas din sila sa pakikipagkasundo at pakikipagkumpromiso sa huli. Pesimistiko naman si Bobodzhan Gafurov, dating puno ng Oriental Institute ng Academy of Sciences ng Unyong Sobyet. Sa isang pag-aaral noong 1970 sa patnubay ni Pyotr Fedoseyev bilang tagapayo, isinulat niya na ilusyon lang ang "rebolusyonaryong potensyal" ng pambansang burgesya at lahat ng ito ay dahil sa makasarili nitong interes. Dahil sa pagkabansot ng pambansang burgesya bilang uri, hindi ito masyadong pinagtuunan ng pansin ng mga teoritista.[12]
Gayunpaman, nananatili pa rin ang upisyal na linya ng Partido na inilatag ni Brutents na ang pambansang burgesya ay isang uring nahaharap sa kontradiksyon. Sa isang banda, nais nilang pabutihin ang kanilang kalagayan sa pagtatatag ng nagsasariling estado at pambansang pamilihan at pagkakaroon ng kontrol dito sa pamamagitan ng proteksyunistang mga patakaran. Kontra ito sa interes ng kolonyal o malakolonyal na estado. Ang kontradiksyong ito ang mapagpasiya sa paglahok ng pambansang burgesya sa pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya.[13]
Ang petiburgesya
[baguhin | baguhin ang wikitext]Di katulad ng pambansang burgesya, nakikitaan ng rebolusyonaryong potensyal ng mga ideologong Sobyet ang petiburgesya. Ngunit sa kabila nito, ayon sa iskolar na si Galia Golan, walang konsensus ang mga teoritista sa kung ano nga ba ang petiburgesya sa lipunang kolonyal o malakolonyal. May mga nagsasabing napapaloob sa panggitnang saray ang petiburgesya, na sinegundahan ni Sison, pero meron ding mga nagsasabing partikular na grupo ang panggitnang saray sa hanay ng petiburgesyang lunsod. May ilang teoritista naman ang nagsabing parte din ng panggitnang saray ang petiburgesya sa kanayunan at may mga nagsabing magkakaiba silang lahat.[14]
Paliwanag ni Ulyanovsky, bahagi ng dahilan ng pagkakaiba ng opinyon ng mga teoritistang Sobyet sa kung saan nabibilang ang petiburgesya ay dahil sa tendensya ng mga nauna sa kanila na ihanay ang makakaliwang intelihensya at militar sa pambansang burgesya. Ang paliwanag naman ni Brutents, galing ito sa ginawang pagtuturing nina Georgy Mirsky at Tatyana Pokatayeva sa mga maliit na mangangalakal at mga malayang magsasaka bilang labi ng pre-kapitalistang sistema sa halip na ilagay sila sa petiburgesya. Isang aspeto ng kalituhang ito ayon kina Aleksey Kiva ng Oriental Institute at Yevgeny Primakov ng Institute for World Economy and International Relations ng Academy of Social Sciences ng Unyong Sobyet ay ang iba't ibang relasyon sa produksyon ng mga grupo sa lipunan na karaniwang ibinibilang sa uring iyon. Pinagsama-sama ng naunang mga teoritista sa iisang uri ang mga klerk, intelektwal at upisyal militar na hindi lumalahok sa paglikha ng halaga at mga mangangalakal, artisano at maliit na prodyuser na direktang lumalahok, na dapat ay hindi. Samaktwid, ani Primakov, dapat pag-ibahin ang petiburgesya sa panggitnang saray at hindi sila dapat pagsanibin sa iisang kategorya.[15]
Naniniwala ang mga teoritista na madalas maliit lang ang kita ng petiburgesya kabilang na rito ang mga mangangalakal, maliit na negosyante, artisano at maliit na prodyuser; at kung minsan pa ay mas gipit pa sila pagdating sa pera kaysa sa proletaryado. Kung kayat anti-imperyalista ang likas na oryentasyon ng uring ito. Ayon kay Brutents, lumalahok ang petiburgesya sa pambansa-demokratikong pakikibaka dahil sa kolonyal o malakolonyal na pang-aapi, pagsasamantala at mapaminsalang kumpetisyon mula sa mga dayuhang bayan. Hinaharap din nila ang panggigipit ng mayamang mga kumprador at mga usurero.
Kahit progresibo sa paninindigan, dalawahan pa rin ang katangian ng petiburgesya dahil saray sila ng burgesya. Di tulad ng proletaryado na likas na sa kanila ang lumaban sa kapitalismo at imperyalismo, dahil mayroon pa rin silang pribadong pagmamay-ari, madali sa kanila na yakapin ang burges na mentalidad at pagpapahalaga sa kapitalistang sistema.
Gayunpaman, sa mga lipunang kolonyal o malakolonyal, madalas parehong may-ari at empleyado ang mga petiburges sa kani-kanilang mga empresa kung kayat may simpatya sila sa pakikibaka ng mga manggagawa. Dagdag pa rito, dahil ang malaking bilang ng petiburgesya ay mula sa masang magsasaka, nakakareleyt sila sa pakikibaka ng huli. Kaya ang kongklusyon ni Brutents mula sa obserbasyong ito ay tagapag-ingat ang petiburgesya ng reaksyunaryo at napaglumaang mga ideya na kapwa salungat sa kapitalismo at komunismo, halaw sa tindig ni Vladimir Lenin na dala nila ang "mga prehuwisyo, reaksyunaryong pantasya, kahinaan at pagkakamali" sa pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya.[16]
Hati ang petiburgesya, ayon sa mga teoritistang Sobyet sa kung saan sila kakampi—sa kampo ba ng burgesya o sa kampo ng proletaryado. May mga pangkatin na nagiging kolaboreytor ng kapitalismo at imperyalismo. May mga pangkatin ding pumapanig sa mamamayan. Bagamat maraming radikal na intelektwal ang mula sa hanay ng huli na tumangan ng mga ideya mula sa nasyunalismo at iba't ibang uri ng sosyalismong di Marxista, iilan lang sa kanila ang ganap na yumakap sa Marxismo–Leninismo. Gayunpaman, itinuturing pa rin silang mahalagang alyado na dapat kabigin ng saligang alyansa ng manggagawa at magsasaka sa pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya.[17]
Ang intelihensya
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang intelihensya ay ang saray na nagbibigay ng pampulitikang liderato sa petiburgesya. Nagsasarili sila bilang bahagi ng mas malawak na panggitnang saray (o ng petiburgesya) ayon sa mga teoritista dahil wala silang tiyak na makauring base na pinagmulan. Sa pananaw ni Georgy Kim na ang bulto ng myembro nito ay mula sa nakakababa at panggitnang saray, sinabi niya na karamihan sa bumubuo sa intelihensya ay pawang mga "manggagawang white-collar", kabilang dito ang mga kabataang estudyante. Taliwas dito, sinabi ni Brutents na binubuo ang intelihensya ng mga nakatataas sa lipunan, kabilang dito ang mga nasa liberal na propesyon, teknisyan at burukrata (tulad ng mga klerk at mga lingkod bayan.)[18]
Mataas ang tingin ng lipunan sa intelihensya dahil sa kanilang mataas na pinag-aralan sa sambayanang nakararami ang hindi marunong magbasa, ayon kay Brutents. Mayroon silang monopolyo sa edukasyon at kultura na humuhubog sa larangang intelektwal ng lipunang kanilang ginagalawan. May ugnay ang mga indibidwal na intelektwal sa iba't ibang uri sa lipunan na direktang sumasalamin sa kanilang samot-saring pinanggalingang uri at karanasan. Ayon pa sa kanya, dahil marami sa mga intelektwal ay nagmula sa mga pamilyang elite, may impluwensya sila sa naghaharing uri at kuneksyon sa aparato ng kolonyal o malakolonyal na estado at institusyong militar. Kasabay nito, pinakamahigpit ang kanilang ugnay sa pambansang burgesya na uri kung saan sila unang lumitaw at sa petiburgesya na halos kaparehas nila ng kalagayan.
Binigyang-diin ni Igor Andreyev, mananaliksik sa Institute of World Politics ng Academy of Social Sciences na dapat malinaw na pag-ibahin ang intelihensya sa petiburgesya. Wala silang pinatatakbong pribadong negosyong kapitalista at motibasyon na maghangad ng tubo, di tulad ng huli. Madalas din silang makiisa sa masang anakpawis sa puntong inilalagay nila ang kanilang sarili sa katayuan nito.[19]
Sa pakiwari nina Andreyev at Brutents, maiuugnay ang likas na radikalismo ng intelihensya sa kanilang pusisyon sa estadong kolonyal o malakolonyal. Dito ay nagsisilbi sila bilang mga klerk at lingkod bayan. Sa kanilang pagsisilbi, nahahamig ang mga intelektwal sa mga progresibong ideya. Sa pagpapadala ng estado sa kanila sa ibang mga bayan, namumulat sila sa lagim ng sistemang kolonyal o malakolonyal na kanilang pinaglilingkuran, na magpapaalab sa kanilang diwang makabayan.[20] Ito ngayon ang magpapausbong sa nasyunalismo na maglilibing at magbabagsak sa kolonyal o malakolonyal na estado—sa kamay ng intelihensyang pinag-aral nila.
Dahil sa karanasan ng intelihensya sa paglilingkod sa estadong kolonyal o malakolonyal, itinuturing sila bilang saray na may pinakamahalagang kaalaman sa paggugubyerno sa panahon ng pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya. Ang kanilang karanasan at pag-unawa sa dinamika sa pulitika ay ang sandata nila sa pagtataguyod ng pagbabago at paggabay sa bayan tungo sa pambansang kalayaan. Dahil dito, nakikita ni Brutents ang intelihensya bilang tagapagmulat, tagapagorganisa at tapagpagpakilos para sa pakikibaka sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga organisasyong masa na nagbubuklod sa mamamayan sa kanayunan at kalunsuran, kayat sila ang pangunahing tagapagbandila ng kolektibong pambansang adhikain para sa kalayaan, katarungang panlipunan at pagtutol sa kapitalismo, ika ni Kim.[21]
Ang militar
[baguhin | baguhin ang wikitext]
Katulad ng intelihensya, karaniwang ibinibilang ng mga teoritistang Sobyet ang mga upisyal militar sa panggitnang saray. Tinatawag din silang intelihensyang militar, kung ihahambing sa intelihensyang sibil.[21] Halos magkapareho ang katangian ng dalawang saray kung kayat magkapareho din ang ginagawang suri sa kanila. Halimbawa nito ay tindig ni Ulyanovsky na magkatulad ang bakgrawnd sa lipunan, edukasyon, mentalidad at praktikal na karanasan ng intelihensyang sibil at militar na nag-uugnay sa kanila, anuman ang kanilang materyal na katayuan o uri.[22]
Gumawa ng sariling pananaliksik ang militar Sobyet sa pangunguna ni Vasily Zhukov. Inalam ng pag-aaral ang dahilan kung bakit lumalahok ang militar sa pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya. Ayon dito, pinapag-aral ng estadong kolonyal o malakolonyal ang mga upisyal militar at mga sundalo dahil kailangan nila ng isang edukadong istap. Tulad ng karanasan ng intelihensyang sibil, hindi maiiwasan na dahil sa kanilang edukasyon at paglalakbay sa abanteng mga kapitalistang bayan na pinondohan at inorganisa ng estadong kolonyal o malakolonyal, mahahamig sila sa mga progresibong ideya.
Ang kaibahan ng intelihensyang militar sa intelihensyang sibil ay ipinapadala sila at ang kasundaluhan para magsilbing mersenaryong hukbo sa mga digmang imperyalista ng mananakop. Sa loob naman ng kolonya o malakolonya, ginagamit sila para supilin ang mga lokal na pag-aaklas at pagbabangon. Sa pandarahas na ito nahuhubog ang pambansang kamulatan nila. Pinapaalab pa ito ng diskriminasyon ng mga imperyalista sa mga upisyal militar ng kolonya o malakolonya.
Dahil sa pagtatalaga sa pinakamataas na mga pwesto sa mga upisyal mula sa bayang mananakop, humihina ang katapatan ng kasundaluhang katutubo sa estadong kolonyal o malakolonyal. Ika ni Mirsky, "walang sinuman ang higit nakadarama ng pagkaatrasado ng estado gaya ng upisyal." Pagpapalalim pa niya, nagsisimula ang pagkamulat ng upisyal militar nang nalaman niya nahuhuli na ang kanyang bayan kaysa sa ibang bayan. Ang sumisidhing alab ng pambansang kamalayan at puri ngayon ang mag-uudyok sa kanya na lumahok sa pakikibaka upang wakasan ang kolonyal o malakolonyal na paghahari. Sinag-ayunan ito ni Zhukov at idinugtong na may rebolusyonaryong potensyal ang militar dahil sa organisasyong pang-istruktura nito: maaari itong maging bag-as ng isang grupong naghahangad ng rebolusyonaryong pagbabago.[23]
Ang uring magsasaka
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang uring magsasaka ay ang mapagpasyang mayorya ng populasyon sa mga bayan sa Ikatlong Daigdig kung kayat hindi ito dapat balewalain ng mga komunista at pambansang demokrata doon. Tinatanggap ito bilang katotohanan sa pandaigdigang kilusang komunista.[24] Malaki ang rebolusyonaryong potensyal ng uring magsasaka dahil sa kolonyal/malakolonyal at malapyudal na pang-aaping nararanasan nila. Sila ang pinaka-aping uri at may pinakamaraming maipagwawagi sa tagumpay ng pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya. Ani Brutents, "ang uring magsasaka, namumuhay at nagtatrabaho sa abang kalagayan, itinaboy mula sa sariling lupa ng mga dayuhang kumpanya at mga setler, pinagdanas ng pang-aapi, di makatwirang mga batas at buwis mula sa kolonyal na gubyerno, pinagsamantalahan ng panginoong maylupa, kaginoohan at mga usurero, ay mahihimok din na lumahok sa pambansang kilusan, na ang panawagan ay lupa [para sa magsasaka] at radikal na pagpapabuti ng kanilang kalagayan." Ibinunga ng pang-aaping ito sa kanila, ayon kay Ulyanovsky, ang "makabayang damdamin ng anti-imperyalistang nasyunalismo."
Gayunpaman, nagkakasundo ang mga teoritista na ang uring magsasaka ay uri na halu-halo ang kumposisyon. Hinggil sa kung ano nga ba ang uring ito, ayon sa isang artikulo sa dyurnal pang-akademiko na Asia and Africa, ang uring magsasaka raw ay "binubuo ng mga maliit na magsasaka, mga magsasakang walang lupa at mga manggagawang bukid." Sa kabilang banda, may alinlangan ang mga katulad ni Yevgeny Primakov kung matatawag ba ito bilang uri sa pangkabuuan. Sinusuhayan niya ito ng argumentong halos imposibleng pag-ibahin ang mga magsasaka mula sa mga pangkat tribo. Bagamat nabanggit niya na nalulusaw ang sistemang tribo, mabagal naman ang prosesong ito. Tatlong pangunahing grupo sa lipunan na may magkakaibang materyal na interes ang umuusbong mula rito: ang "mga magsasaka sa sistemang tribo, sa sistemang pyudal at sa mga baryong kapitalista." Sa halip, ang "mga magsasaka" ayon kay Primakov ay lahat ng manggagawang nasa sektor ng agrikultura. Tinanggap ni Ulyanovsky ang kahulugang ito at sinabing kailangang kabigin ang mga maralitang magsasaka na bumubuo sa mayorya ng populasyon.[25]
Ang uring proletaryado
[baguhin | baguhin ang wikitext]May konsensus ang mga Sobyet na minorya sa mga lipunang kolonyal/malakolonyal at malapyudal ang proletaryado o ang uring manggagawa. Nagbabala ang mga teoritistang gaya ni Brutents laban sa tendensya ng pagiging kampante sa impluwensya ng proletaryado sa mga lipunang ito: "Samakatuwid, dapat tutulan ang paulit-ulit na tendensya—marahil upang higit na mabigyang-diin ang papel ng uring manggagawa—na ipagpilitan ang malaking bilang nito gamit ang datos sa bilang ng mga manggagawang sahuran sa pamamaraang katulad sa maunlad na mga kapitalistang bayan." Binigyang-diin din niya na hindi lahat ng manggagawang sahuran ay bahagi ng proletaryado: bagamat sumasahod din ang mga lingkod bayan, tauhang administratibo, inhinyero, teknisyan at mga katulad nila, mas angkop na isama ang mga nabanggit sa panggitnang saray dahil naiiba ang kanilang pananaw sa pulitika at kalagayang pang-ekonomya sa karaniwang manggagawa.[26]
Kung ihahambing sa pambansang burgesya, ang proletaryado lamang ang matatawag na ganap na uri. Dahil matatagpuan sila kalimitan sa mga pabrika at minahan na pagmamay-ari ng mga dayuhang kapitalista ayon kay Brutents, mas konsolidado ang mga manggagawa sa kanilang mga pananaw at paninindigan. Ito ngayon ang nagbibigay sa kanila ng adbantahe pagdating sa pag-oorganisa ng mga unyon, at kalaunan, ng isang partido komunista. Pagdating naman sa kanilang mga kahingian, hindi maiiwasan na hindi mabahiran ng anti-imperyalistang tema ang mga panawagan nila dahil ang anyo ng pagsasamantala sa kanila ay dalawahan: ang magkasanib na pagsasamantala ng dayuhan at ng burgesya. Sinang-ayunan ni Fedoseyev ang mga kongklusyong ito sa kanyang sariling pag-aaral.[27]
Tahasan nitong kinokontra ang tindig ng mga Third Worldista sa pangunguna ni Frantz Fanon na hindi lubusan ang pagkarebolusyonaryo ng mga manggagawa sa Ikatlong Daigdig dahil ang kamulatan nito ay mula sa teorya kumpara sa mga magsasaka, na absolutong mayorya sa mga bayang ito at sinasabing tunay ang pagkarebolusyonaryo ng huli dahil sa sila ang pinakanaaapi at ang kanilang kamulatan ay mula sa praktika. Tumugon si Alexander Gordon ng Institute of Scientific Information on Social Sciences at sinabi na magkapareho lang ang tindi ng pagsasamantala sa mga manggagawa sa mga kolonya/malakolonya at sa mga nasa abanteng kapitalistang bayan. Hindi rin daw porket marunong magbasa ang isang manggagawa ay hindi na siya agad papabor sa rebolusyon. Ngunit sa kabila nito, sinasang-ayunan nina Gordon at Ulyanovsky ang pusisyon ni Fanon na may namumuong aristokrasya sa paggawa sa mga lunsod ng mga kolonya/malakolonya, na hadlang sa pagbubuo ng isang solidong uring proletaryado.[28]
May kahinaan din ang tesis nina Brutents: ani Andreyev, mababa ang kamulatan sa uri ng mga manggagawa kung kayat hindi rin sila maunlad sa pulitika at organisasyon batay sa naobserbahan ni Yuri Gavrilov ng Social Science Institute ng Kagawaran ng Ideolohiya ng Komite Sentral. Sa madaling sabi, pagpapatuloy ng huli, kagamitan lang ng pagsasamantala at pang-aapi ang proletaryado habang ang ibang mga grupo sa lipunan naman ang obhetibong tagapamansag ng sosyalistang perspektiba sa pambansa-demokratikong pakikibaka. Binigyan ng paliwanag ang kakulangan sa kamulatan at organisasyon na ito ni Vasily Solodovnikov ng Africa Institute na ito ay dahil sa halos-kawalan ng malalaking kumpanya ng mga kapitalista sa mga kolonya at malakolonya. Ikinaila pa ng pag-aaral ni Fedoseyev na nagsasariling pwersa sa pulitika ang uring ito. Dahil dito, nagkasundo ang mga teoritista na higit na kailangan ang isang partido komunista na magsisilbing taliba na magmumulat, mag-oorganisa at magpapakilos sa proletaryado at ang pakikipag-alyansa sa iba't ibang mga rebolusyonaryong grupo sa lipunan.[29]
Mga ispesyal na grupo
[baguhin | baguhin ang wikitext]Bukod sa nabanggit na mga grupo sa lipunan, kinilala rin ng mga teoritista ang pagkakaroon ng isang malatradisyunal o marhinal na saray na hindi pa bumabaklas sa lumang istrukturang panlipunan pero hindi rin pa nalulusaw upang maging bahagi ng panibagong istruktura. Kabilang dito ayon kay Kim ang mga maralita, mga grupong lumpen at mga pre-proletaryo.[8]
Kinilala rin ang pangangailangang pag-aralan ang mala-proletaryado, na tinatawag din ni Pyotr Manchkha bilang "masang anakpawis na di proletaryo." Sang-ayon sa Orientalistang si Vladimir Li, may mga ispesyal na grupo sa lipunan na nabubuo sa sangandaan ng iba't ibang kalakarang pang-ekonomya sa mga bayang kolonya at malakolonya na hindi tumutugma sa modelo ng lipunan sa maagang yugto ng kapitalismo na nakita sa Europa na hindi pa nabibigyan ng puwang sa kongkretong pagsusuri. Kahawig ng malawak na kategorya ng "masang anakpawis" o "masang api" o "masang manggagawa" na ginawa ni Lenin, ibinibilang sa malaproletaryado ang mga panahunang manggagawa, mga migranteng manggagawa, mga "mala-magsasaka at mala-manggagawa" o manggagawang kapwa nagtatrabaho sa industriya at agrikultura, mga lumpen at mga maralitang magsasaka. Mga manggagawa sila na wala sa agrikultura pero hindi maibibilang sa petiburgesya kahit na may iilan sa kanila ang maliliit na prodyuser at may-ari ng mga tindahang artisano. Kasama rin dito ang mga kasambahay.[30]
Kahit hindi petiburges ang masang di proletaryo, naiimpluwensyahan sila ng ideolohiya nito, at sa pagkahamig ng petiburgesya ay nakakabig sila sa anti-imperyalistang pakikibaka. Ito ang bagay na nag-uugnay sa petiburgesya at sa mas malawak na panggitnang saray sa isang banda, at sa masang di proletaryo sa kabila. Dahil dito, sila ngayon ang nakikita bilang baseng panlipunan at pwersang pampakilos para sa pambansang pagpapalaya ayon kay Li, na para sa kanya ay nangangailangan ng higit na malalimang pagsusuri.[9]
Pambansa-demokratikong rebolusyon
[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ayon sa akademiko na si Irina Filatova, ang konsepto ng pambansang demokrasya ay batay sa paniniwala na kayang laktawan ng mga bagong layang bayan ang yugto ng kapitalismo at tuloy-tuloy na itayo ang sosyalismo sa dalawang-yugtong proseso. Ang unang yugto ay ang pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya (o ang pambansa-demokratikong rebolusyon) at ang pangalawang yugto ay ang sosyalistang konstruksyon. Kinilala ng mga teoritistang Sobyet na hindi gaanong kaunlad ang materyal na base sa mga bayang kolonya, ngunit kaya namang magkaroon ng abanteng superistruktura sa pamamagitan ng pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon doon. Maitatransporma nila ang kanilang bayan upang maging sosyalistang estado sa tulong ng blokeng komunista at ng pandaigdigang pwersa ng proletaryado. Pauunlarin nito ang materyal na base upang kagyat na maitayo ang sosyalismo sa kanilang pambansa-demokratikong estado.[5]
Tingnan pa
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Kilusang Pambansa-Demokratiko (Pilipinas) – ang praktika ng pambansang demokrasya sa Pilipinas
- Pambansa-demokratikong rebolusyon
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mga libro
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Golan, Galia (1988). The Soviet Union and National Liberation Movements in the Third World. Allen & Unwin. ISBN 0044451113.
- Jeffrey, Anthea (2019). People's War: New Light for the Struggle for South Africa. Jonathan Ball Publishers. ISBN 9781868429967.
Mga artikulo sa dyurnal
[baguhin | baguhin ang wikitext]
- Filatova, Irina (2012). "The Lasting Legacy: The Soviet Theory of the National-Democratic Revolution and South Africa". South African Historical Journal. 64 (3): 507–537. doi:10.1080/02582473.2012.665077.
- Mosely, Philip E. (1964). "Soviet Policy in the Developing Countries". Foreign Affairs. 43 (1): 87–98. doi:10.2307/20039080. JSTOR 20039080.
- Shinn, Jr., William T. (1963). "The "National Democratic State": A Communist Program for Less-Developed Areas". World Politics. 15 (3): 377–389. doi:10.2307/2009468. JSTOR 2009468.
Tesis
[baguhin | baguhin ang wikitext]
- Poelzer, Greg (1989). An Analysis of Grenada as a Socialist-Oriented State (Tesis). Carleton University.
Mga talababa
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Mosely 1964, p. 88.
- ↑ Shinn, Jr. 1963, p. 381.
- ↑ 3.0 3.1 Filatova 2012, p. 515.
- ↑ Shinn, Jr. 1963, p. 377.
- ↑ 5.0 5.1 Filatova 2012, pp. 515–516.
- ↑ Filatova 2012, p. 517.
- ↑ Filatova 2012, p. 516.
- ↑ 8.0 8.1 Golan 1988, p. 48.
- ↑ 9.0 9.1 Golan 1988, pp. 49–50.
- ↑ Golan 1988, p. 50.
- ↑ Golan 1988, pp. 50–51.
- ↑ Golan 1988, p. 51.
- ↑ Golan 1988, p. 52.
- ↑ Golan 1988, pp. 52–53.
- ↑ Golan 1988, p. 53.
- ↑ Golan 1988, p. 54.
- ↑ Golan 1988, pp. 54–55.
- ↑ Golan 1988, p. 55.
- ↑ Golan 1988, p. 56.
- ↑ Golan 1988, pp. 56–57.
- ↑ 21.0 21.1 Golan 1988, p. 57.
- ↑ Golan 1988, p. 58.
- ↑ Golan 1988, p. 59.
- ↑ Golan 1988, pp. 59–60.
- ↑ Golan 1988, p. 60.
- ↑ Golan 1988, p. 64.
- ↑ Golan 1988, p. 65–66.
- ↑ Golan 1988, p. 66.
- ↑ Golan 1988, p. 67.
- ↑ Golan 1988, p. 49.
- ↑ Filatova 2012, p. 508.