Sariling-batid na kasarian
Ang sariling-batid na kasarian, pansariling pagkakakilanlan sa kasarian o sariling-pakiramdam na kasarian (Ingles: gender identity, na mailalarawan bilang felt sense of gender) ay isang konsepto na tumutukoy sa sariling pagkilala ng isang indibidwal sa kanyang kasarian.[1] Ang konseptong ito ay naiiba mula sa likas na kasarian (sex), na tumutukoy sa biyolohikal na katangian ng isang tao, gaya ng pagkakaibang gameto ng lalaki at babae. Para sa karamihan ng mga tao, ang kaniyang pakiramdam na kasarian at biyolohikal na kasarian ay karaniwang magkatugma sa tradisyunal na paraan.[2] Ang pagpapahayag ng kasarian ay karaniwang sumasalamin sa pandamdaming kasarian ng isang tao, ngunit hindi ito laging ganito sa lahat ng pagkakataon.[3] Bagamat maaaring magpamalas ang isang tao ng mga kilos, saloobin, at anyo na naaayon sa isang partikular na gampaning pangkasarian, ang ganitong pagpapahayag ay maaaring hindi palaging sumasalamin sa kanilang pakiramdam na kasarian.
Sa maraming lipunan, may karaniwang paghahating batay sa mga inaasahang katangian ng pagiging lalaki o babae—tinatawag itong dalawahang kasarian. Kasama rito ang inaasahang kilos, anyo, at papel ng pagkalalaki o pagkababae sa katawan, pagkakakilanlan, pagpapahayag, at pagnanasa. Ngunit may mga taong hindi umaayon sa mga ito; ilan sa kanila ay tinutukoy bilang transgender, non-binary, o genderqueer. Sa ibang kultura, may kinikilalang ikatlong kasarian.
Sa paglaganap ng konsepto ng sariling-batid na kasarian (gender identity)—na naiimpluwensiyahan ng iba’t ibang salik gaya ng kultura, lipunan, at personal na karanasan—sumibol din ang ilang suliraning kaakibat nito. Isa sa mga pangunahing usapin ay ang diperensiya sa pandamdaming kasarian (gender dysphoria), na tumutukoy sa malalim at patuloy na damdamin ng hindi pagkakatugma sa kasariang itinakda sa kapanganakan, at sa hindi pagiging komportable o panatag sa sariling kasarian.[4] Sa ganitong kalagayan, may hindi pagkakaayon sa pagitan ng panlabas na kasarian o genitalya ng isang tao sa kapanganakan at ng pagkakakodang pangkasarian ng utak—kung ito man ay higit na maskulino, peminino, kumbinasyon ng dalawa, o wala sa alinman.[5]
Pinagmulan ng salita
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang salitang gender identity ay isang bagong likhang salita o neolohismo sa wikang Ingles. Unang ginamit ito noong dekada 1960, at mas lumaganap noong dekada 1970 at mga sumunod na taon. Ito ay likhang salita ng propesor ng saykayatrya na si Robert J. Stoller noong 1964, at lalo itong pinasikat ng sikolohistang si John Money.
Unang lumitaw ang salitang gender identity noong 1963 sa mga papel na ipinakita nina Robert Stoller at Ralph Greenson sa 23rd International Psycho-Analytic Congress sa Stockholm. Sa kanilang pananaliksik, inilalarawan nila ang gender identity bilang ang kamalayan ng isang tao sa kanyang kasarian—kung siya man ay lalaki o babae.
Tingnan din
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ "Gender identity | Definition, Theories, & Facts | Britannica". www.britannica.com (sa wikang Ingles). 2025-05-03. Nakuha noong 2025-05-24.
- ↑ "gender identity." Encyclopædia Britannica Online. 11 Marso 2011.
- ↑ Summers, Randal W. (2016-12-12). Social Psychology: How Other People Influence Our Thoughts and Actions [2 volumes] (sa wikang Ingles). ABC-CLIO. ISBN 978-1-61069-592-3.
- ↑ "Gender Identity Disorder | Psychology Today." Psychology Today: Health, Help, Happiness Find a Therapist. Psychology Today, 24 Oktubre 2005. Web. 17 Disyembre 2010. <http://www.psychologytoday.com/conditions/gender-identity-disorder>.
- ↑ "The term 'gender identity' was used in a press release, 21 Nobyembre 1966, to announce the new clinic for transsexuals at The Johns Hopkins Hospital. It was disseminated in the media worldwide, and soon entered the vernacular. ... gender identity is your own sense or conviction of maleness or femaleness." Money, John (1994). "'The concept of gender identity disorder in childhood and adolescence after 39 years'". Journal of Sex and Marital Therapy. 20 (3): 163–77. PMID 7996589.