Pumunta sa nilalaman

Pilosopiyang mapanuri

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Pilosopíyang mapanurî[a] ang malawak na kilusan sa Kanluraning pilosopiya na nakatuon sa pagsusuri bilang isang pamamaraan sa pamimilosopiya, gayundin sa paglilinaw sa sanaysay, kahigpitan ng mga argumento, at paggamit sa lohika sa matematika at sa mga likas na agham. Nauugnay ang kilusang ito sa pagkiling sa wika ng pilosopiya noong ika-20 siglo, na naglalayong sagutin ang mga problema gamit ng wika, semantika, at kahulugan. Ilan sa mga sangay ng pilosopiya at lohika na nadebelop bilang resulta ng kilusan ay ang pilosopiya ng wika, pilosopiya ng matematika, pilosopiya ng agham, lohika sa unang antas, at lohikang pangmatematika.

Nagsimulang gamitin ng mga pilosopo ang pagsusuri sa pagsisimula ng ika-20 siglo at naging dominante kalaunan. Ilan sa mga pilosopong iniuugnay sa kilusan ay sina Gottlob Frege, Bertrand Russell, G. E. Moore, and Ludwig Wittgenstein. Bukod sa kanila, hinahanay rin sa kilusan sina Franz Bertrano, Rudolf Carnap, W. V. O. Quine, at Karl Popper, gayundin kina Saul Kripke at David Lewis matapos lumaos ang positibismong lohikal.

Madalas na hinahanay ang pilosopiyang mapanuri sa pilosopiyang kontinental, ang tawag sa mga pilosopiyang prominente sa Europa kagaya ng eksistensiyalismo, penomenolohiya, at Hegelismo. Pinagdedebatehan sa kasalukuyan ang hangganan ng dalawang sangay na ito ng pilosopiya: ayon sa isang pananaw, nagkakaiba lamang ang dalawa sa ideolohiya at institusyon at hindi sa pamamaraan ng pamimilosopiya, samantalang itinuturing naman sa isa pang pananaw ang pilosopiyang pasuri bilang "pang-akademiya" at pilosopiyang kontinental bilang "pampanitikan".

Maraming historyador at pilosopo ang nagbigay ng kanilang mga kahulugan ng pilosopiyang mapanuri. Madalas silang nakatuon sa bahaging mapanuri: ayon kay Aloysius Martinich, maikukumpara ito sa mga larangang nagsusuri kagaya ng kimikang mapanuri, na nagsusuri sa komposisyon ng mga kemikal. Itinuturing naman ni Steven Hales ito bilang isa sa tatlong pangunahing pamamaraan sa pamimilosopiya sa Kanluraning tradisyon, kasama ng penomenolohiya at pilosopiyang nakabase sa ideolohiya. Samantala, naniniwala naman si Scott Soames sa pagkaklaro bilang isang nagtatanging katangian ng pilosopiyang mapanuri. Ayon sa kanya, taglay nito ang paninindigan sa mga ideya ng kahigpitan, klaridad, at argumento, at may layunin na hanapin ang katotohanan at kaalaman.

Bagamat mahirap masabi ang eksaktong saklaw nito, ilan sa mga katangian ng larangan ang mga sumusunod:

Gottlob Frege
Bertrand Russell

Sentro sa pag-usbong ng pilosopiyang mapanuri ang realismong Austriano sa Austria-Unggriya noong ika-19 na siglo.[1] Ipinakilala ni Franz Brentano noong 1874 ang ideya ng intensiyonalidad, na pinayabong ng mga estudyante niyang sina Edmund Husserl at Alexius Meinong, na parehong miyembro ng Paaralang Brentano, isang grupo ng mga pilosopo na impluwensiyado ni Brentano.[2] Kilala si Meinong sa kanyang natatanging ontolohiya ng mga totoong hindi umiiral na bagay bilang solusyon sa problema ng kawalang pangalan.[3] Suportado ng Paaralang Graz ang ideyang ito. Samantala, nagmula naman sa naturang paaralan ang Paaralang Lwów–Warsaw, na itinatag ni Kazimierz Twardowski noong 1895 st may kaugnayan sa Paaralang Warsaw na nakatuon naman sa matematika.

Itinuturing si Gottlob Frege bilang ang ama ng pilosopiyang mapanuri. Isang guro sa heometriya, malaki ang kanyang ambag sa pilosopiya ng matematika sa Alemanya sa simula ng ika-20 siglo. Sentro sa kanyang pag-aaral ang lohika, kung saan dinebelop niya ang lohika sa unang antas sa kanyang aklat na Begriffsschrift (1879), gayundin sa pilosopikal na katayuan ng mga matematikal na bagay sa Mga Haligi ng Aritmetika (1884).[4] Malaki rin ang impluwensiya niya sa pilosopiya ng wika at sa paksa ng kahulugan.[5] Maituturo sa kanya ang pagsisimula ng pagkiling sa wika ng pilosopiya noong ika-20 siglo.[6] Sa kanyang seminal na gawa na "Ukol sa Kahulugan at Sanggunian", inilatag niya ang isang grupo ng mga suliranin gayundin sa teorya ng di-direktang sanggunian.

Samantala, pinangunahan naman nina Bertrand Russell at G. E. Moore ang pagkontra sa idealismong Britaniko, isang maka-Hegel na kilusang nabuo sa Britanya noong huling bahagi ng ika-19 na siglo.[7] Sentro sa idealismong Britaniko ang holismong lohikal, ang pananaw kung saan ipinagpapalagay na may mga bagay sa mundo na malalaman lamang sa pamamagitan ng pag-alam sa kabuuan ng mundo. Taliwas sa ideyang ito ang iprinesenta nina Russell at Moore, na nagpahayag ng atomismong lohikal, ang ideyang nagsasabi na taglay ng mundo ang mga katotohanang walang kinalaman sa isa't-isa.[8] Noong 1901, inilathala ni Russell ang Mga Prinsipyo ng Matematika, kung saan niya unang inilahad ang isang kabalintunaan sa teorya ng pangkat. Inilathala rin niya kasama si Alfred North Whitehead ang Principia Mathematica, itinuturing bilang isa sa mga mahahalagang aklat sa lohika.[9] Pinalawig ni Ludwig Wittgenstein ang atomismong lohikal gamit ang teorya ng nilalarawang wika sa kanyang aklat na Tractatus Logico-Philosophicus (1921).

Positibismong lohikal

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Moritz Schlick
Hans Reichenbach

Noong dekada 1920s, nagsimula mabuo ang mga pangkat ng mga pilosopo sa Vienna at Berlin na may layuning idebelop ang ideya ng atomismong lohikal nina Russell at Wittgenstein, na kalauna'y humantong sa pag-usbong ng positibismong lohikal. Pinangunahan ni Moritz Schlick ang Pangkat Vienna, at si Hans Reichenbach sa Pangkat Berlin.[10] Parehong naniniwala ang dalawang pangkat sa pananaw na maipapaliwanag sa empirikal na paraan ang kaalaman.[11] Ginamit nila ang prinsipyo ng pagpapatotoo kung saan maaaring analitiko o sintetiko ang bawat may kabuluhang pahayag. Sa ilalim ng pananaw na ito, itinuturing ang mga pahayag sa agham at matematika bilang mga katotohanang mapapatotoo, habang itinuturing naman nila ang mga sangay ng pilosopiya lalo na ang metapisika bilang mga walang kuwenta. Naniniwala rin sila sa maliit na gampanin ng pilosopiya, kung saan tanging para lamang sa paglilinaw sa kaalaman ang pilosopiya at hindi isang hiwalay na larangan.

Marami sa mga kasapi ng dalawang pangkat ay Hudyo, at may iilan naman na sosyalista o pasipista. Dahil sa pag-angat ni Adolf Hitler sa Alemanya at ang kanyang ideolohiyang Nazismo, napilitan ang marami sa kanila na umalis sa Europa at nanatili sa Estados Unidos. Gayunpaman, may iilan sa kanila na naiwan, tulad ni Schlick. Noong 1936, pinatay si Schlick sa loob ng Pamantasan ng Vienna ni Hans Nelböck, na dati niyang estudyante. Samantala, sa parehong taon, inilathala ni A. J. Ayer ang kanyang aklat na Wika, Katotohanan, at Lohika, na nagpakalat sa ideya ng positibismong lohikal sa labas ng Gitnang Europa.

Ordinaryong wika

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ludwig Wittgenstein
W. V. O. Quine

Matapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nag-iba ang pokus ng pilosopiyang mapanuri papunta sa ordinaryong wika. Nagsimula ito sa tinatawag na "pangalawang yugto" ng pilosopiya ni Wittgenstein, na may malaking pagkakaiba mula sa kanyang naunang pilosopiya. Dinebelop niya ang tinatawag na "laro ng wika" at ang teorya ng paggamit bilang pamalit sa naunang teorya ng nilalarawang wika na una niyang dinebelop. Ang pagpalit ng pilosopiya ni Wittgenstein ang itinuturing na simula ng pilosopiyang Oxford, na naniniwalang sapat na ang paggamit sa ordinaryong wika sa pilosopiya kesa sa ideal na wikang ipinapanukala ng lohika. Ayon sa kanila, resulta ang mga problema sa pilosopiya sa kamalian ng pag-unawa sa ordinaryong wikang ginagamit. Sa Konsepto ng Isip (1949), sinabi ng pilosopong si Gilbert Ryle na isang kagagawan ni Rene Descartes ang konsepto ng isip at ang kaakibat nitong problema ng "multo sa makina", na aniya'y resulta diumano ng maling intindi niya sa pagkakategorya.

Pagsapit ng dekada 1950s, mas lalo pang tumindi ang pagkontra ng mga pilosopo ng ordinaryong wika sa positibismong lohikal. Ilan sa mga gawang nagpapakita nito ay ang Mga Imbestigasyong Pilosopikal (1953) ni Wittgenstein, gayundin ang sanaysay na "Dalawang Dogma ng Empirisismo" (1951) ni W. V. O. Quine, at ang aklat na Empirisismo at ang Pilosopiya ng Isip (1956) ni Wilfrid Sellars. Gayunpaman, nagsimula lumaos pareho ang ordinaryong wika at positibismong lohikal pagsapit ng sumunod na dekada, nang nagsimula lumawak ang saklaw ng pag-aaral ng pilosopiya at ang paglipat ng sentro ng pilosopiya patungong Estados Unidos kung saan hindi gaanong kilala ang mga ideya ni Wittgenstein noong panahong yon.[12][13] Sa kasalukuyan, maraming pilosopo sa mundo ang maituturing na mga analitikong pilosopo.[14]

  1. ibang katawagan: pilosopíyang analítiko, pilosopíyang analítikal
  1. Dummett 1993, p. 2
  2. Dummett 1993, p. 28
  3. Hofweber, Thomas; Everett, Anthony, mga pat. (2000). Empty Names, Fiction and the Puzzles of Non-Existence [Kawalang Pangalan, Kathang-isip, at ang mga Suliranin ng Di Pag-iral] (sa wikang Ingles). Cambridge University Press. ISBN 9781575862538.
  4. Willard, Dallas (1980). "Husserl on a Logic that Failed" [Si Husserl sa Lohikang Pumalya]. Philosophical Review (sa wikang Ingles). 89 (1): 52–53. JSTOR 2184863.
  5. Speaks, Jeff (26 Agosto 2011). Frege’s theory of reference [Teorya ng sanggunian ni Frege] (PDF) (sa wikang Ingles).
  6. Dummett 1993, p. 5
  7. MacBride, Fraser, pat. (2013). The Oxford Handbook of the History of Analytic Philosophy [Handbook ng Oxford sa Kasaysayan ng Pilosopiyang Mapanuri] (sa wikang Ingles). Oxford University Press. ISBN 9780199238842.
  8. Bailie, James (2003). Contemporary analytic philosophy [Kontemporaryong pilosopiyang mapanuri] (sa wikang Ingles). Prentice Hall. ISBN 9780130990686 – sa pamamagitan ni/ng Google Books.
  9. "Savants Move to Abandon Metaphysical Philosophy" [Aabandonahin ng mga Henyo ang Pilosopiyang Metapisikal]. Baltimore Sun (sa wikang Ingles). 31 Disyembre 1935. Inarkibo mula sa orihinal noong 6 Abril 2024. Nakuha noong 24 Agosto 2025.
  10. Carnap, R. (1928). The Logical Structure of the World [Ang Lohikal na Estraktura ng Mundo] (sa wikang Ingles). Felix Meiner Verlag. ISBN 978-0-8126-9523-6. LCCN 66013604.
  11. Hacker, Peter (1996). Wittgenstein’s Place in Twentieth-century Analytic Philosophy [Ang Lugar ni Wittgenstein sa Pilosopiyang Mapanuri ng Ika-20 Siglo] (sa wikang Ingles). Blackwell.
  12. "Analytic Philosophy" [Pilosopiyang Mapanuri]. Internet Encyclopedia of Philosophy (sa wikang Ingles).
  13. ""Analytic" and "Continental" Philosophy" [Pilosopiyang "Mapanuri" at "Kontinental"]. The Philosophical Gourmet Report (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 15 Nobyembre 2006.
  • Loux, Michael J.; Crisp, Thomas M. (2017). Metaphysics: A Contemporary Introduction [Metapisika: Kontemporaryong Panimula] (sa wikang Ingles) (ika-4 (na) labas). Routledge. ISBN 978-1-138-63933-1.
[baguhin | baguhin ang wikitext]