Pista ng Buling-Buling

Ang Pista ng Buling-Buling ay isang relihiyoso at kultural na kaganapang ipinagdiriwang taun-taon sa Pandacan, Maynila sa Pilipinas tuwing ikatlo ng Sabado ng Enero, kasabay ng pista ng bayan, upang ipagbunyi ang kanilang patron, ang Santo Niño — isang kahoy na imahe ng batang Hesukristo. Isa itong pista ng pagsayaw sa lansangan kung saan ang mga taga-bayan, mga Pandaqueño, ay nakagayak sa mga tradisyonal na kasuotang Filipino, habang sumasayaw sa mga lansangan ng Pandacan kasabay ang mga nagmamartsang banda. Noong 2005, ito ay pinagtibay bilang opisyal na pagkakakilanlan ng sayaw sa kultura ng Maynila.[1]
Kasaysayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang kultural na sayaw, Buling-Buling, ay nagmula sa salitang Filipino na “buling-buli” na lokal na nangangahulugang well-polished o pinaghandaan na nagpapahiwatig ng isang bagay o isang taong makisig at maayos manamit para sa isang kaganapan o okasyon.[2] Ito ay ipinapamalas sa makulay nitong pagdiriwang kasaby ng kaaya-aya at pinaghandaang sayaw at detalyadong katutubong mga kasuotan.
Ayon sa mga salaysay ng mananalaysay na si Mendoza (1979), ang pista ng pagsayaw sa lansangan ay nagsimula noong 1800, mga dekada matapos maitayo ang parokyang simbahan ng bayan. Noong panahong iyon, tanging ang mga kababaihan lamang ng Pandacan ang sumali sa pagsayaw sa lansangan ayon sa paglalarawan ni Mendoza:
- "May isang magandang pagtatanghal ang mga kababaihan sa Pandacan na nagsimula noong unang panahon at ito ay ginagawa sa panahon ng pagbabantay ng pista, na tinatawag na Buling-buling. Ang mga magagandang babae ay pinili dahil sa kanilang kakayahang kumanta at sumayaw, dahil sila ay kumanta at sumayaw sa mga kalye na sinasabayan ng mga gitara o isang orkestra. At habang ginagawa nila ito sa daan patungo sa simbahan, ang mga kabataang lalaki ay naghahagis ng mga barya, bulaklak, at confetti sa tabi ng kalsada."[3]
Noong sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, maraming buhay ang nagbago, kabilang na ang Buling-Buling na siyang natigil sa pagdiriwang ng mga tao. Tanging noon lamang huling bahagi ng 1970 noong sinimulang buhayin muli ng Samahang Sining at Kalinangan ng Pandacan (SSKP), na itinatag ni Ricardo B. Mendoza, ang makulay at masigasig na pista ng pagsayaw.[4]
Simula noon, ito ay itinatag bilang isang uri ng ritwal ng mga tao na sumasayaw kasabay sa saliw ng mga instrumentong pangmusika tulad ng gitara, bandurya, orkestra, at mga nagmamartsang banda.
Layunin
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang pinakalayunin ng pistang ito ay magbigay pagpupuri at pasasalamat sa Santo Niño de Pandacan para sa lahat ng biyaya na binibigay nito sa komunidad. Ito ay lubusang naipapakita tuwing buhat-buhat at isinasayaw ang imahe ng Santo Niño ng mga mananayaw upang mapanitili sila sa ilalim ng Kanyang proteksyon, na siyang naghihiwatig ng tunay na buhay na karanasan ng mga tao kapag sila ay nanghihingi ng gabay at proteksyon sa oras ng pangangailangan. Kasama sa mga biyaya na natanggap ng bayan ang ibang mga milagrosong pangyayari ng Santo Niño na nagligtas ng bayan sa paglipas ng mga taon:
- Noong 1896, nalaman ng mga awtoridad ng Espanya na ang Pandacan ang tagpuan ng mga rebolusyonaryo. Itinakda ang Pandacan na pamunuan sa ilalim ng "Juez de Cuchillo," na ibig sabihin ay bobombahin ang bayan. Nang dinala ang mga kanyon sa Nagtahan at itinutok sa simbahan, isang maliit na bata ang nakita sa ibabaw ng kanyon. Ang kumander, na kinilabutan, ay sinuspinde ang halos tiyak na pagkalipol ng mga parokyano.[2]
- Noong 1911, inilagay ni Fr. Silvino Manalo ang Santo Niño sa bintana ng tore ng simbahan na nakaharap sa nagbabagang apoy na papalapit sa Pandacan. Nag-iba ang takbo ng hangin at nailigtas ang bayan ng Pandacan sa isang malaking sunog.[5]
- Noong Disyembre 18, 1941, ang yumaong paroko na si Rev. Fr. Teodoro Francisco, na nangamba sa posibleng pagsabog ng Pandacan dahil sa mga tangke ng langis at depot na sinindihan ng United States Army Forces in the Far East (USSAFE) bago umatras sa Bataan ay sinubukang iligtas ang imahe ng Santo Niño ngunit hindi ito maalis mula sa patungan nito. Hindi nangyari ang kinatatakutang pagsabog at muling naligtas ang Pandacan. [5]
Sayaw
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang sayaw ay binubuo ng mga pangunahing hakbang ng mga kamay at paa na gumalagaw mula sa isang gilid patungong kabilang gilid. Sa kasalukuyan, ang SSKP — isang organisasyong pangkomunidad para sa kultura at sining — ay gumawa ng tatlong uri ng sayaw base sa paggalaw ng mga kamay at sa intensyon na rin ng pagsayaw. Sayaw na nagbibigay papuri, sayaw na nagbibigay paggalang, at sayaw na nagbibigay handog ay ang mga sayaw na paulit-ulit na sinasayaw.[6]
Bilang karagdagan, ang mga mananayaw ay binibigyan ng pagkakataon na interpretahin ang awitin nang magkakaiba bilang magkakahiwalay na grupo. Habang nag-iimbento ang iba't ibang grupo ng kanilang mga paggalaw at hakbang, ang taas-kamay na paghahandog ng mga bulaklak para sa Santo Niño ay isinasaalang-alang sa pagkumpleto ng sayaw ng Buling-Buling.[7]
Musika
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang sayaw ng Buling-Buling ay palaging sinasabayan ng mga nagmamartsang banda. Ang mga gitara, ukulele, at bandurya ay ginamit upang sabayang kantahan at sayawan. Sa kasalukuyan, ang "Buling-Buling 2004" ay ang piyesa ng musika na dapat pagbasehan ng mga paggalaw sa sayaw.[8] Isa itong komposisyon ni Pastor de Jesus at lyrics ni Ernesto Mendoza — parehong lokal sa bayan ng Pandacan. Ito ay kadalasang ginagawa sa 2/4 na kasukatan ng nota.[9]
Mga kalahok
[baguhin | baguhin ang wikitext]Kasama sa mga kalahok na mananayaw ang lahat ng guro sa publiko at pribadong paaralan sa elementarya at sekondarya sa paligid ng bayan at pati na rin ang mga samahang sibiko. Ang mga kasuotang isinusuot sa pagdiriwang na ito ay hango sa mga tradisyonal na kasuotan tulad ng Filipiñiana para sa mga babae at barong tagalog para sa mga lalaki.
Ang kaparian ng simbahan kasama na ang mga sakristan nito ang unang pumipila sa parada. Nagdadala sila ng mga bote ng agwa-bendita para pagpalain ang lahat ng Pandaqueño na nanonood ng pista sa labas ng kanilang mga tahanan.
Ang iba pang kalahok ay ang mga opisyal ng lungsod kasama ang presensya ng Mayor, Bise-Mayor, at mga Konsehal ng ika-6 na Distrito ng Maynila. [2] Ang mga tagapangulo ng barangay ay karaniwang may titulong "Hermano Mayor" at "Hermana Mayor", na siyang mga pangunahing sponsor ng kaganapang ito. Sa pagdiriwang ng tatlong daang gulang ng simbahang parokya ng Pandacan, inimbitahan ang mga kilalang tao na maging pangunahing sponsor na may sapat na kakayahan upang balikatin ang malaking halaga ng kinakailangang pondo. Ang dating unang ginang ng Pilipinas na si Imelda Marcos, na may townhouse sa Pandacan at minsang nanirahan dito, ay ang Hermana Mayor habang ang sikat na negosyanteng si Joel Cruz, na lumaki sa bayang ito at nagtatag ng Aficionado, ay ang Hermano Mayor. [10]
Historikal na Buling-Buling
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mga pagdiriwang ng ekumenikal
[baguhin | baguhin ang wikitext]Noong 2007, ang Simbahang Katoliko, na sumasamba sa kahoy na imahen ng Santo Niño at matagal nang punong-abala ng Buling-Buling, at ang Philippine Independent Church o mga Aglipayan—na sumasamba sa isang imaheng garing nito—ay magkasamang lumahok sa pagdiriwang sa unang pagkakataon sa kasaysayan.[2]
Sa pagdiriwang na ito, ang matagal na kasaysayan ng poot sa pagitan ng dalawang denominasyon, bawat isa pasigaw na inaangkin ang kanilang imahen ng Santo Niño bilang ang tunay na imahe, ay nabigyan din ng wakas.[11] Gayundin, ang tema para sa taon na iyon ay "Isang Higanteng Indak sa Pagkakaisa". Sina Fr. Lázaro Abaco, isang Katolikong bikaryo, at si Fr. Ted Dimla, isang Aglipayang bikaryo, ay namuno rin ng magkasamang panalangin at Bible service sa Liwasang Balagtas.[12] Simula noon, ang garing at kahoy na imahen ng Santo Niño ang namumuno sa mga mananayaw kasama ng kanilang mga kani-kanilang mga parokyano sa pista.
Lakbay-Dalangin
[baguhin | baguhin ang wikitext]Noong Nobyembre 2011, 150 parokyano ng Simbahang Parokyano ng Santo Niño de Pandacan ang sumali sa paglalakabay sa banal na lugar sa Cebu at Bohol upang ipakalat ang debosyon para sa Santo Niño at para mas lalong mapahalagahan ang pamana ng kultura ng bansa.[13] Ang mga Pandaqueño kasama ang kanilang mga pari na sina Fr. Lazaro Abaco, Fr. Ikon Supremo, Fr. Russel Ocampo, Fr. Michael Villaflor, at Fr. Sol ay gumanap sa Buling-Buling sa Banal na Bata ng Cebu at ang mga parokyano ng Simbahan ng Loboc at Baclayon sa Bohol. Ang sayaw ng Buling-Buling, na siyang koryograpiya ni Sister Myrna Verecio, ang naging highlight ng bawat paglakbay sa banal na lugar.
Grand Buling-Buling Worship Dance Festival
[baguhin | baguhin ang wikitext]Noong Nobyembre 24, 2012, isang espesyal na kaganapang pinamagatang "Grand Buling-Buling" ang ginanap sa patio ng Simbahang Katoliko ng Pandacan para sa tatlong daang gulang na pagdiriwang. Katulad pa rin ito ng ordinaryong pagdiriwang ng Buling-Buling ngunit naging paligsahan ito ng 30 na mga baranggay na nabibilang sa parokya ng Pandacan.[14] Ang bawat barangay na pinangunahan ng kani-kanilang mga Hermana at Hermano ay nagkaroon ng kahanga-hangang pagganap at pambihirang interpretasyon ng sayaw ng Buling-Buling suot ang mga kakaibang kasuotan at props.
Opisyal na pagkakakilanlang kultural na sayaw ng Maynila
[baguhin | baguhin ang wikitext]Noong 2005, isang ordinansa ng lungsod, ang Resolusyon ng Sangguniang Panlungsod Blg. 65, ay pinagtibay ng Konseho ng Lungsod ng Maynila na nagdedeklara ng pagdiriwang ng Buling-Buling bilang opisyal na pagkakakilanlan ng sayaw sa kultura ng Maynila. [15] Pinangunahan ito ng noo'y Konsehal ng Lungsod ng ika-6 na Distrito, Beth Rivera, na ang layunin ay palakasin ang turismo ng lungsod sa pamamagitan ng pagpapalaki ng mayamang kasaysayan ng kultura nito sa sayaw, musika, at kasiyahan sa pamamagitan ng Buling-Buling. Nagresulta ito sa dumaraming bilang ng mga turista, dito at sa ibang bansa, na bumibisita sa bayan taun-taon upang masaksihan ang natatanging pagdiriwang ng kulturang Pilipino.
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ "'Buling-Buling' dance adopted as Manila's official cultural festival". Manila Bulletin. July 17, 2005. Nakuha noong 1 April 2014.[patay na link]
- 1 2 3 4 Abaco, Lazaro (2010). The Child of the Pandan Reeds. Manila: The Author.
- ↑ Mendoza, Ricardo (1979). Ang Pandacan, Maynila. Manila: The Author.
- ↑ Abaco, Lazaro (2010). The Child of the Pandan Reeds. Manila: The Author.
- 1 2 Uy, Jocelyn (January 15, 2012). "'Hidden Sto. Niño for 300 years to rise". Philippine Daily Inquirer. Nakuha noong 1 April 2014.
- ↑ Samahang Sining at Kalinangan ng Pandacan. "Gabay sa Pagsasayaw ng Buling-Buling". Nakuha noong 1 April 2014.
- ↑ Abaco, Lazaro (2010). The Child of the Pandan Reeds. Manila: The Author.
- ↑ Abaco, Lazaro (2010). The Child of the Pandan Reeds. Manila: The Author.
- ↑ Evangelista, Lourdes (2006). Pandacan today : with historical and cultural origins, narrative reports, testimonials and pictorials. Quezon City, Guinniangan: Booklore Publishing Corp.
- ↑ Kiko. "Residents react to Imelda Marcos as Hermana Mayor of Buling-Buling 2012". My Pandacan 1011. Inarkibo mula sa orihinal noong 6 May 2014. Nakuha noong 1 April 2014.
- ↑ Uy, Jocelyn (January 15, 2012). "'Hidden Sto. Niño for 300 years to rise". Philippine Daily Inquirer. Nakuha noong 1 April 2014.
- ↑ Abaco, Lazaro (2010). The Child of the Pandan Reeds. Manila: The Author.
- ↑ Valenzuela, Garvin Artie (December 2011). "The Cebu-Bohol Pilgrimage: Lakbay-Dalangin 2011". Pandahayagan. Nakuha noong 1 April 2014.
- ↑ Tercentennial Commission (December 2011). "Countdown to Our Parish Tercentennial: What to Expect". Pandahayagan. Nakuha noong 1 April 2014.
- ↑ Andrade, Jeannette (January 11, 2009). "'Buling-Buling' dance in Jan. 14 festival". Philippine Daily Inquirer. Inarkibo mula sa orihinal noong 9 March 2014. Nakuha noong 1 April 2014.