Ponograpo


Ang ponograpo, na kalaunan ay tinawag na gramopono (Ingles: gramophone[a]) at mula dekada 1940 ay kilala bilang tagatugtog ng plaka o sa mas bagong termino ay turntable, ay isang kagamitang ginagamit para sa mekanikal at analogo na pag-uulit o pagpaparinig ng tunog.[b] Ang mga alon ng panginginig ng tunog ay inirerekord bilang katugmang pisikal na ukit o liko sa anyo ng heliko o paikot-ikot na uka na inukit, ini-etsa, inuka, o piniga sa ibabaw ng umiikot na silindro o disk, na tinatawag na plaka. Upang muling marinig ang tunog, pina-iikot din ang ibabaw habang ang karayom (playback stylus) ay sumusunod sa uka at panginginig nito, kaya bahagyang naipapabalik ang naitalang tunog.
Sa mga unang panahong akustikong ponograpo, ang karayom ay nagpapagalaw sa isang diyapram na lumilikha ng alon ng tunog na direktang lumalabas sa hangin sa pamamagitan ng isang pahabang trumpeta (horn), o dumidiretso sa tainga ng nakikinig sa pamamagitan ng mga headphone na gaya ng istetoskop.
Naimbento ang ponograpo noong 1877 ni Thomas Edison;[1][2][3][4] at sumikat ang paggamit nito sa sumunod na taon. Noong dekada 1880, ang Volta Laboratory ni Alexander Graham Bell ay gumawa ng ilang pagpapabuti at ipinakilala ang grapopono, kabilang ang paggamit ng mga silindrong karton na may patong na waks at isang karayom na pumuputol na gumagalaw pakanan at pakaliwa sa isang uka na parang alon sa paligid ng plaka.
Pagsapit ng dekada 1890, sinimulan ni Emile Berliner ang paglipat mula sa mga silindro tungo sa patag na disk na may paikot-ikott na uka mula sa labas papalapit sa gitna, at siya ang nagpasimuno ng terminong gramopono para sa mga tagatugtog ng plaka, isang katawagan na nanatiling laganap sa maraming wika.
Sa mga sumunod na taon, nagkaroon ng iba’t ibang pagpapahusay sa turntable at sa sistema ng pag-ikot nito, karayom, pickup system, at sa tunog at mga sistema ng pag-pantay (equalization). Ang plaka para sa ponograpo ang naging pangunahing anyo ng pamamahagi ng awdyo sa karamihan ng ika-20 dantaon, at ang mga tagatugtog ng plaka ang unang halimbawa ng tahanang awdyo na pag-aari at ginagamit ng mga tao sa kanilang mga tahanan.[5]
Noong dekada 1960, ipinakilala ang paggamit ng 8-track cartridge at cassette tape bilang mga alternatibo. Pagsapit ng huling bahagi ng dekada 1980, malaki ang ibinaba ng paggamit ng ponograpo dahil sa kasikatan ng cassette at ang pag-usbong ng compact disc. Gayunman, muling nabuhay ang interes sa mga plaka mula huling bahagi ng dekada 2000.[6]
Mga pananda
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Bilang tatak-pangkalakal mula 1887, at bilang pangkalahatang pangalan sa Reyno Unido mula 1910.
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ "The Incredible Talking Machine". Time (sa wikang Ingles). 2010-06-23. Inarkibo mula sa orihinal noong 2018-10-14. Nakuha noong 2018-10-21.
- ↑ "Tinfoil Phonograph" (sa wikang Ingles). Rutgers University. Inarkibo mula sa orihinal noong 2011-05-13.
- ↑ "History of the Cylinder Phonograph" (sa wikang Ingles). Library of Congress. Inarkibo mula sa orihinal noong 2016-08-19. Nakuha noong 2016-08-15.
- ↑ "The Biography of Thomas Edison" (sa wikang Ingles). Gerald Beals. Inarkibo mula sa orihinal noong 2011-09-03.
- ↑ pure.manchester.ac.uk (sa Ingles)
- ↑ "Better Sound from your Phonograph" ISBN 979-8218067304 (sa Ingles)