Pridyeder

Ang pridyeder (karaniwang tinatawag na ref) ay isang komersiyal at pambahay na kasangkapang may bahaging may init-insulasyon at isang bomba ng init (mekanikal, elektroniko, o kemikal) na naglilipat ng init mula sa loob patungo sa panlabas na kapaligiran upang mapalamig ang loob nito nang mas mababa kaysa sa karaniwang temperatura ng silid.[1] Mahalaga ang refrigeration o pagpapalamig bilang pamamaraan sa pag-iimbak ng pagkain sa buong mundo.[2] Pinabababa ng mababang temperatura ang bilis ng pagdami ng bakterya, kaya napapabagal ang pagkasira ng pagkain. Pinananatili ng pridyeder ang temperatura nang ilang digri sa itaas ng ˆpunto ng pagyeyelo ng tubig. Ang pinakamainam na saklaw ng temperatura para sa mga nabubulok na pagkain ay 3–5 °C (37–41 °F).[3]
Ang priser o freezer ay isang espesyal na uri ng pridyeder, o bahagi nito,[4] na nagpapanatili ng mga laman nito sa temperatura na mas mababa kaysa sa punto ng pagyeyelo ng tubig.[5] Pinalitan ng pridyeder ang kahon ng yelo, na dating karaniwang gamit sa mga tahanan sa loob ng halos isang dantaon at kalahati. Inirerekomenda ng Food and Drug Administration (FDA, o Pamamahala ng Pagkain at Gamot) ng Estados Unidos na panatilihing nasa o mas mababa sa 4 °C (40 °F) ang pridyeder at ang freezer naman ay nakatakda sa −18 °C (0 °F).[6]
Noong una, ang mga sistema ng pagpapalamig ng pagkain ay gumagamit ng yelo. Nagsimula ang artipisyal na pagpapalamig noong kalagitnaan ng dekada 1750 at umunlad sa mga unang taon ng dekada 1800.[7] Noong 1834, nabuo ang unang gumaganang vapor-compression refrigeration system (sistema ng pagpapalamig na may pag-iimpit ng singaw) na kapareho ng teknolohiyang ginagamit sa mga erkon.[8] Naimbento ang unang makinang gumagawa ng yelo noong 1854.[9] Noong 1913, naimbento ang mga pridyeder para sa tahanan.[10] Noong 1923, ipinakilala ng Frigidaire ang unang yunit na may sariling sistema. Ang pagdating ng Freon noong dekada 1920 ay nagpalawak ng merkado ng pridyeder noong dekada 1930. Noong 1940, ipinakilala ang mga home freezer o tahanang priser bilang hiwalay na kompartimento na mas malaki kaysa sa para lamang sa yelong pampalamig. Ang mga pagkaing pinapalamig, na dating luho, ay naging pangkaraniwan.
Ginagamit ang mga yunit ng priser sa mga tahanan, industriya, at komersiyo. Gumagamit na ang mga negosyong pangkalakalan ng mga pridyeder at priser halos apatnapung taon bago naging karaniwan sa mga bahay. Ang estilo na pridyeder na may priser sa itaas ang naging pamantayan mula dekada 1940 hanggang sa mauso ang modernong pridyeder na magkatabi ang piinto. Kadalasang siklo ng pag-iimpit ng singaw. ang ginagamit sa karamihan ng pridyeder sa bahay, pridyeder–priser, at priser. Ang mga bagong modelo ay maaaring may awtomatikong pagtunaw ng yelo, malamig na inuming tubig, at yelo mula sa dispensador sa pinto.
Ginagawa ang mga pambahay na pridyeder at priser sa iba’t ibang laki. Kabilang sa pinakamaliit ang mga uring-Peltier na pridyeder na para lamang sa pagpapalamig ng inumin. Ang isang malaking pridyeder sa bahay ay maaaring kasintaas ng tao at humigit-kumulang isang metro (3 piye 3 pulgada) ang lapad na may kapasidad na mga 0.6 m³ (21 tal ku). Maaaring malayang nakatayo o nakabuo sa kusina ang pridyeder at priserr. Pinahihintulutan ng pridyeder ang makabagong tahanan na mapanatiling sariwa ang pagkain nang mas matagal. Pinahihintulutan ng priser ang mga tao na makabili ng maraming nabubulok na pagkain at kainin ito sa kanilang kagustuhan, at makapamili nang maramihan.
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Peavitt, Helen (2017-11-15). Refrigerator: The Story of Cool in the Kitchen (sa wikang Ingles). Reaktion Books. p. 8. ISBN 978-1-78023-797-8.
- ↑ Aung, Myo Min; Chang, Yoon Seok (2022-10-11). Cold Chain Management (sa wikang Ingles). Springer Nature. p. 46. ISBN 978-3-031-09567-2.
- ↑ . Keep your fridge-freezer clean and ice-free. BBC. 30 Abril 2008 (sa Ingles)
- ↑ Accorsi, Riccardo; Manzini, Riccardo (2019-06-12). Sustainable Food Supply Chains: Planning, Design, and Control through Interdisciplinary Methodologies (sa wikang Ingles). Academic Press. p. 189. ISBN 978-0-12-813412-2.
- ↑ R, Rajesh Kumar (2020-08-01). Basics of Mechanical Engineering (sa wikang Ingles). Jyothis Publishers. p. 117. ISBN 978-93-5254-883-5.
- ↑ . Are You Storing Food Safely? Naka-arkibo 2022-03-05 sa Wayback Machine. FDA. 9 Pebrero 2021 (sa Ingles)
- ↑ Traitler, Helmut; Dubois, Michel J. F.; Heikes, Keith; Petiard, Vincent; Zilberman, David (2018-02-05). Megatrends in Food and Agriculture: Technology, Water Use and Nutrition (sa wikang Ingles). John Wiley & Sons. p. 120. ISBN 978-1-119-39114-2.
- ↑ Yahia, Elhadi M. (2019-07-16). Postharvest Technology of Perishable Horticultural Commodities (sa wikang Ingles). Woodhead Publishing. p. 212. ISBN 978-0-12-813277-7.
- ↑ Zhang, Ce; Yang, Jianming (2020-01-03). A History of Mechanical Engineering (sa wikang Ingles). Springer Nature. p. 117. ISBN 978-981-15-0833-2.
- ↑ O'Reilly, Catherine (2008-11-17). Did Thomas Crapper Really Invent the Toilet?: The Inventions That Changed Our Homes and Our Lives (sa wikang Ingles). Skyhorse Publishing, Inc. ISBN 978-1-62873-278-8.