Sakinur-ain Mugong Delasas
Sakinur-ain Mugong Delasas | |
|---|---|
| Nasyonalidad | Pilipino |
| Kilala sa | Pagsayaw ng igal |
| Estilo | Igal |
| Parangal | Gawad sa Manlilikha ng Bayan 2023 |
Si Sakinur-ain Mugong Delasas ay isang Pilipinang dalubhasa sa katutubong sayaw na Sama igal na ginawaran ng parangal bilang Manlilikha ng Bayan noong 2023 sa bisa ng Proklamasyon Bilang 427.[1]
Dalubhasa sa sayaw
[baguhin | baguhin ang wikitext]Dalubhasa sa pagsayaw ng igal si Sakinur-ain Mugong Delasas. Ang sayaw na igal ay isang tradisyunal na ritwal na sayaw na nakaugat sa kultura ng mga Sama na nakatira sa mga lalawigan ng Sulu at Tawi-tawi. Ang bawat galaw ng sayaw na ito ay gumagaya sa mga galaw ng mga ibon, isda, alon sa karagatan at banayad na simoy ng hangin.[2]
Natutunan ni Sakinur-ain Delasas ang pagsayaw ng igal sa paggabay ng kanyang ina. Noong 1974 ay sumapi si Delasas sa Mindanao State University - Tawi Tawi College of Technology and Oceanography Tambuli Cultural Dance Troupe kung saan ay tuluyang nahasa ang kanyang kakayahan sa pagsayaw ng igal. Nang lumaon ay naging direktor siya ng grupong ito.[2]
Ang mga pagtatanghal ng igal ni Sakinur-ain Delasas sa Semporna Igal Festival sa Malaysia, at sa ibang panig ng mundo katulad ng sa Barcelona sa Espanya at sa mga lugar sa Sydney sa Australya, at sa Belhika ay nagpamangha ng mga manonood at nagpakilala ng sayaw na igal sa labas ng bansang Pilipinas.[2]
Manlilikha ng Bayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ginawaran si Sakinur-ain Mugong Delasas ng parangal bilang Manlilikha ng Bayan noong 2023 sa bisa ng Proklamasyon Bilang 427 na nilagdaan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Disyembre 15, 2023. Ito ay dahil sa kanyang pangangalaga at pagtataguyod ng tradisyon ng Sama igal.[1][3]
Pinagtibay ng isang resolusyon ng parliamentaryo ng Bangsamoro Transition Authority ang pagbibigay ng karangalan kay Sakinur-ain Delasas bilang Manlilikha ng Bayan sa pagiging dalubhasa nito sa pagsayaw ng tradisyunal na sayaw ng Sama na igal at pagbibigay sa kanya ng papuri sa kanyang katangi-tanging kontribusyon sa kultura at sining ng Bangsamoro.[4]
Kasama si Sakinur-ain Delasas sa mga manlilikha ng bayan na pinarangalan ng Pangasiwaan sa Edukasyong Teknikal at Pagpapaunlad ng Kasanayan (Inggles: Technical Education and Skills Development Authority o TESDA) noong 2025. Kasama sa programa ay ang pag-uusap kung paano mado-dokumento, ma-standardize, at mapasama ang mga kasanayan ng mga manlilikha ng bayan sa mga programa ng TESDA na nagpapaunlad sa mga kabataan.[5]
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- 1 2 "Proclamation No. 427 Declaring Nine (9) Individuals as Manlilikha ng Bayan for 2023" (PDF). Official Gazette of the Philippines. Nakuha noong 2026-03-14.
{{cite web}}: CS1 maint: url-status (link) - 1 2 3 "Preserving traditions: Tawi-Tawi native honored with national Manlilikha ng Bayan Award - BARMM Official Website". Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (sa wikang Ingles). 2024-01-04. Nakuha noong 2026-03-14.
{{cite web}}: CS1 maint: url-status (link) - ↑ "PBBM declares nine "Manlilikha ng Bayan for 2023"". Presidential Communications Office - Office of the President of the Philippines. 2023-12-21. Nakuha noong 2026-03-14.
{{cite web}}: CS1 maint: url-status (link) - ↑ "Parliament Resolution No. 490" (PDF). Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao of the Republic of the Philippines. Nakuha noong 2026-03-14.
{{cite web}}: CS1 maint: url-status (link) - ↑ "TESDA, NCCA honor Filipino cultural masters". tesda.gov.ph (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-03-14.
{{cite web}}: CS1 maint: url-status (link)