Pumunta sa nilalaman

Salitang-ugat

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Sa morpolohiya, salitâng-ugát o salitâng payák[1][2] ang tawag sa salita na walang panlapi, nasa pinakapayak nitong anyo, at masasabing buo ang kilos.[3] Ito ang pangunahing leksikal na yunit ng isang salita, gayundin ng mga deribatibo nito, at nagtataglay ng kahulugang semantiko na hindi na maihahati pa sa mas maliliit na bahagi.[4][5] Halos lahat ng mga salitang pangnilalaman sa mga wika ay may taglay na mga morpemang ugat. Sa kabilang banda, itinuturing na salitang-ugat ang mga salitang walang panlaping impleksiyon, ngunit may kasama pa ring panlapi bilang bahagi ng naturang leksema. Halimbawa, kasaysayan ang salitang-ugat ng pangkasaysayan, bagamat ito rin ang maylaping anyo ng salitang-ugat na saysay; sa ganitong pananaw, tinatawag naman itong tangkay. Sa pinakamahigpit na kahulugan, salitang-ugat ang tawag sa mga tangkay na may iisang morpema.

May dalawang uri ng mga salitang-ugat: malaya at di-malaya.[1] Malayang ugat ang mga ugat na maaaring magamit nang walang panlapi, samantalang hindi naman magagamit nang walang panlapi ang mga di-malayang ugat. Marami sa mga salitang-ugat sa wikang Tagalog ang maituturing na malaya, tulad halimbawa ng takbo o sulat. Makikita rin ito sa mga salitang nagmula sa ibang mga wika, partikular sa wikang Espanyol at Ingles, kagaya ng bilyon sa bilyonaryo. Ayon naman sa dalubwikang si Jean-Paul Portet, may mga di-malalayang ugat sa wikang Tagalog na pawang mga pantig lamang, tulad halimbawa ng *tay, na pinaniniwalaang isang di-malayang ugat na nagpapakita sa mga salitang may kinalaman sa kamatayan, tulad ng patay, bitay, at katay. Isa ring halimbawa ang *bay, na nakikita madalas sa pagsunod kagaya ng gabay, patnubay, at abay. Maaari rin bahagi lamang ng naturang ugat ang makikita sa salita, tulad ng *bag na makikita sa mga salitang may kinalaman sa pagkasira tulad ng bagbag, tibag, at bagsak; makikita rin ito nang bahagya sa salitang agnas. Tinatayang nasa 367 isang pantig na ugat ang meron lang sa wika dahil sa limitasyon ng ponolohiya nito; dahil rito, marami sa mga ugat na ito ay magkasingtunog o mga homopono.[6]

Makikita rin ang mga di-malalayang ugat sa ibang mga wika sa Pilipinas tulad ng pikas sa sinasalitang wikang Waray sa Biliran, na nagiging pikason upang magkaroon ng kahulugan na paghahati sa dahon ng lomron (Pandanus candelabrum), isang halaman na ginagamit sa paggawa ng banig.[1]

Samantala, parehong may malaya at di-malayang ugat ang ibang mga wika. Halimbawa, sa wikang Ingles, malayang ugat ang run mula running, pero di-malaya naman ang salitang-ugat na rupt mula interrupt o disrupt.

  1. 1.0 1.1 1.2 Tabuldan, Mariel; Tipan, Maridel A.; Beltran, Jhon Kem N.; Supremo Jr., Miguel E.; Viñas, Jeson V. (Disyembre 2024). "Ang Tradisyon sa Paghahabi ng Banig: Isang Morpolohikal na Pagsusuri at Paglalarawan sa mga Leksikon" (PDF). Cognizance Journal of Multidisciplinary Studies. 4 (12): 100–110. doi:10.47760/cognizance.2024.v04i12.010. ISSN 0976-7797.
  2. Sumer, Jasmin Joy M. (Marso 2024). "Phonological and Morphological Variation of Ibanag Language" [Baryasyong Ponolohikal at Morpolohikal ng Wikang Ibanag] (PDF). International Journal of Arts, Sciences, and Education. 5 (1): 108–124. ISSN 2799-1091.
  3. Mandado, Juliet O. (2020). "Ang Penomenong Awiting Visayan Popular o (VisPop) sa Kabatang [sic] Sebwano at ilang usaping wika at kultura" (PDF). American Journal of Humanities and Social Sciences Research. 4 (11): 188–195. eISSN 2378-703X.{{cite journal}}: CS1 maint: ignored ISSN errors (link)
  4. Katamba, Francis (2006). Morphology [Morpolohiya] (sa wikang Ingles) (ika-2 (na) edisyon). Palgrave Macmillan. p. 42. ISBN 9781403916440.
  5. "Root" [Ugat]. Glossary of Linguistic Terms (sa wikang Ingles). 3 Disyembre 2015.
  6. Portet, Jean-Paul G. (Disyembre 1995). "Tagalog Monosyllabic Roots" [Mga Monosilabikong Ugat ng Tagalog]. Oceanic Linguistics (sa wikang Ingles). 34 (2). University of Hawai'i Press: 345–374. Nakuha noong 22 Pebrero 2025 – sa pamamagitan ni/ng JSTOR.