Sangguniang gawa
Sangguniang gawa ang gawa na maaaring makuhanan ng impormasyon, tulad halimbawa ng papel, aklat, o diyaryo (at mga anyo nitong digital). Nakadisenyo ang mga ito upang makita agad ng naghahanap ang hinahanap na impormasyon. Sa ganitong konteksto, sumasangguni ang isang indibidwal sa naturang gawa at hindi nagbabasa. Madalas na nasa tonong impormatibo ang paraan ng pagsusulat sa mga ito, kung saan iniiwasan ng mga may-akda na maglagay ng opinyon at ang paggamit ng mga panghalip sa unang katauhan (halimbawa, "ako", "akin", "ko").

Karaniwan na makakakita ng mga indeks sa mga sangguniang gawa, madalas sa dulo nito, bagamat meron ding naglalathala ng mga hiwalay na bolyum kagaya ng Encyclopaedia Britannica. Madalas din na grupo ng mga tao ang sama-samang gumagawa sa mga ganitong uri ng gawa, na pinamumunuan ng mga patnugot. Madalas din na inilalathala ang mga edisyon nito kung kinakailangan, minsan taunan tulad ng mga taunang almanac.
Kabilang sa mga kinokonsiderang sangguniang gawa ang mga aklat-pampaaralan, almanac, atlas, bibliograpiya, talambuhay, katalogo, diksiyonaryo, direktoryo, diskograpiya, ensiklopedya, pilmograpiya, glosaryo, manwal, at tesauro. Bagamat tradisyonal na inilalathala sa papel ang mga ito, madalas din na may mga kaakibat itong mga anyong digital o online sa pamamagitan ng internet sa modernong panahon, tulad halimbawa ng Wikipedia, ang pinaka-binabasa at pinakamalaking sangguniang gawa sa kasaysayan.[1]
Aklatan
[baguhin | baguhin ang wikitext]
Hindi madalas pwedeng hiramin ang maraming klase ng mga sangguniang gawa sa mga aklatang pampubliko at pampaaralan di tulad ng ibang mga aklat. Dahil madalas magamit ito at mahal, inaalok ng mga aklatan na ipaseroks ang bahaging kinakailangan ng nangangailangan kesa sa ipahiram ito.[2]
Elektronikal na sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]
Elektronikal na sanggunian ang tawag sa mga sangguniang gawa na nakalagay sa mga elektronikong device tulad ng mga kompyuter at kabilang ang mga datos mula sa internet. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang mga ebook, database, website, at mga programa.[3]
Sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ "Wikipedia is 20, and its reputation has never been higher" [20 [taon] na ang Wikipedia, at an reputasyon nito ay nasa pinakamataas nito]. The Economist (sa wikang Ingles). 9 Enero 2021. Inarkibo mula sa orihinal noong 31 Disyembre 2022.
- ↑ "Why are some books non-circulating or in-library use?" [Bakit bawal gamitin o pwede lang sa loob ng aklatan ang ilang mga aklat?]. Harvard Library (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 7 Hulyo 2024.
- ↑ Reitz, Joan (2004). "Electronic Resource" [Elektronikong mapagkukunan]. Online Dictionary for Library and Information Science [Diksiyonaryong Online para sa Agham Pang-aklatan at Pang-impormasyon] (sa wikang Ingles). Bloomsbury Academic. ISBN 9781563089626. Inarkibo mula sa orihinal noong 7 Disyembre 2024.