Siklong Rankine
Ang siklong Rankine ay isang saradong siklo kung saan ang init ay gumagawa ng puwersa para pagalawin ang isang bagay. Kung saan sa sistemang ito, ang gumagalaw na bagay ay isang turbina na nakakabit sa isang generator na siyang lumilikha ng elektrisidad para magkaroon ng gagamiting kuryente sa mga tahanan at sa industriya. Ito ay isang sistemang likidong singaw (vapor-liquid) dahil ang likidong paulit-ulit na pinapainit at pinapalamig sa siklong ito ay tubig o kahit anong likido na maaaring dumaan sa proseso ng kondensasyon.
Ang konseptong ito ay unang pinakita at inilahad ni William John MacQuorn Rankine noong 1859. Siya ay nagsilbi bilang pangunahing tao ng Inhinyeriyang Sibil at ng Mekanika sa Unibersidad ng Glasgow.
Ang siklo ito ay karaniwang ginagamit sa mga plantang lumilikha ng kuryente kung saan ang pinagkukunan ng init ay mula sa pagsusunog ng uling o coal, natural na gas at langis at sa proseso ng pagsasamang nukleyar. Ang siklong ito ay minsang tinatawag bilang praktikal na Carnot dahil magkatulad ang mga diagramong T-s nila. Ang pagkakaiba lamang ay isang sistemang ideyal ang siklong Carnot.
Ang simpleng siklong Rankine ay karaniwang mayroong apat na makinarya. Ito ay ang tagakulo (boiler), ang turbina, ang pampalapot (condenser) at ang pang-apat ay ang taga-bomba (pump). Sa mga ito umiikot ang likido na nagiging singaw at nagiging likido depende sa proseso na pinagdaanan nito. mayroong apat na pangunahing proseso sa siklong ito. Una, ang pagbomba ng likido papunta sa tagakulo sa pamamagitan ng paggamit ng mataas ng presyon. Pangalawa, pagdating ng likido sa taga-init ay iinitin ang likido dito sa hindi nagbabagong presyon. Pangatlo, lalabas ang likido sa taga-init at pupunta naman ito sa turbina kung saan ito ay lalawak dahil sa init na siyang lilikha ng kuryente sa pamamagitan ng nakakabit dito na generator. At panghuli, ang likido ay bababa sa pampalapot kung saan ito ay lalamig at magiging likido. Ang apat na proseso na ito ay mauulit para simulan na naman ang panibagong siklo.
Ang karaniwang kahusayan ng siklong Rankine ay umaabot sa apatnapu't dalawang porsyento.