Pumunta sa nilalaman

Silid-aralan

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Isang silid-aralan sa Pamantasang De La Salle sa Maynila, Pilipinas

Ang silid-aralan ay isang espasyo para sa pag-aaral, isang silid na kung saan natututo ang mga bata at matanda ng iba't ibang mga bagay. Matatagpuan ang mga silid-aralan sa mga iba't ibang institusyon pang-edukasyon, mula sa mga preschool hanggang sa mga pamantasan, at maaring matagpuan din sa ibang mga lugar kung saan mayroong pagsasanay o edukasyon na binibigay, katulad ng mga korporasyon at organisasyong pang-relihiyon o makatao. Sinusubok ng silid-aralan na magbigay ng isang espasyo kung saan ang pagkatuto ay hindi naabala ng panlabas na gambala.

Para sa mga aralin na nangangailangan ng tiyak na mga kagamitan o kaya bokasyunal na aspekto, iba't ibang silid-aralan – parehong panloob at panlabas - ang ginagamit. Binibigyang-daan nito ang pagkatuto sa isang kapani-paniwalang konteksto na naglilinang ng likas na pag-unlad ng isang partikular na kasanayang bokasyunal. Ito ay kilala bilang situwadong pagkatuto o situated learning. Ang mga silid-aralan ay sumasaklaw mula sa mga maliliit na pangkat ng lima o anim hanggang sa mga malalaking silid na mayroong daan-daang mag-aaral. Ang isang malaking silid-aralan ay tinatawag ring bulwagang panayam o lecture hall. Ilan sa mga halimbawa ng mga silid-aralan ay mga laboratoryong pang-kompyuter na ginagamit para sa mga teknolohiyang pang-impormasyon na aralin sa mga paaralan, himnasyo para sa pampalakasan, at mga laboratoryo sa agham na para naman sa biyolohiya, kimika, at pisika. Mayroon ring mga silid para sa mga maliliit na pangkat kung saan natututo ang mga mag-aaral sa mga pangkat na hindi hihigit ng pito ang kasapi.

Karamihan ng mga silid-aralan ay mayroong malaking espasyo para sa pagsusulat, kung saan maaaring magbahagi ng mga tala o impormasyon ang guro o mag-aaral sa iba pang mga kasapi ng klase. Karaniwan itong nasa anyo ng isang pisara ngunit ang mga ito ay madalang na sa mga modernong paaralan dahil sa mga bagong alternatibo katulad ng mga flipchart, mga whiteboard (pisarang kulay puti), at maging mga whiteboard na may interaksyon. Marami na ring mga silid-aralan ang mayroong mga telebisyon, mapa, tsart, lapis, aklat, monograpo, at mga LCD projector para sa paglalahad ng impormasyon at mga larawan mula sa isang kompyuter.