Sosyalistang Republika ng Rumanya
| 1947–1989 | |||||||||
Lokasyon ng Rumanya (lunti) sa Europa noong Digmaang Malamig. | |||||||||
| Katayuan | Kasapi ng Kasunduang Varsovia at COMECON | ||||||||
| Kabisera at pinakamalaking lungsod | Bukarest 44°25′N 26°06′E / 44.417°N 26.100°E | ||||||||
| Wikang opisyal | Rumano | ||||||||
| Katawagan | Rumano | ||||||||
| Pamahalaan | Unitaryong Marxista–Leninistang unipartidistang sosyalistang republika 1965-1989: Neo-Stalinistang totalitaryong diktadura | ||||||||
| Pangkalahatang Kalihim ng PCR | |||||||||
• 1947–1965 | Gheorghe Gheorghiu-Dej | ||||||||
• 1965–1989 | Nicolae Ceaușescu | ||||||||
| Lehislatura | Dakilang Pambansang Asamblea | ||||||||
| Panahon | Digmaang Malamig | ||||||||
• Sapilitang Pagbitiw ni Miguel I | 30 Disyembre 1947 | ||||||||
• Unang Saligang Batas | 13 Abril 1948 | ||||||||
• Ikalawang Saligang Batas | 24 Setyembre 1952 | ||||||||
| 21 Abril 1964 | |||||||||
• Ikatlong Saligang Batas | 21 Agosto 1965 | ||||||||
• Tesis ng Hulyo | 6 Hulyo 1971 | ||||||||
| 22 Disyembre 1989 | |||||||||
| Lawak | |||||||||
• Kabuuan | 237,500 km2 (91,700 mi kuw) | ||||||||
| Populasyon | |||||||||
• Pagtataya sa 1987 | 23,102,000 | ||||||||
| TKP (1990 formula) | 0.863 napakataas | ||||||||
| Salapi | Leu | ||||||||
| Kodigong pantelepono | 40 | ||||||||
| |||||||||
Ang Sosyalistang Republika ng Rumanya, dating Republikang Bayan ng Rumanya sa pagitan ng 1947 at 1965, ay isang estadong sosyalista na umiral sa Timog-Silangang Europa mula 1947 hanggang 1989. Hinangganan nito ang Unyong Sobyetiko sa hilaga at silangan, Hungriya sa kanluran, Yugoslabya sa timog-kanluran, Bulgarya sa timog, at Dagat Itim sa timog-silangan. Sumaklaw ito ng lawak na 237,500 km2 at tinahanan ng halos 23 milyong mamamayan. Naging estadong satelite ito ng USSR bilang kasapi ng mas malaking Silangang Bloke. Ang kabisera at pinakamalaking lungsod nito ay Bukarest.
Sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pumasok ang Hukbong Pula sa Rumanya noong 1944 at naipalayas ang mga puwersa ng Alemanyang Nazi. Noong Agosto 1944, pinatalsik ni Haring Miguel I ang pamahalaang maka-Aksis ni Ion Antonescu at inihayag ang paglipat ng kanyang bansa sa panig ng Alyados. Subalit, nanatiling malakas ang impluwensiya ng Unyong Sobyetiko sa bansa. Unti-unting kinonsolida ng Partido Komunista Rumano ang kapangyarihang politikal nito, kung saan nagtagumpay ito sa mga parlamentaryong halalan ng 1946. Sa pagpilit ng Mosku, bumitiw si Miguel mula sa trono noong 30 Disyembre 1947 at ipinahayag ang Rumanya na isang republikang bayan.
Naganap ang kolektibisasyon at industriyalisasyon sa pamumuno ni Gheorghe Gheorghiu-Dej. Mula sa kalagitnaan ng dekada 1950, sumailalim ang Rumanya sa proseso ng De-Stalinisasyon at umasam ng kasarinlan mula sa USSR. Bilang resulta, pinaalis ang mga tropang Sobyetiko sa bansa at pinuksa ang mga SovRom, mga Sobyetikong negosyong pankita na umubos sa mga mapagkukunang Rumano. Bumuo rin ang Rumanya ng mga ugnayan sa Kanluraning mundo, kabilang ang Pransiya, Dakilang Britanya, at Estados Unidos. Pinagtibay ang ikatlong saligang batas noong Agosto 1965 na nagbigay-diin ang sosysalistang katangian ng estado. Noong Marso 1965, pumanaw si Gheorghiu-Dej at itinalaga si Nicolae Ceaușescu bilang Pangkalahatang Kalihim ng PKR. Sa una ay naging mas liberal at malaya ang kanyang pamamahala kaysa sa kanyang hinalinhan, isang halimbawa nito ay ang pampublikong pagkondena niya sa pagsalakay ng Pakto ng Varsovia sa Tsekoslobakya noong Agosto 1968. Gayunpaman, nagsimulang maging totalitaryo ang rehimen ni Ceaușescu kasunod ng pag-anunsyo ng Tesis ng Hulyo noong 1971, kung saan lumitaw ang malakihang kulto ng personalidad na nakapaligid sa kanyang pamilya.
Mula noong 1981, upang mabayaran ang naipong $10 bilyong dayuhang utang, nagpatupad si Ceaușescu ng patakaran ng ekonomikong austeridad, na mabilisang nagpalala sa antas ng pamumuhay ng mga Rumano at nagpataas sa kakulangan ng mga pangunahing kalakal. Noong Disyembre 1989 ay nagkaroon ng mga protesta laban sa pagpapalayas sa paring Hungaro na si László Tőkes, at lumaki sa isang malawakang pag-aalsang anti-komunista. Bilang resulta ng Himagsikang Rumano, tinangka ng mag-asawang Nicolae at Elena Ceaușescu na tumakas sa bansa noong Disyembre 22 ngunit nabigo. Pagkatapos ng tatlong araw ay nilitis sila ng isang tribunong militar at agad na pinapatay. Pinalitan sila ng Pambansang Hanay ng Kaligtasan na binuo ng mga dating kasapi ng PKR tulad ng pinuno nitong si Ion Iliescu. Idinaos ang mga malayang halalan noong Mayo 1990 at pinatatag ang modernong konstitusyon ng noong Disyembre 1991, na nagbuwag sa sistemang sosyalista at nagbigay ng demokrasyang semi-presidensyal.
Kasaysayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ikalawang Digmaang Pandaigdig at Sobyetikong Okupasyon
[baguhin | baguhin ang wikitext]Kasunod ng pagbagsak ng mga Imperyong Ruso at Austro-Hungaro, pinagsama ang mga lupain ng Besarabia, Bukovina, at Transilvania sa Rumanya upang likhain ang kilala ngayon na "Dakilang Unyon". Bagama't kinilala ito ng mga kapangyarihang Kanluranin, hindi tinanggap ng pamahalaang Sobyetiko ang pagkawala ng Besarabia, na nakita nitong kinuha mula sa Rusya sa gitna ng digmaang sibil. Pinagplanuhan ng iilan ang pagbago ng mga hangganan ng Rumanya, na nakatanggap ng suporta mula sa Alemanyang Nazi, bagaman walang intensyon ang Berlin na ibalik ang Katimugang Dobruja o Hilagang Transilvania. Sa halip, itinaguyod ng mga Aleman ang pagpapalawak patungong silangan. Sinimulan ng mga publikasyong Rumano na ilarawan ang Transnistria bilang makasaysayang teritoryo ng Rumanya, at ang populasyon nito ay diumano'y binubuo ng mga Rusipikadong Rumano. Noong bisperas ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, iminungkahi ng mga radikal na politiko na palawakin ang silangang hangganan ng Rumanya hanggang sa Katimugang Bug, Dnieper, o mas malayo pa. Tumindi ang mga pag-aangking ito noong panahon ng digma, kung minsa'y pinapaabot hanggang Urales upang magkaroon ng "espasyong pambuhay" (lebensraum) para sa mga Rumano.