Pumunta sa nilalaman

T'nalak

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Iba’t ibang uri ng telang t’nalak, na may mga disenyo gamit ang iisang ikat (mga disenyong pagtitina sa kibal); ang ilan ay gumagamit din ng maraming solidong kulay ng sinulid sa pahabi

Ang t'nalak (binabaybay ding tenalak) ay isang tradisyon ng paghahabi ng tela gamit ang mga sinulid na tinina ng mga taong T'boli ng Timog Cotabato, Pilipinas.[1] Hinahabi lamang ang mga telang t'nalak ng mga kababaihang nakatanggap ng mga disenyo para sa paghahabi sa kanilang mga panaginip, na pinaniniwalaan nilang regalo mula kay Fu Dalu, ang diyosa ng abaka ng mga T'boli.[1]

Ang iba pang miyembro ng komunidad, kabilang ang mga lalaki, ay nakikibahagi sa paggawa ng t’nalak sa pamamagitan ng maingat na pagpili, paghuhubad, at pagpapatuyo sa araw ng mga hibla ng abaka na gagamitin.[1][2] Kapag naihanda na ang mga hibla, kinukulayan ang mga ito gamit ang paraan ng panangga sa pagtitina na tinatawag na ikat, batay sa disenyong pinaginipan ng manghahabi; ang babaeng binigyan ni Fu Dalu ng disenyo ang siyang humahabi ng tela gamit ang isang sikad o backstrap loom.[1][2]

Dahil ang mga disenyo ay nagmumula sa mga panaginip ng mga manghahabi, hindi maaaring gawin nang maramihan ang mga tradisyonal na disenyo ng t’nalak.[3] Dahil dito, ang mga manghahabi ng t’nalak ay kilala bilang mga manghahabing-panaginip (dreamweavers).[4]

Produksiyon at kasaysayan

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Mga manghahabing T'boli sa Lawa ng Sebu, Timog Cotabato

Ang paghabi ng t’nalak ay bahagi ng di-materyal na pamanang kultural ng mga T’boli,[1] isang katutubong pangkat sa Pilipinas na ang lupang ninuno ay nasa lalawigan ng Timog Cotabato sa isla ng Mindanao.[5]

Pinaginipang disenyo mula kay Fu Dalu

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nagsisimula ang paghahabi ng tradisyonal na telang t’nalak kapag ang isang babaeng T’boli ay nagkaroon ng kena (panaginip)[1] kung saan nakatagpo niya si Fu Dalu, ang diyosa ng abaka[2] at tagapag-alaga ng t’nalak ng mga T’boli.[1] Sa mga panaginip na ito, ipinapakita ni Fu Dalu sa babae ang mga disenyong kalaunan ay ihahabi sa tela.

Isinasagawa nang may ibayong pag-iingat ang mga proseso ng pagtitina at paghahabi, sapagkat pinaniniwalaan ng mga T’boli na naninirahan si Fu Dalu sa bawat hibla ng sinulid.[1]

Pagpipili, pagsisimot

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nakikibahagi rin ang mas malawak na komunidad, kabilang ang mga lalaking T'boli, sa paggawa ng tela sa proseso ng pagpili at pagsisimot ng hibla ng abaka.[2] Kinukuha ang mga hibla mula sa tangkay ng halamang abaka (Musa textilis),[1] isang uri ng halamang saging na katutubo sa Pilipinas.

Upang magawa ito, ikinakabit nila ang isang balat ng sigay sa isang dulo ng poste mula sa tangkay ng abaka at ikinakabit ang kabilang dulo sa bubong na nagsisilbing bisagra. Itinutulak ang poste upang idiin ang hibla gamit ang balat ng sigay.[6] Ang mga hibla, na napakanipis, ay maingat na inaalis mula sa tangkay gamit ang isang nakapirming talim, at pagkatapos ay pinatutuyo sa araw.[1][2]

Pagtitinang ikat

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Isang halimbawa ng natapos na telang t'nalak

Pinatutuyo muna sa araw ang mga hibla, at pagkatapos ay tinitina gamit ang katutubong paraang panangga sa pagtitina na tinatawag na ikat. Binabalutan ng manghahabi ang ilang bahagi ng sinulid ng abaka ng sangkap na panangga sa tina upang hindi kapitan ang mga ito ng tina. Inuulit ang prosesong ito nang ilang ulit ayon sa hinihingi ng disenyo.[1]

May tatlong kulay ang t'nalak: ang puti ay sumasagisag sa kadalisayan, ang pula ay kumakatawan sa dugo, at ang itim ay sumasagisag sa lupa. Bukod sa likas na puting abaka, ang pulang tina ay nagmumula sa mga ugat na kayumangging-pula ng punong loko, samantalang ang itim ay nakukuha sa pagpapakulo ng berdeng mga dahon ng punong knalum sa loob ng pitong araw, na nagiging kasing-itim ng tinta.[6]

Proseso ng paghahabi

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pagkatapos, hinahabi ng manghahabi ang disenyo gamit ang isang sikad, isang prosesong maaaring tumagal nang hanggang dalawang buwan, depende sa disenyong ipinakita sa panaginip.[1][2]

Ang mga handog, tulad ng mga hinabing blusa at alahas, ay tradisyonal na iniiwan sa lugar ng paghahabi bilang pagpupugay kay Fu Dalu.[1] Sa panahon ng mahabang proseso ng paghahabi, pinagbabawalan ang mga babaeng manghahabi at ang kanilang mga asawa na makipagtalik bilang pagpapakita ng paggalang kay Fu Dalu.[6]

Pagpapahalaga

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kinikilala ang tradisyon ng paghahabi ng t'nalak bilang bahagi ng di-nahahawakang pamanang kultura ng mga T'boli at ng Pilipinas.[7]

Bilang pagkilala sa kahalagahan ng t'nalak sa kultura at pamana ng Pilipinas, makikita ang isang disenyo ng t'nalak sa likod ng isang libong pisong banknote ng seryeng New Generation Currency.[8]

Ang lalawigan ng Timog Cotabato sa Pilipinas, kung saan matatagpuan ang lupang ninuno ng mga T'boli, ay nagdiriwang taun-taon ng Pista ng T'nalak.[9][10]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 Fabella, Mara (Hunyo 1, 2020). "The T'nalak of the Tboli" [Ang T'nalak ng mga Tboli]. Narra Studio (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Setyembre 20, 2020. Nakuha noong Pebrero 16, 2022.
  2. 1 2 3 4 5 6 del Mundo, Ida Anita. "How the T'boli Women Weave their Dreams" [Paano Hinahabi ng mga Babaeng T'boli ang mga Pinaginipan Nila]. FAME+ (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Mayo 7, 2021. Nakuha noong Pebrero 17, 2022.
  3. Oliveros, Daphne (Pebrero 11, 2012). "Dreamweavers" [Mga Manghahabing-panaginip]. RAPPLER (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Pebrero 17, 2012. Nakuha noong Pebrero 16, 2022.
  4. "The dreamweaver of Lake Sebu" [Ang manghahabing-panaginip ng Lawa ng Sebu]. International Labour Organization Website (sa wikang Ingles). December 2, 2011. Inarkibo mula sa orihinal noong June 5, 2013. Nakuha noong February 16, 2022.
  5. "The T'boli: A story of massive land-grabbing through the centuries". Inquirer Lifestyle (sa wikang Ingles). October 25, 2015. Inarkibo mula sa orihinal noong October 26, 2015. Nakuha noong February 16, 2022.
  6. 1 2 3 Zhang, Kan (Marso 29, 2023). "The Filipino islanders who weave their dreams" [Ang mga Pilipinong taga-isla na naghahabi ng kanilang mga panaginip]. www.bbc.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2023-03-29.
  7. Karina Abola; Reichelle Castro; Lilibeth L. Leh-Arcena; Angelica Misa; Denise Subido (2020). "Crafting Futures: Sustainable Handloom Weaving in the Philippines" [Paggawa ng Kinabukasan: Sustenableng Paghahabi gamit ang Kamay sa Pilipinas] (PDF). The British Council in the Philippines Website (sa wikang Ingles). The British Council in the Philippines. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 2025-05-29. Nakuha noong 2026-02-14.
  8. Lucas, Daxim L. (Hulyo 29, 2020). "BSP upgrades decade-old banknotes with easier to identify, harder to counterfeit designs" [Pinahusay ng BSP ang mga perang papel na dekada na ang tanda, na may mga disenyong mas madaling matukoy, mas mahirap pekein]. The Philippine Daily Inquirer (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Hulyo 29, 2020. Nakuha noong Pebrero 16, 2022.
  9. Sarmiento, Bong S. (Agosto 19, 2018). "T'boli cloth wraps the world" [Telang T'boli, nagbabalot sa mundo]. INQUIRER.net (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Agosto 19, 2018. Nakuha noong Pebrero 16, 2022.
  10. "T'nalak Festival: A Colorful Celebration" [Pista ng T'nalak: Isang Makulay na Pagdiriwang]. International Care Ministries (sa wikang Ingles). Setyembre 20, 2018. Inarkibo mula sa orihinal noong Agosto 15, 2020. Nakuha noong Pebrero 16, 2022.