Pumunta sa nilalaman

Wallaby

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Isang wallaby na may pulang leeg

Ang wallaby ( /ˈwɒləbi/) ay isang maliit o katamtamang laki ng macropod na katutubo sa Australya at Bagong Ginea, at ipinakilala rin sa Bagong Silandiya,[1] Hawaii, Reyno Unido, at iba pang bansa. Kasama sila sa parehong pamilyang taksonomiko ng mga kangaroo at minsan ay sa parehong genus, subalit ang mga kangaroo ay tiyak na kabilang lamang sa apat na pinakamalalaking espesye ng pamilyang iyon. Ang katawagang "wallaby" ay hindi pormal at karaniwang ginagamit para sa anumang macropod na mas maliit kaysa sa kangaroo o wallaroo na hindi pa nabibigyan ng ibang partikular na pangalan.[2]

May siyam na espesye (walo ang nabubuhay at isa ang napatay na) ng brush wallaby (genus Notamacropus). Ang haba ng ulo at katawan nila ay 45–105 cm (18–41 pulgada) at ang buntot ay 33–75 cm (13–30 pulgada). Ang 19 na kilalang espesye ng rock-wallaby (genus Petrogale) ay nakatira sa mga batuhan, kadalasan malapit sa tubig; dalawa sa mga ito ay nanganganib nang mawala. Ang dalawang nabubuhay na espesye ng hare-wallaby (genus Lagorchestes; dalawa pang espesye rito ang napatay na) ay maliliit na hayop na may galaw at ilang gawi na tulad ng kuneho. Ang tatlong espesye (dalawa ang nabubuhay at isa ang napatay na) ng nail-tail wallaby (genus Onychogalea) ay may kapansin-pansing tampok: isang matigas na tinik sa dulo ng buntot na hindi pa alam ang gamit.

Ang pitong espesye ng pademelon o scrub wallaby (genus Thylogale) na matatagpuan sa Bagong Ginea, Arkipelagong Bismarck, at Tasmania ay maliliit at matipuno, may maiikling hulihang paa at matulis na ilong. Ang swamp wallaby (genus Wallabia) ang tanging espesye sa kanyang genus. Isa pang nag-iisang espesye ang quokka o short-tailed scrub wallaby (genus Setonix); makikita na lamang ito ngayon sa dalawang pulo sa baybayin ng Kanlurang Australya na ligtas sa mga ipinasok na mandaragit. Ang pitong espesye ng dorcopsis o forest wallaby (mga genus Dorcopsis—apat na espesye at isa pang hindi pa nailalarawan—at Dorcopsulus, dalawang espesye) ay pawang katutubo ng isla ng Bagong Ginea.

Isa sa mga brush wallaby, ang dwarf wallaby (Notamacropus dorcopsulus), na katutubo rin ng New Guinea, ang pinakamaliit na kilalang espesye ng wallaby at isa sa pinakamaliit na macropod. Ang kabuuang haba nito mula ilong hanggang buntot ay humigit-kumulang 46 cm (18 pulgada) at ang bigat ay mga 1.6 kg (3.5 lb).[3]

Hinuhuli ang mga wallaby para sa kanilang karne at balahibo.

Pangkalahatang paglalarawan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Bagaman maliliit ang karamihan sa mga espesye ng wallaby, ang ilan ay maaaring lumaki nang hanggang humigit-kumulang dalawang metro ang haba (mula ulo hanggang dulo ng buntot). Ang kanilang malalakas na hulihang paa ay ginagamit hindi lamang para sa mabilis na pagtalon at paglukso nang mataas kundi para rin makapagbigay ng malalakas na sipa upang maitaboy ang mga posibleng mandaragit.

Ang tammar wallaby (Notamacropus eugenii) ay may kakayahang mag-imbak ng elastikong enerhiya sa litid ng pang-anklong pang-ekstensiyon; kung wala ito, tinatayang tataas nang 30–50% ang antas ng kanyang metabolismo.[4] Natuklasan din na ang disenyo ng litid na parang bukal, na nakakatipid ng enerhiya at nagbibigay ng episyenteng pwersa ng kalamnan, ay mahalaga para sa dalawang dulo ng yunit ng kalamnan at litid ng tammar wallaby (Macropus eugenii).[5]

Mayroon ding malakas na buntot ang mga wallaby na pangunahing ginagamit para sa balanse at pantulong na suporta.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. (DOC), corporatename = New Zealand Department of Conservation. "Wallabies". www.doc.govt.nz (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2018-06-18.
  2. "The Kangaroo". australianwildlife.com.au (sa wikang Ingles). Nakuha noong 6 Nobyembre 2013.
  3. "Wallaby". Encyclopædia Britannica (sa wikang Ingles). Nakuha noong 17 Enero 2015.
  4. Biewener, A. A.; Baudinette, R. V. (September 1995). "In vivo muscle force and elastic energy storage during steady-speed hopping of tammar wallabies (Macropus eugenii)" (PDF). Journal of Experimental Biology (sa wikang Ingles). 198 (9): 1829–1841. doi:10.1242/jeb.198.9.1829. PMID 9319738. Inarkibo (PDF) mula sa orihinal noong 2022-10-09.
  5. Biewener, A. A.; McGowan, C. Card, G. M. Baudinette, R. V. (January 2004). "Dynamics of leg muscle function in tammar wallabies (M. eugenii) during level versus incline hopping" (PDF). Journal of Experimental Biology (sa wikang Ingles). 207 (2): 211–223. doi:10.1242/Jeb.00764. PMID 14668306. S2CID 15031876. Inarkibo (PDF) mula sa orihinal noong 2022-10-09.{{cite journal}}: CS1 maint: multiple names: mga may-akda (link)