Wikang walang kasarian
Ang wikang walang kasarian (Ingles: genderless language) ay uri ng wika na walang gramatikal na kasarian. Nangangahulugan ito na walang kinakailangang pag-aayon sa kasarian sa pagitan ng mga pangngalan at mga kaugnay na panghalip, pang-uri, artikulo, o pandiwa. Halimbawa, hindi kailangang tukuyin kung ang isang bagay ay panlalaki o pambabae sa paggamit ng wika, na nagpapagaan sa usapin ng neutralidad sa kasarian.[1]
Ang wikang walang kasarian at wikang neutral sa kasarian ay dalawang magkaibang konsepto sa pag-aaral ng wika. Bagama’t maaaring magtaglay ng magkaparehong layunin, magkaiba ang kanilang pinagmumulan: ang una ay likas sa estruktura ng wika, habang ang ikalawa ay sadyang pinipiling paraan ng paggamit ng wika. Ang talakayan sa isang wikang walang kasarian ay hindi kailangang maging neutral sa kasarian (bagamat ang mga wikang walang kasarian ay naglilimita sa mga pagkakataong mapalakas ang mga estereotipo kaugnay ng kasarian); gayundin, ang talakayang neutral sa kasarian ay hindi kailangang maganap sa isang wikang walang kasarian.
Ang mga wikang walang kasarian ay may iba't ibang paraan upang makilala ang natural na kasarian. Kabilang dito ang mga salitang partikular sa kasarian, tulad sa Ingles na mother, son, at iba pa; mga natatanging panghalip, gaya ng she at he sa ilang pagkakataon; gayundin ang konteksto na nauugnay sa kasarian, maaaring biyolohikal o kultural.
Kasama sa mga wikang walang kasarian ang lahat ng mga wikang Kartvelian (kabilang ang Heorhiyano), ilang wikang Indo-Europeo (gaya ng Ingles - kahit na pinapanatili ang mga panghalip na may kasarian, Bengali, Persiano, Sorani Kurdish at Armenyo), lahat ng wikang Uralic (gaya ng Hungarian, Filandes at Estonyo), lahat ng modernong wikang Turkic (gaya ng, Koreano, Turko at Ka, Tatar), Japanese, karamihan sa mga wikang Austronesio (tulad ng mga wikang Polynesio), ilang wikang katutubo ng Americas (gaya ng Cherokee), at Vietnamese.
Ugnayang pangwika
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sa pamamagitan ng ugnayang pangwika, ang ilang salita na orihinal na bahagi ng wikang walang kasarian ay nagkakaroon ng gramatikal na kasarian.
May dalawang pangunahing paraan kung paano inuri ng mga lingguwista ang prosesong ito: Una, ang ugnayang pangwika ay direktang nakaapekto sa isang wika kahit walang hiniram na salita. At pangalwa, ang proseso ay nagaganap sa konteksto ng mga hiniram o inangkat na salita mula sa ibang wika.
Ayon sa isang pag-aaral sa 256 na wika sa buong mundo, 44% sa mga ito ay may gramatikal na kasarian, habang 56% ay walang kasarian.[2] Dahil magkakalapit ang mga pinag-aralang wika, malaki ang posibilidad na naimpluwensiyahan ng isang wika ang iba pa. Halimbawa, ang wikang Basque na itinuturing na walang kasarian ay naapektuhan ng sistemang pangkasarian na pambabae at panlalaki ng wikang Espanyol.
Mga Salitang Hiniram mula sa Ibang Wika
[baguhin | baguhin ang wikitext]May ilang dalubhasa sa pag-aaral ng wika ang may interes sa kung paano nagkakaroon ng kasarian ang mga salitang hiniram mula sa ibang wika.[3]
Halimbawa, sa wikang Ingles, hindi na karaniwan ang paggamit ng kasarian sa mga pangalan ng bagay o tao (maliban sa ilang natitirang halimbawa na galing din sa mga wikang may kasarian). Ngunit kapag ang mga salitang Ingles ay hiniram ng wikang tulad ng Italyano, kailangan silang bigyan ng kasarian, dahil bahagi ito ng tuntunin sa kanilang wika.[4]
Ayon sa mga dalubwika, may limang karaniwang paraan ng pagbibigay ng kasarian sa mga salitang hiniram:
- Batay sa likas na kasarian – Halimbawa, ang salitang "girl" (babae) ay binibigyang pambabaeng kasarian dahil ito ay tungkol sa babae.
- Batay sa tunog ng salita – Halimbawa, sa Boston, maaaring marinig ng isang Italyanong naninirahan doon ang salitang "freezer" na parang nagtatapos sa tunog na a. Dahil maraming salitang Italyano na nagtatapos sa a ay pambabae, iniisip nilang pambabae rin ang salitang ito.
- Batay sa pagkakahawig ng tunog sa katutubong salita – Halimbawa, ang salitang Ingles na "quart" ay nagiging quarto sa Italyano (panlalaki) dahil kahawig ito ng salitang Italyano para sa "ikaapat na bahagi."
- Batay sa katumbas na salita sa sariling wika – Halimbawa, ang "paint" ay nagiging la pinta sa Italyano, dahil karamihan sa mga salitang Italyano para sa "pintura" ay pambabae na.
- Paggamit ng karaniwang kasarian – Sa mga wikang tulad ng Italyano at Kastila, karaniwan nang ginagamit ang panlalaking kasarian kapag hindi tiyak ang kasarian ng grupo o bagay. Kaya kapag may bagong salitang hindi madaling bigyan ng kasarian, panlalaki ang kadalasang ginagamit.
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Yasir Suleiman (ed.) (1999) "Language and Society in the Middle East and North Africa", ISBN 0-7007-1078-7, Chapter 10: "Gender in a genderless language: The case of Turkish", by Friederike Braun
- ↑ "Morphologies in Contact", Morphologies in Contact (sa wikang Ingles), Akademie Verlag, 2012-12-04, doi:10.1524/9783050057699/html, ISBN 978-3-05-005769-9, nakuha noong 2025-04-08
- ↑ Rabeno, Angela; Repetti, Lori (1997). "Gender Assignment of English Loan Words in American Varieties of Italian". American Speech. 72 (4): 373–380. doi:10.2307/455494. ISSN 0003-1283.
- ↑ Rabeno, Angela; Repetti, Lori (1997). "Gender Assignment of English Loan Words in American Varieties of Italian". American Speech. 72 (4): 373–380. doi:10.2307/455494. ISSN 0003-1283.