Pumunta sa nilalaman

Xenophanes

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Xenophanes
Isang guhit ni Xenophanes mula sa paglililok noong ika-17 siglo
Ipinanganakc. 570 BCE
Colophon, Ionia
Namatayc. 478 BCE (edad c. 92)
Syracuse, Sicily
PanahonPre-Socratic philosophy
RehiyonWestern philosophy
Mga pangunahing interesKritisismong panlipunan
Kataphasis
Natural na pilosopiya
Epistemolohiya
Mga kilalang ideyaMga pananaw ng relihiyong politeistiko bilang mga proheksiyon sikolohikal ng mga tao.
Arche ng tubig at mndo
Ang tunay na paniniwala at pagtatangi ng kaalaman
Naimpluwensiyahan ni

Si Xenophanes ng Colofón ( /zəˈnɒfənz/;[1][2] Sinaunang Griyego: Ξενοφάνης ὁ Κολοφώνιος [ksenopʰánɛːs ho kolopʰɔ̌ːnios]; Jenófanes sa wikang Espanyol, c. 570 BCE – c. 478 BCE) ay isang Sinaunang pilosopong Griyego, teologo, manunula at kritiko ni Homer. Mula siya sa Ionia at naglakbay sa mga lupaing laganap ang pagsasalita ng Griyego noong maagang bahagi ng Klasikong Sinaunang Panahon. Bilang manunula, kilala si Xenophanes sa kanyang istilong kritikal na itinuturing na isa sa mga unang sátira, ang pampanitikang gamit ng katatawanan upang punahin ang mga kamaliang nangyayari sa lipunan. Sumulat rin siya sa paraang gamit ang (couplet na elehiako / elegiac couplets), mga "kambal-taludtod" sa hexámetro dactílico (anim na sukat ng tatluhang pantig, ang daloy ng mga lumang tula), na pumupuna sa mga tradisyonal na halaga ng kanyang lipunan tungkol sa kayamanan, kalabisan, at mga tagumpay sa palakasan. Isa rin siyang kritiko ni Homer at ibang mga manunula dahil paglalarawan sa mga diyos bilang mga hangal o mahina sa moral. Sa pagdaraan ng mahabang panahon, ang kanyang mga tula ay hindi nananatiling buo; mga piraso lamang ng ilan sa kanyang mga akda ang natitira sa mga sipi ng mga sumunod na pilosopo at kritiko sa panitikan.

Si Xenophanes ay itinuturing na isa sa pinakamahalagang pilosopo bago ang panahon ni Sócrates ng Atenas. Bilang isang lubos na orihinal na palaisip, naghanap si Xenophanes ng mga paliwanag para sa mga pisikal na penomena tulad ng mga ulap o bahaghari nang walang pagtukoy sa mga banal o mitolohikong paliwanag, ngunit sa halip ay batay sa mga unang prinsipyo . Tinukoy niya ang iba't ibang anyo ng kaalaman at paniniwala, isang maagang halimbawa ng epistemolohiya . Nakita ng mga sumunod na pilosopo tulad ng mga Eleatiko at Pirróniko si Xenophanes bilang tagapagtatag ng kanilang mga aral, at binigyang-kahulugan ang kanyang akda batay sa mga aral na iyon, bagaman pinagtatalunan ng makabagong dalubhasaan ang mga pag-aangkin na ito.

Iniulat ng sinaunang manunulat ng talambuhay na si Diogenes Laertius na si Xenophanes ay ipinanganak sa Colofón, isang lungsod na dating umiiral sa Ionia, sa kasalukuyang Turkiye. Ayon kay Laertius na sinasabing sumikat si Xenophanes noong ika-60 Olympiad (540–537 BC), at karaniwang inilalagay ng mga modernong iskolar ang kanyang kapanganakan noong mga 570–560 BC. Ang kanyang natitirang mga gawa ay tumutukoy kina Thales , Epimenides , at Pythagoras, at siya mismo ay nabanggit sa mga sulatin nina Heraclitus at Epicharmus.

Sa kaniyang sariling natitirang salaysay, isa siyang makata na naglakbay at umalis sa kaniyang tinubuang lupain sa edad na 25 at nabuhay nang 67 taon sa ibang mga lupain ng Gresya, at namatay sa edad na 92 ​​o pagkatapos nito. Bagama't may mga sinaunang patotoo na nagsasabing inilibing niya ang kaniyang mga anak na lalaki, kakaunti ang ibang impormasyon tungkol sa talambuhay tungkol sa kaniya o sa kaniyang pamilya na maaasahang masisiguro.

Ipinapalagay na malamang na ang mga teoryang pisikal ni Xenophanes ay naimpluwensyahan ng mga Milesiano. Halimbawa, ang kanyang teorya na ang bahaghari ay mga ulap ay sa isang interpretasyon ay nakikita bilang tugon sa teorya ni Anaximenes na ang bahaghari ay liwanag na naaaninag mula sa mga ulap.

Ang kaalaman sa mga pananaw ni Xenophanes ay nagmula sa mga piraso ng kanyang tula na napanatili bilang mga sipi ng mga sumunod na Griyegong manunulat. Hindi tulad ng ibang mga pilosopong pre-Sokratiko tulad nina Heráclito o Parménides, na sumulat lamang ng isang akda, sumulat si Xenophanes ng iba't ibang tula, at walang dalawa sa mga piraso ang maaaring positibong matukoy na kabilang sa parehong teksto. Ayon kay Diogenes Laertius, sumulat si Xenophanes ng isang tula batay sa mga lungsod ng Colofón at Elea, na umabot sa humigit-kumulang 2000 linya. Ang mga sumunod na patotoo ay nagmumungkahi na ang kanyang koleksyon ng mga sátira ay pinagsama-sama sa hindi bababa sa limang aklat. Bagama't maraming mga sumunod na sanggunian ang nag-uugnay kay Xenophanes sa isang tula na pinamagatang "Tungkol sa Kalikasan" (On Nature), pinagdududahan ng mga modernong iskolar ang pagkakakilanlang na ito, dahil malamang na ito ay isang pangalang ibinigay ng mga iskolar sa Aklatan ng Alexandria sa mga akdang isinulat ng mga pilosopo na kinilala ni Aristoteles bilang " phusikoi " (mga pisiko) na nag-aral ng kalikasan.

Mga Sátira =

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mga sátira ay tinatawag na Silloi , at ang pangalang ito ay maaaring nagmula kay Xenophanes mismo, ngunit maaaring nagmula ito sa pilosopong Pirróniko na si Timon ng Phlius, ang "silógrafo" (ika-3 siglo BC), na naglagay ng malaking bahagi ng kanyang sariling sátira laban sa ibang mga pilosopo sa bibig ni Xenophanes, isa sa ilang pilosopong pinuri ni Timon sa kanyang akda.

Ang mga natitirang sulatin ni Xenophanes ay nagpapakita ng isang pag-aalinlangan na naging mas karaniwang ipinahayag noong ikaapat na siglo BC. Ilan sa mga pilosopikal na piraso ay hinango mula sa mga komentarista kay Homer. Itinuon niya ang kanyang kritisismo sa mga politeistikong pananaw sa relihiyon ng mga naunang Griyegong makata at ng kanyang sariling mga kapanahon.

Kung huhusgahan mula sa mga huling salaysay na ito, ang kanyang tulang elegiac at iambic ay pumuna at nag-uyam ng malawak na hanay ng mga ideya, kabilang sina Homer at Hesiod , ang paniniwala sa panteon ng mga antropomorpikong diyos at ang pagsamba ng mga Griyego sa atletismo .

Tungkol sa Kalikasan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Walang matibay na awtoridad na nagsasabing si Xenophanes ay partikular na sumulat ng isang tulang pilosopikal. Sinasabi ni John Burnet na "Ang pinakamatandang pagtukoy sa isang tulang Περὶ φύσεως (peri physeos) ay nasa Geneva scholium ng Iliad xxi. 196, at ito ay nagmula pa kay Crates ng Mallus. Dapat nating tandaan na ang mga ganitong pamagat ay mas huling naisulat, at si Xenophanes ay nabigyan ng lugar sa mga pilosopo bago pa man ang panahon ni Crates. Samakatuwid, ang masasabi lang natin ay binigyan ng mga mangangalaga ng Aklatan ng Pergamene ng pamagat na Περὶ φύσεως (peri physeos) ang ilang tula ni Xenophanes." Gayunpaman, kahit na hindi kailanman sumulat si Xenophanes ng isang partikular na pamagat ng tula na "Tungkol sa Kalikasan" (On Nature) , marami sa mga natitirang piraso ay tumatalakay sa mga paksa sa natural na pilosopiya tulad ng mga ulap o bahaghari, at samakatuwid ay malamang na ang mga pilosopikal na pahayag ni Xenophanes ay ipinahayag nang hindi sinasadya sa kanyang mga sátira.

Bagama't tradisyonal na binibigyang-kahulugan si Xenophanes sa mga terminomg gamit ng mga Eleatiko at mga Esképtiko na naimpluwensyahan niya at nakita siya bilang kanilang hinalinhan at tagapagtatag, itinuturing siya ng mga modernong iskolar bilang isang lubos na orihinal at natatanging pilosopo na ang pilosopiya ay higit pa sa impluwensya niya sa mga sumunod na paaralan ng pilosopiya. Bilang isang kritiko sa lipunan, sumulat si Xenophanes ng mga tula tungkol sa wastong pag-uugali sa isang simposyum at pinuna ang sistema ng malabis na pagpaparangal sa mga atleta. Hinangad ni Xenophanes na repormahin ang pag-unawa sa banal na kalikasan sa pamamagitan ng pagdududa sa mitolohiyang Griyego na ipinarating nina Hesiod at Homer, upang gawin itong mas naaayon sa mga pagkaintindi ng kabanalan mula sa Sinaunang relihiyong Griyego. Bumuo siya ng mga natural na paliwanag para sa mga phenomena tulad ng pagbuo ng mga ulap at bahaghari sa halip na mga mito, na kinutya ang mga tradisyonal na pananaw sa relihiyon sa kanyang panahon bilang mga proyeksyon ng tao. Bilang isang maagang palaisip sa epistemolohiya, gumawa siya ng paraan para tukuyin ang pagkakaiba sa pagitan ng mga ideya ng kaalaman at paniniwala na taliwas sa katotohanan, na pinaniniwalaan niya na posible lamang para sa mga diyos.

Kritikang panlipunan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sumulat si Xenophanes ng ilang tulang elehiyako tungkol sa wastong pag-uugali sa isang simposyum, ang mga salu-salo ng mga sinaunang Griyego na ginaganap upang gunitain ang mga tagumpay sa palakasan o patula, o upang tanggapin ang mga kabataang lalaki sa lipunang aristokratiko. Ang mga natitirang bahagi ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng kabanalan at karangalan sa mga diyos, at hinihikayat nito ang paglalasing at kawalan ng pagpipigil, na sumusuporta sa katamtaman at pagpuna sa karangyaan at kalabisan. Tinanggihan ni Xenophanes ang kahalagahan ng mga tagumpay sa palakasan, na sinasabing mas mahalaga ang paglinang ng karunungan.

Banal na kalikasan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang Orfismo at pilosopiya ni Pitágoras ay nagpakilala sa ispiritwalidad ng mga Griyego ng mga nosyon ng pagkakasala at kadalisayan, na nagdulot ng dikotómiko (dalawahan) na paniniwala sa pagitan ng banal na kaluluwa at ng mortal na katawan. Ang doktrinang ito ay kabaligtaran ng mga tradisyonal na relihiyon na itinataguyod nina Homer at Hesiod. Ang Diyos ang nagpapagalaw sa lahat ng bagay, ngunit siya ay pinaniniwalaang hindi gumagalaw, nailalarawan sa pamamagitan ng pagiging-isa (oneness), pagkakaisa (unicity), at kawalang-hanggan (eternity), at isang espirituwal na kalikasan na walang katawan at hindi antropomorpiko (nasa anyo ng tao). Siya ay may malayang pagpapasya at ang Pinakamataas na Kabutihan, kinakatawan niya ang kagandahan ng moral na pagiging perpekto at ng kawalan ng kasalanan.

Itinaguyod ni Xenophanes ang paniniwala na "Ang Diyos ay iisa, kataas-taasan sa mga diyos at tao, at hindi tulad ng mga mortal sa katawan o sa isip". Pinanindigan niya na mayroong isang pinakadakilang Diyos. Ang Diyos ay isang walang hanggang nilalang, bilog sa anyo, na nakakaintindi sa lahat ng bagay sa loob niya, ang ganap na isip at pag-iisip, samakatuwid ay matalino, at nagpapagalaw sa lahat ng bagay, ngunit walang pagkakahawig sa kalikasan ng tao maging sa katawan o isip. Bagama't tinanggihan ni Xenophanes ang teolohiyang Homeriko, hindi niya kinuwestiyon ang pagkakaroon ng isang banal na entidad; sa halip ang kanyang pilosopiya ay isang kritisismo sa mga sinaunang Griyegong manunulat at ang kanilang konsepto ng kabanalan. Tungkol sa positibong teolohiya ni Xenophanes, limang pangunahing konsepto tungkol sa Diyos ang maaaring mabuo. Ang Diyos ay: lampas sa moralidad ng tao, hindi kahawig ng anyo ng tao, hindi maaaring mamatay o maipanganak (ang Diyos ay banal kaya walang hanggan), walang umiiral na banal na hirarkiya, at ang Diyos ay hindi nakikialam sa mga gawain ng tao.

Pilosopiya ng kalikasan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang pag-unawa ni Xenophanes sa banal na kalikasan bilang hiwalay at hindi kasali sa mga gawain ng tao ang nag-udyok sa kanya na makabuo ng mga naturalistikong paliwanag para sa mga pisikal na penomena.

Malamang na si Xenophanes ang unang pilosopo na nakaisip ng paliwanag para sa pagpapakita ng apoy ni San Elmo na lumilitaw sa mga palo ng mga barko kapag dumadaan ang mga ito sa mga ulap habang may bagyo. Bagama't ang aktwal na penomeno sa likod ng apoy ni San Elmo ay hindi mauunawaan hanggang sa matuklasan ang static electricity sa modernong panahon, ang paliwanag ni Xenophanes, na nagtangkang ipaliwanag ang liwanag bilang sanhi ng pag-alog ng maliliit na patak ng ulap, ay natatangi sa sinaunang mundo.

Sa kosmolohiya ni Xenophanes, iisa lamang ang hangganan ng sansinukob, ang "nakikita ng ating mga paa". Naniniwala si Xenophanes na ang mundo ay umaabot nang walang hanggan pababa, gayundin nang walang hanggan sa bawat direksyon. Ang bunga ng kanyang paniniwala sa isang walang katapusang haba ng mundo ay sa halip na dumaan ang araw sa ilalim ng mundo sa paglubog ng araw, naniniwala si Xenophanes na ang araw at buwan ay naglalakbay sa isang tuwid na linya pakanluran, pagkatapos nito ay isang bagong araw o buwan ang muling mabubuo pagkatapos ng isang eklipse. Bagama't ang potensyal na walang katapusang serye ng mga araw at buwan na naglalakbay ay malamang na maituturing na hindi kanais-nais sa mga modernong siyentipiko, nangangahulugan ito na naunawaan ni Xenophanes ang araw at buwan bilang isang "uri" ng bagay na lumilitaw sa kalangitan, sa halip na isang partikular na indibidwal na bagay na muling lumilitaw bawat bagong araw.

Napagpasyahan ni Xenophanes mula sa kanyang pagsusuri sa mga fossil ng mga nilalang sa dagat na natagpuan sa ibabaw ng lupa na ang tubig ay dating tumatakip sa buong ibabaw ng Daigdig. Ginamit niya ang ebidensyang ito upang tapusin na ang arko o kosmikong prinsipyo ng sansinukob ay isang alon na dumadaloy papasok at palabas sa pagitan ng basa at tuyo, o lupa (γῆ) (ge) at tubig (ὕδωρ) (hydor). Ang dalawang matinding estadong ito ay magpapalitan sa isa't isa, at sa pagpapalit-palit na ito, ang buhay ng tao ay mawawala, pagkatapos ay muling mabubuhay (o kabaliktaran depende sa nangingibabaw na anyo). Ang argumento ay maaaring ituring na isang pagsaway sa teorya ng hangin ni Anaximenes. Ang ideya ng pagpapalit-palit na mga estado at ang buhay ng tao ay namamatay at bumabalik ay nagmumungkahi na naniniwala siya sa prinsipyo ng sanhi, isa pang natatanging hakbang na inaalis ni Xenophanes mula sa mga sinaunang tradisyon ng pilosopiya patungo sa mga mas nakabatay sa siyentipikong obserbasyon. Ang paggamit ng ebidensyang ito ay isang mahalagang hakbang sa pagsulong mula sa simpleng pagsasabi ng isang ideya patungo sa pagsuporta dito sa pamamagitan ng ebidensya at obserbasyon.

Epistemolohiya

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Si Xenophanes ay isa sa mga unang pilosopo na nagpakita ng interes sa mga tanong na epistemolohikal gayundin sa mga metapisika. Naniniwala siya na mayroong tunay na obhetibong katotohanan sa realidad, ngunit bilang mga mortal lamang, hindi ito kayang malaman ng mga tao. Siya ay kinikilala bilang isa sa mga unang pilosopo na nag-iba sa pagitan ng tunay na paniniwala at kaalaman , gayundin ang pagkilala sa posibilidad na maaaring isipin ng isang tao na may alam siya ngunit hindi talaga ito alam.

Ang kaniyang mga talata tungkol sa pag-aalinlangan ay sinipi ni Sextus Empiricus gaya ng sumusunod:

Gayunpaman, tungkol sa mga diyos at sa aking ipinapahayag tungkol sa lahat ng bagay: Walang taong nakakita ng malinaw ni walang taong makakaalam nito. Hindi, sapagkat kahit na magkataon siyang patunayan kung ano talaga ang umiiral, hindi niya ito alam; sapagkat ang lahat ay naaapektuhan ng opinyon.

Dahil sa kakulangan ng buong akda ni Xenophanes, ang kanyang mga pananaw ay mahirap bigyang-kahulugan, kaya ang implikasyon ng pag-alam bilang isang bagay na mas malalim ("isang mas malinaw na katotohanan") ay maaaring may mga espesyal na implikasyon, o maaaring mangahulugan ito na hindi mo malalaman ang isang bagay sa pamamagitan lamang ng pagtingin dito. Alam na ang pinakamarami at pinakamalawak na uri ng ebidensya ay itinuring ni Xenophanes bilang ang pinakasiguradong paraan upang patunayan ang isang teorya.

Pamana at impluwensya

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang impluwensya ni Xenophanes ay binigyang-kahulugan sa iba't ibang paraan bilang "ang tagapagtatag ng epistemolohiya, isang makata at rhapsode at hindi isang pilosopo, ang unang nagdududa, ang unang empirisista, isang rasyonalistang teologo, isang repormista ng relihiyon, at marami pang iba." Binasa ni Karl Popper si Xenophanes bilang isang maagang tagapagpauna ng kritikal na rasyonalismo , na sinasabing posible lamang kumilos batay sa mga gumaganang hypotheses — maaari tayong kumilos na parang alam natin ang katotohanan, hangga't alam natin na ito ay lubhang hindi malamang mangyari.

Impluwensya sa mga Eleatiko

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Maraming mga sinaunang salaysay ang nag-uugnay kay Xenophanes sa kolonya ng mga Griyego sa lungsod ng Elea sa Italya , alinman bilang ang may-akda ng isang tula tungkol sa pagkakatatag ng lungsod na iyon, o bilang ang nagtatag ng paaralan ng pilosopiya ng Elea, o bilang guro ni Parmenides ng Elea . Ang iba naman ay nag-uugnay sa kanya sa Pitagoriyanismo . Gayunpaman, ang mga modernong iskolar sa pangkalahatan ay naniniwala na walang gaanong makasaysayan o pilosopikal na katwiran para sa mga ugnayang ito sa pagitan nina Pitagoras, Xenophanes, at Parmenides gaya ng madalas na sinasabing kasunod ng tinatawag na " paaralan ng mga Italyano" (Italian School). Gayundin, karaniwan na rin mula noong unang panahon na makita si Xenophanes bilang guro ni Zeno ng Elea , ang kasamahan ni Parmenides, ngunit ang karaniwang opinyon ngayon ay mali rin ito.

Sa kanyang ikasiyamnapu't dalawang taon, siya ay namumuhay pa rin nang palaboy, na halos hindi naaayon sa pahayag na nanirahan siya sa Elea at nagtatag ng isang paaralan doon, lalo na kung iisipin natin na ginugol niya ang kanyang mga huling araw sa korte ni Hieron . Kapansin-pansin na walang sinaunang manunulat ang hayagang nagsabing naroon siya sa Elea, at lahat ng ebidensya na mayroon tayo ay tila hindi tugma sa kanyang paninirahan doon. [3]

Impluwensya sa mga Pirróniko

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Si Xenophanes ay minsang itinuturing na unang nagdududa sa Kanluraning pilosopiya. Ang umano'y pagdududa ni Xenophanes ay maaari ring ituring na isang pasimula sa mga mga Pirróniko. Sinipi ni Sextus ang tagasunod ni Pyrrho na si Timon na pumupuri kay Xenophanes at iniaalay ang kanyang mga satira sa kanya, at binibigyan siya bilang isang halimbawa ng isang taong hindi isang perpektong nagdududa (tulad ni Pyrrho), ngunit mapapatawad na malapit dito.

Sa pagbanggit ni Eusebius kay Aristocles ng Messene, sinabi niya na si Xenophanes ang nagtatag ng isang linya ng pilosopiya na nagtapos sa Pyrrhonism. Ang linyang ito ay nagsisimula kay Xenophanes at dumaan kina Parmenides , Melissus ng Samos, Zeno ng Elea, Leucippus, Democritus, Protagoras, Nessos ng Chios, Metrodorus ng Chios, Diogenes ng Smyrna, Anaxarchus, at sa huli ay Pyrrho .

Dahil sa kaniyang pagbuo ng konsepto ng isang "isang diyos na pinakadakila sa mga diyos at tao," si Xenophanes ay madalas na nakikita bilang isa sa mga unang monoteista sa Kanluraning pilosopiya ng relihiyon . Gayunpaman, ang parehong sipi na tinutukoy ay tumutukoy sa maraming "diyos" na mas dakila kaysa sa kataas-taasang Diyos. Ang diyos na ito ay "yumuyugyog sa lahat ng bagay" sa pamamagitan lamang ng kapangyarihan ng kaniyang pag-iisip. Hindi tulad ng mga nilalang na tao, ang Diyos ay may kapangyarihang magbigay ng "agarang pagpapatupad" (sa Griyego: to phren ) at gawing epektibo ang kaniyang kakayahang kognitibo (sa Griyego: nous ).

Ang kaisipan ni Xenophanes ay ibinuod bilang monolatrous at panteistiko ng mga sinaunang doxography nina Aristoteles , Cicero , Diogenes Laertius , Sextus Empiricus , at Plutarch . Mas partikular, ibinuod ng Metaphysics ni Aristoteles ang kanyang pananaw bilang "ang Lahat ay Diyos." Ang akdang pseudo-aristotéliko na "On Melissus", "Xenophanes", at "Gorgias" ay naglalaman din ng isang mahalagang patotoo ng kanyang mga turo. Itinuring ni Pierre Bayle ang mga pananaw ni Xenophanes na katulad ni Spinoza. Partikular na kinilala ng pisiko at pilosopo na si Max Bernhard Weinstein si Xenophanes bilang isa sa mga pinakaunang pandeista .

Ang pananaw ni Xenophanes sa isang diyos na walang personalidad ay tila nakaimpluwensya kay Empedocles bago si Sokrates, na itinuring ang diyos bilang isang isip na walang katawan. Gayunpaman, tinawag ni Empedocles ang pananaw ni Xenophanes na ang Daigdig ay patag at umaabot pababa magpakailanman bilang kahangalan.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Xenophanes" entry in Collins English Dictionary.
  2. "Sound file". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-02-16. Nakuha noong 2022-05-31.
  3. Burnet 1892, p. 115.