Bantas

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin

Ang mga bantas (punctuation) ay mga simbulo na nagpapakita ng kayarian at kaayusan ng nakasulat na wika, pati na ang intonasyon at paghintong sandali (pagtigil na sandali) na gagawin kapag nagbabasa nang malakas. Sa nakasulat na Tagalog, ang bantas ay mahalaga upang maging malinaw ang kahalugan ng mga pangungusap.[1]

Ang mga panuntunan ng pagbabantas ay pabagu-bago ayon sa wika, lokasyon, rehistro at panahon (oras) at patuloy na umuunlad at nagbabago. Ang ilang partikular na mga aspekto ng bantas ay may estilo at sa kung sa gayon ay ayon sa pagpiling ginawa ng may-akda o ng patnugot. Ang mga anyo ng wika na takigrapiko, katulad ng mga ginagamit sa pagsasatsatan sa Internet at mga mensaheng teksto, ay maaaring may malawak na kakaibang panuntunan.

Mga bantas[baguhin | baguhin ang batayan]

Kabilang sa mga bantas ang mga sumusunod:

  1. Tuldok o period (.)
  2. Tandang Pananong o question mark (?)
  3. Tandang Padamdam o exclamation point (!)
  4. Kuwit o comma (,)
  5. Kudlit o apostrophe (‘)
  6. Gitling o hyphen (-)
  7. Tutuldok o colon (:)
  8. Tuldok-kuwit o semicolon (;)
  9. Panipi o quotation mark (“”)
  10. Panaklong o parenthesis ( )
  11. Tutuldok-tutuldok o elipsis (…)

Paggamit ng iba't ibang mga bantas[baguhin | baguhin ang batayan]

Tuldok[baguhin | baguhin ang batayan]

Ang tuldok (.) ay ginagamit na pananda:

A. Sa katapusan ng pangungusap na paturol o pasalaysay at pautos. Halimbawa: Igalang natin ang Pambansang Awit.

B. Sa pangalan at salitang dinaglat. Mga halimbawa: (a) Si Gng. A.A. Jose ay mahusay magturo. (b) Si Bb. Macarayan ang kanilang guro sa asignaturang “Basic Christian Living”.

C. Sa mga titik o tambilang na ginagawang pamilang sa bawa’t hati ng isang balangkas, talaan.

Tandang Pananong[baguhin | baguhin ang batayan]

Ginagamit ang tandang pananong ( ? ):

A. Sa pangungusap na patanong. Mga halimbawa: (a) Ano ang pangalan mo? (b) Sasama ka ba?

B. Sa loob ng panaklong upang mapahiwatig ang pag-aalinlangan sa diwa ng pangungusap. Mga halimbawa: (a) Si Manuel Roxas ang ikalawang (?) pangulo ng Republika ng Pilipinas.

C. Sa paggamit ng mga hulihang parte ng pagatatanong. Halimbawa: ikaw ba si Joan?

Tandang Padamdam[baguhin | baguhin ang batayan]

Ang bantas na tandang padamdam ( ! ) ay ginagamit sa hulihan ng isang kataga, parirala o pangungusap na nagsasaad ng matindi o masidhing damdamin. Mga halimbawa: (a) Mabuhay ang Pangulo! (b) Uy! Ang ganda ng bago mong sapatos. (c) Aray! Naapakan mo ang paa ko.

Kuwit[baguhin | baguhin ang batayan]

Ang kuwit ( , ) ay ginagamit sa ganitong mga kaparaanan:

A. Paghihiwalay ng isang sinipi.

B. Sa paghihiwalay ng magkakasunod na salita at lipon ng mga salitang magkaka-uri. Halimbawa: Kumain ka ng itlog, gulay at sariwang bungang-kahoy. Shana, saan ka nag-aaral ngayon?

C. Sa hulihan ng bating panimula at bating pangwakas ng isang liham-pangkaibigan. Mga halimbawa:

Mahal kong Marie,
Nagmamahal,
Sa iyo kaibigang Jose,
Tapat na sumasaiyo,

D. Pagkatapos ng Oo at Hindi. Mga halimbawa: Oo, uuwi ako ngayon sa probinsiya. Hindi, ayaw niyang sumama.

E. Sa mga lipon ng salitang panuring o pamuno. Mga halimbawa: Si Andres Bonifacio, ang ama ng Katipunan, ay isinilang sa Tondo. Si Pastor Arias, isang mahusay na tagapagtanggol, ay isang Manobo.

F. Sa hulihan ng bilang sa petsa, o sa pagitan ng kalye at purok at ng bayan at lalawigan sa pamuhatan ng isang liham. Mga halimbawa:

Nobyembre 14, 2008
Project 8, Quezon City

G. Sa paghihiwalay ng tunay na sinabi ng nagsasalita sa ibang bahagi ng pangungusap. Halimbawa: Ayon kay Rizal, “Ang hindi magmamahal sa sariling wika ay higit pa sa mabaho at malansang isda”.

Kudlit[baguhin | baguhin ang batayan]

Ang kudlit ( ‘ ) ay ginagamit na panghalili sa isang titik na kina-kaltas. Halimbawa: Siya’t ikaw ay may dalang pagkain. Ako’y isang mamamayang Pilipino at may tungkuling mahalin at pangalagaan ang aking bayan.

Gitling[baguhin | baguhin ang batayan]

Ang gitling ( - ) ay ginagamit sa loob ng salita sa mga sumusunod na pagkakataon:

A. Sa pag-ulit ng salitang-ugat o mahigit sa isang pantig ng salitang-ugat.

   Halimbawa: 
   araw-araw isa-isa apat-apat
   dala-dalawa sari-sarili kabi-kabila
   masayang-masaya

B. Kung ang unlapi ay nagtatapos sa katinig at ang salitang nilalapian ay

   nagsisimula sa patinig na kapag hindi ginitlingan ay magkakaroon ng ibang 
   kahulugan
   Halimbawa: 
   mag-alis nag-isa nag-ulat
   pang-ako mang-uto pag-alis
   may-ari tag-init pag-asa

C. Kapag may katagang kinaltas sa pagitan ng dalawang salitang pinagsama.

   Halimbawa: 
   pamatay ng insekto - pamatay-insekto
   kahoy sa gubat - kahoy-gubat
   humgit at kumulang - humigit-kumulang
   lakad at takbo - lakad-takbo
   bahay na aliwan - bahay-aliwan
   dalagang taga bukid - dalagang-bukid
   Subalit, kung sa pagsasama ng dalawang salita ay magbago ang kahulugan, 
   hindi na gagamitan ng gitling ang pagitan nito.
   Halimbawa: 
   dalagangbukid (isda)
   buntunghininga

D. Kapag may unlapi ang tanging ngalan ng tao, lugar, brand o tatak ng isang

   bagay o kagamitan, sagisag o simbolo. Ang tanging ngalan ay walang 
   pagbabago sa ispeling
   Halimbawa:
   maka-Diyos maka-Rizal maka-Pilipino
   pa-Baguio taga-Luzon taga-Antique
   mag-pal maka-Johnson mag-Sprite
   mag-Corona mag-Ford mag-Japan

E. Sa pag-uulit ng unang pantig ng tanging ngalang may unlapi, ang gitling ay

   nalilipat sa pagitan ng inulit na unang pantig ng tanging ngalan at ng buong 
   tanging ngalan
   Halimbawa: 
   mag-Johnson magjo-Johnson
   mag-Corona magco-Corona
   mag-Ford magfo-Ford
   mag-Japan magja-Japan
   mag-Zonrox magzo-Zonrox

F. Kapag ang panlaping ika- ay iniunlapi sa numero o pamilang.

   Halimbawa: 
   ika-3 n.h. ika-10 ng umaga ika-20 pahina
   ika-3 revisyon ika-9 na buwan ika-12 kabanata

G. Kapag isinulat nang patitik ang mga yunit ng fraction.

   Halimbawa:
   isang-kapat (1/4)
   lima’t dalawang-kalima (5-2/5)
   tatlong-kanim (3/6)

H. Kapag pinagkakabit o pinagsasama ang apelyido ng babae at ng kanyang

   bana o asawa.
   Halimbawa:
   Gloria Macapagal-Arroyo
   Conchita Ramos-Cruz
   Perlita Orosa-Banzon

I. Kapag hinati ang isang salita sa dulo ng isang linya.

   Halimbawa:
   Patuloy na nililinang at pinalalawak ang pag-gamit ng Filipino.

Tutuldok[baguhin | baguhin ang batayan]

Ang tutuldok ( : ) ay ginagamit matapos maipapuna ang pagpapakilala sa mga sumusunod na paliwanag, sa ganitong mga paraan:

A. Ginagamit kung may lipon ng mga salitang kasunod. Mga halimbawa: Maraming halaman ang namumulaklak sa hardin tulad ng: Rosal, Rosas, Orchids, Sampaguita, Santan at iba pa.

B. Pagkatapos ng bating panimula ng pormal na liham o liham-pangangalakal. Mga halimbawa:

Dr. Garcia:
Bb. Zorilla:

C. Sa paghihiwalay sa mga minuto at oras, sa yugto ng tagpo sa isang dula, sa kabanata at taludtod ng Bibliya at sa mga sangkap ng talaaklatan. Halimbawa: 8:00 a.m Juan 16:16

Tuldok-kuwit[baguhin | baguhin ang batayan]

Ang tuldok-kuwit ( ; ) ay naghuhudyat ng pagtatapos ng isang pangungusap na kaagad sinusundan ng isa pang sugnay nang hindi gumagamit ng pangatnig, sa ganitong mga paraan:

A. Maaaring gumamit ng tuldukuwit sa halip na tutuldok sa katapusan ng bating panimula ng liham pangalakal. Mga halimbawa: Ginoo; Bb;

B. Ginagamit sa pagitan ng mga sugnay ng tambalang pangungusap kung hindi pinag-uugnay ng pangatnig. Mga halimbawa: Kumain ka ng maraming prutas; ito’y makabubuti sa katawan. Naguguluhan siya sa buhay; iniisip nya ang magpatiwakal.

C. Sa unahan ng mga salita at parirala tulad halimbawa, gaya ng, paris ng, kung nangunguna sa isang paliwanag o halimbawa. Mga halimbawa: Maraming magagandang bulaklak sa Pilipinas na hindi na napag-uukulan ng pansin; gaya ng kakwate, kabalyero, banaba, dapdap at iba pa.

Panipi[baguhin | baguhin ang batayan]

Ang mga panipi (“ ”) ay inilalagay sa unahan at dulo ng isang salita sa ganitong mga kaparaanan:

A. Ginagamit upang ipakita ang buong sinasabi ng isang nagsasalita o ang tuwirang sipi. Halimbawa: “Hindi kinukupkop ang criminal, pinarurusahan,” sabi ng Pangulo.

B. Ginagamit upang mabigyan diin ang pamagat ng isang pahayagan, magasin, aklat at iba’t ibang mga akda. Halimbawa: Nagbukas na muli ang “Manila Times”. Isang lingguhang babasahin ang “Liwayway”. Napaluha ang marami nang mapanood ang dulang “Anak Dalita”.

C. Ginagamit sa pagkulong ng mga salitang banyaga. Halimbawa: Ang binasa niyang aklat ay hinggil sa bagong “Computer Programming”.

Panaklong[baguhin | baguhin ang batayan]

Ang panakolong ( () ) ay ginagamit na pambukod sa salita o mga salitang hindi direktang kaugnay ng diwa ng pangungusap, gaya ng mga ginamit sa pangu-ngusap na ito.

A. Ginagamit upang kulungin ang pamuno. Halimbawa: Ang ating pambansang bayani (Jose Rizal) ang may-akda ng Noli Me Tangere.

B. Ginagamit sa mga pamilang o halaga na inuulit upang matiyak ang kawastuhan. Halimbawa: Ang mga namatay sa naganap na trahedya sa bansang Turkey ay humigit-kumulang sa labindalawang libong (12,000) katao.

C. Ginagamit sa mga pamilang na nagpapahayag ng taon. Halimbawa: Jose P. Rizal ( 1861 – 1896 )

Tutuldok-tuldok[baguhin | baguhin ang batayan]

Ang tutuldok-tuldok o elipsis (…) ay nagpapahiwatig na kusang ibinitin ng nagsasalita ang karugtong ng nais na sabihin.

A. Upang ipakilalang may nawawalang salita o mga salita sa siniping pahayag. Tatlong tuldok ang ginagamit kung sa unahan o sa gitna ng pangungusap ay may nawawalang salita, subalit apat na tuldok kung sa mga salitang nawawala ay sa hulihan ng pangungusap. Halimbawa: Ipinagtibay ng Pangulong Arroy …

B. Sa mga sipi, kung may iniwang hindi kailangang sipiin. Halimbawa: Kung ikaw’y maliligo sa tubig ay aagap upang …

Mga sanggunian[baguhin | baguhin ang batayan]