Epektong Doppler
Ang epektong Doppler (o ang pagbabagong Doppler) ay ang pagbabago sa dalas ng pag-ulit ng isang alon (o anumang pangyayaring paulit-ulit) para sa isang tagapagmasid na gumagalaw mula sa pinagmumulan nito. Ipinangalan ito kay Christian Doppler, isang pisikong Austriyano, na siyang nagmungkahi nito noong taong 1842 sa Prague. Karaniwan itong maririnig kapag ang isang sasakyang nagpapatunog ng sirena o busina ay lumalapit, dumadaan, at lumalayo mula sa tagapagmasid. Kung ikukumpara sa dalas ng pag-ulit na naibubuga, ang natatanggap na dalas ng pag-ulit ng alon ay mas mataas habang ito’y lumalapit, kahalintulad naman sa panahong dumadaan ito, at mas mababa habang lumalayo.
Sa panahong ang pinagmumulan ng alon ay papalapit sa tagapagmasid, ang bawat sumusunod na tuktok ng alon ay naibubuga mula sa posisyong mas malapit sa tagapagmasid kaysa sa naunang alon. Dahil dito, ang bawat alon ay inaabot ng mas kaunting panahon upang marating ang tagapagmasid kaysa sa naunang alon. Kaya, ang oras sa pagitan ng pagdating ng magkasunod na tuktok ng alon sa tagapagmasid ay nababawasan na nagdudulot ng pagdalas sa pag-ulit nito. Sa paglapit ng pinagmumulan ng alon, ang agwat ng mga magkasunod na pront ng alon ay lumiliit, kaya mistulang nagkukumpulan ang mga alon. Sa kasalungat naman, kung ang pinagmumulan ng mga alon ay papalayo mula sa tagapagmasid, ang bawat alon ay naibubuga mula sa posisyong mas malayo mula sa tagapagmasid kaysa sa mga naunang alon, kaya ang oras ng pagdating ng magkakasunod na mga alon ay lumalaki at nababawasan ang dalas ng pag-ulit nito. Ang layo sa pagitan ng magkasunod na pront ng alon ay lumalaki, kaya mistulang kumakalat ito.
Para sa mga along lumalaganap sa isang midyum, gaya ng alon ng tunog, ang bilis ng tagapagmasid at ng pinagmumulan ng alon ay naiuugnay sa midyum kung saan ang alon ay lumalaganap. Ang kabuuang epekto ng Doppler, kung gayon, ay maaaring nagmumula mula sa paggalaw ng pinagmumulan ng alon, ng tagapagmasid, o ng midyum. Ang bawat isa sa mga epektong ito ay sinusuri nang magkakahiwalay. Para sa mga along hindi nangangailangan ng midyum, gaya ng liwanag o grabiti sa pangkalahatang relatibidad, tanging ang nauugnay na pagkakaiba sa bilis sa pagitan ng tagapagmasid at pinagmumulan ng alon ang kinakailangang isaalang-alang.