Gabriela Mistral
Gabriela Mistral | |
---|---|
Kapanganakan | 7 Abril 1889
|
Kamatayan | 10 Enero 1957
|
Mamamayan | Chile |
Trabaho | makatà, diplomata, guro, manunulat[1] |
Asawa | none |
Pirma | |
Si Lucila Godoy Alcayaga (Abril 7, 1889 – 10 Enero 1957), na kilala sa kanyang sagisag panulat na Gabriela Mistral (Espanyol: [ɡaˈβɾjela misˈtɾal]) ay isang makata, diplomata, gurò at humanista. Siya ang unang ginawaran ng Nobel Prize sa Panitikan mula sa Latin Amerika taong 1945 “para sa kanyang makakapangyarihang lirikong tula, na naging isang simbolo ng idealistikong mithiin sa buong rehiyon ng Latinong Amerika.”
Talambuhay
[baguhin | baguhin ang wikitext]Kabataan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Isinilang si Gabriela Mistral sa Vicuña, Chile, sa Lambak ng Elqui sa kabundukan ng Andes. Paglao’y lumipat sila sa maliit na bayan sa Monte Grande kung saan dito na rin siya lumaki. Itinaguyod siya ng kanyang ina at kanyang nakatatandang kapatid na babae na kanya ring naging unang guro. Bagamat iniwan sila ng kanyang ama nang siya’y tatlong taong gulang pa lamang, naging isang malaking impluwensiya kay Gabriela ang pagkahilig nito sa pagsulat ng tula at paglalakbay. Ang kanyang ina naman ay ang naging pangunahing inspirasyon niya sa kahalagahan ng pamilya at pagkamakabayan.
Labing-limang taong gulang si Gabriela nang magsimula siyang magtrabaho bilang isang guro. Kasabay din ng kanyang pagtuturo ay nagsulat siya ng mga tula, ilan dito ay nalathala sa mga lokal at pambansang pahayagan sa Chile. Ang pagkamatay ng kanyang kasintahang si Romeo Oreta noong 1909 ang naging inspirasyon ng kanyang pagsulat ng Sonetos de la muerte (Mga Soneto ng Kamatayan), unang nalathala sa taong 1914.
Mga propesyon at natamong mga parangal
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nagkamit ng unang gantimpala sa Juegos Florales ang kanyang Sonetos de la muerte (Mga Soneto ng Kamatayan), isang pambansang patimpalak sa panitikan. Subalit ang pinakauna niyang koleksyon ng mga tula, ang Desolación (Kawalan ng Pag-Asa) ay nalathala lamang sa taong 1922. Taong 1924 naman nang lumabas ang Temura (Hinahon), isang koleksyon ng mga tula na may tema ng pagkabata. Habang ang kanyang Tala, isang koleksyon rin ng tula na inilathala sa taong 1938 ay may tema tungkol sa pagiging isang ina. Ang kompilasyon naman ng kanyang tula ay lumabas sa taong 1958.
Ang kanyang popularidad bilang isang makata ay nagbukas rin ng maraming pagkakataon sa kanya bilang isang guro. Malaki ang naging kontribusyon ni Gabriela sa sistema ng edukasyon sa Mexico at Chile. 1922 nang tanggapin niya ang imbitasyong ng presidente ng Mexico upang lumikha ng sistema para sa pampublikong paaralan. Nagkaroon siya ng oportunidad na makapagturo sa iba’t ibang siyudad sa Chile at pinarangalan ng “Guro ng Bansa” noong 1923 ng kanilang gobyerno.
Ginawaran siya ng titulong pandangal mula sa mga unibersidad ng Florence at Guatemala, at miyembro ng ilang pangkulturang samahan sa Chile maging sa Estados Unidos, Espanya at Cuba. Nagturo rin siya ng panitikang Espanyol sa Estados Unidos at Columbia University, Middlebury College, Vassar College at sa University of Puerto Rico.
Bukod sa edukasyon ay malaki rin ang naging bahagi ni Gabriela sa pandaigdigang pagtataguyod ng karapatan ng kabataan, kababaihan at mga nangangailangan. Naging instrumental siya sa pagbuo ng United Nations ng UNICEF (The United Nation’s Children’s Fund).
Noong 1920, naging kinatawan siya ng Latino Amerika sa Institute for Intellectual Cooperation ng League of Nations. Nanirahan siya sa Pransya at Italya mula 1926 hanggang 1932. Sa mga taong ito ay pumunta siya sa iba’t ibang bansa tulad ng Brazil, Argentina, ang Carribean, Uruguay at iba pa. Naglingkod din siya bilang isang konsul ng Chile sa mga siyudad tulad ng Nice, Naples, Madrid at New York.
Sa taong 1945, pinarangalan siya ng Gantimpalang Nobel para sa Panitikan. Natanggap naman niya ang Pambansang Gantimpala sa Chile sa Literatura noong 1951.
Kamatayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ika-10 ng Enero, 1957 nang pumanaw si Gabriela Mistral sa Hempstead, New York, Estados Unidos dahil sa kanser sa lapay. Ang kanyang mga labí ay dumating sa Chile noong ika-19 ng Enero, 1957, at paglao'y inilibing sa Monte Grande.
Halimbawa ng tula
[baguhin | baguhin ang wikitext]La Madre Triste ni Gabriela Mistral
Duerme, duerme, dueño mío,
sin zozobra, sin temor,
aunque no se duerma mi alma,
aunque no descanse yo.
Duerme, duerme y en la noche
seas tú menos rumor
que la hoja de la hierba,
que la seda del vellón.
Duerma en ti la carne mía,
mi zozobra, mi temblor.
En ti ciérrense mis ojos:
¡duerma en ti mi corazón!
Salin sa Tagalog:
"Ang Inang Nalulumbay"
Aking giliw, ika’y matulog na
ng walang takot at pangamba,
bagamat puyat ang aking kaluluwa,
bagamat ako ay walang pahinga.
Tulog na, giliw, at sa gabi
Nawa’y bulong mo ay mas suminsin
sa hibla ng damo,
o sa malasutlang balahibo ng tupa.
Mahimbing sana sayo ang aking laman,
Ang aking pagkabalisa at agam agam.
Sa iyo, mapinid sana ang mga mata
at puso ko ay mahimlay na.
Ang payak na tulang ito ay nagpapahayag ng labis na lumbay at pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak. Ito ay nakasulat sa pangunahing perspektiba, isang inang ihinehele ang kanyang anak. Sa unang saknong mababatid ang pagsasakripisyo ng isang ina sa kanyang anak, dahil sa kabila ng kapaguran niya ay inaasam niya na makatulog ang kanyang anak ng walang pangamba. Sa sunod na saknong ay gumamit ng talinhaga upang ilarawan ang pagnanais niyang matiwasay na paghimbing ng anak tulad ng malambot na balahibo ng tupa at hibla ng damo.
Sa huling saknong ipinapakita ang higit sa pisikal na ugnayan ng isang anak sa kanyang ina, na mula sa kanyang sariling dugo't laman, nagsisimula ang koneksyong emosyonal at maging ispiritwal na mababasa sa unang saknong “aunque no se duerma mi alma,/ aunque no descanse yo.” (bagamat puyat ang aking kaluluwa,/ bagamat ako ay walang pahinga). Maipapahiwatig ng persona dito na sa katiwsayan lamang ng pagkakahimbing ng kanyang anak nagiging matiwasay ang puso ng isang ina.
Payapa man ang kabuuang nilalaman ng mga imahen ay may lakip rin itong kalungktan. Isa lamang itong halimbawa ng tula ni Gabriela Mistral. Kadalasang nagiging tema ng kanyang mga sinulat ay tungkol sa pangungulila, kamatayan, pagdurusa at kamusmusan na kumakatawan sa kanyang sariling danas at kanyang namamasdan sa mundo.
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext][2] [3] [4] [5] [6] [7] [8] [9] [10] [11]
- ↑ "Premio Nacional de Literatura" (sa wikang Kastila). Nakuha noong 27 Oktubre 2024.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "The Nobel Prize in Literature 1945". Nobelprize.org. Nobel Media AB 2014. Web. 4 May 2018. http://www.nobelprize.org/nobel_prizes/literature/laureates/1945/
- ↑ “About Gabriela Mistral”. Gabrielamistralfoundation.org., http://www.gabrielamistralfoundation.org/web/index.php?option=com_content&task=view&id=9&Itemid=15 Naka-arkibo 2018-06-29 sa Wayback Machine.. Accessed 6 May 2018.
- ↑ "Gabriela Mistral - Biographical". Nobelprize.org. Nobel Media AB 2014. Web. 4 May 2018. http://www.nobelprize.org/nobel_prizes/literature/laureates/1945/mistral-bio.html
- ↑ “Gabriela Mistral”. Britannica.com. https://www.britannica.com/biography/Gabriela-Mistral. Accessed 6 May 2018.
- ↑ Radeska, Tijana. “Gabriela Mistral was the first Latin American writer to receive the Nobel Prize for literature”. Thevintagenews.com. 27 October 2017. https://www.thevintagenews.com/2017/10/27/gabriela-mistral-was-the-first-latin-american-writer-to-receive-the-nobel-prize-for-literature/. Accessed 6 May, 2018.
- ↑ “Gabriela Mistral Biography”. Thefamouspeople.com. https://www.thefamouspeople.com/profiles/gabriela-mistral-3280.php. accessed 6 May 2018.
- ↑ Tolson, Santiago. “Gabriela Mistral”. Poetryfoundation.org. https://www.poetryfoundation.org/poets/gabriela-mistral. Accessed 6 May 2018.
- ↑ “Gabriela Mistral”. Ithacalit.com. http://ithacalit.com/gabriela-mistral.html. Accessed 6 May 2018.
- ↑ “Biography Gabriela Mistral”. Biographyonline.net. https://www.biographyonline.net/poets/gabriela_mistral.html. Accessed 6 May 2018.
- ↑ "Gabriela Mistral: La Madre Triste". Poemas-del-alma.com. https://www.poemas-del-alma.com/la-madre-triste.htm. Accessed 7 May 2018.