Heograpiyang pantao

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin

Heograpiyang Pantao (Human Geography)

Ang disiplina ng Heograpiya ay nahahati sa dalawang sangay: ang Heograpiyang Pisikal (Physical Geography) ang agham na tumatalakay sa mga natural na proseso ng mga pagbabago sa kapaligiran; pinag-aaralan dito ang Klima, Heolohiya (Geology),Biolohiya (Biology) at iba pang sangay ng agham-pangkalikasan.

Ang ikalawang sangay ng heograpiya ay ang Heograpiyang Pantao (Human Geography) o Heograpiyang Kultural (Cultural Geography), ito ay isang agham panlipunan na pinag-aaralan ang paraan ng interaksyon ng tao sa kanyang kapaligiran; kung paano niya ito binabago at kung paano din siya nababago o naaapektuhan ng kalikasan. Pinag-aaralan dito ang relihiyon, wika, medisina, ekonomiya, politika, mga lungsod,populasyon, kultura at iba pa.

Sinusuri nito kung paano naaapektuhan ng panlipunan, pangkultural, pampulitika at pang-ekonomiyang proseso ang espasyo (space) at lugar, sa pamamagitan ng pag-imbestiga sa mga paksa tulad ng: mga rural at siyudad na komunidad; kalusugan at kapakanan; sustanibilidad (sustainability); globalisasyon; terorismo at seguridad. Inaalam ng mga heograpong pantao ang mga dahilan kung paano nababago ng tao ang kapaligiran, kung paano siya nakakalikha ng panibagong lugar na may kahulugan, at kung paano nababago ng kapaligiran ang paraan ng pamumuhay ng tao; ang interaksyong ito ang pangunahing sinusuri sa Heograpiyang Pantao.