Karamdaman ni Parkinson

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin
Paglalarawan ng karamdaman ni Parkinson na iginuhit ni Sir William Richard Gowers mula sa A Manual of Diseases of the Nervous System ("Isang Gabay sa mga Karamdaman ng Sistemang Nerbyos") noong 1886.

Ang karamdaman ni Parkinson o sakit ni Parkinson, kilala rin bilang paralysis agitans (paralisis na kumakalog), ay isang kronikong kapansanan ng sistemang nerbyos. Pinangalanan ito mula kay James Parkinson (1755-1824), isang manggagamot mula sa Londres, Inglatera. Ang isinaunang paglalarawan ng karamdaman ni Parkinson ay matatagpuan sa akdang An Essay on the Shaking Palsy ("Isang Sanaysay Hinggil sa Panghihinang Umaalog") sa ni James Parkinson na nalathala sa Londres noong 1817. Karaniwang nagaganap ang sakit na ito pagkaraan ng panahon ng gitnang buhay ng tao, na mas kadalasang nangyayari sa mga lalaki kaysa sa mga babae. Palihim ang pag-uumpisa ng karamdamang ito, at ang pagsulong ay kinatatangian ng pagkakaroon ng panghihina ng mga masel, paninigas at hindi mapagalaw na mga masel, at mga pangangatog. Nagkakaroon ang mukha ng hitsurang parang tuod, na tinatawag na maskara ni Parkinson, habang naninigas ang katawan. Nagkakaroon din ang may-sakit ng pestinasyon (mula sa Ingles na festination), isang kakaibang paraan ng paglalakad. Nagpapakita ang mga kamay ng isang magaslaw na nanginginig na kilos, na parang nagpapagulong ng mga pildora. Maaari rin na mayroong pangangatog sa mga bisig, sa ulo, sa dila, at sa mga binti.[1]

Sa karamdaman ni Parkinson, ang naaapektuhang bahagi ng utak ay ang corpus striatum, na maaaring nagmula sa isang malubha at matinding pagkakabangga o pagkabugbog ng sistemang nerbyos.[1]

Bagaman wala pang natatagpuang lunas para sa karamdaman ni Parkinson, ilan sa mga ginamit na gamot na pampaginhawa ang hyoscine hydrobromide (USP scopolamine hydrobromide, 1/120 grano). Subalit dahil sa mataas na antas ng pagka nakakalason (toksisidad) ng hyoscine hydrobromide, gumamit ang mga Pranses na mediko ng genoscopolamine (nagsimula ang katawagang ito noong 1925), isang amino-oksido ng scopolamine, na may talab na terapeutiko ng scopolamine hydrobromide subalit 200 ulit ang kababaan ng pagiging nakakalason.[1]

Mga sanggunian[baguhin]

  1. 1.0 1.1 1.2 Robinson, Victor, Ph.C., M.D. (patnugot). (1939). "Parkinson's Disease". The Modern Home Physician, A New Encyclopedia of Medical Knowledge. WM. H. Wise & Company (New York)., pahina 568.