Pumunta sa nilalaman

Ursula Micaela Morata

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Ursula Micaela Morata
Madre Ursula Micaela Morata
Venerable
Ipinanganak21 Oktubre 1628
Cartagena, Espanya
Namatay9 Enero 1703
Alicante, Espanya
Benerasyon saSimbahang Katoliko Romano
Kapistahan

Si Ursula Micaela Morata (Cartagena, Espanya, 21 Oktubre 1628 - Alicante, Espanya, 9 Enero 1703), ay isang relihiyosa, mistika, at nagtatag ng kumbento ng mga Mahihirap na Clarang Kaputsina sa Alicante, Espanya.

Ipinanganak siya sa isang mayamang pamilya ng lipunan at bunso sa labintatlong magkakapatid. Ang kanyang amang si Marco Aurelio Morata Iscaya, may dugong Italyano, ay isang kabalyero para sa Estado ng Saboya. Isa namang Madrilenya ang kanyang ina na si Juana Garibaldo, may dugo ring Italyana. Kapwa namatay ang mga ito noong 1632 na tatlong araw lamang ang pagitan. Si Ursula noon ay tatlong taong gulang pa lamang, at napunta siya pangangalaga ng kanyang nakatatandang kapatid na si Sebastiana.

Nagsimula ang kanyang karanasang místiko noong siya ay apat na taong gulang pa lamang sa kalagitnaan ng kanyang sakit na bulutong na halos kanyang ikinamatay.

Ganito nagsimula ang kanyang buhay espirituwal kung saan natutunan niya ang pagdarasal, pag-aayuno, at mortipikasyon. Nagkaroon siya ng iba pang mga karanasang mistika habang nagsasagawa ng ganitong mga gawain.

Hinggil sa kanyang edukasyon, natuto siyang bumasa at sumulat sa tulong ng kanyang kapatid na babae, na sa kanyang kapanahunan, kakaunti lamang ang mga kababaihang nakatatanggap ng edukasyon.

Ang ideya na maging isang relihiyosa ang nagpalakas sa kanya upang hindi magpakasal sa isang kamg-anak noong 1642. Gayundin, dahil sa isang propetikong panaginip na kanyang ipinahayag tungkol sa kamatayan ng isang kilalang pari ng kanyang pamilya. Pumasok siya sa Monasteryo ng Capuchinas sa Murcia na itinatag ni Beata Maria Angela Astorch, abadesa at maestra ng mga nobisya. Siya na nanumpa noong 20 Enero 1647 sa pangalang Mikaela.

Noong 1648, nagkaroon ng salot o peste sa Murcia, at si Madre Ursula ay gumanap na isang tagapag-alaga ng mga may sakit na naapektuhan ng peste. Noong 1651 at 1653, dahil sa pag-apaw ng Ilog ng Segura, napilitang lisanin ng komunidad ang kanilang monasteryo at upang manatiling ligtas, sila ay nagpunta sa Bundok ng mga Ermita. Sa panahong ito, naranasan ni Madre Ursula ang "madilim na gabi," o isang krisis espirituwal ng mga mistiko. Noong 1652, tumanggap siya ng utos mula sa kanyang kumpesor na isulat niya ang kanyang talambuhay.

Landas espirituwal

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong 1653, nagkaroon din si Madre Ursula ng karanasan na transberberasyon katulad ni Santa Teresa ng Avila at iba’t ibang karanasang sobrenatural katulad ng iba pang místico: pangitain, mga lokusyon o pariralaan, mga milagro, persepsiyong ekstrasensoryo, at iba pa. Gayundin ang bilokasyon, na nagdala sa kanya sa ibang bansa; at sa pamamagitan ng kanyang mga propetikong pahayag nakapagbigay siya ng mga payo sa mga taong lumalapit sa kanya, katulad nina Carlos II ng Espanya at Juan Jose ng Austriya, kung saan nanatili siyang may kaugnayan sa mga ito.

Noong 1661, napili siya bilang tagapagpayo at kalihim ng kanyang komunidad.

Kamatayan at beatipikasyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pagkaraan ng dalawang taong pagkakasakit, namatay si si Madre Ursula noong 9 Enero 1703, sa edad na 75. Dahil sa kanyang kabanalan at katanyagang natamo mula sa lipunan, nanatiling nakahimlay ang kanyang bangkay sa simbahan, sa loob ng 6 araw. Ang kanyang katawan ay nanatiling buo (o hindi naagnas), mainit at naigagalaw. Noong 1742, natagpuan ng Obispo ng Orihuela, Juan Elias Gomez de Terán na ang bangkay ay nanatiling buo kung kaya’t iniutos niya na ito ay manatili sa isang arko na hanggang ngayon ay konserbado. Sinimulan naman ni Rafael Palmero Ramos obispo ng Orihuela noong 11 Oktubre 2006 ang proseso ng kanyang beatipikasyon at nagsara ito noong 11 Hunyo 2009.

Bibliyograpiya

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Memorias de una monja del Siglo XVII., ni Vicente Benjamin Piquer Garcés, Alicante, 1999.