Pumunta sa nilalaman

Codex Gigas

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Ang Codex Gigas

Ang Codex Gigas (Tagalog: Dambuhalang Aklat) ay ang pinakamalaking natitirang manuskrito mula sa Medyebal sa buong mundo.[1] Kilala rin ito bilang Devil's Bible o Bibliya ng Diyablo dahil sa malaking larawang-guhit ng diyablo na nakapaloob dito at pati na rin sa alamat ng pagkakalikha nito. Inaakalang nilikha ito noong unang bahagi ng ika-13 siglo sa monasteryo ng mga Benedictino sa Podlažice sa Bohemia (ngayo'y Republikang Tseko). Nilalaman nito ang Vulgata, pati na rin ang maraming makasaysayang dokumentong nakasulat sa wikang Latin. Noong Tatlumpung Taóng Digmaan noong 1648, ang kabuuang koleksiyon ay ninakaw ng hukbong Swedish bilang bahagi ng kanilang dinambong, at ito ngayo'y nakapreserba sa Pambansang Aklatan ng Sweden sa Stockholm, at masisilayan ng madla.[1]

Sa kabuuan, hitik sa ilustrasyon ang codex.

Nakabigkis ang codex sa kahoy na paniklop na nababalutan ng balát at inadornong metal. Sa taas na 92 cm (36 in), lapad na 50 cm (19.7 in) at kapal na 22 cm (8.6 in), ito ang pinakamalaking napag-aalamang medyebal na manuskrito.[2] May bigat na 74.8 kg (165 lb), ang Codex Gigas ay naglalaman ng 310 pahina ng vellum na pinaghihinalaang gawa sa balát ng 160 buriko o kaya'y guya.[3] Sa simula, mayroon itong 320 pahina ngunit ang ilan dito'y tinanggal kalaunan.[4] Walang nakaaalam kung sino ang nagtanggal ng mga pahina o bakit ito tinanggal, ngunit maaring ito'y naglalaman ng mga monastikong panuntunan ng mga Benedictino.

Pinaniniwalaang si Herman the Recluse ang gumawa ng codex sa monasteryong Benedictino sa Podlažice malapit sa Chrudim, ngayo'y bahagi ng Republikang Tseko. Nasira ang monasteryo noong ika-15 siglo noong Himagsikang Hussite. Ang mga talâ sa codex ay nagtapós sa taong 1229. Nang mabangkarote ang monasteryo, ipinagbili ang codex sa Cistercianong monasteryo sa Sedlec, at kinalauna'y binili naman ng Benedictinong monasteryo sa Břevnov. Noong panahong iyon, nagbibigay karangalan at katanyagan ang pagmamay-ari ng ganitong klase ng mga aklat. Mula 1477 hanggang 1593, itinago ito sa aklatan ng isang monasteryo sa Broumov hanggang dalhin ito sa Praga noong 1594 upang maging bahagi ng koleksiyon ni Emperador Rudolf II.

Sa pagtatapós ng Tatlumpung Taóng Digmaan noong 1648, ang kabuuang koleksiyon ay kinuha ng hukbo ng Sweden bilang dambong. Mula 1649 hanggang 2007, itinago ang manuskrito sa Swedish Royal Library sa Stockholm.[5] Ang pook kung saan nalikha ang codex ay may maqueta bilang palatandaan, ito'y matatapuan sa museo ng bayan ng Chrast.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Umakyat patungo: 1.0 1.1 "Codex Gigas - Kungliga biblioteket". Kb.se. 2007-05-30. Inarkibo mula sa orihinal noong 2020-03-04. Nakuha noong 2013-11-19.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Boldan, Kamil; Michal Dragoun; Duan Foltýn; Jindřich Marek; Zdeněk Uhlíř (2007). The Devil's Bible - Codex Gigas. The Secrets of the World’s Largest Book. NKP. p. 15. ISBN 978-80-7050-532-8.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "Description of the MS - Kungliga biblioteket". Kb.se. 2007-06-19. Nakuha noong 2013-11-19.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Boldan, Kamil; Michal Dragoun; Duan Foltýn; Jindřich Marek; Zdeněk Uhlíř (2007). The Devil's Bible - Codex Gigas. The Secrets of the World's Largest Book. NKP. p. 17. ISBN 978-80-7050-532-8.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. Bruce M. Metzger, Bart D. Ehrman, "The Text of the New Testament: Its Transmission, Corruption and Restoration", Oxford University Press (New York – Oxford, 2005), p. 103.