Wikang Tagalog

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin
Tagalog
Wikang Tagalog
ᜏᜒᜃᜅ᜔ ᜆᜄᜎᜓᜄ᜔
Ginagamit sa Mga bansang may mahigit sa 1 milyong manananalita:

Pilipinas at Estados Unidos

Mga bansang may mahigit sa 100 libong mananalita:
Arabyang Saudi, Australya, Hapon, Israel, Italya, Kanada, Malaysia, Mga Pinag-isang Arabong Emirado, Singgapur, at Tsina (lalo na ang Hong Kong)


Gitna at timog Luzon, Pilipinas, Timog-Silangang Asya
Bilang ng mga tagapagsalita Unang wika (sa Pilipinas): 22 milyon[1] Kung kabilang ang Filipino: 50 milyon[2]


Pangkalahatan (buong mundo): ≈ 100 milyon kabuuang tagapagsalita

Pamilya ng wika Austronesyo
Mga diyalekto
Bataan
Bulacan
Lubang
Manila
Marinduque
Tanay-Paete
Tayabas
Balbal
Sistema ng pagsulat Latin (kahalawang Tagalog o Filipino);
Sa kasaysayan, nasusulat sa Baybayin
Opisyal na Katayuan
Opisyal na Wika sa Pilipinas (sa anyong Filipino)
Flag of the United States.svg Estados Unidos (pangkauntian at oksilaryo)
Pinamamahalaan ng Komisyon sa Wikang Filipino
Mga kodigong panwika
ISO 639-1 tl
ISO 639-2 tgl
ISO 639-3 tgl
Lingwaspero
Katagalugan.png

Ang Wikang Tagalog,[3] (Baybayin: ᜏᜒᜃᜅ᜔ ᜆᜄᜎᜓᜄ᜔) na kilalala rin sa payak na pangalang Tagalog, ay isa sa mga pangunahing wika ng Republika ng Pilipinas at sinasabing ito ang de facto ("sa katunayan") ngunit hindi de jure ("sa batas") na batayan na siyang pambansang wikang Filipino (mula 1961 hanggang 1987: Pilipino[3]). Ito ang katutubong wika ng mga lalawigan sa Rehiyon IV (CALABARZON at MIMAROPA), ng Bulakan, at ng Kalakhang Maynila. Sinasalita rin ito sa Hilagang Kapuluang Mariana, kung saan ang mga Pilipino ang pinakamalaking pangkat etnolingwistiko. Bilang isang pangunahing wika sa Pilipinas, ang karaniwan at pamantayang anyo nito ang pangunahing wika sa pambansang telebisyon at radyo, bagaman halos nasa Ingles ang buong kayarian ng mga pahayagan. Bilang Filipino, kasama ng Ingles, isa ang Tagalog sa kasamang-opisyal at tanging pambansang wika sa Pilipinas. Malawak na ginagamit ang Tagalog bilang lingua franca o "tunay na wika" sa buong bansa, at sa mga pamayanang Pilipino nasa labas ng Pilipinas. Subalit, habang kalat ang Tagalog sa maraming mga larangan, higit na laganap ang Ingles, sa iba't ibang antas ng katatasan, sa mga larangan ng pamahalaan at kalakalan. Tinatawag na mananagalog o mananalita ang isang may mataas, may kahusayan, at kaalaman sa pananagalog.[3]

Kaugnay ng ibang mga wika sa Pilipinas ang Wikang Tagalog, gaya ng mga wika sa Bikol, Ilokano, mga wika sa kabisayaan, at Kapampangan, at mayroon din kaugnayan sa iba pang mga wikang Austronesyo, gaya ng wikang Indonesia, Hawaiian at Malagasy.

Kasaysayan[baguhin]

Ang salitang Tagalog ay hinango sa salitang taga-ilog, galing sa unlaping tagá- na nangangahulugang "katutubo ng" na idinagdag sa harap ng salitang ilog o "Naloy"(Tagal), kaya't may ibig sabihing "mga taong nagbuhat sa matandang Kabihasnan o sa Daluyan ng Tubig." Walang mga halimbawang kasulatan ng orihinal na Tagalog bago dumating ang mga Kastila. Sinasabi ng ilan na marahil sinunog ng mga unang paring Kastila ang mga ito, dahil sinasabi ring masademonyo ang mga halimbawang ito. Kakaunti lamang ang kaalaman tungkol sa kasaysayan ng wikang ito, ngunit sa haka-haka ng mga dalubhasa sa pananalita, katulad nina Dr. David Zorc and Dr. Robert Blust, nagmula ang mga ninuno ng mga Tagalog sa hilagang-silangang Mindanao o sa silangang Kabisayaan, kasama ng mga kamag-anak nitong wika ng mga taga-Gitnang Pilipinas.[4][5]

Ang Doctrina Cristiana (Doktrinang Kristiyano) ang pinakaunang aklat na naisulat sa Tagalog, na inakdaan noong 1593. Nakasulat ito sa Kastila at dalawang uri sa Tagalog: nakasulat ang una Baybayin habang ang sa mga titik ng Latin naman ang isa. Pinaniniwalaang hinango rin ang Tagalog mula sa salitang taga-irog dahil kilala ang pangkat ng mga kayumangging ito sa pag-irog sa sinisintang kabiyak at sa pagiging tapat din sa pakikipag-ugnayan sa pinili niyang makakasama sa buhay. Batay ito sa isang nakaraang kaganapan, noong may higit pang katinuan at takot sa Diyos ang mga tao. May kaugnayan ang salitang ito sa isang kasabihang Tagalog na "mahirap mamangka sa dalawang ilog (o irog). Wala pang nailathalang aklat na nagsasabi kung gaano katanda ang wikang Tagalog, subalit may dokumento o kasulatang nakalimbag sa tanso na nagpapatunay na ang isang matandang uri ng wikang pinagmulan ng wikang Tagalog ay umiiral at ginagamit na mahigit sa isang libong taon nang nakalipas. Ito ang limbag sa Tanso ng Laguna ng taong 822 A.D., isang bagay na patuloy pang inuusisa at pinag-aaralan ng mga nagdalubhasa sa wika. Ipinapalagay na sangay na kauri ng wikang Tagalog ang iba pang mga katutubong wika sa Pilipinas, at patuloy pa ring ginagamit ang mga ito sa bawat rehiyon at mga lalawigan ng bansa. Nang dumagsa ang mga Kastila sa kapuluan ng bansang ito, nasumpungan nila na may kabihasnan na dito: na may wika, panulat na baybayin, at mga payak na lipunang may pinunong tinatawag na datu ng bawat pangkat o barangay. Sa pagtuturo ng mga dayuhan ng kanilang kaalaman mula sa Europa, nahubog ang kaisipan at kalinangan Pilipino sa kaisipang dayuhan, na nagpatuloy hanggang sa pagdagsa sa bansa ng mga Amerikano at mga Hapones sa paglipas ng mga panahon. Sa kabila ng impluwensiyang ito, nakilala ang wikang Tagalog bilang isang pambansang wika na nakalalamang sa ibang mga diyalekto, at naging higit din sa mga wikang Ingles at Kastila.

Panitik ng baybaying Tagalog o ang alibata.

Sa kahabaan ng 333 taong pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas, mayroon mga nasulat na mga pambalarila at mga talahuluganan ang Kastilang kaparian katulad ng Vocabulario de la Lengua Tagala ni Pedro de San Buenaventura (Pila, Laguna, 1613), Vocabulario de la lengua tagala (1835) at Arte de la lengua tagala y manual tagalog para la administración de los Santos Sacramentos (1850). Itinuturing ang makatang si Francisco Baltazar (1788–1862) bilang pinakamahusay na manunulat na Tagalog. Ang Florante at Laura ang kaniyang pinakabantog na akda, na naisulat noong ika-19 daantaon.

Noong 1937, napili ng Surian ng Wikang Pambansa ang Tagalog bilang batayan ng pambansang wika ng Pilipinas. Noong 1939, tinawag ni Pangulong Manuel L. Quezon ang Tagalog bilang ang Wikang Pambansa. Noong 1959, muli itong pinangalanang Pilipino ni Jose Romero, ang Kalihim ng Edukasyon noon, upang mabigyan ang Tagalog ng isa pambansang tatak at diwa, sa halip na pangpangkat etniko lamang. Subalit hindi nagresulta ang pagpapalit ng pangalan ng Tagalog sa pagtanggap, sa diwang nakadarama, ng mga hindi Tagalog, partikular na ang mga Sebwano, na hindi sumang-ayon sa pagkakapili ng Tagalog bilang wikang pambansa.[6]

Noong 1971, muling binalikan an paksang pangwikang ito, at may isang kinalabasang kasunduan—isang gawing "unibersalista" sa pagkakaroon ng wikang pambansa, na tatawaging Filipino, sa halip na Pilipino. Nang ibalangkasa ang bagong konstitusyon ng 1987, tinawag na Filipino ang wikang pambansa.[6] Nilahad ng konstitusyon na habang umuunlad at nagbabago ang wikang Filipino, lalo pa itong pauunlarin at pagyayamanin batay sa buhay na mga wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika.

Ang paggamit ng Tagalog sa Pilipinas[baguhin]

Ginagamit ang Tagalog bilang lingua franca o "pangkaraniwang wika" (o "tunay na wika") sa Pilipinas, subalit ang Ingles ang ginagamit sa mga paaralan at sa pangkalakalan, pati na rin sa bugkos ng pamahalaan. Isa ang wikang Tagalog sa una at may mataas na uri ng wika sa kapuluang Pilipinas. Isa sa patunay ng kagulangan o katandaan nito ang lathalain Kasulatang Limbag sa Tanso-laguna o LCI (822 A.D.), na bagama't may pagkakaiba ang anyo sa kasalukuyang Tagalog, may patunay na ito nga ang inang wika ng makabagong Tagalog sa Pilipinas. Nagpayabong at nagpayaman sa wikang Tagalog ang lawig ng panahon ng pakikipag-ugnayan ng kabihasnang tagalog sa iba't-ibang lahi ng mga taong nakarating sa kapuluan ng Pilipinas. Sa kasalukuyan, ang wikang Tagalog ang siyang kinikilalang pangkaraniwang wika, at ang pambansang wika ng Republika ng Pilipinas. Sumusunod rito ang mga wika ng bawat rehiyon ng bansa, katulad ng Hiligaynon, Sebwano, Bikolano, Ilokano, Kapampangan, Pangasinan, at iba pa. AT sa kabia nito maraming mga pilipino ang may iba't ibang dialekto ng salita at ang pinaka pangunahing wika ay ang tagalog. At sa ngayon ang tagalog ay pinalitan ng pilipino.

Kaurian at kahanayan[baguhin]

Isang wika sa Gitnang Pilipinas ang Tagalog na nasa loob ng mag-anak ng mga wikang Austronesyo. Dahil Malayo-Polinesyo, kamag-anak ito ng iba pang mga wikang Austronesyong tulad ng Indones, Malay, Fiji, Maori (ng Bagong Selanda), Hawayano, Malagasi (ng Madagascar), Samoano, Tahitiano, Chamorro (ng Guam at ng Hilagang Kapuluang Mariana), Tetum (ng Silangang Timor), at Paiwan (ng Taiwan). Kalapit na kamag-anak nito ng mga wikang sinasalita sa mga rehiyon ng Bikol at Kabisayaan, katulad ng Bikol, Hiligaynon, Waray-Waray, at Sebwano. Nagkaroon ng mahahalagang mga ambag sa Tagalog ang mga wikang Kastila, Hapones, Arabe, Sanskrit, Matandang Malay.

Mga katangiang sangkap[baguhin]

Kakalatan at kalapatang heograpiko[baguhin]

Sumasakop ang "tahanang lupain" ng wikang Tagalog, o ang Katagalugan, lumabis-kumulang sa kalawakan ng gitna magpahanggang katimugang bahagi ng pulo ng Luzon - tinutukoy ang sa Aurora, Bataan, Batangas, Bulacan, Camarines Norte, Cavite, Laguna, Kalakhang Maynila, Nueva Ecija, Quezon, at Rizal. Winiwika rin ang Tagalog ng mga naninirahan sa mga kapuluan ng Lubang, Marinduque, at sa hilaga at silangang bahagi ng Mindoro at sa buong Palawan. Tinatayang sinasalita ito ng may 64.3 milyong mga Pilipino, mga 96.4% ng bilang ng tao ng populasyong pangkabahayan.[7] 21.5 milyon, o 28.15% ng kabuoan ng populasyon ng Pilipinas,[8] kung saan isa itong katutubong wika.

Matatagpuan ang mga nagsasalita ng Tagalog sa iba pang mga bahagi ng Pilipinas, maging sa lahat ng mga bahagi ng mundo, bagaman nakalaan lamang ang paggamit nito sa pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga pangkat etnikong Pilipino. Ito ang ikaanim na pinakawiniwikang wika sa Estados Unidos na may higit sa isang milyong mga tagapagsalita.[9] Sa Kanada, winiwika ito ng 235,615 mga katao.[10]

Opisyal na katayuan[baguhin]

Itinalaga ang Tagalog bilang wikang opisyal sa unang konstitusyon ng Pilipinas, ang Konstitusyon ng Biak-na-Bato (Artikulo VIII: Opisyal na Wika) ng 1897.[11] Noong 1935, itinalaga ng konstitusyon ng Pilipinas ang Ingles at Kastila bilang mga opisyal na wika, subalit iniatas ang pagpapaunlad at pagaangkin ng isang karaniwang wikang pambansang batay sa isa sa mga buhay na mga katutubong wika.[12] Pagkaraan ng pag-aaral at talakayan, pinili ng Surian ng Wikang Pambansa (o National Language Institute sa Ingles; isang komiteng binubuo ng pitong mga kasaping kumakatawan sa iba't ibang mga rehiyon ng Pilipinas) ang Tagalog bilang batayan ng pagpapaunlad at pagaangkin ng isang wikang pambansa ng Pilipinas.[6][13] Noong 30 Disyembre 1937, inihayag ni Pangulong Manuel L. Quezon ang pagkakapili ng wikang Tagalog bilang gagamiting batayan ng pagpapaunlad at pagaangkin ng isang wikang Pambansa ng Pilipinas.[13] Noong 1939, lumaong tinawag na Pilipino ang minumungkahing wikang pambansa.[6]

Itinalaga ng konstitusyon ng 1973 ng Pilipinas ang Pilipinong nakabatay sa Tagalog, kasama ng Ingles, bilang isang wikang opisyal at nag-atas ng pagpapaunlad at pormal na paggamit ng isang karaniwang wikang pambansang tatawaging Filipino.[14] Itinakda ng konstitusyon ng 1987 ng Pilipinas ang Filipino bilang wikang Pambansa, na nag-aatas na sa pagsulong nito, higit pa itong pauunlarin at pagyayamanin batay sa mga buhay na wika sa Pilipinas at iba pang mga wika.[15]

Bilang Filipino, itinuro ang Tagalog sa mga paaralan sa kabuoan ng Pilipinas. Sinsabing ito lamang ang isa mula sa 170 mga wikang Pilipinong opisyal na ginagamit sa mga paaralan at mga negosyo, bagaman isinasaad sa Artikulo XIV, Seksiyon 7 ng pang-1987 na Konstitusyon ng Pilipinas, sa isang bahagi, na:

Ayon sa probisyon ng batas at kung mamarapatin ng Kongresong kailangan ito, magsasagawa ang Pamahalaan ng mga hakbang upang panimulan at panatilihin ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang isang wikang pangpagtuturo sa sistemang edukasyonal.[15][16]

Ang mga wikang pangrehiyon ay mga katulong na wikang opisyal sa mga rehiyon at magsisilbing mga katulong na midya ng pagtuturo doon.[15][17]

Nakaimpluwensiya rin ang iba pang mga wika sa Pilipinas, pangunahin na ang sa pamamagitan ng mga paglakbay-lipat o migrasyon ng mga mamamayan ng mga tagapagsalita ng ganitong ibang mga wika mula sa mga lalawigan patungong Kalakhang Maynila.

Mga wikain o diyalekto[baguhin]

Mga rehiyon sa Pilipinas na malawakang gumagamit ng wikang Tagalog.

Maynila[baguhin]

Ang wikang Filipino o Tagalog na siyang ginagamit na pangungusap sa Maynila. Ito'y madalas na hinahaluan ng iba’t ibang mga panrehiyon na salita. Ang Maynila na tumatayo bilang melting pot o ng iba' t ibang pangkat etnolinggwistiko ay tagpuan nga ng iba't ibang lahi sa ating bansa. Ang salitang Tagalog ng Maynila ay may pagka-orihinal dahil sa pagkasalig nito sa pamamaraan ng tagalog bulacan, madarama mo ang kasaysayan ng Pilipinas sa bawat pagbigkas ng mga salita sa wikang ito; bagamat nanghiram ito ng mga salita sa mga nagsidayong lahi, inari nang sarili ng mga Pilipino ang bawat dayong salita na ito sa pagbigkas ng wikaing ito; kaya naman naging gamit na ito sa lahat ng mga usapin o pangungusap. May kabagalan ang pagbigkas ng Tagalog sa Maynila at patuloy na nahahaluan pa ito ng mga salitang banyaga; kabilang dito ang mga hiram na mga salita sa Kastila at Ingles ng mga Amerikano. Kadalasan, naipagkakasing-kahulugan na ang Taglish sa Tagalog Maynila dahil sa laganap na paghiram nito sa Ingles na mga salita. Ito ang ipinalagay na pinakabatayan sa pagkakalikha ng salitang Pilipino na dating kilala sa katawagang "Filipino".Bagama't may pagbabago ng pamamaraan sa Tagalog Maynila dahil sa mga dayong mga salita, nanatili ang standard tagalog o wastong pamantayan ng Tagalog sa palibot nito na nasa lalawigan ng Bulakan at sa Timog Katagalugan.

Saklaw: Kalakhang Maynila,bahagi ng Cavite, kalapit na mga bayan ng Laguna, sa kanluran ng Pagsanjan, at mga lunduyang panglunsod (sentrong urbano) ng bansa.

Bataan[baguhin]

Ang Tagalog ng Bataan at Zambales ay maitutulad sa Tagalog ng Maynila, bagama't madalas na nahahaluan ng Ilokano at/o Kapampangan sa gawing kalapit ng Zambales at Pampangga.

Saklaw: Bataan, timugang bahagi ng Zambales, Olongapo, at mga bayan ng Pampanga.

Bulacan[baguhin]

Ang Tagalog ng Bulacan ay mayroong pagkamasalita kung ihahambing sa Tagalog ng Maynila. Maraming salita sa wikaing Bulakenyo ay hindi nauunawaan sa Kalakhang Maynila . Bukod pa rito, mabilis magsalita ang mga Bulakenyo dahil sa kahusayan nila sa pangungusap na may kaugnayan sa pamamaraan nila sa pananalumpati at pagtula.Masasabing ang tagalog Bulacan ay siyang tagalog "makata'"na pinatunayan ng mga makakatang manunulat na sibol sa lalawigang ito.Sa paghahambing nito sa timog katagalugan, ang Tagalog Bulacan ay masasabing Tagalog Pampitagan dahil sa paraan ng pagpapahayag nito samantala ang Tagalog katimugan ay masasabing Tagalog ng Mambabatas dahil sa kabagsikan ng pagpapahayag nito ng mga panukala sa iba't ibang usapan.Ang Tagalog Maynila sa gawing hilaga nito ay usbong mula sa Tagalog Bulacan .Ang nalalabing bahagi sa kamaynilaan sa katimugan ay nasa impluwensiya ng timog katagalugan gaya ng sa Las Pinias, Muntinlupa at Paraniake.

Saklaw: lalawigan ng Bulacan,bahagi ng Tarlac, at Nueva Ecija.

Batangas[baguhin]

Ang Batangas ay isa sa pinakamantandang anyo ng tagalog sa ating bansa na pinatunayan ng pagkakaugnay nito sa sinaunang pagbigkas na nakatala sa kasulatang tanso taong 822 A.D. o kilalang LCI (laguna copperplate inscriptions). Bahagyang mababanaag dito ang mga salitang buhat pa sa Sanskrit, Arabo, at Persian. Maykabilisan ang pagbigkas nito dala ng punto sa mga pangungusap nito na nagiging dahilan ng kaibahan ng himig nito sa wikain sa Maynila. Ang ilang pangunahin at kilalang pagkakaiba nito sa wikain ng Maynila ay ang paggamit ng salitang ire sa halip na ito, dine sa halip na dito at ga sa halip na ba. Gayon din ang mga salitang "parine', 'parito', dumito at iba pa.

Saklaw: Batangas.

Tanay-Paete[baguhin]

Ang tagalog ng tanay-Paete ay pagbigkas na nahubog mula sa pinagsamang salita ng Tagalog at katutubong agta ng nasabing rehiyon.Ang puntoh o tono nito ay alon alon na sinusundan ng mga katagang "hane" at kapag tumutukoy ng pagiging kilala o tanyag ng isang tao o pangyayari ay may unlapi na "bang" sa unahan ng salita.May kaluwagan ang pananalita ng tany-paete kung ihahambing sa may diin na pangungusap ng mga katagalugan sa timog.Hanggang sa kasalukuyan ang pananalitang ito ay bahagyang mapupuna parin sa bahagi sa Pasig hanggang sa palibot na mga bayan ng binangonan,taytay,angono at karugtong pang mga bayan nito na nasa lalawigan ng Rizal.Nasasaklawan: Lahat ng mga bayan sa silangan ng Pagsanjan, Laguna, at lalawigan ng Rizal.

Marinduque[baguhin]

Ang Tagalog sa pulo'ng Marinduque ay nagpapakita ng pagsasama ng mga wikain sa Kabisayaan at kabikulan.Dahil dito, Karamihan sa mga tunay na Tagalog ay hindi makaunawa sa maraming pangungusap ng mga taong taga Marinduque.Masasabing di tunay na tagalog ang salita sa marinduque kundi isang wikain o dialekto na may nakalalamang na mga salitang tagalog.

Saklaw: Marinduque.

Lubang[baguhin]

Isang anyo ng Tagalog ng Batanggas na dinala ng mga nagsidayong mga taong batanggas sa nasabing pulo'.

Saklaw: pulo ng Mindoro, kapuluang Lubang, Nasugbu.

Tayabas[baguhin]

Ang Tagalog na binibigkas sa lalawigan ng Quezon at Aurora na dating Tayabas ang pinaka-naiiba sa mga anyo ng Tagalog. Malawak ang paglagom nito ng mga salitang Kastila, Fukyen, at Bikolano; ilan ding mga salita ang hindi nauunawaan ng ibang mga nagsasalita ng Tagalog. Bukod sa karaniwang “ay”, na katumbas ng Batanggenyong “ala e”, may higit-kumulang 200 salita na ginagamit lamang sa lalawigan ng Quezon, lalo na sa silangang bahagi ng lalawigan. Halimbawa ang abyad (asikasuhin), balam (mabagal), dasig (usog), dayag o nguli (maghugas ng mga pinggan), hambo (maligo), lagumba (magloko-lokohan), pulandit (talsik), tibulbok (pagyanig, vibration), yano (sobra), at iba pa.Ang bahagi ng Tayabas na nasa hilaga ay may ilang salitang ilokano at katutubo, sa gitna nito na malapit sa Batangas ay may hawa ng tagalog Batangas at sa timog na bahagi nito ay may hawa ng bikol (malapit sa camarines Norte)at may bisaya rin naman sa gawing katimugang bahagi ng tangway nito na tinawag na "bondok peninsula". Ang tagalog - Tayabas ay ang pinaka naiiba sa pagbigkas o punto lalo na sa mga pandiwa gaya ng Abyadi (Abyad), saraduhi (Isara [ang pinto]), buksi (buksan), halui (haluin), palipari (paliparin) bantayi (bantayan) at iba pa. Tila nahahati rin ang Tagalog ng Tayabas sa dalawang anyo: ang anyong kanluran na mas nalalapit sa Batangenyo at ang anyong silangan na mas nalalapit sa Marinduque.

Saklaw: Quezon, Camarines Norte, Aurora.

Cavite[baguhin]

Nasa hanay ng timog katagalugang kasama ng Batangas, Laguna, at Quezon ang tagalog ng Cavite. Ang pagiging malapit ng Cavite sa Kamaynilaan at Batanggas ang naging dahilan ng lahukang Tagalog nito na tunog Batanggas, Maynila, at Bulakan. Nakapaling sa tono o punto ng Batanggas ang Tagalog ng Cavite sa gawing timog ng lalawigan nito, may kabagalan nga lamang ito at malinaw kung bigkasin. Isa sa mga pinakamatandang lalawigan sa Pilipinas ang Cavite, at dating kilala sa katawagang lalawigan ng Tangway, isang pangalang ginamit simula sa panahon ng mga Kastila hanggang sa palibot ng taong 1950. Nagmula ang pangalang Cavite sa pangalan ng matandang bayan nito na kilalang Kawit. Naging Cavite ito sa baybay sa Kastila at ang pagdugsong ng puntong eh sa cavit, kaya naging Cavite sa kalaunan. Maraming salita at mga ekspresyon o dagliang pangungusap ang nagbigay kaibahan sa Tagalog ng Cavite kapag ihinambing sa Tagalog ng Kamaynilaan. Bagama't may pagkakaiba ang mga ito, ang pangunawa sa pakikipagtalastasan ay sumusunod pa rin sa patakaran ng salita ng wikang Tagalog. Narito ang ilang mga pangungusap na di karaniwan sa kamaynilaan.

1. Sa biglang pagtaas ng tubig dahil sa malakas na ulan ay napaigtad ako sa kinatatayuan ko!
2. Napagawi ako sa ilat na iyan, mangilanngilan din naman ang ista gaya ng igat, may ulang at katam din naman.
3. Sal-itan nga kitang maghalo nireng tilbok sa kawa!
4. Saksa ang gulay sa baraka, kitang mamaraka nang abutin natin ang tulpukan!
5. Lagyan mo nga nang panangga yaang batang iyan nang hindi laging nauuya!
6. Nagdala nga ng bug-ong wala namang kutsara! Magsakol na lang kitang kainin itong dala mong pagkain!
7. Oy, binata! Pagkasiwal mo! Piliin mo nga yaang makakaharap mo baka sintugin yang makabangga mo!
8. Astang taga-Maynila ka na ah! Kaya lang maitim ka pa rin!
9. Nabagu na ang dating daan! Di ko na ito gamay, mahihirapan akong matukoy ang hinahanap ko!
10. Sa iyong mga ikinikilos, talastas ko na ang iniisip mo!
11. Dumausdos ang sinasakyan namin kanina sa daan! pagkatarik ba naman,ahoy!
12: Nagwagi na sa sabong ay nag agaw pa ng manok, singkara na!
Saklaw: Ilaya at kanlurang bahagi ng Cavite, maging ang kadugsong nitong mga bayan ng Batanggas tulad ng Nasugbu, Lian, Laurel, Talisay, Lemery, at iba pang kalapit na mga bayan nito.


Ponolohiya[baguhin]

Mayo 21 ponema ang Tagalog: 16 katinig at limang patinig.[18] Payak ang balangkas ng isang pantig, na nilalaman ng hindi bababa sa isang katinig, at isang patinig,[19] maliban sa mga hiniram na salita tulad ng "trak" o "tsokolate".

Mga patinig[baguhin]

Bago dumating ang mga Espanyol, mayroong tatlong ponemang patinig ang Tagalog: /a/, /i/, and /u/. Ipinalawig ito sa limang patinig nang isinama ang mga patinig ng Espanyol. Ito ang:

May apat na pangunahing diptonggo sa Tagalog: ang /aɪ/, /oɪ/, /aʊ/ at /iʊ/.[19]

Mga katinig[baguhin]

Nasa baba ang isang talaan ng mga katinig sa Tagalog. Walang hangin ang lahat ng mga katinig na pasara (stop consonant). Makikita naman sa lahat ng posisyon ang panlalamunang pailong (velar nasal), kasama ang unang bahagi ng isang salita.

Talaan ng mga ponemang katinig ng Tagalog[20]
Panlabi Pangngipin/
Panggilagid
Lagpas-gilagid/
Pangngalangala
Panlalamunan Impit (Glotal)
Pailong m n ɲ ŋ
Pasara p b t d k ɡ ʔ
Pasutsot s ʃ h
Pakatal ɾ
Pagilid/Malapatinig l j w

Mga diin[baguhin]

Ponemiko ang diin sa Tagalog. Nagkakaroon ng pangunahing diin sa huling pantig o penultimong pantig (pangalawa sa huli) ng isang salita. Kasama ng pangunahin o pangalawang diin ang pagpapahaba ng bigkas sa mga patning maliban na kung nasa dulo ng salita ang diin nito. Mahalaga ang papel ng diin sa Tagalog: pinalilinaw nito ang mga salitang magkapareho ang baybay, ngunit magkaiba ang bigkas, tulad ng "tayo" (ako at ibang tao na magkakasama) at "tayô" (tumindig), na karaniwang sinusulat nang walang kudlit.

Mga tunog[baguhin]

  • /a/ is raised slightly to [ɐ] in unstressed positions and also occasionally in stressed positions (‘inang bayan’ [in'ɐŋ 'bɐjən])
  • Unstressed /i/ is usually pronounced [ɪ] as in English "bit"
  • At the final syallable, /i/ can be pronounced as [i ~ e ~ ɛ] as [e ~ ɛ] was an allophone of [ɪ ~ i] in final syllables.
  • Unstressed /ɛ/ and /o/ can sometimes be pronounced as [i ~ ɪ ~ e] and [u ~ ʊ ~ ɔ] except final syllables. [o~ ʊ ~ ɔ] and [u ~ ʊ] were also former allophones.
  • Unstressed /u/ is usually pronounced [ʊ] as in English "book"
  • The diphthong /aɪ/ and the sequence /aʔi/ have a tendency to become [eɪ ~ ɛː].
  • The diphthong /aʊ/ and the sequence /aʔu/ have a tendency to become [oʊ ~ ɔː].
  • /k/ between vowels has a tendency to become [x] as in Spanish "José", whereas in the initial position it has a tendency to become [kx].
  • Intervocalic /g/ and /k/ tend to become [ɰ] (see preceding).
  • /ɾ/ and /d/ are sometimes interchangeable as /ɾ/ and /d/ were once allophones in Tagalog.
  • A glottal stop that occurs at the end of a word is often omitted when it is in the middle of a sentence, especially in the Metro Manila area. The vowel it follows is then usually lengthened. However, it is preserved in many other dialects.
  • /o/ tends to become [ɔ] in stressed positions.
  • /niy/, /siy/, /tiy/, and /diy/ may be pronounced as [nj]/[nij], [sj]/[sij], [tj]/[tij] and [dj]/[dij], respectively, especially in but not limited to rural areas.
  • /ts/ may be pronounced as [ts], especially in but not limited to rural areas.
  • /e/ or /i/ before s-consonant clusters have a tendency to become silent.


Panitikang pampananampalataya[baguhin]

Nananatiling isa ang panitikang pampananampalataya sa pinakamasiglang tagapag-ambag sa panitikang Tagalog. Noong 1970, isinalinwika ng Philippine Bible Society ang Bibliya patungong Tagalog, ang unang pagsasalinwika sa anumang mga wika sa Pilipinas. Bago pa man ang Ikalawang Konsehong Batikano, may naipapamudmod nang mga pampintakasing mga lathalain na nasa Tagalog. Sa kasalukuyan, may tatlong kumakalat na mga salinwikang Tagalog ng Banal na Bibliya— ang Magandang Balita Biblia (isang kapantayang salinwika ng Good News Bible), na isang bersiyong ekumenikal; ang Ang Biblia, na isa mas bersiyong Protestante; at ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan, isa sa mga may animnapung kapantayang mga salinwika New World Translation of the Holy Scriptures na nilathala ng mga Saksi ni Jehovah. Inilabas ang huli noong taong 2000, ngunit dating naglabas ang mga Saksi ni Jehova ng isang haybrid na salinwika: ang Ang Biblia na ginamit para sa Matandang Tipan, habang ginamit naman ang Bagong Sinlibutang Salin para sa Bagong Tipan.

Nang pahintulutan ng Ikalawang Konsehong Batikano, (partikular na ang Sacrosanctum Concilium) ang pagsasalinwika ng mga pandaigdigang mga dasal patungo sa mga wikang bernakular, ang Catholic Bishops' Conference of the Philippines ang isa sa mga unang nagsalinwika ng Romanong Misal patungong Tagalog. Sa katunayan, nalathala ang Romanong Misal sa Tagalog noong mga kaagahan ng 1982, habang hindi pa nalalathala sa Ingles hanggang 1985.

Naglilimbag na ang mga Saksi ni Jehova ng panitikang Tagalog mga nasa maagang bahagi ng 1941 [21] at tinatayang nilalathala naman ang Ang Bantayan[22] (ang pangunahing magasin ng mga Saksi ni Jehova; The Watchtower sa Ingles) mula pa noong mga 1960. Kasalukuyang karaniwang pinapakawalan ang mga bagong labas kaalinsabay ng ibang mga wika, kabilang ang Tagalog. May ilan ring mga lathalain ang opisyal na websayt ng mga Saksi ni Jehovah sa Tagalog na makukuha mula sa Internet.[23][24]

Isang ganap na matatag na wika ang Tagalog, at may napakakakaunting mga pagbabago ang ginawa sa mga Katolikong salinwika ng Bibliya. Gayondin, dahil bata pa ang Protestantismo sa Pilipinas, mas ekumenikal ang gawi sa mga panalanging liturhikal.

Mga talasanggunian[baguhin]

Mga talababa[baguhin]

  1. Philippine Census, 2000. Table 11. Household Population by Ethnicity, Sex and Region: 2000
  2. Ethnologue
  3. 3.0 3.1 3.2 "Tagalog, Pilipino, mananagalog, Tagalista". English, Leo James. Tagalog-English Dictionary (Talahulugang Tagalog-Ingles). (1990).
  4. Zorc, David. 1977. The Bisayan Dialects of the Philippines: Subgrouping and Reconstruction. Pacific Linguistics C.44. Canberra: The Australian National University
  5. Blust, Robert. 1991. The Greater Central Philippines hypothesis. Oceanic Linguistics 30:73–129
  6. 6.0 6.1 6.2 6.3 Andrew Gonzalez (1998). "The Language Planning Situation in the Philippines". Journal of Multilingual and Multicultural Development 19 (5, 6): p. 487–488. http://www.multilingual-matters.net/jmmd/019/0487/jmmd0190487.pdf. Hinango noong 2007-03-24. 
  7. Results from the 2000 Census of Population and Housing: Educational Characteristics of the Filipinos, National Statistics Office, 18 Marso 2005, http://www.census.gov.ph/data/sectordata/sr05153tx.html, hinango noong 2008-01-21 
  8. Results from the 2000 Census of Population and Housing: Population expected to reach 100 million Filipinos in 14 years, National Statistics Office, 16 Oktubre 2002, http://www.census.gov.ph/data/pressrelease/2002/pr02178tx.html, hinango noong 2008-01-21 
  9. "Census:Languages of the United States". United States. http://www.census.gov/prod/2003pubs/c2kbr-29.pdf. Hinango noong 2007-05-16. 
  10. Statistics Canada 2006
  11. 1897 Constitution of Biak-na-Bato, Article VIII, Filipiniana.net, http://www.filipiniana.net/read_content.jsp?filename=L00000000001&page=1&epage=1, hinango noong 2008-01-16 
  12. 1935 Philippine Constitution, Article XIV, Section 3, Chanrobles Law Library, http://www.chanrobles.com/1935constitutionofthephilippines.htm, hinango noong 2007-12-20 
  13. 13.0 13.1 Manuel L. Quezon III, Quezon’s speech proclaiming Tagalog the basis of the National Language, quezon.ph, http://www.quezon.ph/?page_id=1024, hinango noong 2007-12-20 
  14. 1973 Philippine Constitution, Article XV, Sections 2-3, Chanrobles Law Library, http://www.chanrobles.com/1973constitutionofthephilippines.htm, hinango noong 2007-12-20 
  15. 15.0 15.1 15.2 1987 Philippine Constitution, Article XIV, Sections 6-9, Chanrobles Law Library, http://www.chanrobles.com/article14language.htm, hinango noong 2007-12-20 
  16. Isinalin mula sa Ingles na: "Subject to provisions of law and as the Congress may deem appropriate, the Government shall take steps to initiate and sustain the use of Filipino as a medium of official communication and as language of instruction in the educational system."
  17. "The regional languages are the auxiliary official languages in the regions and shall serve as auxiliary media of instruction therein."
  18. Rolando D. Navarro, Jr. (2007), Recognition of Tagalog Alphabets Using The Hidden Markov Model, nscb.gov.ph, http://www.nscb.gov.ph/ncs/10thNCS/papers/invited%20papers/ips-16/ips16-01.pdf, hinango noong 2008-09-26 
  19. 19.0 19.1 Tagalog: Understanding the Language, lerc.educ.ubc.ca, http://www.lerc.educ.ubc.ca/LERC/courses/489/worldlang/tagalog_ind/Tagalog2/description.htm, hinango noong 2008-09-26 
  20. Maling banggit (Hindi tamang <ref> tag; walang binigay na teksto para sa refs na may pangalang ELL); $2
  21. 2003 Yearbook of Jehovah's Witnesses p.155.
  22. Sa Tagalog, Ang Bantayan ang opisyal na salin ng pamagat na The Watchtower na nasa Ingles, Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova, nakalimbag na isyu para sa Hulyo 2008 (Tomo 129, Blg. 13).
  23. Watch Tower, Official Website of Jehova's Witnesses, Watch Tower Bible at Tract Society of Pennsylvania, WatchTower.org, 2006
  24. Watch Tower, Opisyal na Web Site ng mga Saksi ni Jehova, Watch Tower Bible at Tract Society of Pennsylvania, WatchTower.org, 2006


Bibliyograpiya[baguhin]

Mga talaugnayang panlabas[baguhin]