Bibliya

Mula sa Tagalog na Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Tumalon sa: nabigasyon, hanapin
Mga Tipan ng Bibliya
Larawan ng binuklat na Bibliyang Gutenberg, na nasa Aklatan ng Kongreso ng Estados Unidos.

Ang Bibliya, Biblya (ponemikong baybay), o Biblia[1][2] (mala-Kastila at maka-Griyegong pagbabaybay) ay isang kalipunan ng mga itinuturing na Banal na Kasulatan sa Hudaismo at Kristiyanismo. Bagaman isinulat lamang ito ng mga tao, itinuturing din itong "mismong salita ng Diyos." Inilalarawan ang Bibliya bilang isang napakalaking aklat, naglalaman ng ilang maituturing na mga nakalilitong mga pananalita, may mga gawing pambihira ang mga tauhan ng Bibliya kung ihahambing sa mga gawi ng mga mamamayang nabubuhay sa pangkasalukuyan, partikular na ang sa ika-21 daantaon.[3] Isang aklat ng sari-saring mga bagay ang Bibliya na kinalalagakan ng Lumang Tipan, Bagong Tipan, at Apokripa. Isang tala ng isang "sinaunang pangako" ng Diyos sa Israel o mga Hudyo ang Lumang Tipan. Tinatalakay naman sa Bagong Tipan ang katuparan ng Kristiyanismo sa pamamagitan ng katauhan at mensahe ni Hesus. Sa gitna ng Luma at Bagong mga Tipan, nagsasalaysay ng kasaysayan at mga diwa ang Apokripa.[2]

Mga nilalaman

[baguhin] Bilang aklat ng kasaysayan

Bagaman hindi isang pangunahing aklat na pangkasaysayan, nagbubunyag ang Bibliya ng mga kalinangan at mga kaganapan sa kasaysayan na nakaapekto sa Jerusalem, ang tinaguriang Banal na Lupain, mula sa ikatlong milenyo bago dumating si Hesukristo magpahanggang sa pagkawasak ng Jerusalem noong 70 A.D. Katulad na lamang ng Aklat ng Genesis na nagpapatanaw ng pamumuhay ng mga Sumerio ng Mesopotamya, na isa sa mga pinakamaagang kabihasnan sa mundo. Nagpapahiwatig naman ang salaysay hinggil sa Tore ng Babel ng kung anong uri ng mga templo ang itinatayo noong mga panahong iyon. Sa ilang mga bahaging aklat ng Bibliya, nasaksihan ng mga manunulat ng Bibliya ang mga pangunahing mga pangyayari sa bayan ng Israel, Ehipto, Asiria, at iba pang mga pook, mga kaganapang itinuring ng mga manunulat na ito bilang mga "gawain ng Diyos."[4]

[baguhin] Kahalagahan, layunin, at pagbasa

Isang kalipunan ng mga aklat ang Bibliya - nasa mga animnaput' anim - at naisulat sa loob ng mahabang panahon. Bagaman nagsasalaysay ito ng mga kuwento kung paano gumawa ang Diyos ng mga hakbang upang itama ang mga kamalian sa mundo, hindi ito lubos na basahin lamang bilang mga pangkaraniwang mga salaysay, tulad ng ibang mga kuwento. Sapagkat sinulat ang mga aklat ng Bibliya sa ibang kapanahunan, na naiiba sa pangkasalukuyang panahon. Nararapat na isaalang-alang ng bumabasa kung ano ang ipinapaliwanag ng mga orihinal na may-akda ng bawat aklat, at dapat unawain ng mambabasa kung ano ang kahulugan nito ngayon, ang kaugnayan sa kasalukuyan. Sinasabi pa ri na ang puso at kaluluwa ng Bibliya ay ang sarili nitong kasaysayan o salaysay. Bilang dagdag, isa itong tunay na mahabang salaysayin hinggil sa isang partikular na mamamayan, kung paano tinawag ng Diyos ang mga taong ito, at ang layunin ng Diyos para sa mga ito: ang pagdadala ng biyaya at pagbabasbas ng Diyos sa lahat ng mga tao sa mundo. Isang sinaunang kuwento tungkol sa Diyos, sa mundo, at sa mga mamamayang tinawag ng Diyos ang Bibliya. Nasagip ang Bibliya mula sa nakaraan, at naisulat, upang mabasa ng mga tao ng kasalukuyan at makapagbigay ng kahulugan sa kanilang mga buhay at pamumuhay. Nagkakaisa ang lahat ng mga bahagi ng Bibliya bilang magkakaugnay at iisang paglalahad lamang. Bagaman hindi ito isang aklat na madaling basahin, sapagkat may mga pangungusap o talataang mahirap unawain, nagsisilbing isang gabay sa pagiging malapit sa Diyos ang Bibliya. Sinasabi pa rin na mauunawaan ang Bibliya kung aalamin ng isang tao ang mga tauhang nasa mga pahina nito, kung uunawain ang tagpuan at kapanahunan nito, at kung susundan ang banghay o balangkas nito.[5]

[baguhin] Pinagmulan ng salita

Nagmula ang salitang Bibliya ng Tagalog at ang Bible ng Ingles [bigkas: /bay-bol/) mula sa Griyegong biblia (bigkas: bi·bli´a) na nangangahulugang "mga aklat"[2] o "mga maliliit na aklat." Hinango naman ang Griyegong biblia mula sa isa pa nilang salita: ang biblos [bigkas: bi´blos), na lumalarawan sa panloob na bahagi ng halamang papirus, isang sangkap sa paggawa ng sinaunang mga papel. May isang lugar sa Phoenicia, ang lungsod ng Gebal, na tinaguriang "Byblos" ng mga Griyego dahil kilala ang pook sa paggawa ng papel na papirus. Sa paglipas ng panahon, ang Griyegong biblia ay nakilala bilang mga sulat, mga balumbon o iskrol, at mga aklat hanggang sa maging kalipunan ng maliliit na mga aklat na bumubuo sa kasalukuyang Bibliya. Tinawag ni San Geronimo ang koleksyong ito bilang Bibliotheca Divina, o ang Banal na Aklatan. Tinukoy naman ni Hesus at ng mga manunulat ng Kristiyanong Griyegong Kasulatan (ang Bagong Tipan) ang katipunang ito bilang "ang Kasulatan", "ang banal na Kasulatan" o "ang banal na mga sulat" (Mateo 21:42; Marcos 14:49; Lucas 24:32; Judas 5:39; Gawa 18:24; Romano 1:2; 15:4; 2Timoteo 3:15, 16).

[baguhin] Kayarian at paghahati

Nahahati ang Bibliya sa tatlong pangunahing pangkat: ang Lumang Tipan (o Matandang Tipan, Matandang Testamento, at Lumang Testamento[6]), ang Bagong Tipan (o Bagong Testamento[6]), at ang Apokripa (o Apocrypha). Sa Ingles, tinatawag na testament ang salitang tipan[6] kaya't may saling Old Testament para sa Lumang Tipan at New Testament para sa Bagong Tipan. Hinango ang testament ng Ingles at ang testamento ng Tagalog at Kastila mula sa testamentum ng wikang Latin, na nangangahulugang "kasunduan", "mataimtim na kasunduan," o "tipan"[6], at naglalarawan ng uri ng ugnayang mayroon noon ang Diyos at ang mga sinaunang mga Israelita at unang mga Kristiyano.[2]

Binubuo ang Lumang Tipan ng 39 na mga aklat, ang bumubuo sa itinuturing na mga banal na panitikan ng Hudaismo. Bilang karagdagan, tinatanggap naman sa Kristiyanismo ang dagdag pang 27 mga aklat na nasa Bagong Tipan. Apokripa ang taguri sa 14 pang mga aklat na natitira, at tinatawag ding inter-testament sa Ingles (inter-testamento[7] o nasa gitna ng mga tipan o testamento[6]) sapagkat nalalagay sila sa pagitan[7] o nasa gitna ng Lumang Tipan at Bagong Tipan ayon sa pagkakahanay na kronolohikal o pangkapanahunan. Sa mga panapanahon, magkakaiba ang pagtanggap ng mga Kristiyano sa bahaging ito ng Bibliya.[2]

Sa pangkalahatan, animnaput-anim na aklat ang bumubuo sa Bibliya, mula Henesis hanggang Apokalipsis (o Aklat ng Pahayag). Tatlumput-siyam ang Hebreo at 27 naman sa wikang Griyego kasama na ang iilang bahagi na isinulat sa Aramaiko (Ezra 4:8–6:18; 7:12-26; Jeremias 10:11; Daniel 2:4b–7:28). Ang paghahati sa Bibiya na may mga kabanata at talata (may 1,189 kabanata at 31,102 talata ang Saling Haring James) ay hindi ginawa ng orihinal na mga manunulat, ngunit nakatulong ng malaki ang bagay na ito makalipas ang ilang daantaon. Hinati ng mga Masoret ang Hebreong Kasulatan sa mga talata; at noong mga ika-13 siglo ng Karaniwang Panahon (C.E.), idinagdag naman ang paghahati-hati pa ng mga kabanata. Nang dakong huli, noong 1555, inilathala ni Robert Estienne ang edisyong Lating Vulgata (Latin Vulgate sa Ingles), ang kauna-unahang Bibliya na may kumpletong mga kabanata at mga talata, na ginagamit pa magpasahanggang ngayon.

Walang ibang aklat tulad ng Bibliya na matagal ang lumipas bago nakumpleto. Pinasimulan ni Moises ang pagsulat ng Bibliya noong 1513 B.C.E. Naidagdag ang ilang sagradong mga isinulat sa pagtatapos ng 443 B.C.E nang nakompleto nina Nehemias at Malakias ang kanilang aklat. Nagkaroon ng pagitan ang pagsulat ng Bibliya nang halos 500 taon, hanggang sa naisulat ng apostol na si San Mateo ang kaniyang makasaysayang dula. Halos 60 mga taon nang dakong huli nang ibahagi ni San Juan ang kaniyang aklat at tatlo pang mga sulat para makompleto ang kanon ng Bibliya. Samakatuwid, lahat-lahat, may kabuuang 1,610 mga taon ang sangkot sa pagkakagawa ng Bibliya.

[baguhin] Sa Hudaismo

Silipin din: Tora, Mga Propeta, at Mga Kasulatan

Para sa mga Hudyo, kinapapalooban ng 39 kasulatan ang Bibliya, at tinatawag na Tanah (Ebreo: תנ״ך, Tanakh) o Mikra (Ebreo: מקרא). Kinalalangkapan ang Bibliyang Ebreo ng mga sumusunod na bahagi. Binabanggit sa talang ito ang katawagan sa Filipino na sinundan ng sulat at pagkakabigkas sa Ebreo.

Tora (תורה)

Mga Propeta (נביאים, Nvi’im)

Mga Kasulatan (כתובים, Ktuvim)

[baguhin] Sa Kristiyanismo

Silipin din: Lumang Tipan at Bagong Tipan

Bukod sa Bibliyang Ebreo na tinutukoy ng mga Kristiyano bilang ang Lumang Tipan, kasama sa kanong Kristiyano ang Bagong Tipan na kinapapalooban ng 27 kasulatan kabilang ang apat na Ebanghelyo, Gawa ng mga Apostol, sulat ng mga Apostol sa mga naunang simbahan at Ang Pahayag kay Juan.

May pagkakaiba ang mga pagkakabuo ng mga kanon sa pagitan ng Katolisismo, Ortodoksiya, Protestantismo, at iba pa. Sumusunod ang mga kanon ng mga pangunahing sangay.

[baguhin] Sa Katolisismo

Sakop ng kanong Katoliko ang Biblyang Ebreo at ang Bagong Tipan, pati na rin ang mga sumusunod na aklat na tinatawag na mga deuterokanoniko:

[baguhin] Sa Ortodoksiya

Sakop ng kanong Ortodokso ang lahat ng mga aklat ng biblyang Katoliko kasama ang 3 Macabeos, Awit 151, 1 Esdras, o minsan pati ang 4 Macabeos.

[baguhin] Sa Protestantismo

Sakop ng kanong Protestante ang orihinal na Biblyang Ebreo at ang Bagong Tipan.

[baguhin] Makabagong salin

Sa Pilipinas marami nang salin ng Banal na Kasulatan ang nailabas. Ang ilan dito ay mas madaling maunawan kung ikukumpara sa mga sinaunang salin. Isa na rito ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan

[baguhin] Sanggunian

  1. Abriol, Jose C.. (2000). "Ang Banal na Biblia, ginamit sa pamagat na aklat ni J.C. Abriol ang baybay na Biblia". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 "Bible, pahina 152-162". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. (1977).
  3. "Introduction, the Bible". Fackler, Mark (patnugot). 500 Questions & Answers from the Bible / 500 mga Katanungan at mga Kasagutan mula sa Bibliya. (2006). The Livingston Corporation/Barbour Publishing, Inc., Uhrichsville, Ohio, ISBN 9781597894739.
  4. Reader's Digest. (1995). "Biblical Chronology, pahina 96". The Reader's Digest Bible, Illustrated Edition (Condensed from the Revised Standard Version: Old and New Testaments). The Reader's Digest Association, Inc., Pleasantville, London/New York/Montreal/Sydney/Auckland/Cape Town, ISBN 0276420136.
  5. The Committee on Bible Translation. (1984). "Reading the World's Greatest Story, pahina A2 at A10". The New Testament, God's Word, The Holy Bible, New International Version (NIV). International Bible Society, Colorado, USA.
  6. 6.0 6.1 6.2 6.3 6.4 "Biblical testament (testamentong biblikal, tipang pambibliya): tipan, testamento, testament, covenant, kasunduan, solemn agreement (mataimtim na kasunduan o kontrata); Lumang Tipan, Matandang Tipan, Lumang Testamento, Old Testament; Bagong Tipan, Bagong Testamento, New Testament". English, Leo James. Tagalog-English Dictionary (Talahulugang Tagalog-Ingles). (1990).
  7. 7.0 7.1 "Inter, between, among, nasa pagitan". The Scribner-Bantam English Dictionary (Ang Talahulugang Ingles ng Scribner-Bantam). (1991).

[baguhin] Tingnan din

[baguhin] Mga panlabas na kawing

Mga pansariling kagamitan
Sa ibang wika