Hesus

Mula sa Tagalog na Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Hesukristo)
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin
Larawan ni Hesus bilang Pantokrator mula sa ika-11 daang taon.
Bahagi ito ng serye hinggil sa
Kristiyanismo
Christian cross.svg

Kasaysayan ng Kristiyanismo
Mga Alagad
Mga kapulungang ekumenikal
Malakihang Pagkakapangkat
Pagbabago

Trinidad
Diyos Ama
Kristo Anak ng Diyos
Banal na Espiritu

Bibliya
Lumang Tipan
Bagong Tipan
Apokripa
Mga Ebanghelyo
Sampung Utos
Pangaral sa Bundok

Teolohiyang Kristiyano
Pagliligtas · Biyaya
Pananampalatayang Kristiyano

Simbahang Kristiyano
Katolisismo
Ortodoksiya
Protestantismo

Mga denominasyong Kristiyano
Mga kilusang Kristiyano
Ekumenismong Kristiyano

Si Hesus ay isang Hudyo na pinaniniwalaang nabuhay sa pagitan ng mga taong 2 B.K.E. - 33 K.E. sa Palestina (kasalukuyang Israel), at itinuturing na sentrong katauhan sa Kristiyanismo, sapagkat siya ang "may-akda" ng relihiyon ng mga Kristiyano.[1] Ayon sa apat na kanonikal na ebanghelyo, isang rabino (rabbi) o gurong Hudyo si Hesus at tagapagtatag ng Kristiyanismo.[2] Ang apat na kanonikal na Ebanghelyo nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan ang mga pangunahing sanggunian tungkol sa kaniyang buhay at mga turo. Itinuturing siya bilang Diyos ng ilan sa mga sektang Kristiyano, subalit hindi sa ilang mga pangkat.[3] Naniniwala ang mga mananampalataya sa Kristiyanismo na si Hesus ang Anak ng Diyos, at ipinadala siya sa mundo upang iligtas ang mga sumasampalataya sa kanya.[2] Ayon sa Biblya at sa paniniwalang Kristiyanismo, nabibigyan ng walang-hanggang buhay ang mga tagasunod ni Hesus.[3] Batay sa Bibliya, si Hesus ang tagapamagitan sa pagitan ng Diyos at ng tao.[3]

Ang historisad o pagiging historikal(totoong umiral) ng indibidwal na si Hesus ay patuloy pa ring pinagtatalunan ng mga skolar hanggang sa kasalukuyan. Ang ibang mga skolar ay nagmungkahi na si Hesus ay hindi talaga umiral ngunit inimbento lamang at kinopya ang storya nito sa mga paganong diyos na namatay at muling nabuhay sa Ehipto at Gresya.[4]

Mga nilalaman

[baguhin] Kahulugan ng pangalan

Ang pangalang Hesus ay nagmula sa Wikang Hebreo: ישו, Yeshua,,na ang nangangahulugang "nagliligtas ang Diyos." Kilala rin siya bilang Hesus ng Nasaret o Hesus ang Nasareno (Hebreo: ישוע הנוצרי, Yeshu‘a haNoẕri). Hinango ang pagbikas na Hesus (Ingles: Jesus, Kastila: Jesus) mula sa Wikang Griyego. Isa ring salitang Griyego ang Jesus na nangangahulugang tagapagligtas at isa ring anyo ng pangalang Hebreong Hosue (Ingles: Joshua) na may ibig sabihing "nagliligtas ang Panginoon". Nang isilang si Hesus bilang isang tao, pinangalanan siyang Hesus dahil dumating siya bilang isang tunay na tao  – na ipinanukala ng Diyos noon pang una upang iligtas ang kanyang mga tao mula sa kanilang mga kasalanan.[3]

Tinatawag rin si Hesus bilang Hesukristo dahil sa kaniyang pamagat na Kristo. Nagmula sa Griyego ang salitang Kristo na katumbas ng Mesiyas (o Mesias) sa Hebreo, na kapwa nangangahulugang "ang (isang) napili" o "ang (isang) nahirang". Napili si Kristong Hesus bilang tagapagligtas o manunubos ng kaniyang mga mamamayan.[3][5]

[baguhin] Buhay ni Hesus ayon sa apat na kanonikal na ebanghelyo

Ang sumusunod ay ang biograpiya ni Hesus ayon lamang sa apat na kanonikal na ebanghelyo(Ebanghelyo ni Mateo, Ebanghelyo ni Marcos, Ebanghelyo ni Lucas at Ebanghelyo ni Juan). Ang ibang mga ebanghelyo gaya ng Ebanghelyo ni Tomas, Ebanghelyo ni Judas at iba pa na hindi nakapasok sa kanon ng katoliko ay naglalaman ng mga detalye na iba sa mga nakasulat sa apat ng ebanghelyo. Halimbawa, ayon sa aklat na Second Treatise of the Great Seth na natagpuan sa Nag hammadi noong 1945, si Hesus ay hindi ipinako sa krus kundi si Simon na taga Cireneo ay napagkamalang si Hesus at siyang ipinako sa krus. Inilalarawan din sa aklat na ito na si Hesus ay nakatayo sa malapit at "tumatawa sa kanilang kamangmangan". Ang mga naniniwalang si Hesus ay namatay sa krus ay sinasabing rin sa aklat na ito na naniniwala sa "doktrina ng patay na tao.[6] Ang mga aklat na ito ay pinasunog ng sektang proto-ortodox noong ika apat na siglo CE nang ang proto-ortodox ay gawing opisyal na relihiyon ng Imperyo Romano.[7] Ang mga natira at naitagong manuskrito ay natagpuan sa Nag hammadi sa Ehipto noong 1945. Bukod dito ang mga tagasunod ng ibang sekta ng Kristyanismo gaya ng Gnostisismo ay pinag-usig at pinapatay rin ng sektang proto-ortodox. [8][9]

Ipinangkat ang buhay ni Hesus, partikular na sa sining, sa tatlong mga "siklo" (sapagkat mga paksa itong binabalikbalikan o inaalala) o mga yugto: ang kanyang Pagsasakatawang tao at Kabataan, Pangangaral sa Madla, at Paghihirap.[10]

[baguhin] Pagkakatawang tao, pagsilang, at kabataan


[baguhin] Mga pagdalaw

Kabilang sa pasasakatawang tao ni Hesus ang Anunsasyon o ang pagdalaw, pagbati, at pagbabalita ni Miguel Arkanghel sa Birheng Maria na mahiwaga siyang maglilihi at magsisilang kay Hesus, ang anak ng Diyos.[10][11] Sinundan ang kaganapang ito ng Bisitasyon o pagdalaw ng nagdadalangtao nang si Maria sa kanyang nakatatandang pinsang babaeng si Isabel (o Elizabeth). Sa panahong ito, buntis na rin si Elizabeth, na si Juan Bautista ang dinadala sa sinapupunan.[10]

[baguhin] Pagsilang at iba pang pagdalaw

Ipinanganak si Hesus sa bayan ng Bethlehem sa Judea noong 2 B.K.E. Isang lugar ang Betlehem, o Belen, sa may gawing timog ng lungsod ng Jerusalem. Nagbuhat si Hesus mula sa tribo ni Juda (o tribo ng Judah).[3] Si Maria ang kanyang ina, at si Jose ang gumanap bilang kanyang ama. Naisilang siya sa Betlehem sapagkat nagpunta ang kanyang mga magulang doon upang magparehistro sa senso. Ang Nasaret, lalawigan ng Galilea, ang talagang tahanang bayan niya.[2] Tinatawag ding Natibidad o "pagsilang" ang panahon ng kapanganakan ni Hesus, na kinaganapan din ng pagbabalita at adorasyon o pagdalaw ng mga pastol, pati ng pagdalaw ng mga Pantas ref name=Gardner/>

[baguhin] Pagpapakilala sa templo

Ang pagpapakilala kay Hesus sa templo.

Alinsunod sa kaugalian o tradisyon ng mga Hudyo, dinala nina Maria at Jose ang kanilang panganay na anak na lalaki sa templo ng Herusalem upang maitanghal at maipakilala. Noong ipakilala si Hesus sa templo, naroon ang matanda nang si Simeon. Ayon sa Diyos, hindi babawian ng buhay si Simeon hangga't hindi nakikita ang Mesiyas na si Hesus. Nakilala ni Simeon na ang batang Hesus nga ang siyang hinulaang Tagapagligtas ng mga tao.[10]

[baguhin] Paglikas patungong Ehipto

Kinailangang tumakas palabas ng Ehipto ang mga magulang na dala-dala ang sanggol na Hesus dahil sa isinagawang pagpapatay ng mga walang malay na mga bata ni Haring Herodes sa Betlehem. Ipinatupad ito ni Herodes sapagkat mayroon siyang takot sa pagkakasilang ng isang kalabang hari. Tinatawag din ang pangyayaring ito sa panahon ng pagkasanggol ni Hesus bilang masaker ng mga inosente.[10]

[baguhin] Kapistahan ng Paskuwa

Pagsapit ng pista ng Paskuwa noong labindalawang taong gulang na si Hesus, naglakbay ang banal na mag-anak sa Herusalem. Sa pagkakataong ito, nakilahok si Hesus  – sa kabila ng kanyang edad  – sa isang maalam na pakikipagdebate o "pakikipagtalo" sa harap ng mga dalubhasa o iskolar na mga Hudyo. Dito rin ipinahayag ni Hesus ang kanyang gagawing pangangaral sa hinaharap ng kanyang buhay sa mundo.[10]

[baguhin] Panahon ng pangangaral sa madla

Kabilang sa mga pangunahing kaganapan sa pangangaral sa madla o pagmiministro sa publiko ni Hesus ang pagbibinyag sa kanya ni Juan Bautista, pagtawag niya kay Mateo, ang kanyang paggawa ng mga himala, pagbibigay niya kay Pedro ng mga susi ng langit, ang kanyang pagbabagong anyo, at ang paglilinis ng templo.[10]

[baguhin] Pagbibinyag kay Hesus

Ang pagbabautismo ni Juan Bautista kay Hesus ang opisyal na pinakasimula ng pangangaral ni Hesus sa madla. Naganap ito noong tatlumpung taong gulang na siya. Pagkaraang mabautismuhan si Hesus, lumitaw ang kalapati ng Espiritu Santo, at narinig ang tinig ng Diyos na nagpapahayag na anak niya si Hesus.[10]

[baguhin] Pagtawag kay Mateo

Tinawag ni Hesus ang maniningil ng buwis na si Mateo. Sumunod si Mateo kay Hesus at napabilang sa kanyang labindalawang mga alagad. Dahil sa pagsunod na ito ni Mateo kay Hesus, naging isa siya sa apat na mga ebanghelista ng Banal na Kasulatan na nasa Bagong Tipan ng Bibliya.[10]

Ang pagpapahinahon ni Hesus sa bagyo.

[baguhin] Mga himala ni Hesus

Inilantad ni Hesus ang kanyang likas na kabanalan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga himala, habang naglalakbay at nagtuturo. Kabilang sa mga himalang ito ang mga pagpapagaling ng may mga sakit, pagbuhay sa mga patay, paggawa ng alak mula sa tubig, paglalakad sa ibabaw ng tubig, pagpapahinahon sa unos, at paglikha ng maraming bilang ng mga pagkain katulad ng mga tinapay at mga isda upang mapakain ang ilang libong mga tao.[10]

[baguhin] Pagkakaloob ng mga susi

Isa si Pedro sa pinakaunang mga alagad na tinawag ni Hesus. Sa paglaon, inihabilin ni Hesus kay Pedro na pakanin ang kanyang mga tupa o alagad. Ipinahayag ni Hesus kay Pedro ang batong pagpapatungan at pagtatayuan ng kanyang Iglesia. Dahil dito, pasagisag na dinala at ibinigay ni Hesus ang mga susi ng kaharian ng kalangitan kay Pedro, na ang pangalan ay may ibig sabihing "bato".[10]

[baguhin] Pagbabagong anyo

Naganap ang pagbabagong anyo ni Hesus habang inaakyat niya ang isang bundok. Nasaksihan ito nina Pedro, Santiago, at Juan ang Ebanghelista. Sa transpigurasyon o banyuhay na ito ni Hesus, naging nakasisilaw na liwanag si Hesus, maging ang kanyang mukha. Mula sa isang ulap, nagsalita at ipinahayag ng Diyos na si Hesus ang kanyang anak.[10]

[baguhin] Paglilinis ng templo

Sa pagbabalik ni Hesus sa Herusalem, natuklasan niya ang mga nagkalat na mangangalakal at mga tagapagpalit ng mga pera sa templo. Ikinagalit ito ni Hesus kaya't pinagalitan at pinalayas niya ang mga taong ito mula sa banal na gusaling iyon. Ito ang isinagawang pagdadalisay ni Hesus ng templo sa Herusalem.[10]

[baguhin] Pagpanik sa langit

Kabilang sa pasyon ni Hesus ang mga kaganapan o eksena sa buhay ni Hesus na humahantong patungo sa kanyang kamatayan, muling pagkabuhay, at pag-akyat sa kalangitan. Naganap sa bahaging ito ang pagpasok ni Hesus sa Herusalem, ang kanyang huling hapunan sa piling ng mga alagad, ang paghuhugas niya ng mga paa ng mga apostol, ang pagdarasal niya sa loob ng halamanan ng Getsemani, ang pagkakanulo sa kanya ni Hudas Iskariote, ang pagdakip kay Hesus, ang mga paghuhukom sa kanya, maging ang pagtangging nakikilala siya ni Pedro, ang paghampas at pagtuya sa kanya ng mga sundalong Romano, pagpasan niya ng krus, pagtataas ng krus na pagpapakuan kay Hesus, at ang mismong pagpapako sa kanya sa krus. Nasundan ang kanyang pagkamatay sa krus ng pagbababa ng kanyang bangkay mula sa krus, pagdadalamhati sa kanya, at paglilibing. Pagkaraan ng kamatayan ni Hesus, tinawag na siyang Kristo. Bilang Hesukristo, bumaba siya sa impiyerno upang magligtas ng mga kaluluwa. Pagkaraan ng tatlong araw, naganap ang muli niyang pagkabuhay, at may ilang pagkakataong nagpakita siya sa kanyang mga tagasunod. Pagkaraan nito, pumanhik na siya sa kalangitan.[10]

[baguhin] Pagpasok sa Herusalem

Ang pagpasok ni Hesus sa Herusalem.

Isang araw ng Linggo bago sumapit ang araw ng pagpako sa krus ni Hesus, pumasok siya sa Herusalem na lulan ng isang asno, at kasama ang kanyang mga alagad. Binati ng mga tao sa Hesus at nagpupugay. Naglagay sila ng mga palapa ng palma sa kanyang daanan. Sa kasalukuyan, nakikilala ang pag-alaala sa araw na ito bilang Araw ng Palaspas o Linggo ng Palaspas.[10]

[baguhin] Huling hapunan

Sa padiriwang ni Hesus ng Paskuwa, isinagawa ni Hesus ang kanyang Huling Hapunan sa piling ng kanyang mga alagad. Sa pagkakataong ito niya ipinahayag ang nalalapit na pagkakanulo sa kanya, paghuli sa kanya, at kanyang kamatayan. Dito rin niya inanyayahan ang kanyang mga alagad na alalahanin siya sa tuwing kakain sila ng tinapay at iinom ng alak. Sinasagisag ng tinapay ang katawan ni Hesus, samantalang sumasagisag naman ang alak sa kanyang dugo. Sa paglaon, ang ritwal na ito ang siyang naging Kristiyanong Misa o Eukaristiya. Sa pagkakataon din itong ng Huling Hapunan, naging halimbawa ng pagpapakumbaba si Hesus sa kanyang mga alagad, sa pamamagitan ng pagdaraos ng paghuhukas ng kanilang mga paa.[10]

[baguhin] Sa Halamanan ng Getsemani

Nang magpunta si Hesus sa hardin ng Getsemani ng Bundok ng mga Olibo, nakipagtunggali o naganap ang pagsasa-patawirin niya laban sa kanyang pantaong takot sa kamatayan. Naisagawa niya ito sa pamamagitan ng pananalangin upang magkaroon ng banal na lakas ng kalooban. Hiniling ni Hesus sa kanyang kasamang mga alagad huwang matulog ang mga ito habang nagdarasal siya, subalit naidlip pa rin ang mga ito.[10]

[baguhin] Pagkakanulo at paghuli

Kapalit ng tatlumpung mga piraso ng pilak, ipinagkanulo si Hesus ng kanyang alagad na si Hudas Iskaryote. Sa pamamagitan ng paghalik kay Hesus, naipakilala ni Hudas kung sino si Hesus sa mga kawal na darakip sa kanya. Sa paglaon, nagsisi si Hudas dahil sa kanyang nagawang kamalian, na humantong sa kanyang pagpapatiwakal sa pamamagitan ng pagbibigti mula sa isang puno.[10]

[baguhin] Paghuhukom kay Hesus

Iniharap sa dalawang tagapaglitis si Hesus. Una, kay Jose Caiapas (binabaybay ding Cayapas, Caiaphas, Caifas, o Caipas), isang mataas na paring Hudyo. Pangalawa, kay Poncio Pilato. Habang nagaganap ang paglilitis ni Caiapas kay Hesus hinggil sa pagpapahayag ni Hesus bilang ang Mesiyas, tatlong ulit na itinanggi ni Pedro na nakikilala niya si Hesus. Pagkatapos ng pagsusuri ni Caiapas, iniharap naman si Hesus kay Poncio Pilato, ang Romanong gobernador ng Hudaea. Nilitis ni Pilato si Hesus dahil sa bintang na pagtataksil sa bayan dahil ipinahayag ni Hesus na siya ang Hari ng mga Hudyo. Sa eksenang ito, pinapili ni Pilato ang madla kung sino ang kanilang palalayain: si Hesus o si Barabas (o Barabbas), isang mamamatay-tao. Nahatulan ng kamatayan si Hesus sapagkat pinili ng madla si Barabas. Pagkaraan, naghugas ng kamay si Pilatong gumanap na hukom ni Hesus, isang sagisag ng kanyang pagtatanggal ng responsibilidad mula sa kanyang sarili kaugnay ng hatol at pasya ng madla.[10]

[baguhin] Mga paghampas at pagkutya

Sumailalim sa paghahampas ng latigo si Hesus mula sa kanyang mga Romanong bantay na kawal. Tinuya at pinahiya rin siya ng mga ito sa pamamagitan ng pagdaramit kay Hesus bilang Hari ng mga Hudyo. Pinutungan rin si Hesus ng mga sundalong ito ng koronang tinik sa kanyang ulo.[10]

[baguhin] Pagpapako sa krus

Sapilitang pinapasan kay Hesus ng mga Romano ang krus na pagpapakuan sa kanya. Dinala ni Hesus ang kanyang krus mula sa Herusalem patungo sa Bundok ng Kalbaryo, kilala rin bilang Golgota (binabaybay ding Golgotha at may ibig sabihing "pook ng mga bungo"; ito rin ang lugar na pinaglibingan sa bangkay ni Adan). Tatlong ulit na nadapa o bumagsak si Hesus sa paglalakbay na ito. Nahubaran rin siya ng kanyang kasuotan pagdaka. Pagkatayo ng krus, ipinako rito si Hesus. Habang patuloy sa pagpapahirap sa kanya ang mga Romanong kawal, nagdadalamhati sa paanan ng krus si Mariang kanyang ina, si Juan ang Ebanghelista, at si Maria Magdalena. Isa sa mga sundalo ang sumaksak sa kanyang tagiliran sa pamamagitan ng isang sibat. Pagkaraan ng matinding paghihirap, namatay si Hesus.[10]

Sa kasalukuyan, inaalala ito ng mga sektang Katoliko tuwing araw ng Mabuting Biyernes o Biyernes Santo ng Mahal na Araw ngunit ang paniniwalang ito ay hindi mapapatutunayan sa Banal na Kasulatan.[10]

[baguhin] Paglilibing kay Hesus

Ang paglilibing at pagtangis para kay Hesus.

Pagkaraan ng pagbababa o deposisyon ng katawan ni Hesus mula sa krus, na isinagawa ng dalawang alagad na sina Jose ng Arimathea at Nicodemo (o Nicodemus) habang tinatanaw ng mga naroroon, dinala ang bangkay ni Hesus sa paglilibingan nito. Namighati para kay Hesus ang dalawang mga alagad na nagbaba sa kanya, sina Birheng Maria, Jose ang Ebanghelista, at Maria Magdalena. Tinatawag ang pagdaralambhating ito bilang lamentasyon o paggtangis. Sa sining, tinatawag na Piyeta o Pieta[11] (mula sa Lating Pietà, may ibig sabihing pagkahambal, awa, o habag) ang paglalarawan sa sining ng pagkalong na may hapis o hinagpis ni Birheng Mariang habang pinagmamasdan ang kanyang sumakabilang buhay na anak na lalaking si Hesus. Inihimlay si Hesus sa isang sarkopago na nasa loob ng kanyang libingan.[10]

[baguhin] Muling pagkabuhay

Sa ikatlong araw pagkaraan ng pagkamatay ni Hesus mula sa krus, bumangon siya mula sa kamatayan. Nilisan niya ang kanyang libingan habang natutulog ang mga bantay na kawal na nasa labas. Natuklasan ng mga dumadalaw sa bangkay ni Hesus na wala nang laman ang kanyang libingan. Tinaguriang Tatlong Maria ang mga bumisitang ito: ang Birheng Maria, si Maria Magdalena, at si Mariang ina ni Santiago. Isang anghel ang nagsabi sa kanilang muli nang binuhay si Hesus, ang Kristo.[10]

[baguhin] Muling pagpapakita ni Hesus

Sa loob ng apatnapung mga araw bago siya pumanhik sa langit, ilang ulit na nagpakita si Hesus sa kanyang mga tagasunod. Binalaan ni Hesus si Maria Magdalena na huwag siyang hawakan nito, na nagsasabing "Huwag mo akong hawakan" o Noli me tangere sa wikang Latin. Bagaman sinabi ito ni Hesus, binanggit niya kay Maria Magdalena na ipagbigay-alam sa kanyang mga alagad ang kanyang pagbabalik.[10]

Sa piling ng dalawang gulat na mga alagad niya, naghapunan si Hesus sa Emmaus. Pagdaka, sa ibang pagkakataon ng kanyang muling paglitaw, inanyayahan niya si Tomas na hipuin ang kanyang sugat sa tagiliran, upang maniwala nagdududang alagad na muli na nga siyang nabuhay.[10]

[baguhin] Pagpanik sa kalangitan

Pagpanik ni Hesus sa langit.

Pagdating ng ika-apatnapung araw, tinungo ni Hesus ang Bundok ng Olibo. Mula sa bundok na ito, pumanik na si Hesus patungo sa langit. Naging saksi sa kanyang pag-akyat sa kalangitan sina Mariang kanyang ina, at ang kanyang mga alagad. Umakyat si Hesus sa langit habang nasa loob ng isang ulap.[10]

[baguhin] Historisidad ni Hesus

Walang arkeolohikal na ebidensiya na nagpapatunay na umiral si Hesus sa mundo. Gaya ng nasa taas na biograpiya, ang tanging "pinagkunang biograpiya" ni Hesus at tinatanggap ng mga Kristiyano na "tamang" salaysay ng buhay ni Hesus ay mula lamang sa apat kanonikal na Ebanghelyo ng Bagong Tipan na Mateo, Marcos, Lucas at Juan. Ang mga ito ay hindi maituturing na mga "walang kinikilingang"(hindi biased) mga salaysay ng buhay ni Hesus dahil ang layunin ng mga aklat na ito ay mang-akay(proselytize) sa relihiyong Kristiyanismo(Juan 20:30). Bukod dito, ang mga salaysay na may "pagmimilagro" at mga ekstradordinaryong mga salaysay gaya ng pagkabuhay ng mga patay at pag-ahon nito sa mga libingan(Mateo 27:51-53) ay hindi itinuturing ng mga historyan na kapani-paniwala(credible). Ang mga ibang skolar ay nagsasabing ang mga apat na kanonikal na ebanghelyo ay hindi isinulat ng mga "saksi"(eyewitness) dahil ang mga ito ay naglalaman ng mga maling heograpiya ng Palestina(o Israel) gayundin ng mga maling paglalarawan ng mga kustom(custom) ng mga Hudyo noong unang siglo CE. Bukod dito, sinasabi din ng mga skolar na ang mga kanonikal na ebanghelyo na Mateo, Marcos, Lucas Juan ay naglalaman ng mga magkakasalungat na mga salaysay.[12][13] Ayon din sa mga iskolar, ang Mateo at Lucas ay kumopya lamang sa Marcos at sa isang hindi na umiiral na dokumentong tinatawag na "Dokumentong Q". Walang kontemporaryong(nabuhay noong panahon ni Hesus o nakasaksing pagano kay Hesus) salaysay mula sa mga "hindi" Kristiyanong may-akda ang umiiral. Ang mga "paganong" salaysay sa buhay ni Hesus ay isinulat pagkatapos ng ilang mga dekada pagkatapos ng sinasabing "kamatayan ni Hesus"(ca. 30-33 CE). Halimbawa, ang Hudyong historyan na si Josephus ay sumulat ng ilang linya tungkol kay Hesus ngunit si Josephus ay hindi kakontemporaryo o nabuhay sa panahon ni Hesus at maaaaring narinig(hearsay) lamang ni Josephus ang mga salaysay na ito dahil hindi niya ito "mismong" nasaksikhan. Dahil dito, may mga ilang iskolar na nagmungkahi na si Hesus ay hindi talaga umiral at ang mga kwento ni Hesus sa ebanghelyo ay inimbento at kinopya lamang mula sa mga kwento ng mga diyos at tagapagligtas na paganong namatay at nabuhay sa Ehipto at Gresya.[4]

[baguhin] Mga paniniwala tungkol kay Hesus

[baguhin] Mga paniniwala sa tunay na kalikasan ni Hesus

  • Arianismo: Ang paniniwalang si Hesus ay hindi diyos at nilikha lamang ng diyos. Ang tunay na diyos lamang ang ama at sa pamamagitan ng anak ay nilikha ang banal na espiritu na nagpapasakop sa anak kung paanong ang anak ay nagpapasakop sa ama.
  • Adoptionism: Ang paniniwalang si Hesus ay naging "anak ng diyos" sa pamamagitan ng pag-aampon.
  • Psilanthropism: Ang paniniwalang si Hesus ay isa lamang tao at ang literal na anak ng mga taong magulang.
  • Monophysitism: Ang paniniwalang si Hesus ay may isa lamang kalikasan. Ang kanyang pagkatao ay sinisipsip ng kanyang pagka-diyos.
  • Chalcedonian: Ang paniniwalang si Hesus ay may dalawang kalikasan: isang tao at isang diyos.
  • Eutychianism: Ang paniniwalang ang kalikasang pagkatao at pagkadiyos ni Hesus ay pinagsama sa isang(mono) kalikasan. Ang kanyang pagkatao ay "natunaw gaya ng patak ng pulot sa dagat.
  • Apollinarism o Apollinarianism: Ang paniniwalang si Hesus ay may katawang tao at may taong "buhay na prinsipyo" ngunit ang diyos na logos ay pumalit sa nous o "nag-iisip na prinsipyo", na maikukumpara ngunit hindi katulad ng tinatawag na isip sa kasalukuyang panahon.
  • monothelitism: Ang paniniwalang si Hesus ay may dalawang kalikasan sa isang persona ngunit siya ay may kaloobang(will) pagkadiyos ngunit walang kaloobang pangtao.
  • Docetism: Ang paniniwalang ang pisikal na katawan ni Hesus ay isa lamang ilusyon gayundin ang kanyang krusipiksiyon. Samakatuwid, si Hesus ay para lamang may pisikal na katawan at parang pisikal na namatay ngunit sa realidad, si Hesus ay walang katawan, isang purong espiritu kaya hindi maaaring mamamatay ng pisikal.
  • Iba pang paniniwala tungkol kay Hesus gaya ng pag-iral ni Hesus bago ang kanyang pisikal na kapanganakan, pagtanggi sa birheng pagkapanganak ni Hesus gaya ng mga Ebionites at iba pa.

[baguhin] Paniniwala ng pagiging mesiyas(messiah) ni Hesus

Sa Hudaismo, ang mashiaḥ ay tumutukoy sa isang hari ng Israel mula sa angkan ni David, na mamamahala sa mga pinagkaisang tribu ng Israel[14], at iuusbong ang Panahong Mesiyaniko[15][16] ng pandaigdigang kapayapaan. Kabilang sa mga pangyayaring magaganap sa pagdating ng mesiyas na Hudyo ang muling pagkakabuo ng sanhedrin at pagkakatipon ng mga Hudyo sa Israel na nagkalat sa buong mundo. Ang mga natipon ay muling magbabalik sa pagsunod sa Torah at kautusan ni Moises. Ayon din sa Hudaismo, ang mesias na Hudyo rin ang tanging binibigyan ng awtoridad na itayong muli ang "pisikal"(literal) na Templo sa Herusalem na tinatawag na Ikatlong Templo. Sa muling pagtatayong ito ng Templo sa Israel, ang mga paghahandog ng mga hayop ng Hudyo kay Yahweh ay muling mapapanumbalik.

[baguhin] Pananaw ng mga Kristiyano

Sa Kristyanismo, si Hesus ay itinuturing na mesiyas(pinahiran o anointed) ng Hudaismo na ipinadala ng Diyos upang iligtas ang kanyang mga disipulo sa malapit na paghuhukom na magaganap noong unang siglo CE.[3]. Ang salitang hebreong mesiyas ay isinalin sa Griyegong "kristo" kaya karaniwang tinatawag si Hesus na "Hesu-Kristo"(Jesus Christ) dahil sa paniniwalang si Hesus ang mesiyas o kristo. Upang patunayan ang pag-aangking ito ng pagiging mesiyas o kristo ni Hesus, ang mga manunulat ng Bagong Tipan(Mateo, Marcos, Lucas, Juan) ay humanap ng mga "hula" sa Tanakh(Lumang Tipan) at inihayag na ito ay katuparan ni Hesus. Ang salin ng Tanakh na pinagsanggunian(kinopya) ng mga manunulat ng Bagong Tipan ang Grieygong Salin ng Tanakh na Septuagint. Ayon din sa mga skolar, ang Bagong Tipan ay orihinal na isinulat sa wikang Griyego. Ang mga Hudyo hanggang sa kasalukuyang panahon ay hindi tinatanggap ang Septuagint dahil sa korupsiyon nito. Ayon sa apat na kanonikal na ebanghelyo(Mateo, Marcos, Lucas, Juan), dahil sa pagtuturo ni Hesus ng mga utos na iba sa utos ni Moises na pinaniwalaang sugo ng mga Hudyo, si Hesus ay itinakwil ng mga Hudyo. Bukod dito, ayon din sa Bagong Tipan, si Hesus ay nag-angking diyos(Juan 10:33) na itinuturing ng mga Hudyo na isang malaking kapusungan dahil sa kanilang paniniwala lamang sa isang diyos na si Yahweh.

[baguhin] Pananaw ng mga Hudyo tungkol kay Hesus

Ayon sa mga skolar ng Hudaismo, ang mga sinasabing hula na katuparan ni Hesus sa Bagong Tipan ay base sa maling salin na Septuagint ng Bibliya at misinterpretasyon ng mga talata sa Tanakh.[17][18][19][20][21] Ang opisyal na Bibliyang ginagamit ng mga Hudyo ay ang Hebreong Masoretiko at hindi ang Griyegong Septuagint. Ang isa sa maraming halimbawa ng mga pinaniniwalaang korupsiyon sa Septuagint ang Isaias 7:14 na pinagkopyan ng manunulat ng Aklat ni Mateo(Mateo 1:23). Ayon sa Isaiah 7:14 ng Septuagint, "ang partenos(birhen) ay mangangak...". Ayon sa Masoretiko, ang Isaias 7:14 ay "ang almah(babae) ay buntis at malapit ng manganak..."

לָכֵן יִתֵּן אֲדֹנָי הוּא לָכֶם אוֹת הִנֵּה הָעַלְמָה הָרָה וְיֹלֶדֶת בֵּן וְקָרָאת שְׁמוֹ עִמָּנוּאֵל

Ayon pa sa Isaias 7:16,

טז כִּי בְּטֶרֶם יֵדַע הַנַּעַר, מָאֹס בָּרָע--וּבָחֹר בַּטּוֹב: תֵּעָזֵב הָאֲדָמָה אֲשֶׁר אַתָּה קָץ, מִפְּנֵי שְׁנֵי מְלָכֶיהָ

Sapagkat bago matuto ang bata na umiwas sa masama at gumawa ng mabuti, ang lupain ng dalawang haring kinatatakutan mo ay wawasakin.

Ayon pa sa mga Hudyong skolar, kung ito ay tumutukoy kay Hesus, aling 2 kaharian ang tumakot sa "Kaharian ng Israel" kung ang "Kaharian" ay hindi na umiiral? Ayon sa talata, bago matuto ang "batang ipananganak ng almah(babae) na umiwas sa masama at gumawa ng mabuti, ang dalawang kahariang ito ay mawawasak", ngunit walang 2 kahariang kinatakutan ng bansang Israel na "nawasak" noong panahon ni Hesus noong unang siglo CE.

[baguhin] Pananaw ng mga skolar ng Bibliya tungkol sa sinasabing katuparan ni Hesus sa Tanakh

Ayon sa mga skolar ng Bibliya, ang Aklat ni Daniel 9:24-27 ay hindi tumutukoy kay Hesus kundi kay Antiochus IV Epiphanes.

[baguhin] Sa Islam

Ayon sa Islam, si Jesus (Issa sa Qur'an) ay kinikilala bilang sugo at masih(mesiyas sa Islam) ng diyos na si Allah na ipinadala upang gabayan ang mga Anak ng Israel (bani isra'il) sa pamamagitan ng isang bagong kasulatan, ang Ebanghelyo(Injil sa Qur'an)[22] . Gayumpaman, itinatakwil ng Islam ang mga paniniwala sa Kristiyanismo na si Hesus ay ipinako sa krus, sa halip siya ay sinasabi sa Qur'an na iniakyat ng buhay sa langit. Isinasalaysay ng Islamikong tradisyon na siya ay magbabalik sa lupa kapag sa Araw ng Paghahatol upang ibalik muli ang katarungan at talunin ang "Maling Mesiyas" (al-Masih al-Dajjal, kilala rin bilang Antikristo) at ang mga kalaban ng Islam. Dahil isa siyang makatarungang pinuno, si Jesus sa huli ay yayao.[23]

Gaya ng lahat ng propeta sa Islam, si Hesus ay itinuturing na isang Muslim. Itinatakwil ng Islam ang pananaw ng Kristiyanismo na si Hesus ay diyos na nagkatawang tao o anak ng diyos. Ang Qur'an ay nagsasaad na mismong si Hesus ay hindi nag-angkin ng mga gayong bagay. Ang Qur'an ay nagbibigay diin din na si Hesus ay isa lamang mortal(namamatay) na tao na gaya ng ibang propeta sa Islam ay hinirang ng diyos upang ipalaganap ang mensahe ng diyos.

[baguhin] Paghahambing kay Adan

Inihahambing si Hesus kay Adan sapagkat itinutiring si Hesus ng mga kristiano bilang isang bagong simula para sa lahi ng mga tao. Sa paniniwalang nagbibigay si Hesus ng bagong buhay sa mga taong nananalig sa kanya.[3]

[baguhin] Tingnan din

[baguhin] Mga sanggunian

  1. "... O Jesus, Author of our faith,..." Prayer to St. Jude, isang polyetong dasalan, Tan Books and Publishers, Inc., Illinois, pahina 18.
  2. 2.0 2.1 2.2 Firth, Lesley (Patnugot Panlahat) atbp.. (1985). "Who was Jesus of Nazareth?". Who Were They? The Simon & Schuster Color Illustrated Question & Answer Book. Little Simon Book, Simon & Schuster, Inc., Lungsod ng Bagong York, ISBN 0671604767., pahina 19.
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 3.5 3.6 3.7 The Committee on Bible Translation. (1984). "Eternal, Adam, Jesus, Judah, at Mediator". The New Testament, God's Word, The Holy Bible, New International Version (NIV). International Bible Society, Colorado, USA. Dictionary/Concordance, pahina B1, B4, B6, at B7.
  4. 4.0 4.1 Jesus Never Existed
  5. Abriol, Jose C.. (2000). "Mesias, Manunubos". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.
  6. http://www.gnosis.org/naghamm/2seth.html
  7. The Gnostic Gospels:PBS
  8. Lost Christianities: the battles for scripture and the faiths we never knew, Bart D. Ehrman
  9. Gnostic Visions: Uncovering the Greatest Secret of the Ancient World, p 218
  10. 10.00 10.01 10.02 10.03 10.04 10.05 10.06 10.07 10.08 10.09 10.10 10.11 10.12 10.13 10.14 10.15 10.16 10.17 10.18 10.19 10.20 10.21 10.22 10.23 10.24 10.25 10.26 Kleiner, Fred S. at Christin J. Mamiya. (2005). "The Life of Jesus in Art: Incarnation and Childhood, Public Ministry, and Passion". Gardner's Art Through the Ages, ika-12 edisyon. Wadsworth/Thomson Learning, Kaliporniya, ISBN 0155050907., pahina 308-309.
  11. 11.0 11.1 Gaboy, Luciano L.. "Annunciation, anunsasyon; Pieta, piyeta; Ascension, asensyon". Gabby's Dictionary, Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.
  12. NT contradictions
  13. Jesus, Interrupted: Revealing the Hidden Contradictions in the Bible (And Why We Don't Know About Them). Bart Ehrman, HarperCollins, USA. 2009. ISBN 0-06-117393-2.
  14. Megila 17b–18a, Ta'anit 8b
  15. E·ra me·siá·ni·ca sa Kastila
  16. Sota 9a
  17. Why did the majority of the Jewish world reject Jesus as the Messiah, and why did the first Christians accept Jesus as the Messiah? by Rabbi Shraga Simmons (about.com)
  18. Michoel Drazin (1990). Their Hollow Inheritance. A Comprehensive Refutation of Christian Missionaries. Gefen Publishing House, Ltd.. ISBN 965-229-070-X. http://www.drazin.com. 
  19. Troki, Isaac. "Faith Strengthened".
  20. "The Jewish Perspective on Isaiah 7:14". Messiahtruth.com. http://www.messiahtruth.com/isa714b.html. Nakuha noong 2009-04-11. 
  21. http://www.outreachjudaism.org/FAQ
  22. The Oxford Dictionary of Islam, p.158
  23. "Isa," Encyclopedia of Islam.

Mga pansariling kagamitan
Mga ngalan-espasyo

Naiiba pa
Mga gawain
paglilibot
pakikihalubilo
Mga kagamitan
Sa ibang wika