Kristiyanismo

Mula sa Tagalog na Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Kristiyano)
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin
Bahagi ito ng serye hinggil sa
Kristiyanismo
Christian cross.svg

Kasaysayan ng Kristiyanismo
Mga Alagad
Mga kapulungang ekumenikal
Malakihang Pagkakapangkat
Pagbabago

Trinidad
Diyos Ama
Kristo Anak ng Diyos
Banal na Espiritu

Bibliya
Lumang Tipan
Bagong Tipan
Apokripa
Mga Ebanghelyo
Sampung Utos
Pangaral sa Bundok

Teolohiyang Kristiyano
Pagliligtas · Biyaya
Pananampalatayang Kristiyano

Simbahang Kristiyano
Katolisismo
Ortodoksiya
Protestantismo

Mga denominasyong Kristiyano
Mga kilusang Kristiyano
Ekumenismong Kristiyano

Ang Kristiyanismo ay isang relihiyong monoteista (naniniwala sa iisang Diyos lamang) na nakabatay sa buhay at turo ni Hesus ng Narat ayon sa isinulat ng kanyang mga tagapagsunod sa Bagong Tipan. Pinaniniwalaan ng mga Kristiyano na si Hesus ay ang anak ng Diyos at ang Mesias na pinaghulaan ng mga sugo sa Lumang Tipan. Ang Bagong Tipan ng Bibliya ay tinitingnan bilang tala ng Ebanghelyong ipinahayag ni Hesus. Ito ay ang pinakamalaking pananampalataya sa buong daidig na may higit kumulang sa 2.1 bilyong taong kasapi nito. Sa kasulukuyan, ito ay malakas sa Europa, mga Amerika, Katimugang Afrika, ang Pilipinas at sa Oceania at tumutubo na sa Asya, lalo na sa Tsina at Timog Korea

Nagsimula ang Kristiyanismo bilang sangang-katulad ng Judaismo at kasama ang Bibliang Hebreo bilang Lumang Tipan sa mga banal na Kasulatan nito. Tulad ng Judaismo at Islam, itinatalaga ang Kristiyanismo bilang isang Pananampalatayang Abrahamiko. Ang relihiyong ito ay itinayo ni Kristo sa Israel. Ngunit maraming mga sanga ang relihiyong ito, lahat ng mga kasapi rito ay naniniwala sa Diyos.

Isa sa mga pinakakilalang mga sagisag ng Kristiyanismo ay ang krus, kasama rin ng isda, o "Icthys" kung tawagin.

Mga nilalaman

[baguhin] Simula at kahulugan ng pangalang Kristiyano

Ang pangalang Kristiyano (Griyegong Χριστιανός, "Christianos" Strong's G5546), ay may kahulugang "kabilang kay Kristo" o "pagmamay-ari ni Kristo", na naging tawag para sa mga sinaunang disipulo sa lungsod ng Antioke na kilala rin bilang Antioque o Antioch (Gawa 11:26). Si San Ignacio ng Antioch ang unang gumamit ng "Kristiyanismo" (Χριστιανισμός, "Christianismos") bilang pangalan ng pananampalataya kay Kristo. Sa diwa ng Kristiyanismo, kapag ginamit ang salitang Kristiyano - kasama at katulad ng mga katagang alagad, apostol, disipulo, mananampalataya, sumasampalataya, nanalig, o naniniwala - nagpapahiwatig ito ng pagtitiwala at pagsunod kay Hesukristo. Ginamit ni Simon Pedro at Haring Agrippa ang katawagang Kristiyano.[1]

[baguhin] Sinaunang mga sekta ng Kristiyanismo at labanan sa kanon ng Bagong Tipan

Ang kanon ng Bagong Tipan ay nabuo sa maraming siglo. Sa pagitan ng 140 hanggang 220 CE, maraming sekta ng kristiyanismo na may iba ibang konsepsyon ng kalikasan at katuruan ng dios at ni Hesus ang umusbong gaya ng Gnostisismo, Ebionita, Montanismo, Marcionismo, Encratites at iba pa. Upang suportahan ang kanilang mga doktrina, ang mga sektang ito ay gumamit ng iba't ibang aklat na sa kanilang pinaniniwala ay mga "kinasihan ng diyos". Ang mga aklat na ito ay pinasunog ng sektang proto-ortodox noong ika apat na siglo CE.[2] Ang mga natitirang manuskrito ng mga aklat na ito ay natagpuan sa Nag Hammadi, Ehipto noong 1945. Kabilang sa mga aklat na nakapaloob dito ang Ebanghelyo ni Tomas, Mga Gawa ni Pedro at ng Labindalawa, Ebanghelyo ng Katotohanan, Ebanghelyo ni Felipe, Gnostikong Ebanghelyo ni Pedro, Ang Sofia ni HesuKristo at marami pang iba.[2] Ang isang sekta ng kristiyanismo na tinatawag na proto-ortodox ang nagsimula namang magtipon ng mga aklat na sa paniniwala nila ay naglalaman ng mga aral na tama at kumokontra sa mga aral heretikal(mali) ng ibang sekta.[3] Sa mga magkakatunggaling mga sektang ito, ang proto-ortodox ang kalaunang nanaig, naging opisyal na relihiyon ng Imperyo Romano at naging unibersal(catholic). Ang heresiya at paganismo ay ginawang krimen ni Emperador Theodosius noong 381 CE at ang mga tagasunod ng ibang sekta ay pinagusig at pinapatay.[4][5] Ang mga tagapagtaguyod ng proto-ortodoksiya ang mga "ama ng simbahan"(church fathers) na naging responsable sa pagtitipon ng impormasyon tungkol sa mga aklat na naging Bagong Tipan. Halimbawa, ang impormasyon na ginamit para isulat ang ika apat na siglong "Easter letter" na naghahayag ng mga tinanggap na Kristiyanong kasulatan ay nakabase sa "Kasaysayang Eklesiastikal" ni Eusebius ng Cesaria kung saan kanyang ginamit ang impormasyon na ipinasa sa kanya ni Origen. Bukod dito nakuha din ni Eusebius ang impormasyon tungkol sa mga "tinatanggap na mga aklat" sa ikatlong siglong mga iglesia sa kanyang mga paglalakbay. Ilan sa mga kasamang "kinasihang kasulatan" para kay Origen ang "Sulat ni Barnabas, Pastol ni Hermas at 1 Clemente" ngunit ang mga aklat na ito ay inalis ni Eusebius. [6] Ang mga mga aklat na ito ay tinawag ni Eusebius na "antilegomena" o mga tinutulang aklat. Kabilang din sa antilegomena ang Santiago, Judas, 2 Pedro, 2 at 3 Juan, Apocalipsis ni Juan, Apocalipsis ni Pedro, Didache, Ebanghelyo ayon sa mga Hebreo, Mga Gawa ni Pablo.[7] Noong ika apat na siglo, ang ilang synod gaya ng Synod ng Hippo at Konseho ng Carthage ay naglimbag ng mga listahan ng mga aklat na kanonikal. Ang kasulukuyang 27 aklat na kanon ng Bagong Tipan ay pinag tibay ng Konseho ng Trent noong 1546.[8] Ang 27 aklat na isinama sa kanon ng Bagong Tipan ay ang sumusunod: Mateo, Marcos, Lucas, Juan, Gawa, Roma, 1 at 2 Corinto, Galacia, Efeso, Filipos, Colosas, 1 at 2 Tesalonica, 1 at 2 Timoteo, Tito, Filemon, Hebreo, Santiago, 1 at 2 Pedro, 1, 2 at 3 Juan, Judas at Apocalipsis.

[baguhin] Mga sangay ng Kristiyanismo

Pagkakabahagi ng Kristiyanismo.
Tagapagpasimula ng Protestanteng Repormasyon na si Martin Luther

Pagkatapos gawing opisyal na relihiyon ng Imperyo Romano ang Kristiyanismo, ang Kristanismo ay nahati sa iba't ibang mga pangkat. Pagkatapos ng Konseho ng Ephesus noong 431 CE, ang Iglesiang Assyrian ng Silangan ay humiwalay sa ibang mga obispo ng iglesia sa Byzantine. Ang konsehong ito ay ipinatawag ng mga obispo upang lutasin at talakayin ang mga paniniwala ng mga Nestorian na isinulong ni Nestorious na partriarka ng Constantinople noong 428-431. Ang doktrina ni Nestorius ay nagbibigay-diin sa hindi pag-iisa ng kalikasang tao at diyos ni Hesus. Sa ibang salita, ang Nestorianismo ay nagtuturong si Hesus ay umiral bilang dalawang persona na isang taong Hesus at isang diyos na anak ng diyos imbis na pinag-isang persona. Ang mga katuruang ito ni Nestorius ang nagdulot sa kanya sa pakikipag-alitan sa ibang mga prominente(mahalagang) pinuno ng Iglesia na ang pinakilala dito ay si Cyril ng Alexandria na tumuligsa rin sa kanyang pagtakwil sa pamagat na "Theotokos"(Ina ng Diyos) para kay Marya na ina ni Hesus. Si Nestorius at ang kanyang mga katuruan ay kalaunang kinondema ng Konseho ng Ephesus noong 431 CE gayundin sa Konseho ng Chalcedon noong 451 CE. Ang pagkondenang ito ang nagtulak sa ibang mga iglesia ng Kristiyanismo na sumusuporta sa katuruan ni Nestorius na humiwalay sa ibang mga Iglesia sa Byzantine. Ang mga iglesiang ito na humiwalay ay naging Assyrian Church of the East. Sa Konseho ng Chalcedon na nasa Constantinople noong 451 CE, ang di pagkakasunduan ay nabuo sa pagitan ng karamihan ng mga obispo sa mga sakop ng Kristiyano at sa mga obispo na nakatalaga sa Ethiopia, Alexandria, Armenia, Syria at India hinggil sa paglalarawan ng pagkatao(humanity) at pagkadiyos(divinity) ni Hesus. Ang pakikipag-hiwalay ay dulot sa isang bahagi ng pagtanggi ni Papa Dioscorus na patriarka ng Alexandria na tanggapin ang dogma na pinalaganap ng Konseho ng Chalcedon na si Hesus ay may dalawang kalikasan na isang diyos at isang tao. Ito ay hindi dahil sinabi ng Konseho ng Chalcedon na si Hesus ay may dalawang kalikasan kundi dahil ang deklarasyon ng konseho ng Chalcedon ay hindi naghayag na ang dalawang kalikasang ito ay hindi mawawalay at magkaisa. Para sa mga pinuno o hierarka na naging pinuno ng Oriental Orthodox, ito ay katumbas ng pagtanggap ng Nestorianismo na hindi umaayon sa pagkaunawa ng mga Orthodox sa kalikasan ni Hesus. Ang Konseho ng Chalcedon ay nagpasya laban sa posisyon ni Dioscorus na inalis sa tungkulin at pinatapon. Si Dioscorus ay namatay sa pagkakatapon noong 454 CE. Inaprubahan ng emperador ang paglalagay ng obispo(partiarka) na Alexandrianong si Proterius na humalili sa see(diocese) ng Alexandria, Ehipto. Ang mga Alexandrianong Kristiyano ay tumugon sa pamamagitan ng paglalagay ng katunggaling patriarkang si Timothy Aelurus pagkamatay ni Dioscorus. Kalaunan, ang mga kristiyanismo sa Alexandria na sumusuporta kay Dioscorus ay naghimagsik sa hinirang na dayuhang obispo. Pinaslang ng mga galit na Alexandriano ang obispong si Proterius, kinaladkad ng mga ito ang katawan nito sa mga kalye, sinunog ang bangkay nito at inihagis ang mga abo nito sa hangin. Ang mga humiwalay na iglesiang ito ay tinawag na Oriental Orthodox Church. Ang sektang Oriental Orthodox sa kasalukuyang panahon ay kinabibilangan ng The Coptic Church of Egypt, The Ethiopian Orthodox Church, The Syrian Orthodox Church, The Armenian Orthodox Church at The Malankara (Indian) Orthodox Church. Ang pinakamahalagang pagkakabagi ay naganap noong 1054 na nagdulot ng matinding pinsala sa pagkakaisa ng mga Kristiyano. Ito ay resulta ng ilang siglo na pagkakaibang kultural(o teolohikal) sa pagitan ng Silangan(Byzantine) at Kanlurang bahagi ng Iglesiang Kristiyano.Ito ay nangyari nang itiwalag ng papa(pope) sa Roma ang patriarka ng Byzantine at itiniwalag naman nang partiarka ng Byzantine ang papa sa Roma. Ang pagkakabahagi ay sanhi ng pag-aangkin na ang papa sa Roma ang pangkalahatang(universal) autoridad sa buong mga kristiyano. Kabilang din sa mga pinag-talunan ng mga ito ang araw na isasagawa ang easter, kung ang purgatoryo ay tamang konsepto, kung ang may lebadura o walang lebadurang tinapay ay ihahandog bilang komunyon at kakainin sa mga banal na araw gayundin ang katayuan ng banal na espiritu. Ang mga Byzantine ay naniwalang ang banal na espiritu ay nagmula "lamang" sa diyos samantalang ang Kanlurang iglesia na nakabase sa Roma ay naniwalang ang banal na espiritu ay nagmula sa parehong diyos at kay hesus. Ang Silangang Iglesia ay tinawag na Eastern Orthodox Church. Noong ika-labing anim na siglo(1517-1648), Ang Repormasyong Protestante ay nagsanhi ng pagkakabahagi ng Kristiyanismo sa sektang Protestante, Calvinismo, Anabaptismo, Lutheranismo, Anglikanismo at iba pa mula sa Romano Katolisismo. Sa kalaunan, ang mga sektang ito ay nagkabaha-bahagi pa sa iba't ibang mga sekta ng Kristiyanismo.

[baguhin] Mga Paniniwala ng iba't ibang sektang Kristiyano

Mga halimbawa ng mga relihiyosong bagay sa sekta ng Kristiyanismo na Romano Katolisismo: krusipiho, at rosaryo. Ang mga bagay na ito ay kinokondena ng mga protestante at iba pang sekta.

[baguhin] Pagkakatulad

Sa halos lahat ng sektang kristiyano, ang sentral na karakter ng relihiyong ito na si Hesus ay pinaniniwalaang mesiyas at tagapagligtas. Bukod dito, ang lahat ng sekta ng Kristiyanismo ay naniniwala na ang kanilang sekta ang tanging totoo at nag-ingat ng "tunay" na aral ni Hesus samantalang ang ibang sektang Kristiyano ay nalihis sa tamang doktrina. Halimbawa, ang Romano Katolisismo ay naniniwala na ito ang tunay na iglesia na mula pa sa mga apostol. Ang restorasiyonismo sa kabilang dako ay naniniwalang ang Romano Katoliko ay isang nalihis na Kristiyanismo at ang mga sektang restorasiyonismo ang naniniwalang sila ang "nagpanumbalik"(restore) ng tunay na aral at iglesiang itinatag ni Hesus. Ang mga tagapagtatag o pinuno rin ng mga sektang ito ay pinaniniwalaan ng mga tagasunod(followers) nito na isang "sugo"(messenger) ng diyos at ang ibang tagapagtatag/pinuno ng ibang sektang Kristiyano ay mga "bulaang propeta"(false prophet).

[baguhin] Mga Pagkakaiba

Ang pagkakaiba sa doktrina ng iba't ibang mga sekta ng Kristiyano ay umuukol sa "tunay" na kalikasan ni Hesus gayundin kung ano ang mga kataruan nito at kung ano pamamaraan ng pagsamba dito. Kabilang din sa pagkakaiba sa doktrina ng iba't ibang sektang Kristiyano ang ukol sa free will, sabbath, impyerno, paggamit ng mga ikono, pag-iikapu, interpretasyon ng mga talata, moralidad, predestinasyon, at iba pa.

[baguhin] Mga iba't ibang doktrina

[baguhin] Kalikasan ng diyos
[baguhin] Kalikasan ni Hesus
  • Arianismo: Ang paniniwalang si Hesus ay hindi diyos at nilikha lamang ng diyos. Ang tunay na diyos lamang ang ama at sa pamamagitan ng anak ay nilikha ang banal na espiritu na nagpapasakop sa anak kung paanong ang anak ay nagpapasakop sa ama.
  • Adoptionism: Ang paniniwalang si Hesus ay naging "anak ng diyos" sa pamamagitan ng pag-aampon.
  • Psilanthropism: Ang paniniwalang si Hesus ay isa lamang tao at ang literal na anak ng mga taong magulang.
  • Monophysitism: Ang paniniwalang si Hesus ay may isa lamang kalikasan. Ang kanyang pagkatao ay sinisipsip ng kanyang pagka-diyos.
  • Chalcedonian: Ang paniniwalang si Hesus ay may dalawang kalikasan: isang tao at isang diyos. Ang paniniwalang ito ang tinanatanggap ng halos lahat ng kasalukuyang sekta ng Kristiyanismo maliban sa mga Oriental Orthodox Church gaya The Coptic Church of Egypt, The Ethiopian Orthodox Church, The Syrian Orthodox Church, The Armenian Orthodox Church at The Malankara (Indian) Orthodox Church.
  • Eutychianism: Ang paniniwalang ang kalikasang pagkatao at pagkadiyos ni Hesus ay pinagsama sa isang(mono) kalikasan. Ang kanyang pagkatao ay "natunaw gaya ng patak ng pulot sa dagat.
  • Apollinarism o Apollinarianism: Ang paniniwalang si Hesus ay may katawang tao at may taong "buhay na prinsipyo" ngunit ang diyos na logos ay pumalit sa nous o "nag-iisip na prinsipyo", na maikukumpara ngunit hindi katulad ng tinatawag na isip sa kasalukuyang panahon.
  • monothelitism: Ang paniniwalang si Hesus ay may dalawang kalikasan sa isang persona ngunit siya ay may kaloobang(will) pagkadiyos ngunit walang kaloobang pangtao.
  • Docetism: Ang paniniwalang ang pisikal na katawan ni Hesus ay isa lamang ilusyon gayundin ang kanyang krusipiksiyon. Samakatuwid, si Hesus ay para lamang may pisikal na katawan at parang pisikal na namatay ngunit sa realidad, si Hesus ay walang katawan, isang purong espiritu kaya hindi maaaring mamamatay ng pisikal.
  • Iba pang paniniwala tungkol kay Hesus gaya ng pag-iral ni Hesus bago ang kanyang pisikal na kapanganakan, pagtanggi sa birheng pagkapanganak ni Hesus gaya ng mga Ebionites at iba pa.
[baguhin] Kalikasan ni Marya
  • Ayon sa ibang sektang Kristiyano, si Marya ay isang theotokos(ina ng diyos) at tagapamagitan.
  • Ayon sa ibang sektang Kristiano, si Marya ay hindi ina ng diyos at hindi tagapamagitan.
[baguhin] Anyo ng pagsamba
  • Sa ibang sektang Kristiyanismo gaya ng born again, ang pagsamba ay sa pamamagitan ng paggamit ng maiingay na musika, pagpapalakpak, at pagsayaw.
  • Sa ibang sektang Krisityanismo gaya ng Romano Katoliko, Eastern Orthodox at iba, ang pagsamba ay taimtim(solemn) at tahimik.
[baguhin] Paggamit ng deuterokanoniko
  • Ang mga sekta na naniniwalang ang deuterokanoniko ay kinasihan ng diyos ay kinabibilangan ng Romano Katoliko, Eastern Orthodox, Syriac at marami pang iba.
  • Ang mga sekta na tutol sa paggamit ng deuterokanoniko ay kinabibilangan ng mga protestante at mga sektang nagmula dito.
[baguhin] Pinagkukunan ng doktrina
  • May mga sektang naniniwala na ang tanging Bibliya "lamang" ang dapat pagkunan ng mga doktrina. Ang paniniwalang ito ay tinatawag na Sola Scriptura. Ang mga sektang naniniwala sa Sola Scriptura ay kinabibilangang ng Baptist, Wesleyan at marami pang iba.
  • May mga sektang naniniwala na bukod sa Bibliya, may iba pang mapagkukunan ng mga doktrina:
    • Sa Romano Katolisismo at Eastern Orthodox Church, bukod sa Bibliya, ang mga ama ng simbahan(church fathers), mga papa(pope), mga obispo, at Pitong ekumenikal na Konseho at iba pa ang mapagkukunan ng mga aral.
[baguhin] Paggamit ng ikono
Isang ikono na nilikha noong huli ng ika-14 hanggang ika-15 siglo CE na nagpapakita ng "Pagwawagi ng Ortodoksiya" sa ilalim ng empress na Byzantine na si Theodora laban sa ikonoklasmo(pagwasak ng mga idolo at ikono) noong 843 CE.
  • Ang mga naniniwala sa paggamit ng ikono ay kinabibilangan ng Romano Katoliko at Orthodox church.
  • Ang mga tutol sa paggamit ng ikono ay kinabibilangan ng mga protestante at mga sektang nagmula dito.
[baguhin] Impyerno
  • Impyerno bilang walang hanggang parusa sa mga masasama samantalang ang mga maliligtas ay mabubuhay ng walang hanggan: Kabilang sa mga naniniwala dito ang Romano Katolika, Protestante at marami pang iba.
  • Anihilasyonismo: Ang paniniwalang walang impyerno na magpaparusa ng walang hanggan sa masasama kundi ang makakamit ng mga ito ay isang anihilasyon(pagkawasak). Ang mga maliligtas lang ang bubuhaying muli at mabubuhay ng walang hanggan: Kabilang sa sektang naniniwala sa doktrinang ito ang: Jehovah's Witness, Seventh-day Adventists, Bible Students, Christadelphians at iba pa.
  • Christian Universalism: Ang paniniwalang ang lahat ng tao ay kalaunang maliligtas.
[baguhin] Predestinasyon
  • Calvinismo: Paniniwalang ang lahat ng pangyayari ay itinakda na ng diyos. Ayon kay John Calvin, bago pa nilikha ang mundo, itinakda na ng diyos na ang ibang tao ay mapahamak sa walang hanggan at ang ibang tao na maligtas.
  • Arminiasmo: Paniniwalang hinirang ng diyos ang mga tao ayon sa kanilang kalooban. Ang pagkakahirang ay nakabatay sa pagtugon ng tao sa diyos.
[baguhin] Interpretasyon ng Eskatolohiya
  • Preterismo: Ang paniniwalang ang mga pangyayari sa Aklat ng Pahayag ay tumutukoy sa mga pangyayaring naganap noong unang siglo CE. Ayon sa paniniwalang ito, ang anti-kristo ay tumutukoy kay emperador Nero ng Imperyo Romano. Bukod sa mga sektang tumatanggap sa paniniwalang ito, ang interpretasyon ding ito ang tinatanggap ng karamihan ng mga skolar ng Bibliya.
  • Historisismo; Ang paniniwalang ang ilan sa mga pangyayari sa Aklat ng Pahayag ay naganap at ang ilan ay nagaganap sa kasalukuyang panahon. Ayon sa paniniwalang ito, anti-kristo ang papa ng Romano Katoliko. Kanila ding ginagamit ang titulong Vicarius Filii Dei upang patunayang ang papa ang 666. Ang mga sektang Kristiyanong may ganitong paniniwala ay kinabibilangan ng mga adventista at mga sektang nagmula dito.
  • Futurismo: Ang paniniwalang ang mga pangyayari sa Aklat ng Pahayag ay mangyayari sa hinaharap. Ayon sa paniniwalang ito, ang anti-kristo ay lilitaw pagkatapos itayo ang Ikatlong Templo sa Jerusalem at makikipagkasundo sa bansang Israel sa 7 taon ngunit kanyang lalabagin ang kasunduan sa loob ng 3 1/2 taon at papasok sa itinayong templo sa Jerusalem at idedeklara ang kanyang sarili na diyos.
  • Idealismo: Ang paniniwalang ang mga pangyayari sa Aklat ng Pahayag ay simboliko.
[baguhin] Pagbabalik ni Hesus
  • Ayon sa mga naniniwala sa Preterismo, ang pagbabalik muli ni Hesus ay naganap noong unang siglo CE.
  • Ayon sa mga naniniwala sa Historisismo at Futurismo, ang pagbabalik ni Hesus ay mangyayari sa hinaharap.
[baguhin] Ordinasyon ng babae
  • Mga umaayon sa pag-oordina ng babae sa isang posisyon sa Iglesia gaya ng obispo o pastor ay kinabibilangan ng United Methodist Church, Progressive National Baptist Convention, Mennonite Church Canada at marami pang iba.
  • Mga tutol sa pag-oordina ng babae sa isang posisyon sa Iglesia gaya ng obispo o pastor ay kinabibilangan ng Presbyterian Church in America, Seventh-day Adventist Church, Independent Evangelical-Lutheran Church, Romano Katoliko, Orthodox church at marami pang iba.
[baguhin] Kasaganaan
  • Ang mga naniniwalaang ang nais ng diyos sa mga Kristiyano ay maging masagana at mayaman(o prosperity gospel) ay kinabibilangan ng mga karismatiko, El Shaddai(Velarde), Born Again at marami pang iba pa.
  • Ang mga naniniwalang ang nais ng diyos sa mga Kristiyanismo ay isang simpleng pamumuhay at pagbabawal ng diyos sa pagtitipon ng kayamanan sa lupa(Mateo 6:19, Mateo 19:16-22) ay kinabibilangan ng mga monastikong kristiyano gaya ng ilang order ng Romano Katoliko at Eastern Orthodox Church.

[baguhin] Kritisismo ng Krisitiyanismo

Ang kritisismo ng Kristiyanismo ay nagsimula pa noong sinaunang panahon. Ang mga sinaunang kritiko ng Bagong Tipan ay kinabibilangan ng mga Griyegong pilosopo na sina Celsus at Porphyry. Sa modernong panahon, ang kritisismo ng Bibliya at Kristiyanismo ay sumidhi pagdating ng Panahon ng Kaliwanagan(Age of Enlightenment) noong ika 18 siglo CE at pagsulong ng historikal na kritisismo o pagsusuri sa pinagmulan ng Bibliya.[9] Ang pagsulong din ng agham gaya ng teoriya ng ebolusyon ay lalong nagbigay duda sa pagiging totoo ng Bibliya. Ayon sa mga kritiko, ang Bibliya ay hindi salita ng diyos dahil ito ay naglalaman ng mga paniniwalang sinasalungat ng arkeolohiya, agham, at kasaysayan.[10][11][12][13]

[baguhin] Tagagpagtatag ng Kristiyanismo na si Hesus

Walang arkeolohikal na ebidensiya na nagpapatunay na umiral si Hesus sa mundo. Ang tanging "pinagkunang biograpiya" ni Hesus at tinatanggap ng mga Kristiyano na "tamang" salaysay ng buhay ni Hesus ay mula lamang sa apat kanonikal na Ebanghelyo ng Bagong Tipan na Mateo, Marcos, Lucas at Juan. Ang ibang mga ebanghelyo gaya ng Ebanghelyo ni Tomas, Ebanghelyo ni Judas at iba pa na hindi nakapasok sa kanon ng katoliko ay naglalaman ng mga detalye na iba sa mga nakasulat sa apat ng ebanghelyo. Halimbawa, ayon sa aklat na Second Treatise of the Great Seth na natagpuan sa Nag hammadi noong 1945, si Hesus ay hindi ipinako sa krus kundi si Simon na Cireneo ay napagkamalang si Hesus at siyang ipinako sa krus. Inilalarawan din sa aklat na ito na si Hesus ay nakatayo sa malapit at "tumatawa sa kanilang kamangmangan". Ayon din sa aklat na ito, ang mga naniniwalang si Hesus ay namatay sa krus ay naniniwala sa "doktrina ng patay na tao".[14] Ang mga aklat na ito ay pinasunog ng sektang proto-ortodox noong ika apat na siglo CE nang ang proto-ortodox ay gawing opisyal na relihiyon ng Imperyo Romano.[2] Ang mga natira at naitagong manuskrito ay natagpuan sa Nag hammadi sa Ehipto noong 1945. Bukod dito ang mga tagasunod ng ibang sekta ng Kristyanismo gaya ng Gnostisismo ay pinag-usig at pinapatay rin ng sektang proto-ortodox. [15][16]

Ang apat na kanonikal na ebanghelyo na Mateo, Marcos, Lucas at Juan ay hindi maituturing na mga "walang kinikilingang"(hindi biased) mga salaysay ng buhay ni Hesus dahil ang layunin ng mga aklat na ito ay mang-akay(proselytize) sa relihiyong Kristiyanismo(Juan 20:30). Bukod dito, ang mga salaysay na may "pagmimilagro" at mga ekstradordinaryong mga salaysay gaya ng pagkabuhay ng mga patay at pag-ahon nito sa mga libingan(Mateo 27:51-53) ay hindi itinuturing ng mga historyan na kapani-paniwala(credible). Ang mga ibang skolar ay nagsasabing ang mga apat na kanonikal na ebanghelyo ay hindi isinulat ng mga "saksi"(eyewitness) dahil ang mga ito ay naglalaman ng mga maling heograpiya ng Palestina(o Israel) gayundin ng mga maling paglalarawan ng mga kustom(custom) ng mga Hudyo noong unang siglo CE. Bukod dito, sinasabi din ng mga skolar na ang mga kanonikal na ebanghelyo na Mateo, Marcos, Lucas Juan ay naglalaman ng mga magkakasalungat na mga salaysay.[17][18] Ayon din sa mga iskolar, ang Mateo at Lucas ay kumopya lamang sa Marcos at sa isang hindi na umiiral na dokumentong tinatawag na "Dokumentong Q". Walang kontemporaryong(nabuhay noong panahon ni Hesus o nakasaksing pagano kay Hesus) salaysay mula sa mga "hindi" Kristiyanong may-akda ang umiiral. Ang mga "paganong" salaysay sa buhay ni Hesus ay isinulat pagkatapos ng ilang mga dekada pagkatapos ng sinasabing "kamatayan ni Hesus"(ca. 30-33 CE). Halimbawa, ang Hudyong historyan na si Josephus ay sumulat ng ilang linya tungkol kay Hesus ngunit si Josephus ay hindi kakontemporaryo ni Hesus at maaaaring narinig(hearsay) lamang ni Josephus ang mga salaysay na ito dahil hindi niya ito "mismo" nasaksikhan. Dahil dito, may mga ilang iskolar na nagmungkahi na si Hesus ay hindi talaga umiral at ang mga kwento ni Hesus sa ebanghelyo ay inimbento at kinopya lamang mula sa mga kwento ng mga diyos na paganong namatay at nabuhay sa Ehipto at Gresya.[19]

Ayon sa mga skolar ng Hudaismo, ang mga sinasabing hula na katuparan ni Hesus sa Bagong Tipan ay base sa maling salin na Septuagint ng Bibliya at misinterpretasyon ng mga talata sa Tanakh.[20][21][22][23][24] Ang opisyal na Bibliyang ginagamit ng mga Hudyo ay ang Hebreong Masoretiko at hindi ang Griyegong Septuagint na pinaniniwalaan ng mga Hudyo na naglalaman ng korupsiyon.

[baguhin] Tekstwal na kritisismo ng Bagong Tipan

Dahil sa hindi na umiiral ang mga "orihinal na manuskrito"(sulat kamay) ng Bagong Tipan at ang mga kopya ng kopya ng orihinal na manuskritong ito ay hindi magkakatugma, ang kritismong tekstwal(textual criticism) ay lumalayon na alamin ang orihinal o ang pinakamalapit na teksto ng orihinal na manuskrito. Ang ilang halimbawa ng mga tekstong sinasabi ng mga skolar na mga "interpolasyon"(dagdag) o hindi bahagi ng orihinal na manuskrito ay Juan 7:53-8:11, 1 Juan 5:7-9, Markos 16:9-20 na idinagdag lang sa ikalawang siglo CE[25] gayundin ang mga salaysay ng kapanganakan at pagkasanggol ni Hesus na huli ng idinagdag sa mga teksto.[26] Ayon pa sa mga skolar, ang Lukas at Mateo ay orihinal na isinulat na hindi kasama ang unang dalawang kapitulo ng mga aklat na mga ito.[26] Ang ilan sa mga talatang ito ay inalis sa mga bagong salin ng Biblia gaya ng NIV at Magandang Balita ngunit kasama sa mga lumang salin gaya ng King James Version(1611).

Ang 5,800 manuskritong Griego ng bagong tipan ay hinati sa tatlong pangkat ng magkakatugmang uri ng teksto(text-type): Ang Alexandrian, Western at Byzantine.[27] Ang Alexandrian na binubuo ng pinagkalumang teksto ng Bagong tipan(mula ikalawa hanggang ikaapat ng siglo) ang siyang naging basehan ng edisyong kritikal na "Novum Testamentum Graece" na naging basehan ng mga bagong salin ng Biblia tulad ng NIV, NASB at Magandang Balita samantalang ang Byzantine, na bumubuo ng 80% ng manuskrito ng Bagong Tipan at siyang pinakabagong teksto(ika 5 hanggang 15 siglo CE) ang siya namang naging basehan ng Textus Receptus na naging basehan ng mga saling gaya ng King James Version na isinalin mula 1604-1611.

[baguhin] Pag-aasal ng mga Kristiyano sa buong kasaysayan

Ang pag-aasal na ginawa at kasalukuyang ginagawa ng mga Kristiyanismo sa buong kasaysayan ng mundo ang isa pa sa tinutuligsa ng mga kritiko. Sa buong kasaysayan, ang mga katuruan sa Lumang Tipan at Bagong Tipan ay ginamit at ginagamit ng mga Kristiyano upang ipangatwiran at ipagtanggol ang paggamit ng dahas laban sa mga heretiko, mga makasalanan at mga kaaway. Ang pinakakilala sa mga ito ang inkisisyon(inquisition), krusada(crusades), digmaan sa ngalan ng relihiyon at antisemitismo ng mga Kristiyano.[28] Bukod dito, ang mga Kristiyanismo sa buong kasaysayan ay nagsagawa rin ng pang-aalipin, mababang pagtrato sa mga kababaihan, pwersahang pang-aakay(conversion) sa ibang tao sa relihiyong Kristiyanismo at marami pang iba. Ang mga Kristiyano ay tinutuligsa din sa kasalukuyang panahon sa pagiging laban sa agham gaya ng pagtutol sa ebolusyon, sa pagsasaliksik ng stem-cell, paggamit ng kontraseptibo at marami pang iba. Kilala rin ang mga Kristiyanismo sa pagiging arogante, mapanghatol, panatiko, hindi magpaparaan sa iba(intolerant), pagkakaroon ng pagtingin sa kanilang sarili na sila lang ang tama o banal(self-rigtheous), pagkakaroon ng poot sa ibang tao na may ibang paniniwala(bigot), kapaimbabawan(hipocrisy).[29][30] Binabatikos din ang mga sekta ng Kristiyano dahil sa pamumwersa at pagpipilit ng kanilang mga paniniwala sa ibang mga mamamayan ng bansa sa pamamagitan ng pagpapasa ng batas ng bansa na tanging umaayon sa kanilang paniniwala o pananakot sa mga pulitikong hindi sumusuporta sa kanilang itinataguyod o kinokontrang panukalang batas. Bukod dito, ang mga sektang Kristiyano ay kilala rin sa panghihimasok sa pulitika ng isang bansa gaya ng Pilipinas kahit ang mga relihiyong ito ay hindi nagbabayad ng buwis[31][32] at may separasyon ng estado at relihiyon sa konstitusyon ng Pilipinas.

[baguhin] Tingnan din

[baguhin] Mga sanggunian

  1. "What's the difference between a disciple and a Christian?, pahina 156". Fackler, Mark (patnugot). 500 Questions & Answers from the Bible / 500 mga Katanungan at mga Kasagutan mula sa Bibliya. (2006). The Livingston Corporation/Barbour Publishing, Inc., Uhrichsville, Ohio, ISBN 9781597894739.
  2. 2.0 2.1 2.2 The Gnostic Gospels:PBS
  3. An introduction to the New Testament and the origins of Christianity By Delbert Royce Burkett, pahina 107
  4. Lost Christianities: the battles for scripture and the faiths we never knew, Bart D. Ehrman
  5. Gnostic Visions: Uncovering the Greatest Secret of the Ancient World, p 218
  6. McGuckin, John A. "Origen as Literary Critic in the Alexandrian Tradition.” 121-37 in vol. 1 of 'Origeniana octava: Origen and the Alexandrian Tradition.' Papers of the 8th International Origen Congress (Pisa, 27–31 August 2001). Edited by L. Perrone. Bibliotheca Ephemeridum theologicarum Lovaniensium 164. 2 vols. Leuven: Leuven University Press, 2003.
  7. Among the disputed writings, [των αντιλεγομένων], which are nevertheless recognized by many, are extant the so-called epistle of James and that of Jude, also the second epistle of Peter, and those that are called the second and third of John, whether they belong to the evangelist or to another person of the same name. Among the rejected writings must be reckoned also the Acts of Paul, and the so-called Shepherd, and the Apocalypse of Peter, and in addition to these the extant epistle of Barnabas, and the so-called Teachings of the Apostles; and besides, as I said, the Apocalypse of John, if it seem proper, which some, as I said, reject, but which others class with the accepted books. And among these some have placed also the Gospel according to the Hebrews, with which those of the Hebrews that have accepted Christ are especially delighted. And all these may be reckoned among the disputed books [των αντιλεγομένων].
  8. Metzger, Bruce M.: The Canon of the New Testament: Its Origin, Development, and Significance. Oxford: Oxford University Press, 1987, p. 246. ISBN 0-19-826954-4, writes, "Finally on 8 April 1546, by a vote of 24 to 15, with 16 abstensions, the Council issued a decree (De Canonicis Scripturis) in which, for the first time in the history of the church, the question of the contents of the Bible was made an absolute article of faith and confirmed by an anathema."
  9. Soulen, Richard N.; Soulen, R. Kendall (2001). Handbook of biblical criticism (3rd ed., rev. and expanded. ed.). Louisville, Ky.: Westminster John Knox Press. p. 78. ISBN 0664223141. 
  10. http://cosmiclog.msnbc.msn.com/_news/2008/11/18/4350632-bible-gets-a-reality-check
  11. Israel Finkelstein and Neil Asher Silberman, Free Press, New York, 2001, 385 pp., ISBN 0-684-86912-8, tignan din ang artikulo sa English Wikipedia na: The Bible Unearthed
  12. http://www.nytimes.com/2007/04/03/world/africa/03exodus.html
  13. Jesus Never Existed
  14. http://www.gnosis.org/naghamm/2seth.html
  15. Lost Christianities: the battles for scripture and the faiths we never knew, Bart D. Ehrman
  16. Gnostic Visions: Uncovering the Greatest Secret of the Ancient World, p 218
  17. NT contradictions
  18. Jesus, Interrupted: Revealing the Hidden Contradictions in the Bible (And Why We Don't Know About Them). Bart Ehrman, HarperCollins, USA. 2009. ISBN 0-06-117393-2.
  19. Jesus Never Existed
  20. Why did the majority of the Jewish world reject Jesus as the Messiah, and why did the first Christians accept Jesus as the Messiah? by Rabbi Shraga Simmons (about.com)
  21. Michoel Drazin (1990). Their Hollow Inheritance. A Comprehensive Refutation of Christian Missionaries. Gefen Publishing House, Ltd.. ISBN 965-229-070-X. http://www.drazin.com. 
  22. Troki, Isaac. "Faith Strengthened".
  23. "The Jewish Perspective on Isaiah 7:14". Messiahtruth.com. http://www.messiahtruth.com/isa714b.html. Nakuha noong 2009-04-11. 
  24. http://www.outreachjudaism.org/FAQ
  25. May, Herbert G. and Bruce M. Metzger. The New Oxford Annotated Bible with the Apocrypha. 1977. "Mark" p. 1213-1239
  26. 26.0 26.1 Funk, Robert W. and the Jesus Seminar. The acts of Jesus: the search for the authentic deeds of Jesus. HarperSanFrancisco. 1998. "Birth & Infancy Stories" p. 497-526.
  27. Aland, Kurt; Barbara Aland (1995). The Text of The New Testament: An Introduction to the Critical Editions and to the Theory and Practice of Modern Textual Criticism. Translated by Erroll F. Rhodes (2nd ed. ed.). Grand Rapids, MI: Wm. B. Eerdmans Publishing Company. pp. 40f, 72f. ISBN 0-8028-4098-1.
  28. International encyclopedia of violence research, Volume 2. Springer. 2003. http://books.google.com/books?hl=en&lr=&id=sMNbcU7UnywC&oi=fnd&pg=PA323&dq=Christianity+antisemitism+%22violent+religion%22&ots=966PvtELST&sig=3xQZzU0CteLD6jDjf85-hKO-u3w#v=onepage&q&f=false. 
  29. List of scandals involving evangelical Christians
  30. Criticism of Christianity
  31. Tax Exemption on Churches, Bureau of Internal Revenue
  32. http://atheism.about.com/od/churchestaxexemptions/a/whyitmatters.htm

Mga pansariling kagamitan
Mga ngalan-espasyo

Naiiba pa
Mga gawain
paglilibot
pakikihalubilo
Mga kagamitan
Sa ibang wika