Aklat ni Daniel

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin
Lumang Tipan ng Bibliya

Ang kahong ito: tingnan · usapan · baguhin

Ang Aklat ni Daniel[1] ay isa sa mga aklat sa Tanakh Hudyo at Bibliyang Kristiyano. Ayon sa tradisyon ng mga Hudyo, ang aklat na ito ay isinulat noong ipatapon ang mga Hudyo sa Babilonia, mga ika-anim na daantaon BCE. Umiikot ang aklat sa propetang Daniel na naging tagapayo ni Nabucodonosor, ang hari ng Babilonia noong mga 605–562 BK.[2]

Sumasailalim ito sa bahaging Ketuvim sa Tanakh ng mga Hudyo, habang sumasailalim naman ito sa Mga Propeta sa Bibliya ng mga Kristyano.

Ang propetang si Daniel.

Nilalaman[baguhin | baguhin ang batayan]

Ang pangalang Daniel ay Nangangahulugang "ang Diyos ang aking hukom". Isa siya sa mga napabilang sa mga binata binihag at pidinala ng haring si Nabucodonosor sa Babilonia, noong pangatlong taon ng paghahari ni Joaquim o Joakim[1] (605 BCE). Isang taong nag-aangkin ng katalinuhan si Daniel, at may kakayahang magpaliwanag ng mga panaginip, kaya't kanyang nakamit ang mataas na katungkuluan sa korte ng Haring Babilonio.

May dalawang pangunahing bahagi ang Aklat ni Daniel. Naglalaman ang unang bahagi ng mga ulat hinggil kay Daniel at iba pang mga naging dalang-bihag sa Babilonia, na mga nagsipagtagumpay sapagkat mayroon silang pananalig at pagtalima sa Diyos. Nangyari ito noong panahon ng pamamayani ng mga imperyo ng Babilonia at ng Persia. Samantalang ang pangalawa naman ay sumasaklaw sa mga pangitain ni Daniel ukol sa pagiging matagumpay ng mga Hudyo at sa pagbagsak ng ilang mga imperyo. Magsisimula ang pagbagsak mula sa imperyo ng Babilonya at mananakop na pagano.[1] Mahahati rin ang Aklat ni Daniel sa ganitong mga pangkat:[2]

  • Mga kuwento sa Korte ng Babilonia
    • Paglilingkod ni Daniel sa hari ng Babilonia (Daniel 1)
    • Ang dakilang larawan (Daniel 2)
    • Ang nagbabagang pugon (Daniel 3)
    • Ang kabaliwan ni Nabucodonosor (Daniel 4)
    • Ang pista ni Belzassar (Daniel 5)
    • Si Daniel sa kulungan ng mga leon (Daniel 6)
  • Mga pangitain ni Daniel
    • Pangitain ng apat na hayop (Daniel 7)
    • Pangitain ng tupa at kambing (Daniel 8)
    • Hula sa pitumpung linggo (Daniel 9)
    • Pangitain ng isang tao (Daniel 10)
    • Pangitain ng hari ng hilaga at hari ng timog (Daniel 11)
  • Dagdag sa Septuagint (hindi kasama sa Masoretico ngunit tinuturing na kanonikal sa mga bibliya ng Romano Katoliko, Silangang Ortodox at Oriental Ortodox)
    • Ang panalangin ni Azarias at ang awit ng tatlong banal na mga anak (Daniel 3:24-90)
    • Si Susanna at mga matatanda (Bago ang Daniel 1:1)
    • Si Bel at ang dragon (Pagkatapos ng Daniel 12:13 sa Griego)

Mga wika ng akda[baguhin | baguhin ang batayan]

May mga bahaging nakasulat sa Hebreo, Arameo, at Griego ang Aklat ni Daniel. Hindi nakabatay sa tinatawag na saling Septuangint o LXX ang nasa wikang Griego, bagkus ay mula sa saling ginawa ni Teodocion. Pinaniniwalaang isinulat ni Daniel ang orihinal niyang aklat sa panitik ng wikang Hebreo ngunit nagkaroon, nang kalaunan, ng mga bahaging pagsasalin sa Arameo. Pinaniniwalaan ring nagmula ang nasa wikang Griyego mula sa mga nasa wikang Hebreo at Arameo. May nakitang mga wikaing nasa Hebreo mula sa mga naisalin sa Griyego.[2]

Mga naidagdag[baguhin | baguhin ang batayan]

May tatlong pangunahing mga aklat na idinagdag sa Aklat ni Daniel matapos maisalin mula sa Griyego. Kabilang dito ang mga sumusunod:[1][3] Aklat ni Susana, Awit ng Tatlong Kabataan, Si Bel at ang Dragon

Pananaw ng mga skolar tungkol sa Aklat ni Daniel[baguhin | baguhin ang batayan]

Petsa ng pagkakasulat[baguhin | baguhin ang batayan]

Ayon sa mga skolar, ang Aklat ni Daniel ay sinulat sa panahon ni Antiochus IV Epiphanes noong mga panahon ng kanyang pag-uusig sa mga mamamayang Hudyo noong ikalawang siglo BCE (168–165 BCE)[4] at hindi sa tradisyonal na pinaniwalaang petsa na ika anim na siglo BCE. Ang mga anakronismo at maling kasaysayan tungkol sa mga pangyayari noong ikaanim na siglo sa aklat na ito ang indikasyon na ito ay hindi isinulat sa mga panahong iyon. Bukod dito, ang mga "hula" sa Daniel ayon sa mga skolar ay hindi totoong mga hula kundi isang vaticinium ex eventu. Para sa may akda ng Daniel, ang mga banal na Hudyo na pinapatay ni Antiochus Epiphanes at ang mga mananatiling tapat sa dios ng Israel at magtitiis hanggang sa wakas ng pag-uusig ni Antiochus Epipanes ay tatanggap ng gantimpala. (Daniel 12:1-13)

Interpretasyon[baguhin | baguhin ang batayan]

Ayon sa mga skolar ang apat na kaharian sa Daniel 2 at 7 ay tumutukoy sa mga imperyong Babilonia, Media, Persia at Gresya bagaman ito ay hindi historikal ayon sa mga skolar at historyan.[4] Ayon sa historyan na si Herodotus na sumulat ng kanyang kasaysayan noong 440 BCE, ang Babylonia ay bumagsak sa imperyong Persian sa ilalim ni Ciro ang Dakila na sumakop sa imperyong Media noong mga 550 BCE. Gayunpaman, sa Aklat ni Daniel, ang Babilonia ay nahulog sa kamay ng hari ng Mede na si "Darius the Mede" (Daniel 5:30-31). Walang indibidwal na may pangalang Darius the Mede na sumakop sa Babilonia kaya ito ay pinaniniwalaan ng mga skolar na isang kamalian sa Aklat ni Daniel.[5] Ayon sa skolar ng Bibliya na si John J. Collins, ang may akda ay kumuha ng schema ng apat na mga kaharian na kung saan ang Medes ay nauna sa Persia. Kaya ayon kay Collins, malamang na nilikha ng may akda ng Daniel ang pigurang si Darius the Mede upang magkasya sa schemang ito.[5] Ang mga kahariang ito (Babilonia, Medes, Persia, Gresya) ang binanggit sa Daniel 8 hanggang sa pagdating ng "munting sungay" na si Antiochus IV Epiphanes na umusig sa mga Hudyo nang 3 ½ taon (168–165 BCE) (Daniel 7:25, 9:27) o kalahati ng 2300 araw (Daniel 8:14). Kabilang sa pag-uusig ni Antiochus Epipanes sa mga Hudyo ang pagtatayo ng "kasuklam-suklam na kalapastanganan" (abomination of desolation) (Daniel 8:13, 11:31) sa templo ng Jerusalem sa pamamagitan ng pagtatayo ng rebulto ni Zeus dito (Daniel 11:38, 2 Macabeo 6:2) at paghahain sa altar ng baboy na isang hayop na karumaldumal para sa mga Hudyo (Lev 11:7). Inalisan din ni Antiochus Epipanes ang mga Hudyo ng karapatang sumamba sa kanilang relihiyong Hudaismo at maghandog sa templo. Ipinatupad naman ni Antiochus ang kulturang Griyego sa mga Hudyo. Ang mga Hudyo na sumuway sa mga utos ni Antiochus ay pinapatay (2 Maccabeo 6:1-11). Ang Daniel 11 ang detalyadong salaysay ng digmaan ng mga bansang Syria (Hari ng Hilaga o imperyong Seleucid) at Ehipto (Hari ng Timog o imperyong Ptolemaiko) na dalawang imperyong nagmula sa imperyong Griyego ni Alexander the Great. Mula ikatlo hanggang ika-unang siglo BCE, ang lupain ng Israel ay pinagtatalunan ng dalawang dinastiyang ito. Nang matalo ang Ptolemaiko ng Seleucid, ang Israel ay napasailalim ng imperyong Seleucid. Sa mga hari ng Seleucid na namuno sa Israel, si Antiochus IV Epiphanes ang nagkamit ng masamang katanyagan dahil sa kanyang paglalapastangan sa templo sa Herusalem gayundin sa pagbabawal ng Hudaismo at pag-uusig sa mga Hudyo. Dahil dito si Antiochus ay tinawag ng mga Hudyo na "isang masama" o הרשע harasha.[6] Si Antiochus ay natalo ng mag-alsa ang pamilya Macabeo laban kay Antiochus at pwersang Selucid. Ang muling paghahandog sa templo pagkatapos matalo ng Macabeo ang pwersang Seleucid ay ginugunita ng mga Hudyo sa kasalukuyang panahon sa isang pistang tinatawag na hanukkah.

Mga sanggunian[baguhin | baguhin ang batayan]

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 " (a) Aklat ni Daniel; (b) naging batayan para isa pang baybay para sa Joaquim: na naging Joakim". Ang Biblia/Bagong Magandang Balita Biblia (Lumang Tipan, Deuterocanonico at Bagong Tipan). (2008). Philippine Bible Society, AngBiblia.net, Lungsod ng Batangas, Pilipinas.
  2. 2.0 2.1 2.2 Abriol, Jose C.. (2000). "Daniel". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.
  3. "Apocrypha, Bible, pahina 159". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. (1977).
  4. 4.0 4.1 The apocalyptic imagination: an introduction to Jewish apocalyptic literature, John Joseph Collins, p. 95
  5. 5.0 5.1 Collins, John J. (1998). The apocalyptic imagination : an introduction to Jewish apocalyptic literature (2. ed. ed.). Grand Rapids, Mich. [u.a.]: Eerdmans. p. 86. ISBN 0-8028-4371-9.
  6. Jewish Encyclopedia


Mga panlabas na kawing[baguhin | baguhin ang batayan]

Mga salin sa tagalog[baguhin | baguhin ang batayan]

Mga kritisismo sa Aklat ni Daniel[baguhin | baguhin ang batayan]