Aklat ng Pahayag

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin
Bagong Tipan ng Bibliya

Ang kahong ito: tingnan · usapan · baguhin

Mga Tipan ng Bibliya

Ang Aklat ng Pahayag kay Juan o Pahayag kay Juan,[1] na kilala rin bilang Aklat ng Pahayag o Pahayag lamang, ay ang pinakahuling aklat sa Bagong Tipan sa Bibliya ng mga Kristiyano.[2] Nakikilala rin ito bilang Apokalipsis ni Juan o payak na Apokalipsis (Hula) lamang. Ang aklat na ito ay pinaniniwalaan na isinulat sa kapanahunan ni Emperador Domitian o sa panahon ni Emperador Nero.[2] Naglalaman ito ng mga simbolismo at mga pahayag o pagsisiwalat na apokaliptiko upang itago ang pag-atake nito sa Imperyo Romano upang makaiwas sa pag-uusig ang may akda nito.

Paglalarawan[baguhin]

Tinutukoy sa Aklat ng Pahayag ang mga pangyayaring "sandaling mangyayari"(Pahayag 1:1) sa pitong Iglesia ng Asya Menor na probinsiya ng Imperyo Romano noong ika-1 siglo CE, pati na ang pinaniniwalaan ng may-akda nitong "huling tagumpay" ng mga Kristiyano, pagbagsak ng Imperyo Romano(o Dakilang Babilonia), pagsapit sa "huling araw", at gayon din ang pagbabalik ni Hesukristo. Inilalahad rin dito ang nangyari nang pakikibaka at pagwawagi ni Hesukristo laban kay Satanas at mga kasamahan ng diyablong ito. Ang tinutukoy na tagumpay ni Hesus ang sanhi ng walang katapusang "paghahari ng Diyos". Dahil sa mga pagtukoy ng aklat na ito sa mga parating na panahon, isa itong apokalipsis, isang uri ng pagsusulat na puno ng nakakubling mga simbolo at ng mga "salitang larawan", at kadalasang nakatuon sa hindi tiyak kung kailan darating na wakas ng panahon. Ang mga sagisag na ginamit sa Aklat ng Pahayag ay mga simbolong karaniwan o pamilyar sa mga Kristiyano subalit hindi pangkaraniwan o "nakakubli" para sa mga hindi Kristiyano.[3] Dahil hindi nauunawaan ng mga may kapangyarihan mga Romano ang "salitang-larawan" at mga simbolo, naging maginhawang lantad na basahin ng mga Kristiyano ang Aklat ng Pahayag, na hindi nanganganib na dakpin upang ibilanggo.[3]

Balangkas[baguhin]

Ang Aklat ng Pahayag ay binubuo ng limang mga bahagi:[2]

  • A. Ang mga liham para sa Pitong Simbahan o Iglesya sa Asya (1, 4 - 3,22)
  • B. Ang Pagwawagi ng Diyos laban sa mga diyus-diyosan ng Imperyong Romano (4 - 19)
  • C. Ang Paghahari ni Hesukristo sa lipunan ng sangkatauhan pagkalipas na maigapos ang Dragon sa loob ng isanlibong mga taon (20, 1- 6)
  • D. Ang pagpapakawala kay Satanas pagkalipas ng isanlibong mga taon, kasama ang pag-uusig sa Simbahan, at ang Huling Paghuhukom (20, 7 - 14)
  • E. Ang paggawad ng gantimpala para sa mabubuting mga tao, at ng kaparusahan para sa masasamang mga tao (21, 1 -22, 11)
Paglalarawan ng isang tagpong apokaliptiko.
Pitong trumpeta ng Pahayag.

Mga iba't ibang interpretasyon[baguhin]

Pragmento ng Papyrus 115 (P115) na pinakalumang manuskrito ng Aklat ng Pahayag. Ito ay naglalaman ng orihinal na bilang ng Halimaw na 616 o ΧΙϚ(chi, iota, stigma).
  • Preterismo: Ang paniniwalang ang mga pangyayari sa Aklat ng Pahayag ay tumutukoy sa mga pangyayaring naganap noong unang siglo CE at naglalaman ng mga pahayag laban sa Imperyo Romano na binigyan ng sikretong pangalan na Patutot ng Babilonia(Whore of Babylon) sa Pahayag 17-20 at mga emperador nito dahil sa pag-uusig sa mga Kristiyano sa panahong ito. Ayon sa Pahayag 17:9, ang pitong ulo ay ang pitong bundok na inuupuan ng babae na paglalarawan sa pitong bundok ng Roma. Ayon din sa Pahayag 17:10, sa mga pitong ulo ng halimaw(Emperador ng Imperyo Romano), bumagsak na ang lima sa kanila, naghahari pa ang isa(Nero), at ang huli ay hindi pa dumarating na nagpapahiwatig na ang isa sa mga sungay ng halimaw ay umiiral at naghahari noong panahong isinulat ang aklat na ito noong ika-1 siglo CE. Para sa mga naniniwalang ang aklat na ito ay isinulat noong panahon ni Emperador Domitian, ang "ulong may sugat"(Pahayag 13) ay tumutukoy kay Nero na namatay noong 68 CE ngunit ayon sa alamat na tinawag na Nero Redivivus ay magbabalik o mabubuhay muli upang ipagpatuloy ang pag-uusig sa mga Kristiyano. Ang "naghahari pang isa" ay pinaniniwalaang si Vespasian at ang ulo na buhay noong una ngunit ngayo'y wala na ay isa sa pitong hari at siyang magiging ikawalo ay tumutukoy kay Domitian na pinaniwalaang nabuhay na si Nero. Dahil sa alamat na ito noong ika-1 siglo CE sa Asya Menor, ang halimaw ay inilarawan ng may akdang ito na nagtamo ng mortal na sugat ngunit gumaling(Pahayag 13:3).[4] Ayon sa mga skolar ng Bibliya, ito ay isinulat upang hikayatin ang mga Kristiyano na magtiis sa pag-uusig ng Imperyo Romano sa mga Kristiyano noong ika-1 siglo CE. Bukod dito, ang mga Griyegong siyudad ng Asya Menor na kinaroonan ng pitong Iglesia ng Asya Menor ang mga sentro ng imperyal na kulto kung saan ang mga templo na pinamumunuan ng mga saserdote(priest) ng kultong Romano ay itinayo upang pagsambahan ng mga emperador bilang mga diyos.[4] Ang mga mamamayan ng siyudad na ito ay inaatasan na sumamba at maghain ng handog sa mga emperador ng Roma sa mga templong ito at ang sinumang hindi sumunod dito ay pinag-uusig at pinapatay. Sa paggamit ng mga simbolismo at gematria(pagsusuma ng pangalan) ng may akda nito, ang Halimaw sa Pahayag 13 ay mauunawaan ng mga Kristiyano noong ika-1 siglo CE na tumutukoy kay emperador Nero ng Imperyo Romano na ang pangalan ay may suma total na 666 sa Griyegong baybay na "Nerōn Kaisar" na isinalin sa Hebreong נרונ קסר o 616 ayon sa Latin na baybay na "Nerō Caesar" na isinalin sa Hebreong נרו קסר. Ayon sa mga skolar ng Bibliya, ang 616 ang orihinal na bilang ng Halimaw dahil ito ang nakasulat sa pinakalumang manuskrito ng Aklat ng Pahayag. Ang pananaw na ito ang tinatanggap ng halos lahat ng mga skolar at eksperto ng Bibliya.
  • Historisismo; Ang paniniwalang ang ilan sa mga pangyayari sa Aklat ng Pahayag ay naganap at ang ilan ay nagaganap sa kasalukuyang panahon. Ayon sa paniniwalang ito, ang halimaw sa Pahayag 13 ang papa ng Romano Katoliko. Kanila ding ginagamit ang titulong Vicarius Filii Dei upang patunayang ang papa ang 666. Ayon din sa paniniwalang ito, ang Dakilang Babilonia sa Pahayag 17 ay tumutukoy sa Romano Katolisismo. Ang mga sektang Kristiyanong may ganitong paniniwala ay kinabibilangan ng mga adventista(o Sabadista) at mga sektang nagmula dito.
  • Futurismo: Ang paniniwalang ang mga pangyayari sa Aklat ng Pahayag ay mangyayari sa hinaharap. Ayon sa paniniwalang ito, ang anti-kristo ay lilitaw pagkatapos itayo ang Ikatlong Templo sa Jerusalem at makikipagkasundo sa bansang Israel sa 7 taon ngunit kanyang lalabagin ang kasunduan sa loob ng 3 1/2 taon at papasok sa itinayong templo sa Jerusalem at idedeklara ang kanyang sarili na diyos.
  • Idealismo: Ang paniniwalang ang mga pangyayari sa Aklat ng Pahayag ay simboliko.

Mga sanggunian[baguhin]

  1. Ang Pahayag kay Juan, Ang Biblia, AngBiblia.net
  2. 2.0 2.1 2.2 Abriol, Jose C.. (2000). "Pahayag". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077., pahina 1793.
  3. 3.0 3.1 ""The Revelation of John"". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. (1977)., New Testament,Bible, tomo para sa titik B, pahina 162.
  4. 4.0 4.1 http://www.pbs.org/wgbh/pages/frontline/shows/apocalypse/revelation/white.html

Mga panlabas na kawing[baguhin]