Lucien Febvre

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin
Lucien Febvre
Kapanganakan 22 Hulyo 1878
Nancy, Meurthe-et-Moselle
Kamatayan 11 Setyembre 1956
Saint-Amour, Pransiya
Kabansaan Pranses
Hanapbuhay Historyador
Kilala dahil sa Nagtatag ng Paaralan ng Annales

Si Lucien Febvre (22 Hulyo 1878 – 11 Setyembre 1956) ay isang Pranses na historyador, na kasama ni Marc Bloch, na nagtatag ng Eskuwelahan ng Annales.

Talambuhay[baguhin]

Si Lucien Febvre ay ipinanganak at lumaki sa Nancy, hilaga-silangang bahagi ng Pransiya. Ang ama niya ay isang filologo, na iminulat si Febvre sa pag-aaral ng mga sinaunang sulatin at wika, na naging malaking impluwensiya sa paraan ng pag-iisip ni Febvre. Sa edad na dalawampu, pumunta si Febvre sa Paris at nag-enrol sa Ecole Normale Superieure. Sa pagitan ng 1899 hanggang 1902, ibunuhos niya ang kanyang panahon sa pag-aaral ng kasaysayan at heograpiya. Matapos siyang magtapos sa kolehiyo, nagturo si Febvre sa isang pamprobinsiyang liseo, kung saan niya ginawa ang tesis niya hinggil kay Ikalawang Felipe at Franche-Comté. Napilitan si Febvre na iwanan ang pagtuturo noong 1914 dahil sa mobilisasyon ng hukbo noong Unang Digmaang Pandaigdig, kung saan siya naglingkod ng apat na taon. Noong 1919, nagtrabaho si Febvre sa Unibersidad ng Strasbourg nang ibalik ang probinsiya sa Pransiya. Habang nagtatrabaho siya roon, nakilala niya si Marc Bloch, na kaisa niya sa dulog na pampilosopiya at politika. Ang pagkakasundo sa kaisipang ito ang nagbuklod sa dalawa.

Maliban sa impluwensiya ng ama niya, lumilitaw na may malaking ambag ang pagpunta niya sa Paris sa pagbabago ng kanayang pananaw sa buhay. Ang mga nananaig na dulog sa sining, pilosopiya at modernong paraan ng pag-iisip ang umimpluwensiya sa paraan ng pag-iisip ni Febvre. Niyakap ni Febvre ang ika-20 dantaong modernismo, na naghiwalay sa kanya sa mga naunang aktitud. Labis ang naging epekto nito sa kanya na sa kalaunan ay sinabi niyang "di na niya masakyan" ang lumang daigdig at ang mga lumang paraan ng pag-iisip. Hhindi na nakaka-enganyo kay Febvre ang simpleng pangongolekta ng mga katunayan. Sa dulog niya sa kasaysayan, inilagay ni Febvre sa konteksto ng heograpiya, sikolohiya at kultura ang mga katunayang pangkasaysayan ng mga isinusulat niyang epoka.

Ipinakita ng una niyang tesis hinggil kay Ikalawang Felipe at Franche-Comté, na inilathala noong 1911 ang kapangyarihan ng kanyang dulog. Sa akdang ito, tinangka ni Febvre na alamin ang konteksto na talagang nagpapakita ng mga katunayan at inilalagay ang mga ito sa liwanag. Pinagtagni-tagni ni Febvre ang buhay ng mga taga-baryo at bayan sa isang maliit na tradisyunal na probinsiya sa Pransiya sa pamamagitan ng paglalagay ng mga katunayan sa konteksto ng heograpiya at kapaligiran noong panahong iyon. Sa pamamagitan ng paglalarawan ng mga ilog, minahan ng asin, taniman ng ubas at iba pang kapaligiran nalikha ni Febvre ang isang masusi at makatotohanang larawan ng atmospera at pananaw sa buhay noong epokang yaon. Sa pamamagitan ng dulog na ito, naipakita ni Febvre ang negatibong impluwensiya ng Pamahalaang Pranses noong panahong iyon sa buhay ng probinsiyang ito. Ang dulog na ito sa kasaysayan ay tinatawag na histoire totale (bigkas: is.twa total), o histoire tout court. Nang lumaon, ang akda ni Febvre ang ituturing na pamamaraang Annales sa pag-iisip at magiging isang bagong paraan ng pag-iisip sa kasaysayan.

May kinalaman sa pag-aaral ng Protestantismo ang isa pang maimpluwensiyang gawa ni Febvre. Inilathala sa Revue Historique noong 1929, ang Une question mal posee, ay tinangkang pag-aralan ang popular na relihiyon sa pamamagitan ng pagtatangkang pagmasdan at pakantidad na pagsukat sa gawi ng tao. Sa pamamagitan ng napakalawak na pananaliksik, nakakolekta si Febvre ng mga impormasyon mula sa iba't-ibang monasteryo at bisita upang mapag-aralan ang impluwensiya ng bagong kaisipan sa pilosopiya ng relihiyon at dulog ng pari sa pag-unawa at pagsasalin ng mga pananaw nila sa karaniwang tao. Sa pamamagitan ng akdang ito, naging napakaabala ni Febvre sa larangan ng etnograpiya, na isang pag-aaral na pakantidad na sinusukat ang gawi ng tao. Itinuturing ng mga kritiko na labis na naimpluwensiyahan at nagpapahiwatig ng sariling pananw ni Febvre hinggil sa daigdig ang gawang ito.

Nang lumaon, lalong naging mapag-alinlangan si Febvre hinggil sa teolohiya. Tinanggihan niya ang pananaw na ang mga tao ay nalilimitahan ng mga puwersang hindi nila kontrolado. Napagtanto niya sa sarili niya na ang relihiyon at lumang paraan ng pag-iisip ay di praktikal, at marahil ay mapanganib sa modernong panahon. "Sa pangkalahatang kalituhan sa ating panahon," isinulat ni Febvre, "ang mga lumang ideya ay ayaw mamatay-matay at nananatili pa ring tinatangkilik ng masa." Nakumbinsi siya na ang pagbabago sa pananaw at aktitud hingil sa relihiyon ay kasing hirap ng pagtatangkang baguhin ang kalalabasan ng anumang pag-aaklas na pampolitika at panlipunan. Naniniwala siya na kailang turuan ang mga tao upang maiwasan nila ang panganib ng lumang paraan ng pag-iisip. Noong 1929, si Lucien Febvre, kasama ng panyero niyang si Marc Bloch ay itinatag ang pang-iskolar na diyornal na Annales d'Histoire Economique et Sociale (karaniwang tinatawag na Ang Annales), kung saan kinuha ang pangalan ng natatangi nilang estilo ng kasaysayan. Sinundan ng diyornal ang dulog ni Febvre sa paglalarawan ng kasaysayan at pinatnugot sa paraang ito ng pag-iisip upang maturuan ang daigdig hinggil sa panganib ng pag-iisip ng lumang daigdig upang maiwasan ang mga posibleng malaking kapahamakan sa ekonomiya at politika sa kinabukasan. Layon nitong impluwensiyhan ang mga sirkulong pang-akademiya at himukin silang "pag-aralan ang kasalukuyan upang maabot ang isang mas malalim na pag-unawa sa nakaraan". Walang ganitong diyornal na pang-iskolar noong panahong iyon.

Maganda ang mga naging rebyu ng Annales at nagi itong matagumpay sa mga unang taon nito. Maraming nagbabasa nito kaya napalimit nila ang paglalathala noong 1932. Pero noong 1938 mukhang pabulusok na ang diyornal at ihininto na ng mga manlalathala ang kanilang suporta dito.

Noong 1933 hinirang si Febvre na tagapangulo ng Collège de France. Masigasig siyang naglathala noong dekada 1930 at 1940, bagama't naabala ang gawa niya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Namatay din si Marc Bloch noong giyera, kaya't si Febvre ang taong nagdala sa Annales sa panahon pagkatapos ng digmaan. Kilala siya sa pagsasanay kay Fernand Braudel at pagtatag kasama ang iba pa ng VI section ng École Pratique des Hautes Etudes, na kalaunan ay tinawag na EHESS. Namatay si Febvre noong 1956 sa Saint-Amour, France.

Mga gawa ni Lucien Febvre[baguhin]

  • The Coming of the Book: The Impact of Printing 1450-1800, isinulat kasama si H.-J. Martin
  • The Problem of Unbelief in the Sixteenth Century: The Religion of Rabelais
  • A Geographical Introduction to History
  • A New Kind of History (piling mga sanaysay)
  • Philippe II et la Franche-Comté. Étude d'histoire politique, religieuse et sociale, Paris, Honoré Champion, 1911, 808 p.
  • Notes et documents sur la Réforme et l'Inquisition en Franche-Comté, Paris, 1911, 336 p.
  • Histoire de la Franche-Comté, Paris, Boivin, 1912, 260 p.
  • La Terre et l'évolution humaine, Paris, Albin Michel, « L'évolution de l'Humanité », 1922.
  • Un Destin. Martin Luther, Paris, Presses Universitaires de France, 1928. (Martin Luther, A Destiny)
  • Civilisation. Évolution d'un mot et d'un groupe d'idées, Paris, Renaissance du livre, 1930, 56 p.
  • Le Rhin. Problèmes d'histoire et d'économie, Paris, Armand Colin, 1935.
  • (dir.) : Encyclopédie française, 11 volumes parus de 1935 à 1940.
  • Le Problème de l'incroyance au XVIe siècle. La religion de Rabelais, Paris, Albin Michel, Coll. L'évolution de l'humanité, 1942, 548 p.
  • Origène et Des Périers ou l'énigme du Cymbalum Mundi, Paris-Genève, Droz, 1942, 144 p.
  • Autour de l'Heptaméron. Amour sacré, amour profane, Paris, Gallimard, 1944, 300 p.
  • Les Classiques de la liberté : Michelet, Lausanne, Traits, 1946, 162 p.
  • Combats pour l'histoire, Paris, Armand Colin, 1953, 456 p.
  • Au cœur religieux du XVIe siècle, Paris, SEVPEN, 1957, 359 p.
  • (en coll. avec Henri-Jean Martin) L'Apparition du livre, Albin Michel, Paris, 1958 (réimpr. 1971, 1999), 19×12,5 cm, 600 p. (ISBN 2-226-10689-8)
  • Pour une histoire à part entière, Paris, SEVPEN, 1962, 860 p.

Sanggunian[baguhin]

  • The French Review, Vol. LV, No. 4 Marso 1982