Pumunta sa nilalaman

Luz Oliveros Belardo

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Luz Oliveros Belardo
Kapanganakan
Luz Belarmino Oliveros

3 Nobyembre 1906(1906-11-03)
Kamatayan12 Disyembre 1999(1999-12-12) (edad 93)
LibinganLibingan ng mga Bayani
NagtaposUniversity of the Philippines Manila (BS, MS)
University of Connecticut (PhD)
TrabahoPharmaceutical chemist
AsawaRicardo Belardo
Anak2
ParangalNational Scientist of the Philippines

Si Luz Oliveros Belardo (Nobyembre 3, 1906 – Disyembre 12, 1999) ay isang Pilipinong nagbigay ng siyentipikong paliwanag sa bisa ng mga halamang gamot na hindi buhat sa superstisyosong paniniwala, panalangin at inkantasyon. Siya ang nakatuklas ng 40 bagong esensiyal na mga langis at potensiyal na mga katutubong halaman bilang mayamang panggalingan ng pampalasa, pabango, gamot at enerhiya. Pinarangalan siyang Pambansang Siyentipiko noong 1987.

Ipinanganak si Belardo noong 3 Nobyembre 1906 sa Navotas, Rizal. Siya ay panganay sa walong anak ni Aurelio Oliveros (isang magsasaka at negosyante) at Elisa Belarmino (maybahay). Natutuhan niya sa kanyang ama ang pagpapahalaga sa edukasyon, samantalang nakuha naman niya sa kanyang ina ang pagpapakumbaba at pagmamahal sa kapwa.

Nag-aral ng elementarya sa Silang Elementary School, Cavite (1921) at nag-high school naman sa Philippine Women's College o kilala ngayong Philippine Women's University (PWU) (1925) sa Taft, Maynila. Parehong valedictorian ang natamo niyang karangalan sa dalawang paaralan.

Pagsusulat sana ang pangarap noon ni Lusing, ngunit dahil sa paghihikayat ng kanyang ama, at dahil na rin sa kanyang interes sa mga halaman, nagpasiyang mag-aral ng Phytochemistry (pag-aaral ng kemikal na sangkap ng halaman). Natapos niya ang Certificate of Pharmaceutical Chemistry noong 1928 at Bachelor of Science in Pharmacy noong 1929 sa Unibersidad ng Pilipinas. Habang nagtuturo at nagtratrabaho bilang pharmacist ay natapos rin niya ang kanyang Master's Degree (Master of Science in Pharmaceutical Chemistry) noong 1933.

Sa tulong ng Fulbright travel grant at scholarship mula sa American Association of University Women, matagumpay na natapos rin niya ang kanyang Ph.D. in Pharmaceutical Chemistry mula sa Unibersidad ng Connecticut sa Estados Unidos noong 1954. Si Dr. Belardo ay mapalad na nakasali sa mahigit sa 20 International Scientific Conferences sa iba't ibang bahagi ng mundo na kung saan lalo pang nahasa ang kanyang kaalaman at kagalingan.

Pinangunahan ni Dr. Belardo ang pagsasaliksik sa bisa ng mga halamang ginagamit ng mga albularyo sa kanilang panggagamot. Napagtuunan niya ng pansin ang Tanglad Tagalog (Cymbopogon ciratus). Nadiskubre niyang marami pala itong potassium citrate, isang mabisang panlinis (diuretic compound) kung kaya't nakapagpapababa ng presyon ng dugo ng isang tao.

Sa higit pang pag-aaral ni Dr. Belardo ay napagalaman niyang ang dahon ng Chichirica (Vinca rosea) ay mayaman sa alkaloids, glycosides, terpenoids, sterols, fatty acids at volatile oil. Ang kanyang grupong pinamunuan ang kauna-unahan sa buong Timog Silangasng Asya na nakapagsagawa ng ganitong uri ng pag-aaral sa halamang ito.

Sa kasawiang palad, dulot ng Pangalawang Pandaigdigang Digmaan ay naudlot ang nasabing pag-aaral. Higit pa rito, isang kilalang pharmaceutical firm na Amerikano ang nakapagpatuloy ng nahintong pananaliksik at silang nakadiskubre ng alkaloid vincristine na mayroon ang chichirica na panlaban sa kanser.

Napagtuunan din ng pansin ni Dr. Belardo ang bulaklak ng sampaguita (scientific name: Jasminum sambac). Ito ang nagbigay daan upang maengganyo ang mga may-ari ng lupa na magtanim nito para sa mga gawaan ng pabango.

Ang malikhain ding kaisipan ni Dr. Belardo ang nagpasimula sa paggamit ng mga pinagbalatan ng mga prutas bilang pampalasa sa mga sorbetes, kendi, minatamis at inuming yari sa prutas.

Noong dekada 80, bilang pagtugon sa kautusan ng pamahalaan na maghanap ng kasagutan sa kakulangan ng pagkukunan ng langis, nadiskubre ni Dr. Belardo ang oleoresin, isang tila petroleum compound mula sa apitong (Oipterocarpus grandiflorus) at pili (Canarium luzonicum). Nakapagpatakbo ito ng isang sasakyang Isuzu 240. Patunay na maaari itong maging kapalit o pandagdag sa diesel bilang (biofuel).

Nalathala sa iba't ibang lokal at internasyonal na mga babasahin ang iba't ibang pag-aaral ni Dr. Belardo.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]