Maikling kuwento

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Maiikling mga kuwento)

Ang maikling kuwento - binaybay ding maikling kwento - ay isang maiksing salaysay hinggil sa isang mahalagang pangyayaring kinasasangkutan ng isa o ilang tauhan at may iisang kakintalan o impresyon lamang. Isa itong masining na anyo ng panitikan. Tulad ng nobela at dula, isa rin itong paggagad ng realidad, kung ginagagad ang isang momento lamang o iyong isang madulang pangyayaring naganap sa buhay ng pangunahing tauhan. Si Deogracias A. Rosario ang tinuturing na "Ama ng Maikling Kuwento". Tinawag rin itong dagli noong panahon ng mga Amerikano at ginagawa itong libangan ng mga sundalo.

Ang alamat ay naiiba dito at sa kasaysayan bagamat may mga elemento ang dalawa. Ang ito ay di-totoo. Ang kasaysayan ay totoo, samantalang ang alamat ay may mga bahaging totoo at mayroon din naman na hindi totoo ang kuwento at kadalasang ang kuwento ay tungkol sa mga naganap sa di-totoong lugar at di-totoong panahon.

Kayarian

Bilang isang akdang pampanitikan, maaaring magsalaysay ng tuluy-tuloy ang maikling kuwento ng isang pangyayari hango sa tunay na buhay; may isa o ilang tauhan lamang, sumasaklaw sa maikling panahon, may isang kasukdulan, at nag-iiwan ng kakintalan o impresyon sa isip ng mambabasa.

Mga Elemento

  • Panimula- Dito nakasalalay ang kawilihan ng mga mambabasa. Dito rin kadalasang pinapakilala ang iba sa mga tauhan ng kuwento.
  • Saglit na Kasiglahan- Naglalahad ng panandaliang pagtatagpo ng mga tauhang masasangkot sa suliranin.
  • Suliranin- Problemang haharapin ng tauhan.
  • Tunggalian- May apat na uri: tao laban sa tao, tao laban sa sarili, tao laban sa lipunan, tao laban sa kapaligiran o kalikasan.
  • Kasukdulan- Makakamtan ng pangunahing tauhan ang katuparan o kasawian ng kanyang ipinaglalaban.
  • Kakalasan- Tulay sa wakas.
  • Wakas- Ito ang resolusyon o ang kahihinatnan ng kuwento.
  • Tagpuan- nakasaad ang lugar na pinangyayarihan ng mga aksiyon o mga insidente, gayundin ang panahon kung kailan naganap ang kuwento.
  • Paksang Diwa- pinaka kaluluwa ng maikling kuwento.
  • Kaisipan- mensahe ng kuwento.
  • Banghay- pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa kwento

Mga uri

May sampung uri ng maikling kuwento:

  • Sa kuwento ng tauhan inilalarawan ang mga pangyayaring pangkaugalian ng mga tauhang nagsisiganap upang mabigyan ng kabuuan ang pag-unawa sa kanila ng isang mambabasa.
  • Sa kuwento ng katutubong kulay binibigyang-diin ang kapaligiran at mga pananamit ng mga tauhan, ang uri ng pamumuhay, at hanapbuhay ng mga tao sa nasabing pook.
  • Sa kuwentong bayan nilalahad ang mga kuwentong pinag-uusapan sa kasalukuyan ng buong bayan.
  • Sa kuwento ng kababalaghan pinag-uusapan ang mga salaysaying hindi kapanipaniwala.
  • Naglalaman ang kuwento ng katatakutan ng mga pangyayaring kasindak-sindak.
  • Sa kuwento ng madulang pangyayari binibigyang diin ang kapanapanabik at mahahalagang pangyayari na nakapagpapaiba o nakapagbago sa tauhan.
  • Sa kuwento ng sikolohiko ipinadarama sa mga mambabasa ang damdamin ng isang tao sa harap ng isang pangyayari at kalagayan. Ito ang uri ng maikling kuwentong bihirang isulat sapagkat may kahirapan ang paglalarawan ng kaisipan.
  • Sa kuwento ng pakikipagsapalaran, nasa balangkas ng pangyayari ang interes ng kuwento.
  • Sa kuwento ng katatawanan, nagbibigay-aliw at nagpapasaya naman sa mambabasa.
  • Sa kuwento ng pag-ibig, tungkol sa pag iibigan ng dalawang tao

Tema

Mayroon mga pagkakaiba ang tema sa mensahe ng isang maikling kuwento. Ang tema ang pangkalahatang kaisipang nais palutangin ng may-akda sa isang maikling kuwento. At ang kaisipang ito ang binibigyan ng layang maikintal sa isipang ng mga mambabasa. Maaaring maging tema ang mga sumusunod: palagay sa mga naganap na pangyayari sa lipunan, obserbasyon ng may-akda tungkol sa pag-uugali ng tao, paniniwala sa isang katotohanan o pilosopiyang tinatanggap ng tao sa buong daigdig sa lahat ng panahon, o ang dahilan ng pagkakasulat ng may-akda. Ang mensahe naman ang tuwirang pangangaral o pagsesermon ng manunulat sa mambabasa.

Mga bahagi

Ito ang mga bahagi at ng sangkap ng isang maikling kuwento:

Simula

At ang bahagi ng suliranin ang siyang kababasahan ng problemang haharapin ng pangunahing tauhan. Napapasama rin dito ang pagpapakilala ng ilan sa mga tauhan at ng Tagpuan.

Gitna

Binubuo ang gitna ng saglit na kasiglahan, tunggalian, at kasukdulan. Ang saglit na kasiglahan ang naglalahad ng panandaliang pagtatagpo ng mga tauhang masasangkot sa suliranin. Ang tunggalian naman ang bahaging kababasahan ng pakikitunggali o pakikipagsapalaran ng pangunahing tauhan laban sa mga suliraning kakaharapin, na minsan ay sa sarili, sa kapwa, o sa kalikasan. Samantalang, ang kasukdulan ang pinakamadulang bahagi kung saan makakamtan ng pangunahing tauhan ang katuparan o kasawian ng kanyang ipinaglalaban.

Wakas

Binubuo ang wakas ng kakalasan at katapusan. Ang kakalasan ang bahaging nagpapakita ng unti-unting pagbaba ng takbo ng kuwento mula sa maigting na pangyayari sa kasukdulan. At ang katapusan ang bahaging kababasahan ng magiging resolusyon ng kuwento. Maaring masaya o malungkot, pagkatalo o pagkapanalo.

Gayunpaman, may mga kuwento na hindi laging winawakasan sa pamamagitan ng dalawang huling nabanggit na mga sangkap. Kung minsan, hinahayaan ng may-akda na mabitin ang wakas ng kuwento para bayaang ang mambabasa ang humatol o magpasya kung ano, sa palagay nito, ang maaring kahinatnan ng kuwento.