Sakit sa ibaba ng likod

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin
Sakit sa ibaba ng likod
Lumbar region in human skeleton.svg
Ang limang bertebra o gulugod na nasa rehiyong lumbar (rehiyon ng pang-ibabang likod) ng likod ng tao ay ang pinakamalalaki at ang pinakamatitibay sa loob ng pitak na panggulugod.
ICD-10 M54.4-M54.5
ICD-9 724.2
MedlinePlus 003108
eMedicine pmr/73
MeSH D017116

Ang pananakit sa ibabang bahagi ng likod (Ingles: low back pain; pangalang medikal: lumbago) ay maaaring isang sintomas o kaya ay isang senyales ng pagkakaroon o umiiral na karamdamang may kaugnayan sa buto, laman (masel), ugat, o kasu-kasuan na nasa pang-ibabang bahagi ng likod ng katawan ng tao.[1]

Mga sanhi[baguhin]

Kabilang sa mga nagdurulot ng pananakit ng pang-ibabang bahagi ng likuran ng katawan ang labis na paggamit ng bahaging ito ng katawan, maling puwesto o posisyon ng katawan (maling paggamit ng pang-ibabang likod na nagdurulot ng kapaguran ng laman, buto at kasu-kasuang nasa bahaging ito ng katawan), impeksiyon, kanser, pagkaipit ng ugat (nerve infringement), at rayuma sa buto (osteoarthritis).[1]

Mga sintomas[baguhin]

Kasama sa mga sintomas ng pananakit ng pang-ibabang bahagi ng likuran ang paninigas ng kalamnan, pamamanhid, panghihina, pagkawala ng kontrol sa pag-ihi at pagdumi, kahirapan sa paggawa ng tulog, kadaliang mapagod, pagkabalisa, panlulumo (depresyon), paglala ng hapdi kapag nagbubuhat ng bagay, gumiginhawa kapag nagpapahinga, at pananakit ng mga hita na kumakalat pababa mula sa mga hita.[1]

Pag-iwas[baguhin]

Maiiwasan ang pananakit ng pang-ibabang bahagi ng likod ang pagbubuhat ng bagay sa pamamagitan ng wastong paraan (nakabaluktot ang tuhod, na pinanananatiling tuwid ang likod habang nagbubuhat ng bagay; pinananatiling malapit ang buhat na bagay sa katawan; mas mainam ang pagtulak kaysa sa paghila ng bagay). Nakakatulong din ang pagpapanatili ng tamang postura o tindig ng katawan, katulad ng paggamit ng mga babae ng mga sapatos na patag (iyong tinatawag na mga flat shoes), at kung kailangang magsuot ng mga sapatos na may takong, mas mainam ang pagsusuot ng mga sapatos na mayroong mga takong na mababa lamang ang taas (katumas ng o mas mababa kaysa sa 1 pulgada). Kung kailangan maupo ng matagalan, katulad kung nagbibiyahe na nakasakay sa isang sasakyan, mahalaga ang pagsasagawa ng mga pag-unat-unat. Kaugnay ng pag-upo, katulad ng habang nasa trabaho, nakakatulong sa pag-iwas ng paghapdi ng likod ang paggamit ng mga prinsipyo ng ergonomiya, katulad ng paggamit ng mga upuan na mayroong tuwid na sandalan o ang paggamit ng mga upuang mayroong pangsuporta sa pang-ibabang bahagi ng likod; at pagpapanatili na mas mataas ng bahagy ang mga tuhod kaysa sa balakang. Kung nakatayo naman, nakakatulong sa hindi pagkakaroon ng pananakit ng likod ang pagpapanatiling nasa isang tuwid na guhit ang mga tainga, mga balikat, at ang balakang, na iniiwasan ang pagyuko o pagtingala ng ulo. Nakakatulong din sa pag-iwas ng pananakit ng likod ang pag-eehersisyo.[1]

Lunas[baguhin]

Kabilang sa mga paraan ng pagtanggal o pagbawas ng pananakit ng likuran ang paggamit ng ilang mga gawain na ang layunin ay ang mabawasan ang bigat o timbang na nasasalo ng likod at upang mapahinga ang likod: isang paraan ang paghigang nakatihaya sa sahig, na mayroon gunan sa ilalim ng mga tuhod (maaaring iangat ang mga tuhod sa ibabaw ng isang upuan sa halip na sapinan ang mga ito ng unan) sa loob ng 1 hanggang 2 mga araw, na mayroong kasalit (sa bawat ilang mga minuto) na kaunti at dahan-dahang mga yugto ng mga paglalakad (upang hindi manghina ang mga laman o masel na makapagpapatagal ng pananakit ng likod). Nakakatulong din sa pag-alis o pagbawas ng hapdi ng likod ang pag-inom ng mga gamot na katulad ng paracetamol at ng ibuprofen.

Paglubha[baguhin]

Mahalaga ang agad na pagpapatingin sa manggagamot kapag lumalala ang pananakit ng pang-ibabang bahagi ng likod. Kabilang sa mga katangian ng malubhang pananakit ng likod ang kapag hindi na tumatalab ang iniinom na mga gamot (katulad ng mga nabibili mula sa botika); kapag gumagapang na hanggang sa mga hita at iba pang pang-ibabang mga bahagi ng mga paa ang pananakit; kapag nakaramdam ng pamamanhid ng mga hita, mga paa, mga bahagi ng ari (kasarian), at ng mga bahaging nasa puwitan; kapag nawala ang kakayahang tabanan o kontrolin ang pag-ihi at ang pagdumi (pagtae); kapag nakakaranas ng kahirapan sa paggalaw dahil sa labis na pananakit ng likod at ng naapektuhan nang iba pang mga bahagi ng katawan; kapag hindi gumiginhawa o bumubuti ang kalagayang ito pagkalipas ng dalawa o tatlong mga linggo; kapag may kasama na ang kondisyong ito ng pananakit ng dibdib; at kapag nakadama na ng biglaang panghihina ng mga hita, mga binti, at mga paa.[1]

Mga sanggunian[baguhin]

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 SAKIT SA LIKOD ( [1] at [2]), KALUSUGAN PH