Basilika ni San Juan de Letran

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin
Ang Basilika ni San Juan de Letran ay ang pwesto ng Obispo ng Roma o ang Santo Papa.

Ang Basilika ni San Juan de Letran (Italyano: Basilica di San Giovanni in Laterano, Latin: Basilica Sanctae Mariae Maioris), na mas kilala bilang ang Basilikang Laterano, ay ang simbahang katedral ng Diyosesis ng Roma at ang opisyal na pansimbahang sentro ng Obispo ng Roma, o ang Papa.

Ito ang pinakamatanda at nangunguna sa apat na Pangunahing Basilika ng Roma. Ito rin ang umaangkin sa titulo ng Ekumenikong Inang Simbahan sa Simbahang Romano Katoliko. Isang tatak sa patyada, Christo Salvatori, ang nagpapakita ng dedikasyon ng simbahan kay "Kristong Tagapagligtas", tulad ng sa mga katedral ng lahat ng mga patriyarka, kung saan lahat ng mga ito ay dedikado kay Hesukristo mismo. Bilang katedral ng Obispo ng Roma, pinangungunahan nito ang lahat ng ibang mga simbahan sa Simbahang Romano Katoliko, kung kaya't ito ay may titulo na archbasilica.

Ito ay nasa labas ng Lungsod ng Batikano, ngunit nasa loob pa rin ng lungsod ng Roma. Gayunpaman, ito ay may estadong ekstrateritoryal, bilang isa sa mga pagmamay-ari ng Banal na Sede. Ito rin ang kaso sa ibang mga gusali, sunod sa resolusyon ng Kasunduang Laterano.

Etimolohiya[baguhin]

Ang pangalan ng archbasilica sa wikang Latino ay, Archibasilica Sanctissimi Salvatoris et Sanctorum Iohannes Baptista et Evangelista in Laterano, na ang ibig sabihin sa Ingles ay, Archbasilica of the Most Holy Saviour and Ss. John the Baptist and the Evangelist at the Lateran. Ang ibig sabihin nito sa Italyano ay, Arcibasilica del Santissimo Salvatore e Santi Giovanni Battista ed Evangelista in Laterano.

Palasyong Laterano[baguhin]

Ang Plaza ng San Juan de Letran, kung saan makikita ang Palasyo ng Letran (sa kaliwa) at ang kanang entrada ng Archbasilica ni San Juan de Letran (sa kanan).

Nakatayo ang archbasilica sa mga labi ng Castra Nova Equitum Singularium, ang bagong kuta para sa Imperyal na mga Kabalyerong Tanod. Ito ay itinayo ni Septimio Severo noong PK 193. Matapos ang tagumpay ni Constantino I kay Maxentio sa Labanan sa Tulay ng Milvian, iginiba ang kuta, at binuwag ang mga tanod. Ang mga matibay na guho ng kuta ay direktang nasa ilalim ng nabe ng simbahan.

Ang nalalabi sa lugar ay okupado ng palasyo ng mga Laterani. Sila ay naglingkod bilang mga tagapamahala sa ilalim ng maraming mga Emperador. Napasakamay ito ni Constantino I nang pinakasalan niya si Fausta, asawa ni Maxentio. Kilala nang panahong iyan bilang "Domus Faustae" or "Bahay ni Fausta", nang lumaon, ibinigay ni Constantino ito sa Obispo ng Roma. Ito ay binago at pinalawak, kung saan naging tirahan ito ng Papa San Silvestre I, kung saan ito ay naging ang katedral ng Roma, ang pwesto ng mga Papa bilang Obispo ng Roma.

Panahong Medyebal[baguhin]

Ang opisyal na dedikasyon sa Basilika at sa katabing Palasyo ay pinamunuan ni Papa San Silvestre I noong PK 324, idinedeklara ang dalawa bilang Domus Dei o "Tahanan ng Diyos". Bilang Katedral ng Obispo ng Roma, ang Trono ng Papa ay nilagay sa loob ng Katedral. Bilang pagwawari sa pag-angkin ng Basilika sa pangunguna sa mga simbahan sa mundo bilang ang "Inang Simbahan", ang titulong, Sacrosancta Lateranensis ecclesia omnium urbis et orbis ecclesiarum mater et caput, na ang ibig sabihin ay, "Ang Pinaka-banal na Simbahang Laterano, ng lahat ng mga simbahan sa lungsod na ito at sa buong mundo, ang Ina at ang puno", ay inukit sa harapang pader sa pagitan ng mga pangunahing pintuan ng Basilika.

Ang Basilika at ang Palasyong Laterano ay dalawang beses dinedikado. Idinedikado ni Papa Sergio III ang mga ito kay San Juan Bautista noong ika-10 siglo, bilang karangalan sa bagong kinonsagrang Pabinyagan ng Basilika. Idinedikado naman ni Papa Lucio II ang mga ito kay San Juan Ebangelista noong ika-12 siglo. Gayunpaman, itinuturing pa rin sila bilang mga co-patron ng Katedral, ang punong patron, si Hesukristong Tagapaglitas mismo, tulad ng itinuturo sa nakaukit sa pasukan ng Basilika, at sa tradisyon sa mga patriarkong katedral.