Enrique Ostrea
Si Enrique Mapua Ostrea, Jr. (1941 - ) ay isang Pilipinong doktor na kinilala sa kanyang pananaliksik ukol sa mga gamot at pag-aaral sa larangan ng pediatriko. Siya ang nagdisenyo ng Mectest kit na nagpasimula ng paggamit ng Meconium upang i-"Drug Test" ang isang tao na kung saan ito ay tinuring na isa sa pinakamahusay at accurate na paraan ng drug testing. Dahil dito pinarangalan siya bilang Most Outstanding Physician in Medicine in the Midwest United States noong 1991; Best Doctor in America noong 1994 at Philippine Pediatric Society Testimonial of Recognition noong 1995.
"Buddy" ang nakasanayang katawagan kay Enrique Mapua Ostrea, Jr. Ang kanyang amang si Enrique Sr. ay dating Professor at Chairman ng Departamento ng Metalurgiya sa Unibersidad ng Pilipinas (UP). Ang kanyang ina naman na si Elena Mapua, ay isang graduate ng UP Pharmacy.
Bilang anak ng guro sa UP, libre ang kanyang pag-aaral sa unibersidad. Kaya't masasabing si Buddy ay mapalad na makapag-aral doon mula elementarya hanggang kolehiyo. Nais sana ng kanyang ama na sumunod siya sa kanyang yapak, ngunit higit ang interest ni Buddy sa mga tao, lalo na sa mga bata. Kaya't walang ibang kurso para sa kanya kung hindi ang medisina.
Nakapagtapos siya ng Medisina taong 1965. Pinangunahan niya ang buong klase bilang Valedictorian at Cum Laude. Nagdesisyon siyang pag-aralan ang mga sakit (Pathology) at mag-espesyalista sa mga bata (Pediatrics), kaysa pag-aralan ang sakit na kanser (Oncology). Para sa kanya, nakalulungkot na wala siyang maitulong sa mga pasyente. Mas pinili niya ang pediatrics sapagkat sa kursong ito ay hindi lamang ang sakit ng bata ang kanilang pag-aaralan, kundi maging ang kanilang paglaki (development). Dapat malaman na ang mga sakit ng mga bata, at ang maling diagnosis ay puwedeng makamatay ngunit kung tama naman, ito ay himalang nakapagpapagaling. Ang kanyang mga unang taon ng pagpapakadalubhasa ay ginugol niya sa Ospital Heneral ng Pilipinas (PGH). Mas marami rito ang ginagamot na matatanda kung kayat naisip ni Buddy na ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa Amerika. Sa Boston Children's Hospital Medical Center, sa Harvard University siya napapunta. Doon, natutuhan niyang mag-autopsiya ng isang patay upang alamin ang eksaktong sakit na kinamatayan nito.
Natutuhan niyang hindi sapat na makakita lamang ng 10 kaso ng sakit, kundi mahalaga ring magbasa pa ng tungkol dito upang lalong maunawaan ang lahat-lahat tungkol sa sakit na iyon. Minsan, may isang bata doon na pabalik-balik dahil sa kanyang sakit na diabetes insipidus. Napansin niyang mababa ang serum potassium ng batang ito na hindi naman kadalasang kondisyon ng isang may diabetes insipidus. Pinag-aralan niyang mabuti sa pamamagitan ng pagbabasa ang kaso ng bata, hanggang madiskubre niya na ang mga sintomas na nakikita sa bata ay pareho ng sa sakit na Barrter's syndrome. Ipinaalam niya ito sa doctor ng bata at inirekomenda niyang sumailalim ito sa serum rennin test (ang serum rennin ay isang hormone na galing sa bato o kidney). Nagkataong nasatabing hospital (Peter Bent Brigham Hospital) and dalubhasa sa rennin na si Dr. John Merrill, at siya ang nagpatunay na tama ang natuklasan ni Dr. Buddy. Lubhang mataas ang lebel ng rennin ng bata at Banter's syndrome ang sakit ng bata at hindi diabetes insipidus. Ito ang nagbukas ng daan para si Dr. Buddy ay makakuha ng fellowship/ scholarship sa Neonatology (Pag-aaral para sa mga bagong panganak na sanggol) sa John Hopkins Hospital sa Baltimore, Maryland.
Ang Neonatology fellowship program nang mga panahong iyon ay para lamang sa mga Amerikano. Ngunit napatunayan ni Dr. Buddy na napagtiyagan niya ito. Tinawagan pa rin siya para sa interview at sinabihang, maaari pa rin niyang ipagpatuloy ang fellowship, kung may makukuha siyang pribadong pondo.
Sa John Hopkins, sumailalim si Dr. Buddy sa ekspertong superbisyon ni Dr. Gerald B. Odell, isang dalubhasa sa biliburin (kadalasang iniuugnay sa jaundice o sakit na paninilaw.) Natutuhan ni Dr. Buddy mula kay Dr. Odell ang pagiging masusi sa laboratoryo, patuloy na pagtatanong sa katotohanan at siyentipikong pagtingin sa data.
Hindi inaasahan ang magandang kapalaran na napasakamay ni Dr. Buddy nang makapagtrabaho siya sa Children's Hospital ng Michigan. Ito ang nagbigay ng kanyang pamasahe, mataas na sahod at kumpletong laboratoryo na may mga instrumentong katulad ng mga mamahaling aparato sa laboratoryo ni Dr. Odell.
Nagpatuloy si Dr. Buddy sa kanyang paglilingkod bilang manggagamot ng mga bata sa marami pang ospital sa Amerika. Hanggang makasama niya si Dr. Stryker, isang doktor na nag-aaral sa epekto ng opium sa mga buntis na unggoy (Rhesus monkeys). Matapos maipanganak ang mga unggoy, ito ay ibinibigay ni Dr. Stryker kay Dr. Buddy upang pag-aralan naman niya kung saan stage darami o lalabas ang epekto ng opium sa batang unggoy. Sinapantaha ni Dr. Buddy na ang mga opium ay malamang na maipon o makaapekto sa utak, sa atay at sa bato. Ngunit, maliban pa sa mga parteng ito, higit ang pagkakaipon ng opium sa bituka sa tiyan. Maraming pagsusuri ang nagpatibay nito, hindi lamang sa labas ng bituka kundi maging sa loob pa nito. Muntik nang hindi ito mapasama sa pag-aaral ni Dr. Buddy sapagkat napakaliliit ng mga bituka at masyadong mabusisi. Aksidente lamang na nagiling niya ang mga bituka, at doon nakita ang mga opium.
Buti na lang at minsan pa, pinakinggan niya ang katuruang: kung ang mga data ay hindi umaayon sa sapantaha (hypothesis), malamang na mali ang sapantaha.
Ito ang nagsilbing basehan ni Dr. Buddy upang irekomenda na ang kauna-unahang berdeng dumi ng sanggol (meconium) ang pinakamainam na gamitin para masuri ang epekto ng droga na nainom ng buntis na ina.
Taong 1992 nang mabigyan siya ng pagkakataon na mabigyan ng pondo ng Michigan Department of Public Health. Nabigyan siya ng $100,000 grant na ginamit niya sa pagsusuri sa mahigit tatlong libong sanggol upang patunayan na mas nakikita ang dami ng droga na nainom ng buntis na ina mula sa dumi ng sanggol kaysa sa laway, ihi o dugo ng bata.
Nagpatawag ng isang Press Conference, at napabalita sa buong Amerika, Asia at maging sa Europa ang malaking pagkakadiskubreng ito.
Si Dr. Buddy ang nagpasimula ng MecTest Kit o Mecomium test kit para masuri kung ang ina ay nakapag cocaine, opium, o marijuana o na-expose sa nicotine (buhat sa paninigarilyo).
Hindi doon natapos ang kanyang pag-aaral sa mga bagong silang na sanggol. Naalarma rin siya sa maaaring epekto ng mga environmental pollutants. Sa kanyang pagbisita sa Maynila, taong 1996, nakipagtulungan siya sa PGH, Unibersidad ng Santo Tomas, Philippine Children's Medical Center and Polymedic General Hospital. Nakakapanlumo ang mga resultang nagpapatunay na ang mga sanggol ay mayroong lead, cadmium, mercury, pesticides at chemicals (katulad ng arochlor, chlordane, chlorophyfiros, DDT, lindane, malathion, parathion, pentachlorphenol) sa kanilang batang gulang. Balak pa ni Dr. Buddy na ituloy ang pag-aaral upang makita naman kung ana kaya ang maaaring masamang maidulot nito sa bata (neurological malfunction, learning disabilities, delayed growth, at iba pa). Anya, maaaring ang mga sinasabi nating "slow learners" ay epekto pala ng "pagkakalason" nila mula noong nasa tiyan pa lamang sila.
Sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Dr. Enrique Ostrea Naka-arkibo 2009-02-02 sa Wayback Machine., Drug Detection, (…) "Urine is normally used in drug detection, but Dr. Enrique Ostrea discovered that the use of meconium (the baby's first stools) was more sensitive since the drugs taken by the mother accumulate in the fetus' intestines. This mec test is now used by the US National Institutes of Health, and Ostrea has received numerous awards and US patents." (…)