Fernando Maria Guerrero

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin

Si Fernando Maria Guerrero ay isinilang noong 30 Mayo 1873. Siya ay anak nina Lorenzo Guerrero, isang kilalang pintor at guro ng Sining at Clemencia Ramirez, na may likas na hilig sa musika. Nagtapos siya ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas.

Bata pa lamang si Fernando ay nagpakita na siya ng talino sa literatura, musika at pagpipinta. Malinaw na ang kanyang talino sa literatura at ang panlasang makasining ay minana niya sa kaniyang mga magulang. Tumutugtog siya ng piyano at pluta at mahusay gumuhit ng magagandang larawan ng kalikasan.

Bagamat tapos ng abogasya ay hindi nagbigay ng panahon si Fernando Ma. Guerrero upang magpraktis ng nabanggit na propesyon. Higit niyang kinawilihan at binigyan ng panahon ang pagsusulat ng mga tula at pagbabasa ng mga literaturang Kastila.

Noong panahon ng rebolusyon ginamit niya ang kanyang panulat sa pakikipaglaban para sa kanyang mga kababayan. Naging katulong siya ni Antonio Luna sa pag-eedit ng pahayagang La Independencia kung saan nalathala noong taong 1898 ang kanyang tulang Mi Patria (My Country) at ang isa pa niyang tulang ang pamagat ay Gladiator na nalathala sa huling isyu ng nabanggit ring pahayagan. Naging patnugot siya ng El Renacimiento at isa sa mga nagtatag ng pahayagang La Vanguardia.

Nang mamatay si Heneral Antonio Luna, si Fernando Ma. Guerrero ang naging editor ng El Renacimiento. Isa rin siya sa manunulat ng pahayagang El Nueva Dia ni Sergio Osmena sa Cebu at ng Cultura Filipina sa Maynila. Ginamit niya sa kanyang pagsusulat ang mga sagisag sa panulat na Fulvio, Gil, Florisel, Hector at Tristan.

Si Fernando ay isang bersatil na manunulat. Hindi lamang mga tulang madamdamin ang kanyang sinusulat. Nagsulat din siya ng mga sanaysay na pangkasaysayan, maikling kuwento at editorial. Walang humigit sa kanya sa pagsulat ng mga tulang madamdamin sa wikang Kastila.

Bagamat nakilala sa pagsusulat ng mga tula sa wikang Kastila, sa damdamin at isip, siya ay nananatiling isang Pilipino hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay. Sa kanyang tulang Mi Patria ay ibinandila niya ang kagandahan ng kanyang bansang Pilipinas.

Nagsulat din si Fernando sa wikang Ingles. Ilan sa kanyang mga tula sa Ingles ay Where is My Way, Come to Me, Far from Thee at Forevermore. Pinasok din niya ang politika.

Naging konsehal siya ng Maynila nang may ilang taon. Noong 1907 ay nahirang siyang maging miyembro ng First Philippine Assembly, kinatawan ng South District ng Maynila. Sa kanyang pagkamatay noong 12 Hunyo 1929 sa edad na 56 ay nag-iwan siya ng di malilimot na pamana-mga tulang sinulat niya sa wikang Kastila na nagpapatunay sa buong mundo na ang isang Pilipino ay buong husay ding makapagsusulat sa isang dayuhang wika (Kastila).

Sinabi niya na ang isang nasusulat na literatura sa Ingles o sa Kastila man, hangga't ito ay naghahayag ng tunay na damdamin at kaisipang Pilipino, ito ay tunay na literaturang Pilipino.

Ang pinakamagagaling na tula ni Fernando ay tinipon sa isang aklat na pinamagatang Crisalidas (Mga Higad).