Pang-abay
Ang pang-abay o lampibadyâ [1] ay mga salitang naglalarawan sa pandiwa, pang-uri at kapwa pang-abay.
Uri ng Pang-abay
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mayroong labing-dalawang uri ang pang-abay ito ay:
Pamanahon
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang pang-abay na pamanahon ay nagsasaad kung kailan naganap,ginaganap o gaganapin ang isang pangyayari o kilos.
Mayroon itong tatlong uri:
- May pananda - nang, sa, noon, kung, kapag, tuwing, buhat, mula, umpisa, at hanggang
Halimbawa: "Kailangan mo bang pumasok nang araw-araw?"
- Walang pananda - kahapon, kanina, ngayon, mamaya, bukas, sandali, at iba pa
Halimbawa: "Manonood kami bukas ng pambansang pagtatanghal ng dulang Pilipino."
- Nagsasaad ng dalas - araw-araw, tuwing umaga, taun-taon, at iba pa
Halimbawa: "Tuwing buwan ng Mayo ay nagdaraos kami sa aming pook ng santakrusan."
Panlunan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ito ay nagsasaad ng lugar kung saan naganap ang pangyayari. Samakatuwid, ito ay nagsasabi kung saan ginawa, ginagawa, at gagawin ang kilos sa pangungusap; sa ibang pananalita ay tumutukoy ito sa pook na pinangyarihan, o pangyayarihan ng kilos sa pandiwa. Karaniwang ginagamit ang mga pariralang may sa, kina o kay.
Ginagamit ang sa kapag ang kasunod ay isang pangngalang pambalana o isang panghalip. Ginagamit naman ang kay at kina kapag ang kasunod ay pangngalang pantangi na pangalan ng isang tao.
Halimbawa: "Maraming masasarap na ulam ang itinitinda sa kantina." ; "Nagpaluto ako kina Aling Inggay ng masarap na mamon para sa kaarawan."
Pamaraan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ito ay naglalarawan kung paano naganap, nagaganap, o magaganap ang kilos na ipinahahayag ng pandiwa. Ginagamit sa ganitong uri ng pang-abay ang mga panandang nang, na, at -ng. Halimbawa nito ay magaling, mabilis, maaga, masipag, mabait, maganda at iba pa.
Halimbawa: "Sinakal niya ako nang mahigpit."
Pang-agam
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ito ay nagbabadya ng hindi o kawalan ng katiyakan sa pagganap sa kilos ng pandiwa. Ginagamit sa pangungusap ang mga pariralang marahil, siguro, tila, baka, wari, parang, at iba pa.
Halimbawa: "Marami na marahil ang nakabalita tungkol sa pasya ng Sandiganbayan."
Ingklitik
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ito ay mga kataga sa Filipino na karaniwang nakikita pagkatapos ng unang salita sa pangungusap. Ito ay ang man, kasi, sana, nang, kaya, yata, tuloy, lamang/lang, din/rin, ba, pa, muna, pala, na, naman at daw/raw.
Halimbawa: "Lasing na yata siya."
Benepaktibo
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ito ay nagsasaad ng benepisyo para sa isang tao. Ito ay karaniwang binubuo ng pariralang pinangungunahan ng para sa.
Halimbawa: "Ang ikinokolektang buwis ay para sa pag-unlad ng bansa."
Kusatibo
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ito ay nagsasaad ng dahilan ng pangganap sa kilos ng pandiwa. Ito'y makikilala sa parirala o sugnay na pinangungunahan ng dahil sa.
Halimbawa: "Dahil sa TPLEx, mas mabilis na ang biyahe mula Maynila hanggang Baguio."
Kondisyonal
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ito ay nagsasaad ng kondisyon para maganap ang kilos na isinasaad ng pandiwa. Ito ay may mga sugnay o pariralang pinangungunahan ng kung, kapag/pag, at pagka.
Halimbawa: "Magiging maganda ang kalsada kung lilinisin nila ang mga nakakalat na basura."
Panang-ayon
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ito ay nagsasaad ng pagsang-ayon. Ginagamit dito ang mga salitang oo, opo, tunay, sadya, talaga, syempre at iba pa
Halimbawa: "Talagang mabilis ang pag-unlad ng bayan."
Pananggi
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ito ay nagsasaad ng pagtanggi o pagtutol. Nilalagyan ito ng mga pariralang katulad ng hindi, di at ayaw.
Halimbawa: "Hindi pa lubusang nagamot ang kanser."
Panggaano o pampanukat
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ito ay nagsasaad ng timbang, bigat, o sukat. Sumasagot ang pang-abay na panggaano sa tanong na gaano o magkano.
Halimbawa: "Tumaba ako nang limang libra."
Pamitagan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ito ay nagsasaad ng paggalang. Ginagamit dito ang po/ho at opo/oho.
Halimbawa: "Kailan po ba kayo uuwi sa lalawigan ninyo?"
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mga Sipi
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ English, Leo James (1977). "Pang-abay, adberbyo, adverb". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.
{{cite ensiklopedya}}
: CS1 maint: date auto-translated (link)