Pumunta sa nilalaman

Ahmed Deedat

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Ahmad Deedat)

Si Sheikh Ahmad Hussein Deedaat ay isang kilalang Muslim Propagator at Comparative Religion Scholar na nakilala sa kanyang mga panayam ukol sa mga kamalian ng relihiyong Kristiyano at pakikipagtalakayan sa mga kilalang mga pastor at mga paring Kristiyano. Siya ay nananatiling isang inspirasyon at pinagkukunan ng karunungan ng maraming mga tagapangaral ng Islaam sa pamamagitan ng kanyang mga video na naka-record na patuloy na ipinamamahagi at matatagpuan sa internet. Siya ay mayroon ding mga isinulat na aklat samantalang ang iba sa mga ito ay halaw mula sa kanyang mga panayam sa publiko. Siya ay isinilang sa Gujurat, India at ang kanyang mga ninuno ay mula dito subalit siya ay nanatili nang matagal na panahon sa South Africa. Siya at ang ilan sa kanyang mga kaibigan ang mga tagapagtatag ng Islamic Propagation Center International (IPCI) noong 1957.

Si Sheikh Ahmad Deedat ay nagkaroon ng inspirasyon sa pag-aaral ng relihiyong Kristiyano at pangangaral ng ukol sa mga kamalian nito matapos na mabasa niya ang isang aklat na pinamagatang Idhhaarul Haq (Ang Pangingibabaw ng Katotohanan) habang nagtatrabaho sa isang tindahan na pag-aari ng isang muslim sa South Africa. Siya ay nagkaroon ng pagkahumaling sa pakikipag-usap sa mga misyonerong Kristiyano matapos na mabili niya ang kauna-unahang kopya niya ng Bibliya at siya ay nagsimulang mangaral ng mga pagkakamali sa doktrinang Kristiyano. Inamin niya na ang isa sa nagtulak sa kanya upang isagawa ang mga pangangaral ay ang nakikita niyang matinding pagsusumikap ng mga Kristiyanong misyonero na ipakalat ang kanilang mga baluktot na katuruan sa mga muslim. Sinabi niya na ang kanyang katigasan ay nararapat lamang bilang ganti sa mga taong ito na nagliligaw sa mga tao mula sa matuwid na landas.

Ang kanyang kauna-unahang lecture ay pinamagatang Muhammad: Messenger of Peace (Muhammad: Sugo ng Kapayapaan) na kanyang inihayag sa wikang Ingles na dinaluhan ng 15 katao lamang subalit sa kalaunan ay dumami. Nakawilihan ng mga tao mula sa lahat ng uri ng lahi at relihiyon mayroon sa kanyang lugar ang kanyang talino sa pagpapahayag at pagsagot sa mga katanungan.

Ang kanyang pagpili sa wikang Ingles bilang wika ng pamamahayag ay naging isang malaking instrumento sa pagpapalawak ng kanyang mga tagapakinig hindi lamang sa kanyang bansa kundi sa buong mundo. Sa loob ng tatlong dekada mula sa kanyang pagsisimula ay naging isa siyang haligi ng Da'wah sa pamamagitan ng kanyang mga pagtuturo ukol sa Biblical Theology at mga pamamaraan ng pangangaral ng Islaam hanggang sa ito ay naging malaking bahagi na ng kanyang buhay. Siya ay nagsagawa rin ng mga panayam ukol sa mga napapanahong usapin noong kanyang kapanahunan tulad ng usapin ukol sa kaguluhan sa Palestine at ang pananakop ng mga Hudyo dito.

Ilan sa kanyang mga kilalang nakadebate ay ang isang Kristiyanong Arabong misyonero na si Dr. Anees Shorrosh na pinamagatang "Si Hesus ba ay diyos?" gayundin si Teleevangelist (tagapangaral ng Bibliya sa telebisyon) na si Jimmy Swaggart na painamagatang "Ang Bibliya ba ay Salita ng Diyos?" na parehong dinaluhan ng libo-libong mga tao. Siya ay nagkaroon din ng mga impormal na mga debate sa mga pangakaraniwang mga tao tulad ng debate niya sa mga sundalong amerikano sa Persian Gulf na nagkaroon ng malaking epekto sa mga dumalo dito at maging sa mga tagapakinig.

Dahil sa kanyang mga pagsusumikap si Sheikh Ahmad Deedat, maliban pa sa kanyang gantimpala na matatanggap niya mula kay Allaah ay nagkamit din ng pasasalamat ng kanyang kapwa tao sa pamamagitan ng ilang mga parangal kabilang na dito ang prestihiyosong King Faisal Award noong 1986. Ang pamahalaan ng Finland naman ay gumawa ng isang stamp ng correo bilang pag-aalaala sa kanya.

Ang mga mabubuting-gawa ni Sheikh Ahmad Deedat at sa kabila ng kanyang pagiging bayani sa pananaw ng mga Muslim ay nagkaroon ng mga pagtuligsa mula sa panig ng mga Kristiyano na ayaw tumanggap sa katotohanan matapos na ito ay maipahayag sa kanila. Ang ilan sa kanila ang nagsabi na siya ay isang Anti-Jewish at bumubuhay ng maling pag-asa sa mga muslim na ang Islaam ay mangingibabaw pa rin sa buong mundo matapos na tayo ay mailugmok ng mga Imperialista.

Siya ay nagkaroon ng stroke noon May 3, 1996 at nanatiling nakaratay sa kanyang bahay sa Verulam, South Africa mula noon sa loob ng 9 na taon hanggang sa kanyang kamatayan. Sa kabila ng kanyang kalagayan ay nanatiling aktibo si Sheikh Ahmad Deedat sa pangangaral sa pamamagitan ng pakikipag-usap niya sa pamamagitan ng kanyang mga mata dahil hindi na niya maigalaw ang buo niyang katawan. Maraming mga tao ang nagpadala ng kanilang mga liham sa kanya bilang pagsuporta samantalang ang iba naming misyonero ay nagpadala ng mga liham na nag-aanyaya sa kanya na maging Kristiyano na sinagot niya sa pamamagitan ng mga liham na idinikta niya sa pamamagitan ng kanyang mga mata at isinulat ng kanyang mga kasama.

Siya ay binawian ng buhay noong August 28, 2005. Si Sheikh Ahmad Deedat ay hindi nag-aral ng Islam sa isang Islamic University subalit ginugol niya ang malaking bahagi ng kanyang buhay sa pangangaral ng kanyang nalalaman nang may tiyak na kaalaman at sa abot ng kanyang makakaya. Kahabagan nawa siya ni Allaah.