Beowulf
Ang artikulong ito ay karamihan o buong umaasa sa iisang sanggunian. (Mayo 2021) |
May-akda | Hindi alam |
---|---|
Bansa | Inglatera |
Wika | Sinaunang Ingles |
Dyanra | Tulang epika |
Tagapaglathala | Iba't iba |
Petsa ng paglathala | Ika-8 hanggang ika-11 daantaon |
ISBN | wala |
Ang Beowulf[1] ay isang tulang epikong nasusulat sa sinauna o matandang wikang Ingles tungkol sa bayaning nagngangalan ding Beowulf, ipinangalan ang akda mula sa kaniya. Hindi nalalaman kung sino ang sumulat ng epiko, ngunit sinasabing nasulat ito sa pagitan ika-8 at ika-11 daantaon, na nasa isang diyalektong panghilagang-Sakson (Saxon). Mula noong mga 1000 A.D.[1] hanggang 1010 A.D. ang tanging natitirang kopya ng Beowulf. Binubuo ng mga 3,183 mga linya ang tulang ito. Sa akda, nakipaglaban si Beowulf sa tatlong mga halimaw: si Grendel, ang ina ni Grendel, at ang isang dragong hindi nalalaman kung ano ang tawag. Hindi natitiyak kung sino ang sumulat ng Beowulf, subalit pinaniniwalaang isang gleeman o scop, isang dating katawagan sa sinaunang Ingles para sa makata ang sumulat nito. Nasulat ito noong mga panahong hindi basta binabasa lamang sa mga pahina ng isang aklat ang mga panitikan, bagkus binibigkas pagkaraan ng mga pagdiriwang habang nasa bulwagan ng mga hari at mga maharlika, at sinasaliwan ng tunog ng alpa. Nakapagpapasigla rin ng mga mandirigma ang mga tulang katulad ng Beowulf, bago sila makipaglaban sa isang digmaan, at para rin sa pagdiriwang ng kanilang tagumpay sa pakikibaka.[1] Isa itong uri ng mitolohiyang Hermaniko (o Alemaniko).
Paglalarawan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Bagaman katutubo sa Inglatera ang makatang kumatha ng Beowulf, hindi talaga sa Inglatera naganap ang pangyayaring nasa tulang ito, sapagkat isang Geat si Beowulf, ang bidang bayani, na nangangahulugang nanggaling siya sa timog ng Sweden. Samantala isa namang Danes si Hrothgar, ang haring tinulungan ni Beowulf. Naganap sa Dinamarka ang halos kabuoan ng mga kaganapan sa epikang Beowulf. Pinaniniwalaang unang nasulat ang Beowulf noong mga ika-6 na daantaon. Bagaman hindi kapantay ng kabantugan ng Iliada ni Homer, itinuturing na isang marangal, nakapagpapasigla, at panlalaki o makapantaong tula ang Beowulf sapagkat nagpapakita ng katapangan, katapatan, kagandahang-loob, kadakilaan ng pag-iisip, at pagmamahal sa karangalan at maging sa panganib.[1]
Buod
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nagtayo ng isang malaking bulwagan o kabahayan[1] ang isang haring Danes na si Hrothgar (o Hroðgar). Tinawag na Heorot ang bulwagang ito. Namuhay ng mainam si Hrothgar at ang kaniyang mga mamamayan at nagdiriwang sa loob ng Heorot. Subalit sinagupa sila ng halimaw na si Grendel, na nagtutungo sa Heorot para patayin ang ilang mga tauhan ni Hrothgar dahil sa ingay na kanyang naririnig at ito ang laging dahilan ng pag-patay niya sa mga tauhan ni Hrothgar. Narinig ng bayaning si Beowulf, isang mandirigmang Geatiko (isang Geat; taga-Geatland o Götaland; lupaing Geat o lupaing Gota) ang mga suliranin ni Hrothgar kaugnay ng halimaw na si Grendel. Nilisan ni Beowulf at kaniyang mga tauhan - mga 14 ang bilang[1] - ang Geatland upang saklolohan si haring Hrothgar. Tumigil ng isang gabi sina Beowulf sa bulwagang Heorot. Nang dumating si Grendel para paslangin sila, nilaban ito ni Beowulf. Pinilas ni Beowulf ang bisig ni Grendel mula sa katawan nito at itinusok ang bahaging ito ng katawan ng lalaking halimaw sa isang pader bilang isang tropeo. Humangos si Grendel sa kaniyang tahanan sa mga latian, kung saan siya namatay. Naging maligaya ang lahat sa pagkamatay ni Grendel at nagsipagdiwang. Subalit nang sumapit ang sumunod na gabi, dumating naman ang ina ni Grendel sa Heorot at pinatay ang maramaing mga tao bilang paghihiganti. Kinuha ng inang halimaw ang walang-buhay na bisig ng anak na si Grendel. Pinuntahan ni Beowulf ang mga latiang pinaglalagian ng ina ni Grendel, kung naglaban ang dalawa. Napatay din ni Beowulf ang ina ng halimaw na si Grendel. Nagbalik si Beowulf sa Geatland, kung saan naging hari siya sa paglaon. Sa paglipas ng mga panahon, nakipaglaban din si Beowulf sa isang dragon. Sa tulong isang batang lalaking si Wiglaf, maaaring mapaslang ni Beowulf ang nasabing dragon, subalit nasugatan si Beowulf sa huling pakikipabaka kaya't namatay siya. Pagkaraang bawian ng buhay, nilibing si Beowulf sa isang hukay sa Geatland.
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 "Beowulf". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.
{{cite ensiklopedya}}
: CS1 maint: date auto-translated (link)