Pumunta sa nilalaman

Altruismo

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Altruistic)
Ang pagbibigay ng limos sa mahihirap ay kadalasang itinuturing bilang isang altruistikong kilos.

Ang altruismo ay ang prinsipyo at moral na kaugalian hinggil sa malasakit para sa kaligayahan ng mga ibang tao o ibang hayop, na nagreresulta sa kalidad ng buhay na materyal at espirituwal. Isa itong tradisyonal na birtud sa maraming kultura at pangunahing aspeto ng ilang relihiyosong paniniwala at sekular na pananaw sa mundo, ngunit nagkakaiba ang konsepto ng "kapwa" na dapat pagtuunan ng pagmamalasakit sa mga kultura at relihiyon. Sa isang matinding kaso, maaaring maging magkasingkahulugan ang altruismo at pagiging di-makasarili, na salungat sa pagkamakasarili.

Inilikha ang salitang "altruismo" ng pilosopong Pranses na si Auguste Comte sa wikang Pranses, altruisme, bilang kabaligtaran ng pagkamakasarili.[1][2] Hinango niya ito mula sa altrui sa Italyano, na nakuha naman mula sa alteri sa Latin, na nangangahulugang "kapwa" o "ibang tao".[3]

Ang altruismo sa mga obserbasyong biyolohikal sa mga populasyon sa larangan ay isang indibidwal na kumikilos kung saan may pinaggagastusan o may nasasakripisyo (hal. kasiyahan at kalidad ng buhay, oras, probabilidad na makaligtas o magparami), ngunit nagpapapakinabang, direkta man o hindi, sa iba pang indibidwal, nang walang inaasahang katumbas o kabayaran para sa kilos na iyon. Inimumungkahi ni Steinberg ang isang depinisyon para sa altruismo sa klinikal na larangan, na "mga sinasadya at kusang-loob na kilos na may layuning mapahusay ang kapakanan ng isa pang tao sa kawalan ng anumang quid pro quo na gantimpalang panlabas".[4] Sa isang diwa, ang kabaligtaran ng altruismo ay poot (spite); ang mapoot na kilos ay nakapipinsala sa iba nang walang pakinabang sa sarili.

Nagkakaiba ang altruismo mula sa mga damdamin ng katapatan, anupat habang ang huling nabanggit ay nakasalalay sa mga kaugnayang panlipunan, hindi ikinokonsidera ng altruismo ang mga relasyon. Maraming debate ang umiiral sa kung baga posible ang altruismong "tunay" sa sikolohiya ng tao. Inimumungkahi ng teorya ng egoismong sikolohikal na walang gawa ng pagbabahagi, pagtutulong o pagsasakripisyo ay mailalarawan bilang altruistiko talaga, dahil ang gumagawa ay maaaring makatanggap ng gantimpalang likas (intrinsic reward) sa anyo ng pansariling kasiyahan. Nakadepende ang bisa ng argumentong ito kung kuwalipikado ang mga gantimpalang likas bilang mga "benepisyo".

Maaaring tumukoy rin ang salitang altruismo sa isang doktrina sa etika na nagsasabing ang mga indibidwal ay may moral na obligasyon na makinabang ang iba. Kapag ginamit sa diwang ito, kadalasan ito ay ipinakikitang naiiba sa egoismo, na nag-aangkin na ang mga indibidwal ay may moral na obligasyon na magsilbi muna sa kanilang sarili. Ang altruismong epektibo ay ang paggamit ng ebidensya at katwiran upang malaman ang mga pinakaepektibong paraan para makinabang ang mga iba.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "altruism (n .)". Online Etymology Dictionary. Douglas Harper. Nakuha noong Setyembre 19, 2014.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Teske, Nathan (2009). Political Activists in America: The Identity Construction Model of Political Participation [Mga Aktibista sa Politika sa Amerika: Ang Modelo ng Pagkakagawa ng Pagkakakilanlan ng Pakikilahok sa Politika] (sa wikang Ingles). University Park, Pa.: Pennsylvania State University Press. p. 101. ISBN 9780271035468.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Ciciloni, Ferdinando (1825). A Grammar of the Italian Language [Balarila ng Wikang Italyano] (sa wikang Ingles). London: John Murray. p. 64.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Steinberg, David (2010). "Altruism in medicine: its definition, nature, and dilemmas" [Altruismo sa medisina: ang kahulugan, katangian, at mga suliranin nito]. Cambridge Quarterly of Healthcare Ethics (sa wikang Ingles). 19 (2): 249–57. doi:10.1017/s0963180109990521. PMID 20226108.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)