Pumunta sa nilalaman

Anohana

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Anohana
Anohana: The Flower We Saw That Day
あの日見た花の名前を僕達はまだ知らない。
Hindi pa rin Natin Alam ang Pangalan ng Nakita Nating Bulaklak nung Araw na Iyon
DyanraDrama, Slice of life, Kababalaghan
Nobelang seryal
KuwentoMari Okada
NaglathalaMedia Factory
ImprentaMF Bunko Da Vinci
MagasinDa Vinci
TakboMarso 2011Hulyo 2011
Bolyum2
Teleseryeng anime
DirektorTatsuyuki Nagai
IskripMari Okada
MusikaRemedios
EstudyoA-1 Pictures
Inere saFuji TV (Noitamina), BS Fuji, Kansai TV, Tokai TV
Takbo15 Abril 2011 (2011-04-15) – 23 Hunyo 2011 (2011-06-23)
Bilang11 (Listahan ng episode)
 Portada ng Anime at Manga

Ang Anohana, buong pamagat Ano Hi Mita Hana no Namae wo Bokutachi wa Mada Shiranai,[a] ay isang orihinal na teleseryeng anime noong 2011 na ginawa ng Super Peace Busters (超平和バスターズ, Chou Heiwa Basutāzu), isang kolektibong pansining (artist collective) na kinabibilangan nina Tatsuyuki Nagai (direktor), Mari Okada (iskrip), at Masayoshi Tanaka (tagadisenyo ng karakter). Prinodyus ng A-1 Pictures ang naturang anime at umere noong Abril hanggang Hunyo 2011 sa Fuji TV. Kasalukuyang lisensiyado sa Hilagang Amerika ang Aniplex of America.

Isinanobela ang anime ni Mari Okada, na baha-bahaging lumabas sa magasing Da Vinci mula noong Marso hanggang Hulyo 2011. Iginuhit naman ni Mitsu Izumi ang manga nito at nagsimulang lumabas sa magasing Jump Square ng Shueisha noong Mayo 2012 na isyu nito. Inilabas naman ng 5pb. ang larong nobelang biswal (visual novel) nito para sa PlayStation Portable (PSP) noong Agosto 2012. Inilabas naman sa mga sinehan ng bansang Hapón ang pelikulang anime nito noong ika-31 ng Agosto 2013. Nagkaroon rin ito ng isang teledrama, na unang lumabas noong Setyembre 2015 sa Fuji TV.

Sa lungsod ng Chichibu, Saitama, naghiwalay ng landas ang anim na magkababatang magkakaibigan matapos mamatay sa isang di inaasahang aksidente ang isa sa kanila, si Meiko "Menma" Honma. Limang taon pagkatapos, sumuko na sa lipunan ang lider ng grupo nilang si Jinta Yadomi, na di na pumapasok sa haiskul, at naging isang hikikomori. Isang araw sa tag-init, nagpakita ang tumandang multo ni Menma sa kanya, at humihiling na matupad sana ang kahilingan niya, sa kadahilanang hindi siya makakatawid sa kabilang-buhay hangga't hindi iyon natutupad. Tumulong agad si Jinta, na sa una'y inakalang guni-guni lang niya ang nakikita niya. Kaso lang, di matandaan ni Menma ang hiling niya, kaya naman sinubukang buuin muli ni Jinta ang nasira nilang grupo. Sumali muli ang lahat, kahit na napilitan lang ang karamihan sa kanila. Gayunpaman, lalong gumulo ang sitwasyon nang inakusahan nila si Jinta na hindi maka-move on sa biglang pagkamatay ni Menma, dahil hindi naman nila nakikita si Menma at naniniwalang guni-guni lang ni Jinta ang nakikita niya. Dahil rito, nagparamdam si Menma sa kanila para patunayan na totoong nandoon siya. Matapos nito, sinisi nila ang mga sarili nila sa nangyaring aksidente at muli silang nagkaayos. Susubukan ng grupo na tulungan si Menma na makatawid sa kabilang-buhay.

Jinta "Jintan" Yadomi (宿海 仁太, Yadomi Jinta)
Boses ni: Mutsumi Tamura (Hapones), Tara Sands (Ingles) (bata)
Boses ni: Miyu Irino (Hapones), Griffin Burns (Ingles) (tinedyer)
Ang de-facto na lider ng pangkat nilang Super Peace Busters nung mga bata pa lang sila. Masayahin at masigla si Jinta noong bata siya, ngunit naging malungkutin at di na palabas ito mula nung namatay si Menma at ang nanay niya. Matapos mamatay ni Menma, nabuwag ang pangkat, at naging isang hikkikomori si Jinta— di na pumapasok sa paaralan at palaging siyang nakakulong sa bahay niya. May gusto siya kay Meiko nung bata siya, pero ayaw niyang umamin tungkol rito. Ito ang dahilan ng mga sunod-sunod na pangyayari na humantong sa pagkamatay ni Menma. Inakala niya nung una na guni-guni niya lang ang multong Menma na tinatawag niyang "ang halimaw ng tag-init." Kalaunan, nagdalawang-isip siya kung pagbibigyan niya ang hiling ni Menma, dahil sa oras na natupad ang hiling nito, maglalaho ulit ito. Gayunpaman, ang pagpapakita ni Menma sa kanya ang naging dahilan upang lumabas siya at sumama muli sa pangkat.
Meiko "Menma" Honma (本間 芽衣子, Honma Meiko)
Boses ni: Ai Kayano (Hapones), Xanthe Huynh (Ingles)
Mula sa pamilyang may halong Ruso at Hapon, maagang namatay si Menma dahil sa isang aksidente di kalayuan sa "báse" ng kanilang pangkat. Ilang taon makalipas, nagpakita muli siya kay Jinta bilang isang multo. Kahit na alam niyang patay na siya, madaldal at masigla pa rin ito. Malaki ang pagpapahalaga niya sa mga alaalang ginawa nila nung bata pa sila, kasama na ang isang hiling kay Jinta na hindi niya maalala. Nung nagpakita siya kay Jinta, tumanda siya nang ilang taon, ngunit pambata pa rin ang kinikilos niya at pananalita. Suot-suot niya ang puting damit na suot niya nung araw na namatay siya. Nakayapak siya dahil nawala ang sapatos na suot-suot niya nung araw ding iyon. Wala siyang kinikimkim na galit sa pangkat dahil sa aksidente, ngunit gusto niya lang sumakabilang-buhay na para mabuhay siya muli sa mundo ng mga kaibigan niya. Matindi ang pag-aaalala ni Menma kay Jinta, na nagpatuloy pa hanggang sa muli niyang pagpakita sa kanya.
Naruko "Anaru" Anjo (安城 鳴子, Anjō Naruko)
Boses ni: Haruka Tomatsu (Hapones), Erica Lindbeck (Ingles)
Isa sa mga miyembro ng pangkat. Masama ang ugali niya kay Jinta, lalo na kung nasa harap siya ng mga kaibigan niya. Gayunpaman, nag-aalala pa rin siya sa kanya. Madali siyang madala ng iba at sumama sa kanila kahit na ayaw niya ang ginagawa ng mga ito. Humahanga siya kay Menma simula pa nung bata pa sila, ngunit naiinggit din siya sa relasyon niya kay Jinta. Nasa senior high siya sa simula ng serye, at siya ang pinakamalapít kay Jinta nung umpisa. Duda siya nung una sa pagbabalik ni Menma. Sumama ang loob niya nang matanong niya ang mga nangyari nung araw na iyon na humantong sa pagkamatay ni Menma.
Atsumu "Yukiatsu" Matsuyuki (安城 鳴子, Anjō Naruko)
Boses ni: Asami Seto (Hapones), Michelle Ruff (Ingles) (bata)
Boses ni: Takahiro Sakurai (Hapones), Ray Chase (Ingles) (tinedyer)
Isa sa mga miyembro ng pangkat. Awang-awa at inis na inis siya sa sitwasyon ni Jinta nung simula ng serye. Naiirita siya sa tuwing napupunta kay Menma ang usapan, dahil hindi pa rin siya maka-move on sa pagkamatay nito. Nag-aaral sa parehong paaralan ni Chiriko. Gwapo, matipuno, at sikat si Atsumu sa iba. Sinasabi niyang nakita niya ang "multo" ni Menma sa gubat, na kalaunan nabunyag bilang siya pala mismo ang may pakana, naka-wig at suot-suot ang isang puting damit na hawig sa damit ni Menma. Pakiramdam niya kasi na siya ang dahilan ng pagkamatay ni Menma, dahil umamin siya na gusto niya siya nung araw ng aksidente, ngunit sumagot si Menma, "mamaya muna," dahil kinailangan niyang sundan si Jintan, na humantong sa pagkamatay niya. Naniniwala siya na siya dapat ang minumulto ni Menma at hindi si Jintan, dahil sa mga nangyari. May maitim na budhi siya dahil na rin sa pagmamahal niya kay Menma at ang matinding pagkainggit kay Jinta.
Chiriko "Tsuruko" Tsurumi (鶴見 知利子, Tsurumi Chiriko)
Boses ni: Saori Hayami (Hapones), Erica Mendez (Ingles)
Isa sa mga miyembro ng pangkat. Tahimik palaging nagmamasid si Chiriko, at may napaka-seryosong pag-uugali. Pinapagalitan niya ang iba, lalo na kay Tsuruko dahil sa ugali nitong madaling madala ng iba. Siya at si Atsumu lang ang katangi-tanging nanatiling magkaibigan mula noong namatay si Menma. Madalas silang magkasama, na umaabot parati sa puntong inaakala ng iba na sila na. May gusto siya kay Atsumu, ngunit naiirita siya sa kanya dahil hindi ito maka-move on kay Menma. Nakuha niya ang isang hairpin na tinapon ni Atsumu pagkaraang humindi si Menma sa nadarama niya. Alam niyang hindi maka-move on si Atsumu sa pagkamatay ni Menma, at naniniwala siya na ang dahilan kung bakit nagpanggap si Atsumu bilang Menma ay upang makaya niya ang pagkawala nito. Kung walang ginagawa, parati siyang nagguguhit. Nang nalaman niyang nagpakita muli si Menma, wala siyang naramdamang kakaiba, at nagdududa na kung totoo ba talagang pinatawad ni Menma ang buong pangkat dahil sa mga pangyayari nung araw na iyon.
Tetsudo "Poppo" Hisakawa (久川 鉄道, Hisakawa Tetsudo)
Boses ni: Aki Toyosaki (Hapones), Abby Trott (Ingles) (bata)
Boses ni: Takayuki Kondō (Hapones), Kaiji Tang (Ingles) (tinedyer)
Isa sa mga miyembro ng pangkat. Nung bata pa sila, hangang-hanga siya kay Jinta. Umamin siyang masaya siyang nakasama sa pangkat dahil iba siya sa lahat. Kahit na di siya nakapagtapos ng pag-aaral, nalibot niya ang mundo at kumikita sa samu't saring mga part-time na trabaho. Naninirahan siya sa báse nila kung hindi siya nasa ibang bansa. Gustong-gusto niyang makita ang Super Peace Busters na muling mabuo, at agad na naniwala sa sinabi ni Jinta na nakikita niya si Menma. Siya ang tagapamagitan sa mga away ng pangkat. Gayunpaman, binunyag kalaunan na nakita niya ang aktwal na aksidente— nahulog si Menma sa isang bangin at dumalusdos hanggang sa ilog, kung saan inanod ng tubig ang walang-buhay na katawan ni Menma.

Baha-bahaging nilabas ang pagsasanobela sa serye sa magasing Da Vinci ng Media Factory mula sa isyu ng Marso hanggang sa Hulyo 2011. Isinulat ito ni Mari Okada. Inilathala sa ilalim ng imprentang MF Bunko Da Vinci ng Media Factory ang una sa dalawang tomo noong ika-25 ng Hulyo 2011. Sinimulang baha-bahaging nilabas ang pagsasa-manga ng serye, sa pagguhit ni Mitsu Izumi, noong isyu ng Mayo 2012 ng magasing Jump Square ng Shueisha. Tumakbo ito mula ika-4 ng Abril 2012 hanggang Marso 2013, kung saan nakagawa ito ng tatlong tomo.

Pinaiksi nang kaunti ng nobela at manga ang kuwento, kumpara sa anime.

Umere sa bansang Hapón ang anime mula ika-14 ng Abril hanggang ika-23 ng Hunyo 2011. Dinirek ito ni Tatsuyuki Nagai at prinodyus ng A1 Pictures. Ipinalabas ito sa Noitamina ng Fuji TV. Si Mari Okada ang nagsulat sa serye, habang si Masayoshi Tanaka, ang punong animador, ang nagdisenyo sa mga karakter. Dinirek naman ni Jin Akategawa ng Magic Capsule ang mga tunog, habang prinodyus naman ni Remedios ang musika ng anime. Nalisensiyahan naman ang NIS America para mailabas ito sa Hilagang Amerika na may Ingles na subtitle. Nilabas din nila ang anime sa DVD at Blu-ray noong ika-3 ng Hulyo 2012 nang magkasama. Nilabas naman muli ng Aniplex of America ang serye na may dub sa Ingles noong ika-31 ng Oktubre 2017.

Kinanta ng bandang Galileo Galilei ang pambungad na tema nito, ang Aoi Shiori,[b] habang kinanta naman nina Ai Kayano, Haruka Tomatsu, at Saori Hayami (mga nagboses kina Menma, Naruko, at Tsuruko sa anime) ang isang cover ng single ng bandang Zone noong 2001 na Secret Base (Kimi ga Kureta Mono) (10 years after Ver.).[c] Nilabas naman ang soundtrack ng serye noong ika-21 ng Disyembre 2011.

Samantala, nung muling inere ang anime sa Noitamina noong Hulyo 2013, binago ang pambungad ng tema ng serye, at ginamit ang Circle Game[d] na kinanta rin ng Galileo Galilei.

PamagatDirektorUnang inere
1"Chō Heiwa Basutāzu"
Super Peace Busters (lit. na 'Ang Dakilang Tagapamayapa')
(Hapones: 超平和バスターズ)
Tatsuyuki Nagai14 Abril 2011 (2011-04-14)[1]
2"Yūsha Menma"
Si Menma, ang Tagapagligtas
(Hapones: ゆうしゃめんま)
Fumie Muroi21 Abril 2011 (2011-04-21)[1]
3"Menma o Sagasou no Kai"
Search Party kay Menma
(Hapones: めんまを探そうの会)
Ai Yoshimura28 Abril 2011 (2011-04-28)[1]
4"Shiro no, Ribon no Wanpīsu"
Ang Puting Damit na may Laso
(Hapones: 白の、リボンのワンピース)
Kenichi Imaizumi5 Mayo 2011 (2011-05-05)[1]
5"Tonneru"
Tunnel
(Hapones: トンネル)
Takayuki Tanaka12 Mayo 2011 (2011-05-12)[2]
6"Wasurete Wasurenaide"
Kalimutan mo na, Kalimutan mo Yon
(Hapones: わすれてわすれないで)
Takahiro Harada19 Mayo 2011 (2011-05-19)[2]
7"Honto no Onegai"
Ang Tunay na Hinihiling
(Hapones: ほんとのお願い)
Tomohiko Itō26 Mayo 2011 (2011-05-26)[2]
8"I Wonder"
"lit. na 'Napaisip-isip ko'"
Ai Yoshimura2 Hunyo 2011 (2011-06-02)[2]
9"Minna to Menma"
Si Menma at ang Lahat
(Hapones: みんなとめんま)
Kenichi Imaizumi9 Hunyo 2011 (2011-06-09)[2]
10"Hanabi"
Paputok
(Hapones: 花火)
Toshiya Shinohara16 Hunyo 2011 (2011-06-16)[3]
11"Ano Natsu ni Saku Hana"
Ang Bulaklak na Namuklaklak nung Tag-init na Yon
(Hapones: あの夏に咲く花)
Tatsuyuki Nagai23 Hunyo 2011 (2011-06-23)[3]

Nagkaroon ang serye ng isang pelikula na may subpamagat na Menma e no Tegami.[e] Nilabas ito sa mga sinehan sa bansang Hapón noong ika-31 ng Agosto 2013. Naka-set ang kuwento ng pelikula sa bakasyon pagkatapos ng mga naganap sa anime, kung saan kinwento ng mga karakter ang mga pangyayari sa anime sa kanilang perspektibo habang nagpaplano silang magpadala ng isang sulat patungo kay Menma.

Ginamit ng pelikula bilang pangunahing tema nito ang pambungad na tema ng muling pagsasaere ng anime, Circle Game.[d] Nilabas ng Aniplex of America ang naturang pelikula sa parehong normal at limitadong set ng DVD at Blu-ray noong ika-15 ng Hulyo 2014.

Sa kanilang taunang ulat sa kita, inilahad ng Fuji Media Holdings ang Anohana bilang isa sa kanilang mga pinakakumitang anime, at sinabing isa itong "big hit." Sinabi rin nilang nakabenta sila ng 56,000 kopya ng unang tomo ng DVD nito.

Kumita ang pelikula ng $10 milyon (PhP43 milyon) sa takilya, at panglabing-apat ito na pelikulang pinakakumita sa bansang Hapón noong 2013.

Nakatanggap ng papuri ang serye sa paglabas nito. Kinokonsidera ang Anohana ng mga kritiko bilang isa sa mga pinakamagagandang anime ng dekada 2010s. Sinabi ni Julia Lee, nagsusulat para sa Polygon, na "pinaiyak nito nang lubusan kahit ang mga pinakamatitibay na tao, di dahil sa nakapalibot ang kuwento nito sa isang trahedya, kundi isa itong paalala na , habang lumalaki ang mga magkakaibigan, nagkakalayo-layo sila't nagbabago." Sinama rin ng Crunchyroll ang serye sa kanilang bersyon ng listahan; sinabi ni Daryl Harding na "pinasabog ng anime ang mga luha ng mga manonood sa buong mundo." Dagdag pa niya, kahit na isang dekada na'ng mula noong pinalabas ito, sinabi niyang "nagawang mahila pa rin ng team [kolektibong Super Peace Busters] ang damdamin ko, at hanggang ngayon, ramdam ko pa yon." Samantala, kinokonsidera naman ni Lauren Orsini, nagsusulat sa Forbes, na isa ito sa mga pinakamagagandang anime ng 2011; sabi niya, "Ang Anohana ay isang makabagbag-damdaming paglalakbay patungkol sa ma koneksyong nakabuhol kahit sa huling hantungan, na magpapatulo-luha sa inyo." Parehong sinabi nina Harding at Orsini na isa ito sa mga mahahalagang gawa sa karir ng manunulat na si Mari Okada.

  1. Hapones: あの日見た花の名前を僕達はまだ知らない, Filipino: Hindi pa Natin Alam ang Pangalan ng Nakita Nating Bulaklak nung Araw na Iyon, kilala rin sa Ingles nitong pamagat na Anohana: The Flower We Saw That Day (Filipino: Anohana: Ang Nakita Nating Bulaklak nung Araw na Iyon).
  2. Hapones: 青い栞, Filipino: Bughaw na Pananda
  3. Hapones: Secret Base ~君がくれたもの~ (10 years after Ver.), Filipino: Secret Base ~Kung Ano'ng Binigay Mo~ (10 years after Ver.)
  4. 4.0 4.1 Hapones: サークルゲーム, lit. na 'Larong Pabilog'
  5. Hapones: めんまへの手紙, Filipino: Sulat para kay Menma

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 "Ano Hi Mita Hana no Namae wo Bokutachi wa mada Shiranai" あの日見た花の名前を僕達はまだ知らない。 (sa wikang Hapones). Web Newtype. Inarkibo mula sa orihinal noong Mayo 3, 2011. Nakuha noong Disyembre 15, 2020.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 "Ano Hi Mita Hana no Namae wo Bokutachi wa mada Shiranai" あの日見た花の名前を僕達はまだ知らない。 (sa wikang Hapones). Web Newtype. Inarkibo mula sa orihinal noong Mayo 10, 2011. Nakuha noong Disyembre 15, 2020.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. 3.0 3.1 "Ano Hi Mita Hana no Namae wo Bokutachi wa mada Shiranai" あの日見た花の名前を僕達はまだ知らない。 (sa wikang Hapones). Web Newtype. Inarkibo mula sa orihinal noong Hunyo 10, 2011. Nakuha noong Disyembre 15, 2020.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Kawing panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]