Tugtuging pambayan sa Pilipinas
Ang mga tugtuging pambayan, awiting-bayan o kantahing-bayan sa Pilipinas ay mga awit o musika ng mga Pilipinong ninuno at hanggang ngayon ay kinakanta o inaawit pa rin. Halimbawa ng mga awiting ito ay Leron, Leron Sinta, Dalagang Pilipina, Bahay Kubo, Atin Cu Pung Singsing, Manang Biday at Paruparong Bukid.
Nanatiling paksa ng mga awiting-bayan ang katutubong kultura. Pinaksa ng mga awiting-bayan ang tungkol sa damdamin ng tao, paglalarawan at pakikitungo sa kapaligiran, kahalagahan ng paggawa, kagandahan ng buhay, pananalig, pag-asa, pag-ibig, kaligayahan, kalungkutan, at paglalahad ng iba-ibang ugali at kaugalian.
Uri ng awiting-bayan
Kundiman
Ito ay ang awit ng pag-ibig.
Halimbawa:
Dandansoy (isinalin mula sa Sugbuwanon/Cebuano)
Dandansoy, bayaan na kita
Uuwi na ako sa payaw
Kung sakaling maulila ka sa akin,
Tanawin mo lamang ako sa payaw
Dandansoy, kung susunod ka sa akin
Huwag kang magdadala ng tubig,
Kung sakaling ikaw ay mauhaw
Humukay ka ng balon sa daan.
Talindaw
Ito ay ang awit sa pamamangka.
Halimbawa:
An Balud (isinalin mula sa Waray)
Tila nag-aapoy, mapupulang langit
Maging itong dagat, tila nagngangalit
Siguro'y may nagkaingin kung saan
Malakas na hangin ang dumadaluyong.
Daluyong na ito'y laruan ng dagat
Na nagmula pa sa karagatan
Ang gabing madilim, tubig na malinaw
ang pag-asa ng mga mandaragat
Oyayi o Hele o Duayya
Ito ay ang awit sa pagpapatulog ng bata.
Halimbawa:
Hiligaynon Lullaby (isinalin mula sa Hiligaynon)
Bunso ko, bunso ko, matulog ka na,
Ang iyong ina ay wala pa,
Pumunta sa tindahan, bibili ng ulam,
Bunso ko, bunso ko, matulog ka na.
Diona
Ito ay ang awit sa kasal.
Halimbawa:
[walang pamagat]
Umawit tayo at ipagdiwang
Ang dalawang puso ngayo'y ikakasal
Ang daraanan nilang landas
Sabuyan natin ng bigas.
Soliranin o Suliranin
Ito ay ang awit sa paggaod habang namamangka o sa mga manggagawa.
Halimbawa:
Magtanim ay 'di Biro
Magtanim ay 'di biro
Maghapong nakayuko
Di man lang makaupo
Di man lang makatayo
Braso ko’y namamanhid
Baywang ko’y nangangawit.
Binti ko’y namimitig
Sa pagkababad sa tubig.
Sa umaga, paggising
Ang lahat, iisipin
Kung saan may patanim
May masarap na pagkain.
Dalit o Imno o Himno
Ito ay ang awit sa diyos-diyosan ng mga Bisaya Oyayo o kaya naman sa pagsamba.
Dung-aw
Ito ay ang awit sa patay o pagdadalamhati ng mga Ilokano.
Rawitdawit
Ito ay ang awit ng mga lasing.
Sambotani
Ito ay ang awit ng pagtatagumpay.
Maluway
Ito ay ang awit sa sama-samang paggawa
Kutang-kutang
Ito ay ang awiting panlansangan.
Pananapatan
Ito ay ang panghaharana sa Tagalog.
Balitaw
Ito ay ang panghaharana sa Bisaya
Pangangaluwa
Ito ay ang awit sa araw ng mga patay ng mga Tagalog.
Mga sanggunian
Mga sipi
- ↑ Magtanim ay Di Biro: Filipino Folk Song tagaloglang.com Retrieved 20 June 2019
Mga pinagkukunan
- Baybayin: Paglalayag sa Wika at Panitikan 7 by Ramilito Correa ISBN 978-971-23-7028-1 p. 121-125, 190-191
- Baybayin: Paglalayag sa Wika at Panitikan 8 by Remedios Infantado ISBN 978-971-23-7030-4 p.31-33
- Sinamar 7 by Maria Eliza Lopez, Erleen Ann P. Lorenzo, Teody C. San Andres, Ma. Lordes R. Quijano, Jocelyn D.R. Canlas, Mercy M. Edma ISBN 978-971-014-355-9 p. 114