Pumunta sa nilalaman

Pagbutas sa bungo

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Burr)

Ang pagbutas sa bungo o pagbutas ng bungo, na tinatawag ding trepanasyon o trepinasyon (Ingles: trepanning, trepanation, mula sa salitang-ugat na trepan; tinatawag pa ding trephining o trephination, na may kahulugang paggawa ng burr hole o "butas na inuka"), ay isang interbensiyon o paggawa ng butas sa pamamagitan ng pagbarena o paggawa ng uka na tumatagos sa bungo ng tao, na nagpapalitaw ng dura mater upang malunasan ang mga suliranin sa kalusugan na may kaugnayan sa mga karamdamang intrakranyal. Bagaman karaniwang isinasagawa ang pagbutas sa bungo, maaari ring isagawa ang trepanasyon o trepinasyon (pagbarena o pag-uka) sa mga kaibabawan ng iba pang mga bahagi ng katawan, kabilang na ang mga himlayan ng kuko (patungan ng kuko). Madalas itong ginagamit upang alisin o bawasan ang presyon na nasa ilalim ng isang kaibabawan o kalatagan. Ang trepino ay isang instrumentong ginagamit para sa paggupit o paghiwa ng isang bilog o bilugan na piraso ng bungo.

Ang ebidensiya ng trepanasyon ay natagpuan sa mga bangkay ng mga taong prehistoriko magmula sa kapanahunang Neolitiko na pasulong sa sumunod pang mga kapanahunan. Ang mga pagpipinta sa mga yungib ay nagpapahiwatig na ang mga tao ay naniwala na ang gawain ay makapagtatanggal o makagagamot ng mga atake ng epilepsiya (mga sumpong ng epilepsiya, na mga seizure kung tawagin sa Ingles), mga matitinding sakit ng ulo, at mga diperensiya sa utak (sakit sa utak).[1] Ang buto na nakuha mula sa bungo ay itinabi ng mga taong prehistoriko at maaaring isinusuot bilang isang anting-anting upang mapanatili ang paglayo o hindi paglapit ng masasamang mga espirito. Iminumungkahi rin ng mga katibayan na ang trepanasyon ay isang primitibong siruhiyang pang-emerhensiya pagkaraan ng pagkakaroon ng mga sugat sa ulo<[2] upang matanggal ang nabasag na maliliit na mga piraso ng buto magmula sa isang nalamatan o nabasag na bungo at upang palabas na maalis ang dugo na karaniwang naiipon sa ilalim ng bungo pagkaraan ng isang pagtama sa ulo. Ang ganiyang mga kapinsalaan ay karaniwang dinurulot ng primitibong mga sandatang katulad ng mga tirador at mga pamalong pandigma.[3]

Mayroong ilang kontemporaryong paggamit ng kataga. Sa makabagong pagtitistis ng mata (siruhiya ng mata), ang isang instrumentong trepino ay ginagamit sa siruhiya ng pag-ani at muling pagtatanim ng kornea. Ang gawaing pagbarena ng isang butas na tumatagos sa isang kuko ng daliri o kaya kuko ng paa ay tinatawag ding trepinasyon. Isinasagawa ito ng isang manggagamot o siruhano (maninistis) upang bawasan o tanggalin ang hapdi na may kaugnayan sa isang hematomang subungual (dugong namuo sa ilalim ng kuko o pasa sa ilalim ng kuko); ipinapalabas ang isang maliit na dami ng dugo sa pamamagitan ng butas at ang hapding dahil sa presyon ay nababawasan nang bahagya.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Brothwell, Don R. (1963). Digging up Bones; the Excavation, Treatment and Study of Human Skeletal Remains. London: British Museum (Natural History). p. 126. OCLC 14615536.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Weber, J.; and A. Czarnetzki (2001). "Trepanationen im frühen Mittelalter im Südwesten von Deutschland - Indikationen, Komplikationen und Outcome". Zentralblatt für Neurochirurgie (sa wikang Aleman). 62 (1): 10. doi:10.1055/s-2001-16333.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "The Skull Doctors - www.trepanation.com". Web.archive.org. 2001-02-02. Inarkibo mula sa orihinal noong 2001-02-02. Nakuha noong 2012-04-05.{{cite web}}: CS1 maint: bot: original URL status unknown (link) CS1 maint: date auto-translated (link)[patay na link]