Pumunta sa nilalaman

Pagsubok na Hershey-Chase

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Eksperimentong Hershey-Chase)
Paglalarawan ng eksperimentong Hershey-Chase.

Ang mga pagsubok na Hershey-Chase o mga eksperimentong Hershey-Chase ay mga serye o sunud-sunod na mga pagsubok o eksperimentong isinigawa nina Alfred Hershey at Martha Chase noong 1952, na nagpapatibay na sa DNA bilang isang materyang henetiko o henetikong materyal, na unang nailarawan sa eksperimentong Avery-MacLeod-McCarty noong 1944. Habang nalalaman na ng mga biyologo ang DNA mula 1869, karamihan sa mga biyologong ito ang nagpalagay - sa kapanahunang iyon - na ang mga protina ang nagdadala ng mga kabatiran o impormasyon para sa mga pagmamana ng mga katangian.

Isinagawa nina Hershey at Chase ang kanilang mga eksperimento sa birus na T2 phage, na may kayariang kamakailan lamang naipakita sa pamamagitan ng pagagamit ng mikroskopyong elektron. Binubuo ang phage o "page" (bigkas: /pa-ge/) na ito ng nag-iisang protinang "kabibe" o balot na naglalaman ng kaniyang sariling henetikong materyal o sangkap. Nilulusob (impeksiyon) ng phage ang isang bakterya sa pamamagitan ng pagkabit sa panlabas na lamad o membrano ng bakterya at magtutusok o magiiniksiyon ng kaniyang henetikong sangkap, na magiging sanhi ng paglikha ng bakterya (sa pamamagitan ng "makinaryang panghenetiko" ng bakterya) ng mas marami pang mga birus. Maiiwanang nakakabit sa bakterya ang walang lamang "kabibe" o balot ng phage.

Paglalarawan ng kayarian ng pageng T2 o T2 phage.

Sa unang pagsubok, tinandaan o minarkahan nila ang DNA ng mga phage ng radyoaktibong posporo-32 (phosporus-32). Mayroong elemento posporo sa DNA subalit wala sa kahit anumang 20 asidong aminong pinagmumulan ng mga protina. Pinayagan nilang lusubin ng mga E. coli. Pagkatapos, tinanggal nila ang mga protinang "kabibe" o balot mula sa mga nahawahang mga selula o sihay sa pamamagitan ng mga panghalo at isang centrifuge. Natuklasan nila na matatanaw lamang ang panandang radyoaktibo sa mga selula ng bakterya at hindi mapagmamasdan sa mga balot o kabibeng protina.

Sa pangalawang eskperimento, tinatakan nila ang mga "page" o phage ng radyoaktibong sulpuro-35 (sulfur-35). Mayroong sulpuro sa mga asidong aminong cysteine at methionine, ngunit wala sa DNA. Pagkatapos ng paghihiwalay, natagpuan ang panandang tatak na radyoaktibo mula sa mga kabibeng protina, ngunit wala sa mga naimpeksyunang bakterya. Isa itong pagpapatunay na ang materyang henetiko na lumulusob o umiimpeksiyon sa bakterya ay ang mismong DNA.

Nakasama si Hershey sa mga pinarangalan ng Premyong Nobel para sa Pisyolohiya o Medisina noong 1969, para sa kaniyang mga natuklasan hinggil sa kayariang henetiko o pangpagmamana ng mga birus.