Galyetas
Lugar | Estados Unidos |
---|---|
Gumawa | Theodore Pearson |
Pangunahing Sangkap | Arina, Tubig |
|
Ang kraker, galyeta, o galyetas (Ingles: cracker) ay isang hinurnong pagkain na karaniwang gawa mula sa grano, harina, masa, at karaniwang ginagawa nang maramihan. Ang mga kraker (na katumbas ng mga biskwit sa Nagkakaisang Kaharian) ay karaniwang sapad, malutong, maliit ang sukat (karaniwang 3 mga pulgada o mas maiksing diyametro) at karaniwang ginagawa na may sari-saring mga hugis, bagaman karaniwang bilog, parisukat, o parihaba. Ang mga pampalasa, katulad ng asin, yerba, mga buto, at/o keso, ay maaaring idagdag sa masang panggawa ng kraker o ibinubudbod sa ibabaw bago hurnuhin. Ang mga kraker ay kadalasang itinuturing bilang isang masustansiya at maginhawang paraa ng pagkonsumo ng isang pangunahing pagkain o granong angkak. Ang mga galyetas ay kinakain na nag-iisa lamang o may kasamang iba pang mga pagkain, katulad ng keso o mga hiwa ng karne, mga sawsawan, o malambot na mga palaman katulad ng mga mantikilya, mantikilyang mani, margarina, o halaya. Ginagamit din sila bilang mga panlinis ng ngala-ngala sa pagitan ng pagsubok ng mga produktong pagkain. Ang ninuno ng makabagong kraker ay maaaring matagpuan sa mga biskuwit na pambarkong nautikal, mga biskwit na pangmilitar (iyong tinatawag na hardtack sa Ingles), at mga tinapay na pangsakramento. Ilan sa mga kanunu-nunuan ng mga ito ay matatagpuan sa mga sinaunang sapad na tinapay, na katulad ng lavash, pita, matsa, flatbrød, at malutong na tinapay. Kabilang sa mga katumbas nito sa Asya ang papadum at senbei.
Kasaysayan ng galyetas
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sinasabi na ang mga galyetas ay naimbento noong 1972, nang si John Pearson ng Newburyport, Massachusetts, Estados Unidos ay gumawa ng isang produktong tinapay mula sa harina at tubig lamang na tinawag niyang Pearson's Pilot Bread (Pampilotong Tinapay ni Pearson). Agad itong nagtagumpay bilang pagkaing pangmandaragat dahil sa tagal ng buhay nito bago masira. Tinawag din itong hardtack o biskwit na pangdagat. Ito ang unang nagging gawaan ng tinapay sa Estados Unidos, at gumawa ng mga galyetas sa loob ng mahigit sa isang daantaon.[1] Ang Crown Pilot Crackers na nagbuhat sa resiping ito ay ginawa at ipinagbili sa Bagong Inglatera magpahanggang kaagahan ng 2008, at ginamit sa nakaugaliang mga resipi ng kabyang tsauder.
Subalit ang tunay na sandaling mapanghimagsik sa buhay ng galyetas ay dumating noong 1801, nang isa pang panadero, na si Josiah Bent, ay hindi sinasadyang nakasunog ng isang pangkat ng mga biskwit na isinalang niya sa kanyang hurnuhang yari sa ladrilyo. Ang malutong na ingay o “kaluskos” na nagmula sa nasilabang mga biskwit ang napaghanguan ng pangalan nitong cracker sa Ingles, na naging kraker sa Tagalog. Dahil sa dasdas o budbod ng pagiging mapangatha, kinumbinsi ni Bent ang mga mangangalakal at mga tagapamili hinggil sa potensiyal ng kraker na maging isang pagkaing pangmeryenda. Sa pagsapit ng 1810, naging malakas ang pagtakbo ng kanyang negosyo, at sa paglipas ng mga taon, ipinagbili ni Bent ang kanyang kompanya sa National Biscuit Company, na ngayon ay nagnenegosyo sa ilalim ng pangalang Nabisco.
Noong 1999, ang industriya ng mga kuki at mga galyetas sa Estados Unidos ay nagpapahanapbuhay ng 37,857 mga tao, na may pagbebenta na lumalampas sa $10 mga bilyon.[2]
Mga uri
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang mga butas sa mga galyetas ay nagsisilbi bilang mga pambawas o pampigil ng mga pagkakaroon ng napaka malalaking mga bulsa ng naiipong hangin habang niluluto ang mga galyetas. Mayroong iba’t ibang mga hugis at sukat ang mga galyetas; mayroon bilog, parisukat, parihaba, tatsulok, at iba pa.
Ang pangalang “kraker” ay pinaka kadalasang ginagamit para sa mga biskwit na sapad at may malasa at maalat ng lasa, na dahil dito ay maipagkakaiba mula sa isang “kuki” na maaaring kahalintulad ng isang galyetas dahil sa anyo at kagaspangan (tekstura), subalit ang kuki ay matamis. Ang mga galyeta ay lalo pang maipagkakaiba mula sa mga kuki ayon sa paraan ng pagluluto nito. Ang mga kraker ay payak na ginagawa sa pamamagitan ng pagpapatung-patong ng mga masang panggawa ng tinapay; samantala, ang mga kuki o kukis ay ginagawa sa pamamagitan ng mararaming mga kaparaanan, katulad kumbaga sa paggawa ng mamon o keyk, na marami ring mga paraan ng paghahanda at pagluluto. Kung minsan, ang mga galyetas ay nilalangkapan ng keso, pampalasa, mga pampalabok, mga panrekado, o kaya ay sabaw na kinatas mula sa mga manok. Sa pangkaraniwan, ang mga kraker ay mga produktong na yari sa harinang inasinan.
Ang ilan sa mga galyetas ay pinapahiran ng keso, pâté, o mousse. Samantala, ang mga galyetang saltino at galyetang talaba ay madalas na ginagamit o inihahain bilang kasamahan ng mga sabaw. Ang pastel na mansanas o empanadang mansanas ay gawa mula sa mga galyetas na katulad ng may tatak na Ritz o kahalintulad nito. Ang mga galyetang Graham at biswit na panunaw ay kinakain na katulad ng pagkain sa mga kuki, bagaman kapwa sila naimbento para sa pinapalagay na mga kainamang pangkalusugan.
Tingnan din
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Read, Reflect, Respond - Book 2. R.I.C. Publications.
- ↑ Kabatiran mula sa senso ng Estados Unidos
Mga kawing panlabas
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Paggawaan ng Skyflakes ng M.Y. San