Pumunta sa nilalaman

Enrique IV ng Pransiya

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Henri-Quatre)
Si Haring Enrique IV ng Pransiya, na nakikilala rin bilang Haring Enrique III ng Navarre.

Si Enrique IV (13 Disyembre 1553 – 14 Mayo 1610), Henri-Quatre (Pagbigkas sa Pranses: [ɑ̃.ʁi'katʁ]), ay naging Hari ng Navarre (bilang Henry III o Enrique III) mula 1572 hanggang 1610 at Hari ng Pransiya mula 1589 hanggang 1610. Nakikilala rin siya bilang Henry ng Navarre, Enrique ng Navarre, Henry IV, o Enrique IV ng Pransiya. Siya ang naging unang monarkang Pranses ng Kabahayan ng Bourbon (Sambahayan ng Bourbon). Kabahagi siya ng dinastiyang Capetiano. Habang namumuno siya, ipinagawa niya ang Grande Galerie sa ibabaw ng Louvre.

Nabinyagan bilang isang Katoliko, lumipat siya sa Protestantismo na kasama ang kaniyang inang si Jeanne d'Albret, na Reyna ng Navarre. Namana niya ang trono ng Navarre noong 1572 nang mamatay ang kaniyang ina. Bilang isang Huguenot, kalahok si Henry sa Mga Digmaan ng Relihiyon ng Pransiya; halos hindi niya natakasan ang isang pagtatangka ng asasinasyon niya noong panahon ng masaker noong Araw ni San Bartolome, at lumaon niyang pinamunuan ang mga puwersang Protestante laban sa maharlikang hukbong panlupa.

Bilang isang Pranses na Prinsipe sa Dugo (prince du sang) dahil sa kaniyang pagiging kadugo o mula sa angkan ni Haring Louis IX, lumuklok siya sa trono ng Pransiya nang mamatay ang kaniyang walang anak na pinsang lalaking si Henry III noong 1589. Sa pagtanggap sa trono, natuklasan niya na mas mahinahon at marapat na itakwil niya ang kaniyang paniniwalang Calvinista. Gayon man, ang kaniyang koronasyon bilang hari ay nasundan ng isang digmaang nagtagal nang apat na mga taon laban sa Ligang Katoliko upang mailunsad ang kaniyang pagiging tunay at katanggap-tanggap na katayuan bilang hari.

Bilang isa sa pinakabantog na mga haring Pranses, kapwa noong habang namumuno at pagkaraan ng kaniyang pamumuno, nagpakita si Henry ng malaking pagbibigay ng halaga sa kapakanan ng kaniyang mga pinamumunuan. Bilang isang politikong pragmatiko (praktikal), nagpamalas siya ng isang hindi pangkaraniwang pagpapaubaya at pagpaparaya (toleransiya) sa relihiyon noong kaniyang kapanahunan. Kapansin-pansin ang kaniyang pagsasakatuparan ng Kautusan ng Nantes noong 1598, na nagbigay ng garantiya sa mga kalayaang panrelihiyon sa mga Protestante, na mabisang nakapagbigay ng wakas sa Mga Digmaan ng Relihiyon. Pinaslang siya, sa pamamagitan ng asasinasyon, ni François Ravaillac, isang Katolikong panatiko.[1]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Baird, Henry M., The Huguenots and Henry of Navarre, Tomo 2, (Charles Scribner's Sons:New York, 1886), 486.