Pumunta sa nilalaman

Ibaloi

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Ibaloy)
Ibaloi
Ivadoy
Isang babaeng Ibaloi
Kabuuang populasyon
209,338[1] (2020)
Mga rehiyong may malaking bilang nila
 Pilipinas (Rehiyong Administratibo ng Cordillera)
Wika
Ibaloi, Ilokano, Tagalog
Relihiyon
Kristiyanismo, katutubong relihiyon
Kaugnay na mga pangkat-etniko
Mga Igorot

Ang Ibaloi, binabaybay ding Ibaloy ay isa sa mga taong katutubo o mga pangkat etniko sa Pilipinas na kapag ipinagsama-sama ay kilala bilang Igorot. Sila ay naninirahan sa kabundukan ng gitnang bahagi ng Cordillera sa Luzon. Mayroong mahigit dalawandaang libong Ibaloi at karamihan sa kanila ay matatagpuan sa timog bahagi ng lalawigan ng Benguet.[2] Ang kanilang wika ay “Nabaloi”.[3]

Pagkakadiskubre at Pinagmulan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Dalawa ang tinitignang dahilan kung bakit natuklasan ang Baguio: ang paghahanap ng mga Espanyol ng ginto at ang paghahanap ng mga Amerikano ng mapagdedestinuhan. (Brett, 1988) Bagkus, natagpuan ng mga dayuhan ang mga Ibaloi na namamalagi sa Baguio. Maraming pasalitang salaysay ang sumusubok at nagtatangka na ilarawan ang pinagmulan ng mga Ibaloi. Ayon sa mga ito, ang grupo ay nagmula sa second wave ng mga Malay at mga Indonesians na nagmula sa Pangasinan at tumungo pa-Hilaga at saka namalagi sa “Baloy”. Ito na rin ang pinagmulan ng kanilang pagkakakilanlan—Ibaloi (galing sa Baloy).[4]

Ayon kay C. R. Moss, ang Ibaloi ay isang tribo ng mga Igorot na naninirahan sa hilagang parte ng probinsiya ng Benguet. (1876) Ngunit ayon naman sa monograph na pinamagatang Aesthetics and Symbolism as Reflected in the Material Culture of the Benguet Ibaloi, ang karamihan sa mga Ibaloi ay naninirahan sa dakong timog at sa dalawang-katlo ng silangang bahagi ng Benguet. Ang populasyon ng mga Ibaloi ay puro sa mga munisipalidad ng La Trinidad, Tuba, Itogon, Sablan, Atok, Bokod, and parts of Kapangan at Kabayan.[4]

Ang Wika ng Ibaloi ay nag-ugat sa Malayo-Polynesian na sangay ng Austronesyanong wika. Ito ay may kaugnayan sa wika ng Pangasinan na matatagpuan timog-kanluran malapit sa Benguet. (“Ibaloi” Wikipedia: The Free Encyclopedia) Sa paglipas ng panahon, unti-unting nalilimitahan ang paggamit ng Nabaloi. Ang patuloy na pagsasawalang-bahala dito ay makakaimpluwensiya sa maaaring paglaho ng lenggwaheng Ibaloi sa mga susunod na henerasyon. Ang paggamit ng wikang Tagalog, Ingles at Ilokano ay mas nagiging dominante maging sa bagong henerasyon ng mga katutubong Ibaloi. Ang layunin ng awtor ay subukang iligtas ang lenggwaheng Ibaloi mula sa tuluyan nitong paglaho.[5]

Pagkakakilanlan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Patungkol sa pananamit ng mga Ibaloi, ayon kay Dean Worcester: hindi tulad ng ibang mga hindi Kristyanong tribo sa hilagang Luzon, ang mga babaeng Ibaloi ay dinadamitan ang kanilang buong katawan. Ang kanilang palda ay abot hanggang tuhod at ilang patong ang kanilang pang-itaas. Ang mga lalaki naman ay nagsusuot ng bahag na may katambal na kumot upang takpan at protektahan ang itaas na bahagi ng katawan ng mga kalalakihan. Madalas sila ay mayroong mga telang nakapatong sa ulo na nagmimistulang turban.[6] Ang mga Ibaloi ay kilala bilang konserbatibo at mahiyain. Ang tipikal na kasuotan ng mga Ibaloi ay ang kambal (blusa) at ang a-ten o di-vet (tapis o palda). Kung minsan, para hindi mahubo ang tapis nila, gumagamit sila ng sinturon na tinatawag nilang donas. Sa mga kalalakihan naman, ang kuval ang ginagamit. May kasama itong mang’djet o binat’jek (headcloth). Ang mga headcloth ay pangkaraniwan sa kapwa lalaki o babae. Sa mga kalalakihan, ginagamit ito upang paglagyan ng mga personal na kagamitan tulad ng tobako.[4]

Ang proseso ng pagtatatu sa mga Ibaloi ay mahaba at sobrang sakit. Ang tawag nila sa tatu ay batek at ang isang taong may tatu ay tinatawag na isang a-batekan. Ang ‘artist’ o indibidwal na nagtatatu ay karaniwang lalaki. Pinaniniwalaan ng mga Ibaloi na ang pagtatatu ay isang paraan upang makaiwas sa isang lokal na sakit. Pinaniniwalaan rin nila itong nagpapahaba ng kanilang buhay. Ngunit ang pangunahing rason ng kanilang pagtatatu ay upang magayakan ang kanilang mga katawan.[4]

Ipinakikilala ng mga Ibaloi ang sarili nila bilang tahimik at mapayapa.[7]

Pagkakabuklod

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nahahati ang kanilang grupo sa dalawa: bakñang at kailian. Ang bakñang ang mga Ibaloi na nakaaangat sa buhay at ang mga commoner naman ang kailian.[7]

May mga paniniwala ang mga Ibaloi tungkol sa life cycle ng tao. Kapag nagdadalang-tao ang mga kababaihan, inaasahan na magiging mas maunawain at matiyaga ang mga asawa nito. Hindi maaaring gupitan ng buhok ang mga kalalakihan upang hindi ipanganak ang sanggol na walang buhok. Binibigyan ng hindi kanais-nais na pangalan ang sanggol upang mabuhay ito ng matagal. Pinapalitan lamang ang pangalan nito kapag umabot na ng tatlong taong gulang. (Alcantara, 1966)

Musika/Ritwal

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa mga probinsiya sa Cordillera, ang pamumuhay ng buong komunidad ay umaayon sa maraming klase ng seremonya o ritwal kaugnay ng kapanganakan, kasal, kamatayan, pagbabati, paggamot sa may sakit, pagdiriwang ng tagumpay o magandang ani at pagbabasbas ng bagong bahay. Malaking bahagi ang musika sa mga okasyong ito, na kadalasan ay siyang nagbibigay buhay sa pamamagitan ng pagtugtog ng gong at pag-awit sa mga epiko sa pamamagitan ng iba’t-ibang estilo. Maski sa mga gawaing di-pangseremonya tulad ng panliligaw at pag-aalaga sa bata ay hindi mawawala ang musika. Sa Ibaloy, bilang na lamang ang natitirang instrumento sa musika na para sa mga di-pangseremonyang okasyon. Ang sitarang gawa sa tabla na ang kababaihan lamang ang tumutugtog ay matatagpuan sa probinsiya ng Bokod. Bibihira naman ang tansong alpang pambibig (koding) samantalang ang mahabang pang-ugong na kawayan (pakkung) ay katutubo sa dakong ito. Naipaliwanag ni C.R. Moss ang dalawang instrumento na sa kasamaang palad ay tuluyan nang naglaho. Ang plawta (taladi) at ang hinating kawayan na may resonador na gawa sa bao (kambatong). Ang mga kantang bagbagtu at salidomay ang pinaka sikat na awitin ng Ibaloy na laganap sa kaalaman ng mga tao maging sa labas ng Cordillera. Ang peshit ay isa sa pinakamalaking seremonya na tinutugtog sa pamamagitan ng gong. Ito ay idinaraos ngayon bilang paggunita sa mga namayapang ninuno o di kaya’y sa mga pagdiriwang ng mga mayayaman o makapangyarihang pamilya. Tumatagal ito ng ilang araw at gabi. Isinasagawa ang pagaalay ng baboy (mangwek), ang pagtawag sa pangalan ng mga ninuno (kalaring) at ang pagtugtog ng sulibaw o ang pinakaimporateng drum ensemble.[8]

Istruktura ng bahay

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nakaugalian na ng mga Ibaloi na magtayo ng bahay tatlong pulgada mula sa lupa. Ang kanila lamang kagamitan ay mga troso at tabla.[3]

Mummification

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mayayamang tao lamang ang sumasailalim sa proseso ng mummification sa kultura ng Ibaloi at Kankanaey. Iniaayos ang bangkay nang nakaupo na tila ba ito’y nabubuhay pa at inilalagay ito sa ibabaw ng apoy upang mapausukan at mapreserba. Ang mga nakatatanda, kasama ang pamilya ng namayapa ay uupo sa harap ng bangkay at kakain tulad noong ito ay nabubuhay pa. Ang mga mummy na matatagpuang may tatu sa katawan ay yaong mayayaman. Ang tatu ay simbolo ng kayamanan at kadakilaan ng mga mandirigma o makapangyarihang tao. Sila ay dadamitan ng mga tradisyunal na damit na tinatawag na inabel, tapa, o eten (telang hinabi na kulay pula, itim at puti). Makalipas ng isa o dalawang buwan, inilalagay ang napreserbang labi sa kakaiba nitong kabaong. Ang kabaong ay dapat na magmula sa isang matibay na punong-kahoy. Kanila lamang bubutasan ang kahoy sa paraang magiging sapat ito upang isilid sa loob ang labi. Hindi maaaring gumamit ng bakal sa paggawa ng kabaong at lalong hindi maaaring magkaroon ng anumang pinsala ito. Pinaniniwalaan na ang patay ay maglalakbay sa kabilang buhay kaya kailangan nito ng kumot at ng isang kinatay na baboy ng mga kama-anak nito. Uulitin ang proseso kung may kahit ano mang maling mangyari maliban lamang sa mummification.[9]

Ang pangunahing inuukit ng mga Ibaloi ay ang kanilang mga kagamitan sa bahay, karamihan ay kagamitan sa kusina. Nakakapag-ukit rin sila ng kanilang mga kagamitang pang-musika tulad ng solibao at kimbal.[4]

Sa nakasanayan, ang mga Ibaloi ay kadalasang mga magsasaka. Ang pagtatanim ng palay o pagsasaka ang yumabong sa aspetong agrikultura ng mga Nabaloi. Sumunod rito ang pagtatanim ng Kamote at Gabi. Nag-alaga rin sila ng mga baka at pinagbebenta nila ang mga ito sa kapatagan.[3]

Nakikipagkalakalan ang mga Ibaloi sa mga taga-Pangasinan at La Union ng mga bulak na tela, kumot, asin, tobako at aso. Ang mga Nabaloi ang pinakamagagaling na cargadores sa mga Igorot.[3]

Politika/Pagbabatas

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mga Ibaloi ay sumusunod sa dalawang batas: ang customary law at state law. Ang customary law ang sinusunod ng mga mas maliliit na lugar. Samantalang ang state law naman ang sinusunod ng mas malalaking lugar tulad ng La Trinidad at Baguio City. Nagsimula ang kanilang pagkakaroon ng lupa sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga aba at paggawa ng mga rice terraces gamit ang mga lupain.[10]

Kaugalian nila na magkaroon ng mga intermarriages. Binibigyang importansiya nila ang kanilang mga ninuno kung kaya’t mayroon silang konsepto ng clan o angkan.[7]

Ang pinakamalawak na koleksiyon ng Ibaloi tales na mayroon sa ngayon ay ang koleksiyon ni Claude Moss, isang Amerikanong guro sa pampublikong paaralan dito sa Pilipinas noong panahon ng rehimeng Amerikano. Ang kanyang isandaan at labimpitong koleksiyon ng mga kuwento ay nai-rekord sa loob ng labintatlong taon niyang pamamalagi kasama ang mga Nabaloi. Lahat ng kuwentong ito ay naka-rekord sa wikang Nabaloi at Ingles. At nakolekta ang mga ito sa buong Benguet. Naniniwala si Moss na nasa kanyang koleksiyon ang karamihan ng folk tales ng mga Ibaloi, habang aminado siya na marami pang kuwento ang mga Ibaloi na hindi nya nagawang makuha. Dahil naniniwala si Moss na kanya nang nalibot ang kabuuan Kabayan (isang munisipalidad sa Benguet) naisip niyang pagtuunan ng pansin ang iba pang munisipalidad na may mga Ibaloi sa pag-asang makalikom ng iba pang klase ng sari-saring kuwento. Labinlima sa koleksiyon ni Moss ay nagpapakita ng kayamanan sa mga kuwento ng Bokod. Ang Bokod ay isa sa mga munisipalidad ng Ibaloi. Karamihan ng impormante ay sinasabing mga katutubo na galing sa Bokod ang kumakatawan sa halos lahat ng kuwentong-bayan ng Ibaloi. Malaking parte sa buhay ng Ibaloi ang pagkukuwento at pakikinig sa mga ito. Ayon kay Gloria Gondayao na principal adviser ng manunulat (Moss), ang story-telling ay nagaganap tuwing may kanyao o pista, o kaya naman kapag ang isang tao ay nahilingan na magkuwento. Hindi kailangang magkaroon ng espesyal na okasyon upang magsagawa ng story-telling. Ito ay maaaring isagawa sa kahit anong oras, sa kahit anong lugar, at ng kahit sinong tao. Karamihan sa isandaan at labimpitong kuwento ng Ibaloi sa koleksiyon ni Moss ay mitolohiya at alamat. Ang mga ito ay nauuri sa anim na bahagi: I. Cosmogonical Tales II. Tales of Origin of Culture III. Tales of Origin of Ceremonies IV. Tales of Origin of Animals and Their Traits V. Trickster Stories and Fables VI. Tales Reflecting Beliefs and Customs [11]

Ang Ibaloi Ngayon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mayroong kilalang 27 na pamilya ang mga Ibaloi. Isa sa pinakamalaki ay ang pamilya Cariño, at ang pinunong si Mateo Cariño ang may pinakamadaming paggmamay-aring lupa. Isa na rito ang Burnham Park – hanggang sa lupang kinatatayuan ngayon ng City Hall ng Baguio City. Samantala, ang mga lupang hindi inangkin ng mga Ibaloy ay naideklara bilang lupa ng publiko.[12] Ang Aspulan Inc. ay isang organisasyon na tumitiyak na ang mga Ibaloi ay sama-sama upang hindi tuluyang makuha ang kanilang lupain. Sinisigurado ng organisasyong ito na mapapangalagaan ang kanilang kultura sa pamamagitan ng pagtitipon-tipon. Para sa mga Ibaloi, mahalaga ang mga pagtitipong dahil dito nakikilala ng bawat isa ang kanilang mga kamag-anak; ito ang dahilan kung bakit naiiwasan nila ang mga intermarriages.[5]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Ethnicity in the Philippines (2020 Census of Population and Housing)". Philippine Statistics Authority. Nakuha noong Hulyo 4, 2023.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Ibaloi (2011 Setyembre 4) In Wikipedia. Retrieved from http://en.wikipedia.com/wiki/Ibaloi
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 Moss, C. R., (1876). Nabaloi law and ritual (Vol. 15, No.3). California: University of California Publications in American Archeology and Ethnology. pp. 207-342
  4. 4.0 4.1 4.2 4.3 4.4 Aesthetics and symbolism as reflected in the material culture of the Benguet Ibaloi., (UBULB0053878)
  5. 5.0 5.1 Anton, S. O., Calatan, R. C., Cariño, J., Kiswa, G. B., Macay, V., & Sinot, R. (2010). Ibaloi conversations on identity, community and well-being. Baguio City: Tebtebba Foundation
  6. Cariño, J., (2008). Baguio’s Forgotten Ibaloi Heritage. The Bagio City yearbook 2008, pp. 50-58
  7. 7.0 7.1 7.2 Scheerer, O., (1933).On Baguio’s past. Chapters from local history and traditions., (Accessory paper no. 1, 1931–1932 UBULB0060824). Second Part-X. p.28. Baguio City
  8. Maceda, J. (1988) Musikang Pangritwal ng mga Ibaloy (Mga Paminsanang Sulatin sa Pananaliksik sa Musika, no.1) pp. 1-14
  9. Talk: Ibaloi (2012 Enero 13) In Wikipedia. Retrieved from http://en.wikipedia.org/wiki/Talk%3AIbaloi
  10. Brett, J. P., (1992). Ibaloy customary law on land resources. Baguio City: Cordiller Studies Center, University of the Philippines College Baguio
  11. Alcantara, E. (1967) The Ibaloi Culture – 2 (Baguio Tech Journal v. 2, no. 1 Ja-My 1967) pp. 3-24
  12. Brett, J. P., (1988). Baguio. A multi-ethnic city and the development of the Ibaloy as an ethnic minority. Baguio City