Pumunta sa nilalaman

Ion

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Iono)

Ang ion o dagipik ay isang atomo o kalipunan ng atomo na may netong karga ng elektrisidad. Ang aniyon ang mga ion na may mas maraming elektron kaysa sa proton at may negatibong karga. Ang katyon ang mga ion na may mas maraming proton kaysa sa elektron at may positibong karga.

Mono-atomikong iono ang tawag sa ayong may iisang atomo at poli-atomikong iono kapag higit sa isa ang atomo nito. Ionisasyon ang tawag sa proseso ng pagbabago ng isang neutral na atomo upang maging isang ayon. Ang kalagayang ito ay tinatawag na ionisado. Rekombinasyon naman ang tawag kapag pinagsasama uli ang iono at elektrom upang makabuo ng isang neutral na atomo. Oxyanion ang tawag minsan sa mga polyatomic na anion na may oksiheno.

Isinusulat ang mga ayon sa paggamit ang superscript sa pormula nito kasama ang netong karga nito (positibo o negatibo) at ang bilang ng elektron na nawala o nakamit kung mahigit sa isa. Halimbawa: H+, SO32-.

Plasma ang tawag sa kalipunan ng mga ayong walang tubig o gas na naglalaman ng kargadong partikula na sinasabing ika-apat na katayuan ng materya dahil iba ang katangian nito sa solido, likido at gas.

Ang katagang ion ay likha ni Michael Faraday mula sa Griyegong ἰόν (ion), na pambalaking pahanunang pangkasalukuyan ng ἰέναι (ienai) na nangangahulugang "pumunta". Ang katyon ay isang bagay na papuntang pababa (Griyego: κάτω, kato, nangangahulugang "taas") at ang aniyon ay isang bagay na papuntang pataas (Griyego: ἄνω, ano, nangangahulugang "baba"). Tinatawag silang ganito dahil ang mga ion ay nauukit sa mga elektrodo na may kasalungat na karga.

Potensiyal ng ionisasyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang potensiyal ng ionisasyon o enerhiya ng ionisasyon ang tawag sa enerhiya na kinakailangan upang matanggal ang isang elektron mula sa kanyang pinakamababang estado ng enerhiya sa loob ng isang atomo o molekula ng isang gas na may mas mababang netong karga ng elektrisidad. Ang ika- n na bilang ng enerhiya ng ionisasyon ng isang atomo ay ang enerhiyang kailangan nito upang matanggal ang kanyang n bilang ng elektron matapos alisin ang unang n -1 na elektron.

Laging mas malaki ang enerhiya ng ionisasyon ng huli kaysa una at mas malaking enerhiya ang kailangan matapos maubos lahat ang elektron mula sa isang bloke ng ligirang atomika (atomic orbitals). Ito ang dahilan kung bakit ang iono ay nabubuo na isang buong bloke ng ligirang atomika upang maging mas panatag ito. Halimbawa, ang sodio ay may isang balenteng elektron sa kanyang pinakalabas na talukap kaya ito natatagpuang kulang ng isang elektron sa kanyang ionisadong porma bilang Na+. Sa kabilang ibayo ng peryodikong talaan, ang cloro (Cl) ay may pitong elektrong balente at kaya tumatanggap ng isa pang elektron sa kanyang ionisadong porma bilang Cl para pumanatag. Francio ang may pinakamababang enerhiya ng ionisasyon sa lahat ng mga elemento samantalang ang floro ang may pinakamataas.

Iba pang mga iono

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang dianion ay isang uri ng ayon na may dalawang negatibong karga. Pentalene na aromatiko (argolya) ay isang dianion. Ang zwitterion ay isang ayon na may netong serong karga ngunit may positibo at negatibong karga sa molekula nito.

Unang iminungkahi ni Michael Faraday noong 1830 ang iono upang ipaliwanag ang bahagi ng molekula na naglalakbay patungo sa anode o sa cathode. Subalit, ang mekanismo kung papaano ito nangyayari ay naipaliwanag lamang noong 1884 ni Svante August Arrhenius sa kanyang doctoral dissertation (pahayag pampantas) sa Unibersidad ng Uppsala. Hindi ito unang tinanggap ng mga siyentipiko ngunit nagawaran siya ng Premyo Nobel noong 1903 dahil dito.

Mahalaga sa buhay ang mga iono. May mahalagang papel ang iono ng sodio, potasiyo, kalsiyum at iba bang iono sa selula ng organismong buhay lalo na sa mga lamad-selula nito. Maraming praktikal na gamit sa araw-araw ang iono tulad ng smoke detector (paniktik ng usok) at kakaibang teknolohiya tulad ng ion engines at ion cannons.