Pumunta sa nilalaman

Ion

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Iyono)

Ang ion (bigkas: ayon) o dagipik ay isang atomo o kalipunan ng atomo na may netong karga ng koryente (elektrisidad). Aniono ang tawag sa mga ayong may negatibong kargada na nangangahulagang mas marami ang elektron (negatibong karga) nito sa kanyang talukap elektron kaysa sa proton (positibong karga) sa kanyang nukleyo at ito ay nabibighani sa anode. Ang kationo ito kapag kakaunti ang bilang ng elektron kaysa proton at nabibighani ito sa cathode. Mono-atomikong iono ang tawag sa ayong may iisang atomo at poli-atomikong iono kapag higit sa isa ang atomo nito. Ionisasyon ang tawag sa proseso ng pagbabago ng isang neutral na atomo upang maging isang ayon. Ang kalagayang ito ay tinatawag na ionisado. Rekombinasyon naman ang tawag kapag pinagsasama uli ang iono at elektrom upang makabuo ng isang neutral na atomo. Oxyanion ang tawag minsan sa mga poli-atomikong aniono na may oksiheno.

Isinusulat ang mga ayon sa paggamit ang superscript sa pormula nito kasama ang netong karga nito (positibo o negatibo) at ang bilang ng elektron na nawala o nakamit kung mahigit sa isa. Halimbawa: H+, SO32-.

Plasma ang tawag sa kalipunan ng mga ayong walang tubig o gas na naglalaman ng kargadong partikula na sinasabing ika-apat na katayuan (estado) ng materya dahil iba ang katangian nito sa solido, likido at gas.

Potensiyal ng ionisasyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang potensiyal ng ionisasyon o enerhiya ng ionisasyon ang tawag sa enerhiya na kinakailangan upang matanggal ang isang elektron mula sa kanyang pinakamababang estado ng enerhiya sa loob ng isang atomo o molekula ng isang gas na may mas mababang netong karga ng elektrisidad. Ang ika- n na bilang ng enerhiya ng ionisasyon ng isang atomo ay ang enerhiyang kailangan nito upang matanggal ang kanyang n bilang ng elektron matapos alisin ang unang n -1 na elektron.

Laging mas malaki ang enerhiya ng ionisasyon ng huli kaysa una at mas malaking enerhiya ang kailangan matapos maubos lahat ang elektron mula sa isang bloke ng ligirang atomika (atomic orbitals). Ito ang dahilan kung bakit ang iono ay nabubuo na isang buong bloke ng ligirang atomika upang maging mas panatag ito. Halimbawa, ang sodio ay may isang balenteng elektron sa kanyang pinakalabas na talukap kaya ito natatagpuang kulang ng isang elektron sa kanyang ionisadong porma bilang Na+. Sa kabilang ibayo ng peryodikong talaan, ang cloro (Cl) ay may pitong elektrong balente at kaya tumatanggap ng isa pang elektron sa kanyang ionisadong porma bilang Cl para pumanatag. Francio ang may pinakamababang enerhiya ng ionisasyon sa lahat ng mga elemento samantalang ang floro ang may pinakamataas.

Iba pang mga iono

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang dianion ay isang uri ng ayon na may dalawang negatibong karga. Pentalene na aromatiko (argolya) ay isang dianion. Ang zwitterion ay isang ayon na may netong serong karga ngunit may positibo at negatibong karga sa molekula nito.

Unang iminungkahi ni Michael Faraday noong 1830 ang iono upang ipaliwanag ang bahagi ng molekula na naglalakbay patungo sa anode o sa cathode. Subalit, ang mekanismo kung papaano ito nangyayari ay naipaliwanag lamang noong 1884 ni Svante August Arrhenius sa kanyang doctoral dissertation (pahayag pampantas) sa Unibersidad ng Uppsala. Hindi ito unang tinanggap ng mga siyentipiko ngunit nagawaran siya ng Premyo Nobel noong 1903 dahil dito.

Ang katagang iono ay pangalang ibinigay ni Michael Faraday, mula sa Griyegoἰόν, na pangkasalukuyan ng ἰέναι, "humayo; maglakbay", na kaya "isang manlalakbay". Kaya ang aniono, ἀνιόν, at kationo, κατιόν, ay may kahulugang "(isang bagay) na naglalakbay pataas" at "(isang bagay) na naglalakbay pababa"; at ang anode, ἄνοδος, at cathode, κάθοδος, ay may kahulugang "isang landas pataas" at "isang landas pababa", bawat nabanggit, mula sa ὁδός, "landas," o "daan."

Mahalaga sa buhay ang mga iono. May mahalagang papel ang iono ng sodio, potasiyo, kalsiyum at iba bang iono sa selula ng organismong buhay lalo na sa mga lamad-selula nito. Maraming praktikal na gamit sa araw-araw ang iono tulad ng smoke detector (paniktik ng usok) at kakaibang teknolohiya tulad ng ion engines at ion cannons.